Ang kunehong may malaking tainga ay hindi man lang magawang gumanti at ito ay lumipad sa
isang hagip ng kamay ng tigre. Ang matalim na mga kuko ng mabangis na tigre ay nag-iwan ng
apat na malalim na hiwa na sapat lamang upang malantad ang buto sa katawan ng kuneho.
Ang nanginginig na katawan ng kuneho ay nahulog at gumulong sa dulo ng battle stage, ang
dugo nito ay nag-iwan ng bakas ng sariwang pulang dugo sa landas nito.
Kumawala ang isang nakakaawang daing, ang sakit na pumupunit sa katawan nito ay nagdulot
dito na manginig ng marahas. ang puno ng takot na mga mata nito ay nilingon ang binata na
nakatayo sa labas ng battle arena, nagsusumamo ang bilugan at mangiyak-ngiyak nitong mga
mata at isang impit na tawag ang kumawala sa munting bibig nito, tila nagmamakaawa ito sa
kaniyang tagapag-alaga na isalba siya.
Nasusuklam na tumingin dito ang binata, tinitigan niya ang walang kalaban-laban na kuneho at
wala ni katiting na awa o dalamhati sa mga mata nito, tanging paghamak at dismaya lamang.
Tinalikuran niya ang kuneho at nagpatuloy sa pakikipagkwentuhan sa kaniyang mga kasama na
katabi niya na tila walang nangyari, walang mababakas na pag-aalala na ang kaniyang Spirit
Beast ay walang awang pinapahirapan sa battle arena stage, na ang buhay nito ay nasa bingit
ng kamatayan.
Ang kuneho ay nawalan ng pag-asa, hindi niya maintindihan kung bakit tumanggi ang kaniyang
tagapag-alaga na isalba siya. Muli siyang umiyak ng paulit-ulit ngunit ang tagapag-alaga niya ay
hindi man lang lumingo dito maski isang beses.
Ang mabangis na tigre ay tila isang napakalakas na mananakop, dahan-dahang naglalakad
upang tumayo sa likod ng kuneho, ang malapad na katawan ay gumawa ng isang anino na
tuluyang lumukob sa kuneho.
"Rawr!" ang mabangis na tigre ay ibinuka ng malaki ang kaniyang panga at ang pangil ay
malalim na bumaon sa kuneho, hinawakan niya iyon gamit ang bibig. Maya-maya pa'y
marahas niyang inalog ang ulo at hinagis sa ere ang kuneho!
Sumabog ang pulang dugo habang ang munting katawan nito ay tumilapon sa dulo ng arena at
malakas na bumagsak sa ibaba ng entablado, isang maliwanag na kulay pula ang kumalat sa
ilalim ng munti nitong katawan na nakahiga sa lupa. Ang buong katawan nito ay nababalutan
na ng dugo at huminto na rin ang panginginig. Isang mahina at malamlam na pagtaas at
pagbaba mula sa dibdib nito ay makikita pa rin ngunit ang malaking bahagi ng kaniyang tiyan,
likod at tainga ay napunit at nawasak ng matalim na pangil ng mabangis na tigre. Ang dugo ay
patuloy na umagos sa lupa at mula sa malalaking sugat ay malinaw na makikita ang buto at
lamang-loob ng kuneho.
Ang binata ay nagtapon ng isang malamig at walang pakiramdam na sulyap sa munting
katawan at nang ihayag na ang nanalo ay ang mabangis na tigre ay ngumisi ito at dismayang
dumura sa unti-unting nanghihina na kuneho bago tumalikod upang umalis doon kasabay ang
kaniyang mga kasama.
Ngunit sa puntong iyon ng siya ay tumalikod, bigla niyang nakita ang isang bata na nakatayo sa
kaniyang harapan, napakalamig ng titig nito sa kaniya na labis na ikinagulat nito.
"Nais mo pa ba siyang kunin?" ang tono ng boses ni Jun Wu Xie ay napakalamig, ang sulyap
nito ay nasa kuneho na huminto na sa paghinga.
Pumalatak ang binata at kakaibang tumingin sa hindi nakikilalang binata sa kaniyang harapan
at sinabi: "Gusto ang alin? Patay na yan."
Walang sigla at walang bahid ng malasakit na boses na tila ang tinutukoy nito ay isang basura
lamang na itatapon na.
Naningkit ang mata ni Jun Wu Xie. Kapag ang isang Spirit Beast ay namatay o kaya naman ay
labis na napinsala para gamutin, ang nagmamay-ari dito ay pinahihintulutan na talikdan ito.
Para sa mata ng lahat, ang mga tinamong pinsala ng kuneho ay ikamamatay na nito sa mga
sandaling iyon. Naniniwala ang lahat na hindi na maisasalba ang Spirit Beast na magtatamo ng
ganoon katinding pinsala.
Kahit na sinabi iyon ng binata sa walang puso na paraan, wala sinuman doon ang pagsasabihan
ito.
Hindi na inabala pa ni Jun Wu Xie ang sarili sa binata at sa halip ay nagpunta patungo sa tabi ng
kuneho, dahan-dahan at maingat na maingat na binuhat ang munting nilalang mula sa lawa ng
dugo.
Nagtatakang tinitigan ng binata ang ginawa ni Jun Xie. Hindi niya maintindihan kung bakit ang
kakaibang binata na iyon ay nagpakita ng matinding interes sa kuneho na halos nasa bingit na
ng kamatayan, hindi alintana ang nagkalat na dugo at sa halip ay binubuhat ito.
Inisip ng binata na si Jun Xie ay isang baliw o kaya ay isang tanga.
Muli nitong sinulyapan si Jun Xie at naglakad na palayo sa Spirit Beast Arena kasama ang mga
kasamahan nito.