Hindi interesado si Jun Wu Xie na pakinggan ang lalaki noon. Ngunit ang lahat ng sinabi nito ay malinaw niya pang natatandaan.
Nagkakaroon ng kumunoy dahil sa mayroong nabuong tubig sa ilalim ng buhangin.
Kapag mag-eevaporate ang tubig na iyon mula sa buhangin, doon na magkakaroon ng kumunoy.
Tumitig si Jun Wu Xie sa dagat ng buhangin at maya-maya ay may inilabas siyang bote mula sa kaniyang Cosmos Sack. Naintriga naman si Qiao Chu sa nilalaman ng boteng iyon at hindi niya alam kung aanhin iyon ni Jun Wu Xie. Noong magsiga sila ay ginagamit iyon ni Jun Wu Xie sa mga kahoy para madaling umapoy ang mga ito.
Tahimik na ipinatak ni Jun Wu Xie ang laman ng bote sa buhangin saka sila tinawag.
Habang nagtataka pa rin ang grupo sa ginawa ni Jun Wu Xie, nagbato siya ng kahoy na may apoy sa buhangin.
'Roar!'
Isang malakas na alulong ang gumulat sa kanilang lahat!
Isang matingkad na pulang apoy ang sumasayaw sa gitna ng malawak na buhangin. Para itong dragon fire na nag-iikot sa disyerto.
Mas lalo pang nag-init ang temperatura. Kahit na umatras na sila Qiao Chu ng ilang hakbang, nararamdaman pa rin nila ang mahapding init. Animo'y pinapakuluan sila sa isang malaking kawa, kinailangan pa nilang gamitin ang kanilang spirit power para maging panangga kahit paano sa init na iyon.
"Little Xie, anong ginagawa mo?" Tanong ni Qiao Chu. Pinapaypay nito ang kaniyang kamay sa sarili sa pagnanais na kahit paano ay maibsan ang init na nadarama. Para na nga siyang nililitson kaya bakit mas pagbabagahin pa ni Little Xie?!
Hindi naman ito pinansin ni Jun Wu Xie sa halip ay tumitig sa kumunoy na ngayon ay nag-aapoy na.
Iyon ay isang kemikal na ginawa niya para mabilis na makagawa ng apoy. Hindi niya akalaing may malaking maitutulong pala iyon sa kaniya.
Nang tuluyan na ngang matupok ng apoy ang buhangin, agad na naglaho na ang apoy at naibsan na rin ang init na dulot noon. Gulo-gulo ang porma ng buhangin kung titignan sa malayo.
"Kilos!" Bulalas ni Jun Wu Xie na nagpatiuna nang tumapak sa disyerto.
Ang nakakagulat ay hindi na lumubog ang kaniyang paa sa buhangin. Gayong malambot pa rin ngunit hindi katulad noong una niyang tapak.
Gulat na gulat nanaman si Qiao Chu dahil sa nangyari. Paanong nagawa iyon ni Jun Wu Xie?
Sa katunayan, hindi tuluyang naubos ni Jun Wu Xie ang tubig sa ilalim ng buhangin kaya naman mayroon lang silang sapat na oras para makatawid.
Hindi tumigil sa paglalakad si Jun Wu Xie kahit sandali. Hindi nito hinayaang mas lumalim pa ang bawat tapak niya sa kumunoy.
Bukod sa init ng panahon sa lugar na iyon, mas lalo pang dumagdag ang init na kanilang nadarama dahil tumatagos sa kanilang sapatos ang init ng buhangin. Kahit pa na ginagamit nila ang kanilang spirit power bilang panangga sa init, hindi pa rin iyon sapat para tuluyang mawala ang nakakapasong init ng buhangin. Ang kanilang pakiramdam ay para silang nagbabagang uling sa gitna ng disyerto!