Buwan ng Mayo nang ipasa niya ang kanyang dalawang manuscript sa pa-call for submission ng isang kilalang publishing company sa bansa, ang Pagsibol Publishing Incorporated. Hesitate pa siya na magpasa noon sa takot na baka ma-reject na naman siya pero pinili niya ang sumugal. Dahil naisip niyang sayang nga naman ang pagkakataon kung palalampasin niya. Bihira lang din ang mga pa-call for submission na ganoon lalo pa't sa isang anthology ay iba-iba ang genre na nakapaloob.
Hindi na rin kailangan na mayroon kang malaking fan base para matanggap ang akda mo. Tanging tiwala sa sarili at panulat ang kailangan.
At dahil wala rin namang hinihingi na theme sa call for submission na iyon ay hindi na niya kailangan pang mag-isip ng bagong susulatin dahil may ilan na siyang naisulat noon na ngayon nga ay naka-publish sa isang sikat na writing platform.
Natatandaan din niya na sa mismong araw ng deadline niya ipinasa ang kanyang entries at sa araw ding iyon siya nag-edit kahit alam niyang ilang ulit na rin niyang na-edit iyon noon. Wala rin yatang sandali na dinadalaw niya ang FB page na nakapangalan sa mismong book anthology na iyon upang alamin lang kung may update na ba. Kung umuusad ba ang mga editor sa pagbabasa ng entries ng mga lumahok.
Napaawang ang labi niya nang makita sa announcement na mahigit 600 ang mga manuscript na natanggap ng company para sa kanilang pa-call for submission, buwan na noon ng Agosto. Kaya humihingi ang mga ito ng paumanhin kung masyadong matagal ang pagdating ng mga feedback.
Hindi siya makapaniwala na ganoon kadami ang mga entry. Kung sabagay, walang writer na hindi pinangarap na maging parte ng pamilya ng isa sa sikat na publishing company sa bansa. At ang ibig sabihin lang din niyon ay marami-rami ang kailangang basahin at salain. At hindi niya mapigilang makaramdam ng kaunting pag-aalala para sa manuscripts niya.
Alam niyang maraming mahuhusay na writer. At ang ilan nga roon ay sumasali pa ng mga wricon sa iba't ibang patimpalak sa social media. Ang iba ay nananalo at napapasali sa top 10. Ang ilan ay subok na. Pero ayaw pa rin niyang panghinaan ng loob. Umaasa at umaasam siya na may pag-asa sa sarili niyang panulat.
Tandang-tanda pa niya ang unang beses na sumali naman siya sa isang writing contest mula sa isa ring kilalang publishing company sa bansa na nag-pu-publish naman ng mga romantic novel, ang Read Your Romance Publishing Corporation.
Simula nang makita niya ang announcement ng kompanya na iyon na magsasagawa sila ng writing contest para sa kanilang darating na anibersaryo ay nagkainteres siyang lumahok. Pero ang interes niya ay naglalaho sa tuwing hinaharangan siya ng sariling takot at mga sandamakmak na negatibong isipin.
Natatakot siyang ma-reject. Naiisip niyang baka matulad lang din ang pagsali niya sa ilang na-reject niyang manuscript mula sa iba't ibang publishing na pinagpasahan niya noon. Natatakot siyang muling matalo dahil pakiramdam niya ay lalo lamang ipinamumukha ng bawat rejection sa kanya na isa siyang talunan. Na wala siyang karapatan na makuha ang matagal na niyang nais maabot. Lalo pa sa tuwing naiisip niyang ang magiging mga hurado ay mismong editor at ilan sa kilalang published writer ng naturang publishing company.
"Ano? Nakapag-isip ka na ba?"
Napalingon siya sa best friend niya na kasalukuyang kumakain ng ice cream, nasa parke sila ng mga oras na iyon. Makulimlim ang hapon at bahagyang umiihip ang panghapon na hangin. Nadirinig din sa paligid ang mga tinig ng nagkakasiyahang mga bata habang naglalaro.
"Sa alin?"
Natigil ito sa ginagawa at dumapo ang almond eyes sa kanya.
Mukha itong koreana dahil sa mga mata nito bukod pa sa mestiza at makinis nitong balat. At sa ganda at tindig nito ay ilang beses na rin itong tumanggap ng offer pagdating sa modelling. At madalas ay sinasamahan niya ito sa mga raket nito.
Hindi naman ito tumatanggap ng masyadong sexy at revealing na project dahil sabi nga nito ay masyado pa itong bata para sa ganoon. At sa mga beauty contest lang daw ito mag-to-two piece na siyang sarcastic na ikinangisi niya noon. Mula pa noong mga bata pa sila ay suki na rin talaga si Ashley sa mga beauty pageant.
"Sa sasalihan mong writing contest!"
Napanguso si Lorenzo matapos ilayo ang tingin sa kababata at matalik na kaibigan.
"Hindi pa." sambit niya habang nilalaro ng mga daliri ang isa't isa.
"Bakit? Kasi iniisip mo na naman na baka ma-reject ka?" dagdag nito at ipinagpatuloy ang pagkain sa hawak na ice cream.
Napahinga ang binata. Alam na alam talaga nito ang dahilan ng mga pagdadalawang-isip niya pagdating sa bagay na gusto niya.
"Alam mo bukod sa ang pangit mo," marahas na nilingon ni Enzo si Ashley at sinamaan nang tingin. Ang diin pa ng pagkakabigkas nito sa salitang 'pangit'. "Ang pangit mo rin mag-isip. Palagi ka na lang negative thinker eh. Ang sarap mong tuktukan!" nanggigigil at nakabusangot na ring wika ng dalaga matapos umismid.
Humugot nang malalim na paghinga si Enzo. Sanay na siyang tawagin nitong pangit lalo na kapag na-ba-badtrip ito sa kanya dahil sa uri ng mindset na mayroon siya pagdating sa pangarap niya.
Tama nga naman ito. Madalas siyang mag-isip ng mga pangit na bagay at iyon nga ang pangit din sa kanya. At hindi niya ikakaila na iyon din ang isa sa pinakaayaw niya sa sariling ugali lalo na kapag usapang pangarap.
Magkaibang-magkaiba sila ni Ashley. Kung ito ay puro positibo ang pananaw sa mga bagay na gustong gawin at mangyari siya naman ang kabaliktaran nito.
"Kailan ang deadline no'ng contest?" anito bago kagatin ang apa.
Ramdam ni Lorenzo ang gigil at inis sa boses nito ng itanong iyon sa kanya.
Kumibot ang kanyang labi.
"Bukas ng tanghali."
"May naisulat ka na?"
"'Tapos ko na,"
"O ba't 'di mo pa ipasa? Paaabutin mo pa bukas o sa pasko?" sarcastic nitong hayag. "Huwag mo nga akong daanin sa buntong-hininga at lalo akong naiinis sa 'yo! Sarap mong bigwasan eh!"
"Minsan iniisip kong mas lalaki ka pa sa akin." wika niya habang nakatanaw sa malayo.
"Aba't…"
Nakaguhit ang nang-uuyam na ngisi sa kanyang labi nang lingonin niya si Ashley na nakaupo sa armrest ng bench. Inambahan naman siya ng suntok ng dalaga habang tiim ang hugis-puso na labi.
Nag-iwas ng kanyang tingin si Enzo. Nagpakawala nang hangin sa bibig at napatunghay sa magaspang na semento. Mayamaya ay naramdaman niya ang medyo marahas na pagtulak ng dalaga sa likod kanyang balikat.
"Tumayo ka nga riyan at ibili mo ako ulit ng ice cream!"
Napaungot si Enzo.
"Kakaubos mo pa lang, ice cream na naman."
"Eh sa gusto ko pa! At saka nag-crave ulit ako at nabuwisit ako sa 'yo!"
Walang imik at inis na tumayo ang binata upang tunguhin ang nagbebenta ng ice cream sa di-kalayuan. Mahilig itong kumain pero hindi naman tumataba at iyon ang ipinagtataka niya rito.