Hindi pinansin ni Fei Yan si Qiao Chu at nagpatuloy sa pagpisil sa kaniyang ilong. Kumuha siya ng damit ni Qiao Chu at ipinahid iyon sa dugo sa kaniyang ilong.
Nang makita ni Qiao Chu ang matingkad na kulay ng dugo, agad itong pumutok sa galit!
"Hoy! Bitawan mo ang damit ko! Kung may problema ka sakin, ako ang harapin mo ng diretso!" Saad ni Qiao Chu habang inaabot ang kamay ni Fei Yan na may hawak sa damit.
Sa loob-loob ni Qiao Chu animo'y naghihinagpis na ito…
Sa gitna ng kaguluhang iyon, dahan-dahang pumasok si Rong Ruo sa loob ng silid. Agad niyang nakita na nag-aaway si Qiao Chu at Fei Yan. Walang bakas ng pagkahiya o pagkailang sa mukha ng babae.
Sa halip, si Fei Yan ang pinamulahan ng mukha nang kaniyang makita si Rong Ruo sa silid. Hindi ito makatingin ng diretso sa huli.
Si Rong Ruo naman ay dire-diretsong umupo sa pinakamalapit na upuan.
"Kakarating mo lang?" Tanong ni Rong Ruo na nakatingin kay Jun Wu Xie.
Tumango si Rong Ruo.
"Magpahinga ka muna. Pag-uusapan natin ang lahat dito mamayang gabi." Nakangiting saad ni Rong Ruo.
"Sige." Hindi nagmamadali si Jun Wu Xie. Ngayong andito na siya sa Condor Country at mukha namang maayos ang reaksyon nina Rong Ruo, siguro ay maayos ang kalagayan dito.
Bumalik na si Jun Wu Xie sa silid na nakatalaga sa kaniya. Nakatingin si Hua Yao at Fan Zhuo kay Qiao Chu na humihikbi habang hawak ang kaniyang damit na namantsahan ng dugo. Pagkatapos ay sunod nilang tinignan si Fei Yan na parang wala sa katinuan. Pinili na lang manahimik ng dalawa ngunit parang nag-uusap sila sa kanilang mga titig sa bawat isa.
Kakalabas lang din ni Rong Ruo sa silid nang sundan siya ni Fei Yan.
"Little Ruo!"
Tumigil sa paglalakad si Rong Ruo at tumingin sa kaniyang likuran. Nasalubong ng kaniyang tingin ang pulang-pulang mukha ni Fei Yan. Nakatayo ito doon at nakasuot ng pambabaeng damit. Sa mata ng lahat isa itong magandang dilag.
"A---" Walang lumabas na salita sa bibig ni Fei Yan. Tila nanuyo ang lalamunan nito.
Nanatiling nakatingin lang dito si Fei Yan.
"Kanina, walang nangyari. Wala lang iyon, huwag mo sanang masyadong isipin." Basag ni Rong Ruo sa katahimikan saka ngumiti.
Natigilan si Fei Yan. Hindi niya akalaing isasantabi na lang iyon ni Rong Ruo. Silang dalawa ay sabay na pinili ni Yan Bu Gui at dinala sa Phoenix Academy. Si Hua Yao naman at Qiao Chu ay madalas na wala para gawin ang mga inatas sa kanilang misyon. Ganito na si Rong Ruo noon pa man, laging kalmado at malumanay, ni minsan ay hindi niya pa ito nakitang galit.
Akmang aalis na si Rong Ruo matapos nitong magsalita ngunit napuno ng pagpapanic ang puso ni Fei Yan!
"Pananagutan ko!"
Para namang nabato si Rong Ruo sa kaniyang kinatatayuan. Hindi niya man lang magawang lumingon. Hindi niya mapaniwalaan ang kaniyang narinig.
"Pa...pananagutan ko. Pagkatapos nating gawin ang misyon natin para sating mga pamilya, pa...papakakasalan...kita…" Humugot ng lakas ng loob si Fei Yan para matapos niya ang sinabi niyang iyon. Hindi na nito hinintay na makasagot si Rong Ruo, agad itong tumakbo paalis. Naiwan naman si Rong Ruo na nanigas na sa kinatatayuan.
Hindi maproseso ng babae ang sinabing iyon ni Fei Yan. Sa isip niya ay nabaliw na siguro ito.
[Pakasalan siya?]
[Pero…]
Hindi mailarawan ang ekspresyon sa mukha ni Rong Ruo sa mga oras na iyon. Nakakunot ang kaniyang noo habang nakatingin sa papalayong likod ni Fei Yan.
"Anong gagawin ko?" Bulong ni Rong Ruo sa kaniyang sarili.
Hindi naman talaga kailangang panagutan iyon ni Fei Yan.