Namutla ang mukha ni Gao Xiong. Wala nang lilinaw pa sa mga sinabi nito. Iginiit ni Ke Cang Ju na hindi siya aalis dito ng walang dalang Ash Cloud disciples. Nawala na si Jiang Chen Qing na pumoprotekta sa Ash Cloud Peak. Kapag sumalungat siya sa gusto ni Ke Cang Ju ay siya naman ang mapapahamak!
"Dito....dito ang daan, Elder Ke." Tinibayan ni Gao Xiong ang kaniyang puso ng kaniya iyong sabihin.
Tumango naman si Hua Yao at pinangunahan sina Jun Wu Xie at Qiao Chu sa Ash Cloud Peak.
Nakuha nilang tatlo ang atensyon ng mga disipulo ng Ash Cloud Peak. Ilang sandali lang ay inilahad na ni Gao Xiong ang layon ng kanilang pagparito at agad namang kumalat ang balitang iyon.
Sa oras na iyon, ang mga naguguluhang mukha ay napalitan ng takot. Alam nila ang kahihinatnan ng "pagpiling" iyon at ang tunay na intensyon ni Ke Cang Ju.
Kapag sila ay napili at dinala sa Hidden Cloud Peak, dadanasin nila ang malubhang parusa.
Tahimik na nagdasal ang bawat disipulo at hinihiling na sana ay hindi sila mapili ni Elder Ke.
Sumunod naman si Qiao Chu kay Hua Yao, ang mga ekspresyon sa mga mukha ng mga disipulo ay parang mga hayop na kakatayin.
"Bakit pakiramdam ko ay napakasama ko?" Tanong ni Qiao Chu habang kinukusot ang kaniyang ilong.
"Kung bibigyan mo sila ng tsansang maghiganti, sila ang magiging masama. Kaya ka naaawa sa kanila ay dahil alam mong nakakalamang tayo at wala silang magagawa kundi ang sumunod sa ating gusto. Kung hindi dahil sa katalinuhan ni Jun Wu Xie, tayo ang nasa posisyon nila, tayo ang magiging biktima." Hindi man lang nakonsensiya si Hua Yao kahit kaunti. Nauna siyang naparito sa Qing Yun Clan kaysa kay Qiao Chu. At sa loob ng kalahating buwan na 'yon natuklasan niya ang masamang ugali at tusong angkan.
Ang mga kaawa-awang mga disipulo sa kanilang harapan ngayon ay dating mayayabang at mapagmataas.
May village sa ilalim ng Cloudy Peak noon, ngunit ngayon, ay naglahong parang bula ang mga villager. Saan sila nagpunta? Bakit sila lahat nawala?
Lahat ng tao sa Cloudy Peak ay may alam tungkol dito.
"Tama ka. Kung ganon nga ang kaso, mas gugustuhin ko na lang maging masama kaysa maging biktima ng mga totoong tuso at unahan tayo sa pag-atake." Natatawang tugon ni Qiao Chu.
Maawa sa Qing Yun Clan?
Kalokohan. Ni hindi nga naawa ang mga disipulo ng Hidden Cloud Peak sa mga bagong pasok buwan-buwan at lahat ng iyon ay pinahirapan ni Ke Cang Ju hanggang sa ang mga ito ay mamatay. Bagkus ay nakisali pa sila sa pagpapahirap sa mga ito.
Nawalan na ng kunsenya ang mga disipulo ng Qing Yun Clan.
Sa buong Qing Yun Clan, ang mga may natitirang pang konsensya ay pinatay ng angkan na ito.
Pabulong na nag-uusap si Hua Yao at Qiao Chu at tahimik naman silang tinitignan ni Jun Wu Xie. Naririnig niya ang pinag-uusapan ng mga ito at napaangat na lang siya ng kilay sa dalawa.
Mas bata ng kaunti ang mga ito kay Mo Qian Yuan ngunit mukhang mas may-gulang pang mag-isip ang mga ito kaysa kay Mo Qian Yuan.
Ang kaniyang mga bagong kakampi ay hindi mahirap pakitunguhan.
Halos kalahating araw silang naglibot sa Ash Cloud Peak at halos ikabaliw iyon ng mga disipulo doon hanggang sila ay may mapiling dalawang disipulo sa mga ito.
Napaluhod ang dalawang napili at tinakasan ng kulay ang mga mukha nito. Nagsimulang tumulo ang mga luho sa mga mata nito. Nakikiusap ang mga mata nito kay Gao Xiong na nakatayo sa isang tabi. Para namang pinipiga ang puso ni Gao Xiong sa oras na iyon.
Si Gao Xiong ang pinakamatagal na disipulo kay Jiang Chen Qing at wala siyang awtoridad o labanan ang utos ni Ke Cang Ju. Idagdag pa ang pagkawala ng proteksyon galing kay Jiang Chen Qing. Walang magawa si Gao Xiong kundi ang iwasan ang mga nagmamakaawang mata ng dalawang disipulo at pinanatili ang matikas na anyo nang makita niya ang pag-alis ni Ke Cang Ju sa Ash Cloud Peak.