Tumatawa namang sumagot si Ning Xin: "Kung mapapagtagumpayan natin silang maakay ay nakadepende pa rin sa kanila. Kung nagpakita ang mga ito ng kabaitan at pagtangggap saatin, malamang ay hindi ako tatanggap ng kabayaran pagkarating natin sa Spirit Moon Lake. Hindi ba ay mas maganda ang iiwang impresyon non kaysa sa pumayag lang tayong samahan sila sa kanilang destinasyon ng walang dahilan?"
Para mahikayat at maakay ang isang tao, hindi ka dapat magsimula sa pagpapababa ng paninindigan. Alam ni Ning Xin na kailangan niyang itaas ang kaniyang estado at halaga sa harap ng mga lalaking ito.
Hindi lubos na naunawaan ni Lu Wei Jie ang ibig sabihing iyon ni Ning Xin, ngunit naramdaman niyang maaaring tama nga ang sinabi nitong iyon.
Habang umaabante ang grupo, isang madilim na anino ang nakatayo sa mga puno. Nagpakawala ito ng itim na ahas sa mga tuyong damo at gumapang ito sa ilalim non. Agad na naglaho ang maliit na katawan ng ahas na iyon ng walang iniiwang bakas.
...
Nakahanap ang grupo ni Jun Wu Xie ng mapagkukunan ng tubig. Nilinisan nina Qiao Chu ang dugo sa kanilang mga katawan at pagkatapos ay naupo sa ilalim ng puno.
Makalipas ang ilang saglit, biglang lumitaw si Ye Sha sa kanilang harapan. Agad namang napatayo sina Qiao Chu.
"Matagumpay kong nahanap ang inyong pinag-utos." Pagbabalita ni Ye Sha. Nakaluhod ang isa nitong tuhod at nakayuko.
"Ilan sila lahat?" Tanong ni Jun Wu Xie.
"Dalawampu't pito, bukod doon, sila ay sumama sa isang grupong hindi kabilang sa Zephyr Academy at ngayon ay patungo sila saa Spirit Moon Lake." Sagot naman ni Ye Sha.
Sumama sa grupo ng mga taong hindi taga-Zephyr Academy?
Ikinagulat nilang lahat ang balitang dala ni Ye Sha sa kanila.
"Mayroon pa ba silang binabalak? O nanghingi na sila ng tulong sa mga taga-labas?" Hinimas-himas ni Qiao Chu ang kaniyang baba. Hindi niya pa nakikita si Ning Xin at Yin Yan, ngunit sa kaniyang isipan, nabuo na ang mga itsura nitong masamang nakangiti.
Magsasalita sana si Fan Jin ngunit matapos ang akusasyong iyon ni Qiao Chu, nanahimik na lang siya at nanghihinang umupo.
Napansin naman iyon ni Fei Yan kaya naman mahina nitong sinuntok si Qiao Chu. Nilabas ni Qiao Chu ang kaniyang dila at tumingin ito kay Fei Yan na parang nanghihingi ng paumanhin.
"Spirit Moon Lake? Para saan?" Inignora ni Jun Wu Xie ang opinyon ni Qiao Chu at nagtanong muli.
"Ang grupong iyon ay mukhang kailangang tumungo sa Spirit Moon Lake para maghanap ng halamang-gamot. Pumayag si Ning Xin na samahan ang mga ito kapalit ng spirit stones galing sa limang mataas na uri ng Spirit Beasts." Sagot naman ni Ye Sha.
"Limang mataas na uri ng Spirit Beasts?! Wala talagang awa ang Ning Xin na iyon!" Gulat na gulat si Qiao Chu. Alam nila kung magkano lang ang bayad sa paggabay sa isang tao sa paroroonan nito.
Yumuko si Fan Jin at hindi niya na gustong tumingin sa kahit kanino sa mga ito.
"Nalaman mo ba ang pagkakakilanlan sa mga lalaking iyon?" Tanong ni Jun Wu Xie habang hawak ang itim na pusa. Pinangako niya kay Fan Jin na hindi niya gagalawin sina Ning Xin at Yin Yan, kung susubukan siya ng mga ito, wala siyang pakialam kung mamatay o mabubuhay ang dalawang iyon.
Nagalanganin si Ye Sha bago nagsalita: "Ang ilan sa mga lalaki ay kasama sa ala-alang binigay saakin ni Master Wu Yao."
"Alaalang binigay sa'yo?" Muli pang tanong ni Jun Wu Xie. Nakakunot ang noo nito.
"Mga alaala ni Ye Sha."
"..." Unti-unting natatakot sina Qiao Chu sa pinatutunguhan ng usapan ni Jun Xie at Ye Sha.
"Alin doon?" Walang gaanong ideya ang pumapasok sa isip ni Jun Wu Xie. Ang alaala ng naunang Ye Sha ay inilipat sa kasalukuyang Ye Sha gamit ang kakaibang pamamaraan na ginawa ni Jun Wu Yao.
Nag-angat ng ulo si Ye Sha at sumagot: "Isa sa kanila ay galing sa Rui Lin Army, General Long Qi, ang isa ay si Rong Heng na galing sa Cloud Treading Peak. At sa iba naman, ang tanging alam ko lang ay, sila ay galing sa Rui Lin Army at Cloud Treading Peak, ngunit hindi ko alam ang kanilang mga pangalan.
Matapos na sabihin iyon ni Ye Sha, ang kamay ni Jun Wu Xie na humahaplos sa itim na pusa ay biglang nanigas!