"Hindi pa rin siya nagigising, saan mo ba nakuha ang batang iyon Sebastian?"
"Sa pasugalan, hindi ko alam kung bakit naroroon siya. Nag-iimbestiga pa si Leo."
"Naku, kayo talaga. Kung anu-ano na namang kalokohan ang pinapasok niyo. Ikaw kakarating mo lang, mababalitaan ko na lang nasa hospital ka at sugatan. Hanggang kailan niyo ba ako pag-aalalahin sa inyo?"
Naalimpungatan si Mira nang makarinig siya nang tila may nag-uusap sa tabi niya. Pilit niyang iminulat ang kanyang mga mata dahilan upang masilaw siya at muling mapapikit.
"Mukhang nagigising na siya, magpapahanda lang ako ng mainit na sopas para sa kanya." Wika ng isang ginang at muli na nang naging tahimik ang kaniyang paligid. Naramdaman naman niya ang tila paglundo ng hinihigaan niya at ang isang mainit na kamay sa kanyang noo.
Dahan-dahan niyang iminulat ang kaniyang mga mata, sa pagkakataon ito ay bumungad sa kanya ang isnag pamilyar na mukha at napamulagat siya ng mata.
"Nakikilala mo pa ba ako?" Tanong nito sa malamig na boses. Tumango ang dalaga at pilit na bumangon. Tinulungan naman siya ng binata at muli niyang naramdaman ang malambot nitong katawan sa kanyang mga kamay.
"Paano ako napunta rito?" Tanong niya. Ang huli niyang natatandaan ay dinala siya ng kaniyang tiyahin sa pasugalan upang maibenta doon. Sa kanyang pag-iyak ay hindi na niya namalayang nakatulog na siya.
"Kinuha kita sa pasugalan. Mabuti na lamang at sumama ako sa kaibigan ko. Kung hindi marahil ay naibenta ka na ng mga iyon sa kung sino. Ano ba ang nangyari sayo? At bakit ka naroroon?" Tanong ng binata at natahimik si Mira.
"Ano pala ang pangalan mo? Salamat sa pagliligtas mo sa akin noong isang araw."
"Mira, Mira Bella Torres." Sagot ni Mira at matamang tinitingan ang binata. "Ikaw anong pangalan mo?" Tanong niya dito at napatingin din sa kanya ang binata. Nagtama ang kanilang mga mata at nakaramdam ng pagkailang dito si Mira. Ito ang unang pagkakataong nakipagtitigan siya sa isang tao na hindi niya nababasa ang iniisip nito. Nakatingin lamang siya sa matatalim nitong mga mata at tila ba nanghihina siya sa mga titig nito.
"Sebastian Claude Saavedra." Sagot nito at siya namang pagpasok ng isang ginang sa kwarto. May bitbit itong mangkok na tila umuusok pa. Agad na naamoy ni Mira ang laman ng mangkok at biglang humilab ang kanyang tiyan. Agad siyang pinamulahan ng mukha dahil alam niyang narinig din ng binata ang tunog na iyon.
"Kumain ka muna, mamaya na tayo mag-usap." Wika pa ng binata. Napatingin naman siya sa sopas na naroroon sa mangkok at napalunok siya ng laway.
"Dahan-dahan lang at mainit. " Nakangiting wika ng ginang at tumango siya. Marahan niyang inihipan ang sabaw sa kutsara bago niya ito isinubo. Agad na tumulo ang luha niya nang maramdaman ang masarap na likidong iyon at ang katamtamang init nito na humagod sa kanyang lalamunan.
Nagulat naman ang ginang sa reaksiyon niya ngunit hindi ito nagsalita. Ngumiti lamang ito at mabilis na nilisan ang kwarto.
"Masarap ba?" Tanong ng binata at tumango lang siya habang patuloy na kumakain. Tumalikod siya sa binata upang hindi nito makita ang mga luhang walang sawang umaagos sa kanyang mga mata. Nang maubos na niya ang sopas ay agad siyang nagpasalamat sa binata.
"Saan ka ba nakatira?" Muli ay tanong ng binata at napakuyom siya ng palad.
"Maari bang huwag mo na akong ibabalik sa kanila? Pwede akong magtrabaho dito sa bahay mo. Tagalinis, marunong din akong magluto. Kahit ano basta huwag mo lang akong ibabalik doon. " Wika niya at pilit na ikinukubli ang takot sa kaniyang tinig. Subalit hindi iyon nakaligtas sa binata. Kitang-kita niya ang takot sa mga mata ng dalaga at napabuntong-hininga lang ito.
"Hindi kita ibabalik doon kung iyan ang gusto mo, pwede kang manatili dito sa bahay ko, pero hindi bilang isang katulong. Bisita kita at marami akong katulong na gagawa ng lahat ng nabanggit mo. Isipin mo na lang na ito ang paraan ko upang makabayad sa pagliligtas mo sa buhay ko ." Sambit naman ng binata.
"Magpahinga ka na, kakausapin ko si Ginang Martha para maiayos ang magiging kwarto mo." Wika nito at nilisan nito ang kwartong iyon dala-dala ang mangkok na kanyang pinagkainan
Napatingin lamang siya sa paligid ng kwartong iyon. Malinis, mabango at higit sa lahat malambot ang kama. Hindi tulad sa kwarto niya dati na puro lang sahig. Naglakad-lakad siya papaikot sa kwartong iyon at napansin niya ang isang pintuan. Binuksan niya iyon at nalula siya nang makitang banyo pala iyon. Napakalaking banyo iyon na halos kasinglaki na iyon ng buong kwarto niya o mas higit pa. Napakarami din ng mga gamit doon, toothpaste, tooth rush, towels at bathrobe. Napansin din niyang puro panlalaki ang mag gamit na iyon kaya naman ay nagtataka siyang lumabas mula sa banyo.
Muli niyang inilibot ang kanyang paningin at doon lang niya napansin ang isang maleta na nasa tabi ng malaking closet.
"Kwarto ba ito ni Sebastian? Bakit dito niya ako dinala?" Nagtataka niyang tanong sa sarili. Akmang lalabas siya ng kwarto ay bigla namang bumukas ang pinto dahilan upang mauntog siya sa pintuan at matumba sa sahig.
Napaung*l siya sa sakit na ikinagulat naman ni Sebastian.
"Bakit ka ba nasa likod ng pinto?" Tanong nito at tinulungan siyang tumayo.
"Lalabas sana ako." Sagot niya habang tinatakpan ang noo niyang nauntog sa pintuan. Hinawi naman ng binata ang kamay niya at doon niya nakita ang pamumula nito.
"Teka, kukuha lang ako ng yelo."
"Huwag na, ayos lang ito. Mawawala din ito kaagad. May itatanong sana ako." Wika niya at mabilis na pinigilan ang binata.
"Ano ba kasi ang itatanong mo?" Tanong nito.
"Kwarto mo ba ito?"
"Oo bakit?"
"Kwarto mo? Eh bakit dito mo ako pinatuloy? Paano kung masamang tao ako at pagnakawan kita?" Tanong niya at natawa naman ang binata.
"Ano bang gusto mong nakawin at magtatawag ako ang makakatulong mo. Sa liit mong 'yan ano naman ang mananakaw mo?" Pabirong tanong ng binata ay napipilan ang dalaga.
"Kahit na, hindi ka pa rin dapat basta-basta nagtitiwala sa tao. Paano kung patayin kita?" Tanong ulit niya at natahimik ang binata. Hinawakan naman niya ang kamay ng dalaga at inilapat iyon sa dibdib niya.
"Dito mo ako saksakin para mamatay ako kaagad." Wika nito at natigilan ang dalaga. Tila ba hindi ito nag-aalala na baka isa siyang masamang tao. Ramdam niya ang pagtitiwala nito at hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman niya ngayon.
"Hindi naman ako masamang tao " halos pabulong niyang wika at napangiti si Sebastian. Tinapik niya ang kamay nito at yumukod upang makita niya ang mumunting reaksiyon ng dalaga.
"Kung masamang tao ka, hindi mo tutulungan ang isang taong sugatan. "Wika niya at napamulagat si Mira.
"Ngayon ako naman ang magtatanong, paano mo ginawa iyon?" Tanong ng binata.
"Ang alin?" Balik na tanong niya rito at pilit na hinahatak ang kamay mula sa pagkakahawak ng binata subalit tila ba hindi niya iyon magawa dahil sa higpit ng pagkakahawak nito.
"Paano mo kinuha ang bala sa tiyan ko nang hindi nagsasagawa ng operasyon? Huwag kang mag-alala hindi kita ipapahamak Mira. "
"Hindi ko dapat ginawa iyon." Pabulong na wika niya at napabuntong-hininga. Tinitigan niya ang binata at nagulat pa siya nang bigla siyang buhatin nito at dinala sa sofa.
"Kapag hindi mo sinabi sa akin,may gagawin ako sayo na paniguradong hindi mo magugustuhan." Banta ng binata at napakagat ng labi si Mira. Nagsimula na ding manginig ang mga kamay niya dahil sa nakakatakot na aura ng binata.
"Ba-bata pa lang ako nagagawa ko na iyon. Sabi sa akin ng Mama huwag ko ipagsabi sa iba dahil mapapahamak ako. Pwede bang huwag ko na lang sabihin sayo?" Tanong niya. Nangingilid na din ang luha sa kanyang mga mata na kaagad naman napansin ng binata.
"Hanggat nasa poder kita, hindi ka mapapahamak. " Wika niya at napalunok ang dalaga. Ipinikit niya ang mata at itinuro niya ang daliri sa gilid ng binata. Napalingon naman doon si Sebastian at nanlaki ang mata niya nang makitang lumulutang ang kanyang maleta sa sahig. Maging ang iba pang mga gamit ay lumulutang na din. Halos hindi siya makapaniwala sa kanyang nakikita. Nang muli niyang ibaling ang tingin sa dalaga ay nakita niyang tumutulo na ang dugo nito sa ilong.
"Sh*t, tama na Mira." Saway ni Sebastian sa dalaga at sabay-sabay na bumagsak ang mga gamit sa sahig. Lumikha iyon ng malakas na tunog na hindi naman agad pinansin ng binata. Hindi niya lubos akalain na may ganitong kakayahan nga ang dalaga. Mabilis niyang pinunasan ang dugo sa ilong nito at bahagya naman itong pinigilan ng dalaga. Marahan niyang itinulak papalayo ang binata at tumakbo siya sa banyo at inilock ang pinto.
"Mira, open this door."
"Sandali lang." Wika pa ni Mira habang hinuhugasan ang mukha. Napatingin siya sa salamin at kitang-kita niya ang pamumutla ng kanyang mukha. Tinapik tapik niya ang kanyang pisngi upang kahit papano ay magkakulay ito subalit bigo lang siya. Napapitlag pa siya nang muling katukin ni Sebastian ang pintuan ng banyo. Halos sirain na nito ang pintuan kaya wala na siyang nagawa kundi ang pagbuksan ito at lumabas doon.