"Nagkakatotoo lang ang isang bagay kung naniniwala ka rito." Ito ang isang bagay na pinaniniwalaan ko ng lubos. Hindi hadlang ang anumang bagay kung tunay kang naniniwala sa isang bagay. Walang magagawa ang batas ng mundo kung pinaniniwalaan mo ang isang bagay. Kung naniniwala kang magagawa mo ang isang bagay ay magagawa mo iyon.
Kung naniniwala ka sa pamahiin ay saka mo lang masasabing totoo ang mga pamahiin. Kung hindi ka naniniwala sa mga pamahiin ay mangyari man ang sinasabi sa pamahiin, magiging coincidence lang iyon sa paningin mo.
Ang paniniwala ang nagbibigay ng dahilan sa tao para gawin ang mga bagay na ginagawa niya. Kaya nagtatrabaho ang isang tao ay dahil naniniwala siyang ito ang dapat niyang gawin para itaguyod ang pamilya niya. Naniniwala ang marami na kailangan nilang mag-aral ng mabuti dahil ito ang susi para maabot nila ang kanilang pangarap. Naniniwala ang iba na ang lahat ng bagay sa mundo ay nag-eexist dahil may tungkulin ito sa mundo.
"Hindi ako naniniwala." Mayabang kong sabi nang sabihin ni Bryan na kailangan kong kumatok sa kahoy matapos akong magsabi ng masamang bagay.
"Wala namang mawawala kung gagawin mo, di ba?" Pagpupumilit niya sa akin.
"Bakit ko gagawin yung isang bagay na hindi ko pinaniniwalaan?" Sagot ko sa kaniya. "Kung naniniwala ka diyan, e di ikaw ang gumawa." Dugtong ko pa.
"O sige bahala ka." Inis na sabi nito saka siya sumandal sa pader malapit sa pintuan.
"Aba himala! Hindi mo ako pinilit." Pang-aasar ko sa kaniya na halata namang kinaiinisan niya. "Madalas kasi grabe ka kung mamilit e." Dugtong ko pa.
"Basta huwag mo akong sisihin kapag may nangyaring masama sa iyo ha?" Mahinahon ngunit halata ang pagkapikon sa tono ng boses niya.
"BLAG!" Isang malakas na tunog ang naging dahilan ng paglingon naming dalawa sa isang direksiyon. Nalaglag mula sa pahingang pagkakapatong nito sa ibabaw ng amplifier ang isang gitara na gagamitin namin. Ngayon ay hindi na ito magagamit dahil hati na ito sa gitna at naputol na rin ang ilan sa mga string nito.
"Hala! Yari tayo nito kay Lanz." Mabagal kong sabi habang itinatayo ko sa gilid ng amplifier ang gitarang putol ang neck o fretboard. "Sayang. Magkano nga ulit ang bili niya rito?" Tanong ko pagkatapos kong itayo ang gitara.
"Hindi ko alam kung magkano, basta ang alam ko mahal ang bili niya diyan." Sagot naman niya.
"Lalabas muna ako ha? Magpapausok lang." Pagpapaalam ko sa kaniya pagkatapos ay naghanda na akong lumabas.
Kalalapit ko pa lang sa pinto ay bigla akong may narinig na kakaibang ingay. Tunog na tila may isang napakabigat na bagay na bumagsak sa sahig. Maririnig din ang tunog na tila ba may tumabig sa drum set kaya naglaglagan ang mga Tom nito. Umalingawngaw ang kakaibang tunog sa buong studio. Sinundan ang malakas na tunog ng isang kakaibang tunog, matinis at garalgal na animoy isang pintong luma na tumutunog sa tuwing bubuksan.
Dahan-dahang ipinihit ko ang ulo ko para tingnan ang pinanggalingan ng tunog at nagulat ako sa bumungad sa akin. Ang matulis na bahagi ng putol na gitara ay nakatusok na sa leeg ni Bryan na ngayon ay nakatirik na ang mga mata at nangingisay. Pilit humahanap ng anumang bagay na maaaring mahawakan upang muling bumalik sa pagkakatayo.
Napaatras ako ng marahan sa nakita ko. Nanginginig ang tuhod ko pababa sa talampakan. Sinusuot ang kakaibang pakiramdam sa bawat laman ko sa katawan. Pakiramdam ko ay babagsak ako sa pangyayaring nakita ko. Mabilis kong ipinihit ang doorknob para makalabas at makatakbo.
- - - - -
Dahan-dahan kong idinilat ang mga mata ko kasabay ng mabagal na pag-angat ng ulo ko dahil nakasubsob ang mukha ko sa dalawa kong tuhod. Nakatulog ako sa malamig na sahig ng nakaupo habang yakap-yakap ko ang mga binti ko at nakasubsob ang mukha ko sa mga tuhod ko.