Iyon ang amoy na kay Jun Wu Xie niya lang naaamoy.
Sa hindi malamang dahilan, dahil iyon ay amoy ni Jun Wu Xie, nagustuhan iyon ni Jun Wu Yao.
Umiling si Jun Wu Xie, pagkatapos ay tumango.
Hindi ang elixir ang kailangan niya, pero iyon ang kailangan niyang gawin.
Ang ituring si Yan Bu Gui na Master ay sarili niyang desisyon. Kahit na hindi siya namalagi ng matagal sa Phoenix Academy, at wala siyang gaanong interaksyon kay Yan Bu Gui, itinuring na niya sa kaniyang puso na Master ang lalaki. Bilang disipulo, kailangan niya ring isipin ang mga pinag-aalala ng kaniyang Master.
Malaking tulong sa kaniya ang pag regalo ni Yan Bu Gui ng Heaven's Flask at Cosmos Sack.
Kapag pinakitaan siya ng kabaitan ng isang tao, hindi man niya sabihin sa salita ang kaniyang pasasalamat, pero ipinapakita niya iyon sa gawa.
Naaliw naman si Jun Wu Yao sa magulong sagot sa kaniya ni Jun Wu Xie. Naalala niya noong una niya itong makita, para itong kuting sa isang tabi, malayo ito sa mga tao at malamig ang titig sa kaniya. At tuwing lalapit siya dito ay ilalabas nito ang kaniyang mga kukong handang mangalmot.
At ngayon, naging palagay na nga ang loob nila sa isa't-isa kahit paano.
Ang ugali ng kaniyang munting prinsesa ay unti-unting lumalambot sa kaniya at labis niya iyong ikinatuwa. Minamadali niya ang mga bagay na dapat niyang gawin araw-araw para lang makasama agad si Jun Wu Xie.
Kapag dumating ang araw na tuluyan na ngang maging palagay ang loob sa kaniya ng kaniyang munting prinsesa, wala siyang pakialam doon kahit pa mahihirapan siya.
Nagsisiksikan na ang mga tao habang naglalakad,dahilan para mas lalong magkadikit si Jun Wu Xie kay Jun Wu Yao. At dahil sa maliit ang katawan ni Jun Wu Xie, para na siyang yakap ni Jun Wu Yao. Lumapad naman ang ngiti sa mga labi ni Jun Wu Yao, inilapit niya pa lalo si Jun Wu Xie sa kaniya at niyakap pa ito lalo upang maprotektahan sa pagkaipit sa mga tao. Nung una ay gusto sana niyang gamitin ang kaniyang kapangyarihan para ilayo ang mga tao at mabigyan sila ng daan, ngunit hindi na niya iyon ginawa dahil sa masayang dulot ng pagkakalapit ni Jun Wu Xie sa kaniya. Nagpatuloy pa sila sa pakikipagsiksikan patungo sa Flame Spirit Auction House.
At sa wakas ay narating na nga nila ang Flame Spirit Auction House at hindi naiwasan ni Jun Wu Xie na ikumpara iyon sa Chan Lin Auction House. Di hamak na mas malaki ang Auction House na nasa harap niya ngayon kumpara sa Chan Lin Auction House.
Kung titignan niya ang lapad nito, mas malaki ito ng sampung beses kaysa sa Chan Lin Auction House. Sa entrance nito ay makikita ang mga kabataang nakasuot ng uniporme ng iba't-ibang academy at papasok sa loob ng Flame Spirit Auction House.
Ang mga kabataang naparito para makipagtunggali sa Spirit Battle Tournament ay taas noong isinuot ang uniporme ng kanilang Academy dahil alam nilang maraming mga grupo ang naririto para mag recruit ng mga tauhan. Kahit na alam nilang wala silang tsansang mapabilang sa top ten sa pagtatapos ng kompetisyon, umaasa pa rin silang sila ay mapapansin ng mga grupong naririto at sila ay ma-recruit.
Hindi suot ni Jun Wu Xie ang uniporme ng Zephyr Academy at kaswal lang ang kasuotan nito. Hindi siya nangibabaw sa gitna ng mga kabataang ito kahit na siya ay may nakakaakit na itsura. Idagdag pang maliit siya, natatabunan siya ng mga taong mas matatangkad sa kaniya.
Ngunit simula nang umalis si Jun Wu Xie sa inn ay pinagtitinginan na siya ng mga tao hanggang sa makarating siya sa Flame Spirit Auction House. Kinilatis siya ng mga ito simula ulo hanggang paa pero hindi naakit sa kaniya ang mga iyon dahil...