Namutla ako at tila nawalan ng dugo sa mukha. Nanginginig ang kamay kong inabot ang seatbelt at pinakawalan ang sarili roon. Wala rin nagawa si Lauro nang mabilis kong buksan ang pinto at umalis.
Narinig ko ang malakas niyang pagtawag sa pangalan ko ngunit hindi ko siya pinansin at nagpatuloy lamang sa paglalakad. Kahit pa nga gusto na akong sukuan ng aking mga paa.
Kasabay ng panginginig ng katawan ay ang patuloy na pag-agos ng aking mga luha. Hindi ko maintindihan kung bakit nangyayari lahat ng ito sa akin. Halos sabay-sabay ang problema at hindi ko na alam kung kakayanin ko pa ba.
Lutang akong naglakad ng mabilis. Gusto kong makalayo kay Lauro. Isa pa siyang dumagdag sa problema ko.
"Elyssa!" Mabilis niya akong nalapitan at hinablot paharap sa kanya.
Kasing bilis noon ang aking palad na dumapo sa magkabila niyang pisngi. Hindi lang tig-isa. Hindi ako tumigil hanggang hindi namanhid ang mga kamay ko. Malulutong ang tunog ng sampal ko sa kanya.
"Tama na! Tama na! Patahimikin mo na ako," umiiyak kong sigaw. "Tama na na naging isa akong kabit noon. At hanggang ngayon, pagbali-baliktarin man natin ang mundo,nakakabit pa rin sa akin ang pagiging kabit dahil sa isang pagkakamali! Kaya tama na na naging makasalanan ako noong minahal kita. Please Lauro, tigilan mo na ako. Huwag mo na bulabugin ang buhay na meron ako!" Nanghihinang pakiusap ko. Nakakapagod! Nakakapagod mabuhay sa isang kasinungalingan.
Bigla niya akong hinila para yakapin ng mahigpit. Ang mainit na katawan at pamilyar na amoy ang nanuot sa aking ilong habang pasinghot-singhot akong nakasiksik sa kanyang dibdib.
Patuloy pa rin ang mahihinang suntok na ginagawa ko sa kanyang tagiliran.
"Hindi ko alam kung ano ang nangyari sa iyo sa nakaraang anim na taon. But believe me, Elyssa, I've been through hell without you. Pinilit kong kalimutan ka at huwag kang bulabugin. Lumayo ako para hindi ka na muling masaktan. Para itama muna ang lahat nang maging malaya na tayo, gusto kitang protektahan kaya lang..." napapaos niyang saad.
Napapikit ako ng mariin. Pinoprotektahan niya ako? Ayaw niya akong masaktan? Kailangan ko bang matuwa dahil doon? Kailangan ko bang ipagpasalamat iyon?
Sa pagkakapikit ko ng mariin ay biglang pumasok ang imahe ni Ali sa aking isipan. Nakikita ko ang lungkot sa kanyang ngiti. Muli, ang masaganang luha sa mga mata ko ay naglandas.
Dahil sa pagmamahal, dahil sa pagkakamali namin ni Lauro noon. Hindi lang iisang buhay ang nasira. Hindi lang ako ang nasaktan at nalungkot. May isang Ali na labis ang pagdurusa at hanggang ngayon ay nakatanim ang poot sa puso. Galit sa babaeng sumira sa buhay nila. Alam kong isa ako roon. Isa ako sa mga babaeng nanira ng isang buong pamilya. Inagawan ko ng kaligayahan si Ali.
Itinulak ko Lauro gamit ang natitira ko pang lakas. Gulat at pagtataka ang rumehistro sa kanyang mukha. Matapang ang mukha kong tumitig sa mga mata niya.
"Kalimutan na natin kung anong meron noon, Lauro. Please, ibaon na natin sa limot ang lahat. Kasal na ako kay Ali. Asawa ko na ang anak mo..."
"Bago ang anak ko ay ako, Elyssa. Bago siya, ako ang mahal mo. Kilala kita ng lubusan. Kilalang-kilala kita..."
Umiling ako nang umiling.
"Oo, kilala mo ako, noon. Pero iba na ang ngayon, Lauro. Hindi na ako ang Elyssa na nagpapadikta sa sinasabi ng puso. Hindi na ako ang babaeng iyon sa nakaraan mo. Pag-aari na ako ni Ali, ng anak mo! Kaya sana huwag mong kalimutan na may asawa ka rin na naghihintay!" Nagulantang ako nang bigla niya akong hawakan.
Mahigpit ang pagkakahawak niya sa magkabila kong braso. Ramdam ko ang galit niya sa pamamagitan ng pagkakahawak niya sa akin. Pakiramdam ko ay mababali ang aking buto.
Ngayon ko lamang siya nakitaan ng ganoong galit. Sa pagkakakilala ko sa kanya, isa siyang mahinahon na tao. Kahit noon, hindi niya hinahayaang galit ang umiral sa kanyang pagkatao.
"Annul my son, Elyssa! Just what I did!" Asik niya. Imbes na matakot ako, lalo lamang akong nagpuyos sa galit.
Tama, Elyssa, galit dapat. Magalit ka sa kanya!
Matalim ko siyang tinitigan.
"Bitiwan mo ako, Lauro." Mariing saad ko at pilit hinihila ang aking braso mula sa kanyang pagkakahawak. Ngunit mas lalo lamang niya iyong hinigpitan. "Bitiw sabi!" Malakas na sigaw ko mula sa inipon kong lakas ng loob. Nagtagumpay akong makawala.
Nang biglang kumulog at bumagsak ang mumunting patak ng ulan hanggang sa papalakas na ang butil na tumatama sa aming katawan. Muli niya akong hinaklit sa palapulsuan.
"Hindi kita pakakawalan, Elyssa. Never!"
Hinawakan ko ang kamay niyang nakahawak sa akin. Isa-isang sapilitang tinatanggal ang kanyang daliri para mapakawalan niya ako. Nanggigigil ako habang ginagawa iyon.
Nababasa na rin kami ng ulan. Pero nag-iinit ang aking sistema. Ni wala na akong pakialam sa patak ng ulan at lamig ng hangin dahil sa galit.
"Hanggang ngayon, Lauro, makasarili ka pa rin. Ngayon ko lang napagtanto na sarili mo lamang ang pinapahalagahan mo. Sariling kaligayahan mo lamang ang iniisip mo!" Bulyaw ko sa kanya. Blanko ang kanyang ekpresiyon.
Hirap na hirap na ang aking kalooban. Napakarami nang mga pangyayari sa buhay ko at ayoko nang madagdagan pa ng kung ano man. Tama na ang mga pasakit. Tama na ang ilang beses kong pagkakadapa.
"Sa iisang tao lang ako nagiging makasarili, Elyssa. Simula noong makilala kita," saad niyang napasabunot sa sariling buhok. Tumalikod ito pagkatapos ay muling humarap sa akin. Malalalim siyang humugot ng buntong hininga. Mula sa galit ay puno ng panlulumo ang kanyang mga mata.
Bigla, parang nalulusaw ako dahil sa nakikitang paghihirap ng kalooban niya. Hindi ko matanto kung umiiyak din siya dahil sa matinding buhos ng ulan. Suminghap ako, nalalasahan ko sa aking bibig ang hindi maipaliwanag na lasa ng tubig ulan.
"Huwag mo akong gawin dahilan, Lauro. Alam nating pareho na hindi mo ako pinili. Pinili mo rin akong saktan gaya ng pananakit na ginawa mo sa pamilya mo." Ayaw ko nang umiyak. Sawang-sawa na akong lagi na lang lumuluha. Lagi na lang nasasaktan sa mga taong pinili at minamahal ko.
"Iyon ba ang sinabi ni Alyjah sa iyo?" Gumaralgal ang boses na tanong niya.
"Walang kinalaman dito si Ali. Walang alam ang anak mo! Wala siyang alam na ang taong pinili niyang tulungan at pakasalan ay isa sa taong naging dahilan ng pagdurusa niya."
Muling bumuhos ang luha ko. Nasasaktan ako para kay Ali. Tuloy, lalong bumigat ang dibdib ko dahil sa muling pagkaka-alala sa kanya. "Handa akong manatili sa tabi niya, Lauro."
Muling umihip ang malamig na hangin. Nanginginig na ako dahil sa lamig. Nakatayo at nakatulala lang na nakatingin sa akin si Lauro. Pareho na kaming basang-basa dahil sa ulan.
Nang bigla siyang tumawa. Tumawa siya nang tumawa. Tumatawa siya pero nagpapahid ng luha sa mata.
"Akala mo ba magiging masaya ang anak ko kapag nalaman niya ang pagkatao mo? Akala mo ba hahayaan ka niyang manatili sa tabi niya kapag nalaman niya kung sino ka?"
Kinilabutan ako sa paraan ng pagsasalita ni Lauro. Muli, hindi ko nakikilala ang lalaking nasa harap ko. Iba siya sa nakaraang anim na taon.
"Kung hahayaan niya akong manatili, mananatili ako. Kung gusto niya akong mawala na parang bula sa paningin niya, maglalaho ako. Iyon lang ang paraan na alam ko para mabawasan naman ang kasalanan na meron ako." Napalunok ako kasabay ng isang hikbi. "Nagsimula sa iyo ang kalbaryo ng buhay ko, Lauro. Kaya siguro kami pinagtagpo ng anak mo para mapagbayaran ko ang kasalanang meron ako."
"That's bullshit! Walang may kasalanan. Minahal kita, minahal mo ako. Walang may kasalanan sa isang pagmamahal..."
Ako naman ang napatawa kaya tumigil siya sa pagsasalita. Humalukipkip ako habang hinuli ang kanyang mga mata.
"Grow up, Lauro. Matanda ka na para magpapaniwala sa pag-ibig na iyan. Hindi ka na bata para paniwalaan na may wagas na pagmamahal. Dahil kung mayroon, sana nanatili ka sa pamilya mo. Walang kuwenta ang puso. Punyeta ang pag-ibig!" Umismid ako pagkatapos sabihin iyon. Muli ko siyang tinalikutan.
"Huwag mo na akong sundan. Hindi ko na hahayaan pang muli na pusukin mo at guluhin ako. Tama na! Tigilan mo na ako," ika ko bago siya tuluyang iwan.
Humakbang ako palayo. Kasabay ng malakas na buhos ng ulan ay ang buhos ng mga emosyong kanina ko pa pinipigilan.
Inaamin kong hindi ko pa nakakalimutan si Lauro. Na hanggang ngayon ay maaaring mahal ko pa talaga siya. Mahal na mahal ko pa siguro siya kahit mali ang mahalin siya dahil asawa na ako ng anak niya.