k a b a n a t a 3
Medyo tanghali na nang gisingin ni Manang Guada si Ma'am Helen. Sigurado raw kasing napuyat ito sa kasiyahan kagabi. Kasalukuyan kaming naghahanda ng almusal nila nang bumaba ang panganay na anak ni Ma'am Helen. Ayon kay Jacob ay limang taon ang tanda nito kay Zeus.
Nasa hagdan palang ay kapansin-pansin na ang magandang kondisyon nito. Animo'y hindi hatinggabi natulog kagabi. Nakangiti itong lumapit kay Ma'am Helen na noo'y nakaupo na sa upuan niya.
"Good morning, Mom," bati nito kay Ma'm Helen.
"Good morning, Son," bati pabalik ni Ma'am Helen na kitang-kita ang kagalakan sa paglalambing ng kanyang anak. Base sa obserbasyon ko'y mas malapit siya sa anak niyang ito kumpara kay Zeus.
"Ma'am, gigisingin ko po ba si Sir Zeus?" tanong ni Manang Guada.
"'Wag na muna. Hayaan mo siya. Baka uminit na naman ang ulo," sagot naman ni Ma'am Helen. Napatango naman si Manang Guada.
"How's the party? Nakatulog ka naman ba nang mahimbing?" usisa pa ni Ma'am Helen kay Apollo, kahit pare-parehas naman silang nasa pagdiriwang kagabi. Kaya lang, abala rin sila at kung minsa'y kanya-kanya ang pakikipag-usap sa mga bisita.
"It's good! Engaged na pala si Clint," sagot naman ni Sir Apollo.
"Clint? But he just turned twenty-one! Bakit ganoon?" gulat na tanong ni Ma'am Helen.
"Arranged marriage," sagot naman ni Apollo. Napabuntong-hininga naman si Ma'am Helen.
"Tradisyon nga pala ng pamilya nila noon pa man," sambit ni Ma'am Helen. "How about you? Kamusta kayo ni Nizza?"
"Uh, Mom, I broke up with her two months ago," sagot naman ni Apollo, pero walang kabakas-bakas ng lungkot sa kanya.
"Why?" muli ay gulat na tanong ni Ma'am Helen.
"She said she has to focus on her studies. Magtutuloy siya sa pagiging gynecologist," paliwanag naman ni Apollo.
"Oh, I'm sorry to hear that, Son," simpatya naman ni Ma'am Helen.
"It's okay, Mom. We're both matured individuals. Maayos naman ang break-up namin. We're still friends," sagot naman ni Apollo.
"Ya, juice, please," sabi ni Ma'am Helen sa akin. Lumapit naman ako sa kanya para salinan ng juice ang baso niya.
"Pakilagyan din 'tong sa'kin," sabi naman ni Sir Apollo. Umikot pa ako para malagyan ko ang baso niya.
"So, wala ka bang balak na makipagdate ulit?" tanong ni Ma'am Helen habang nagsasalin ako.
"Thank you," nakangiting sabi sa akin ni Sir Apollo. Yumuko lang naman ako at lumayong muli.
"For now, wala pa. I just want to focus on myself for the meantime," sagot naman niya kay Ma'am Helen.
"Well, as long as you're happy, then I'm also happy," sagot naman ni Ma'am Helen sa kanya.
Kung pagbabasehan ko ang mga nakikita kong kinikilos ni Ma'm Helen ay masasabi kong isa siyang napakabait na ina para sa dalawa niyang anak. Kaya't hindi ko lubos maisip kung bakit ganoon nalang si Zeus sa kanya. Mabuti pa itong si Apollo ay mabait sa kanya.
* * *
"Maureen, tama?"
Napalingon ako sa likuran ko at nagulat nang makita si Sir Apollo. Hapon na ngayon at mukhang kagigising lang niya mula sa pagsi-siyesta. Ako naman ay kasalukuyang nagwawalis.
"Ah, bakit po?" tanong ko.
"Prepare some food for me. Bring it to my room," utos niya sa akin. Hindi pa man din ako nakakasagot ay umakyat na uli siya sa kwarto niya.
Binitawan ko muna ang walis sa isang gilid at saka ako nagtungo sa kusina. Natataranta ako. Nalilito. Hindi ko alam kung ano bang gusto niyang kainin. Mabuti at nakita ko si Manang Guada.
"Maureen, ano ba 'yang ginagawa mo d'yan? Iniwan mo 'yung walis doon," sabi niya sa akin.
"M-Manang Guada, nagpapahanda po kasi ng meryenda si Sir Apollo. Hindi ko po alam kung ano'ng ibibigay," problemadong sabi ko sa kanya.
"Ah, ganoon ba?" tanong pa niya. Tumango-tango ako. Lumapit naman siya sa mesa at kumuha ng tinapay at pinalamanan iyon.
"Kunin mo 'yung tray," utos naman niya sa akin. Kaagad ko naman iyong kinuha at inabot sa kanya.
"Magtimpla ka ng kape," utos pa niyang muli. "Huwag masyadong matamis ah."
Ginawa ko naman ang inutos niya. Mayroong coffee maker sila Ma'am Helen, kaya't hindi na ako nahirapan pa. Nang matapos ako'y sinama ko na rin 'yon sa tray.
"Oh, heto. Hindi rin ako sigurado d'yan, pero 'yan ang paborito niya noon," sabi niya sa akin pagkaabot niya ng tray. "Oh, dali na at baka magalit pa 'yon."
Tumango-tango ako at lumakad na. Ingat na ingat naman ako dahil baka matapon ang kape na nasa tray. O baka nga mabasag pa ang baso.
Bago ako umakyat ay nakasalubong ko si Sir Zeus. Kaagad naman akong nag-iwas ng tingin dahil sa pagkailang. Hindi ko malaman sa sarili ko kung bakit hindi ko siya matignan nang matagal. Para bang may kung ano dito sa puso ko sa tuwing nakikita ko siya.
"Sa'n mo dadalhin 'yan?" tanong niya.
"S-Sa kwarto po ni Sir Apollo," sagot ko. "S-Sige ho-"
"Kaya mo ba?" tanong niya sa akin. Hindi ko alam kung bakit nagpapakita ng ganitong malasakit si Sir Zeus, gayong kahapon lang ay nagpakita siya ng kagaspangan ng ugali.
"Kaya ko naman-" Muli ay napatigil ako sa pagsasalita nang may tawagin siyang isang boy namin.
"Junard!" tawag niya roon. Kaagad naman itong lumapit.
"Sir."
"Dalhin mo 'to sa kwarto ni Kuya," utos ni Sir Zeus sa kanya.
Kukunin na sana sa akin ni Junard ang tray nang tumutol ako. "P-Pero, Sir-"
"Hayaan mo na, Maureen. Mabigat 'to ta's mataas ang hagdan. Baka 'di mo kayanin," sabi sa akin ni Junard.
"Right. Baka mamaya mabasag mo pa 'yan. Mukha ka pa namang mahina," malamig na sabi sa akin ni Sir Zeus.
Kung kanina ay parang anghel ang tingin ko sa kanya, ngayon nama'y parang nag-iba. Akala ko kasi ay nag-aalala siya. 'Yun pala ay minamaliit niya ang kakayahan ko.
Tuluyan ko nang ibinigay kay Junard ang tray. Yumuko naman ako bilang paggalang kay Sir Zeus.
"S-Sige ho. May gagawin pa ho ako," sabi ko sa kanya at umalis na.
Hindi ko maintindihan kung bakit parang may kung ano'ng kumukurot sa puso ko nang mga sandaling iyon. Akala ko kasi'y nagpapakita na ng malasakit sa akin si Sir Zeus, ngunit 'yon pala'y minamaliit niya ako. Akala ko pa nama'y mali ang pagkakakilala ko sa kanya. Sadya pala talagang malupit siya.
Ngunit sa kabila noo'y may pagtataka rin sa aking isipan. Labis kasi ang saya ko kanina noong inakala kong tinutulungan niya ako. Bakit ganoon? Hindi ko maintindihan.
* * *
Ilang araw pa ang lumipas at nasanay na kami sa araw-araw na pagsusungit ni Zeus, kahit sa nanay niya. Pero hindi pa rin naaalis sa isipan ko ang ginawa niya noong isang araw. Si Apollo naman ang siyang mabait at magiliw sa ina. Kitang-kita na miss na miss niya ito.
Ayon sa kwento ni Jacob, matagal na raw patay ang asawa ni Ma'am Helen. Ito raw ay may mataas na posisyon noon sa isang kompanyang gumagawa ng pabango at mga make up. Simula raw noon ay nagtrabaho na si Ma'am Helen. Bagamat may pamana ang asawa sa mga anak ay sumubsob pa rin daw ito sa trabaho.
Kaya nang mga panahong 'yon ay halos si Manang Guada ang nag-aalaga sa mga bata. Batang-bata pa noon si Zeus, kaya raw siguro lumayo ang loob nito kay Ma'am Helen.
Nang mag-high school si Sir Zeus at college naman si Apollo ay kinuha ito ng mga kamag-anak sa Manila at doon pinag-aral. Buong akala ni Ma'am Helen ay makakabuti ito sa dalawa, kaya pumayag siya.
Hindi niya naisip na lalayo pala nang tuluyan ang loob ni Zeus sa kanya. Minsan lang umuwi ang mga ito. Kaya naman nalumbay siya at minabuting bawiin na ang mga ito sa mga kamag-anak ng pumanaw na asawa.
Sa ika-isang linggo namin dito sa mansyon ay kinausap kami ni Ma'am Helen. Si Jacob, si Junard, si Danica at ako.
"Maupo kayo," paanyaya ni Ma'am Helen sa amin. Nagsiupo naman kami sa upuan sa harapan niya.
"Ma'am, bakit niyo po ba kami pinatawag?" si Junard na ang naglakas-loob na magtanong. Malapit lang din siya sa amin. Mas mapalad naman siya sa amin na nakatapos ng high school.
"Naisip ko lang kasing mas maganda siguro kung dito nalang kayo manuluyan sa mansyon?" sabi ni Ma'am Helen sa amin. Napaawang ang labi ko at ganoon din si Danica. Hindi namin lubos akalaing imumungkahi 'yon ni Ma'am Helen.
Dito nakatira sina Manang Guada at ang iba pang mga katulong. May kwarto sila dito sa baba. Si Manang Guada ay may sariling silid. Ang iba naman ay hati sa kwarto.
"Ma'am, sobra na po 'yon," sabi ko naman. Siya na nga ang nagpapasweldo sa amin, patitirahin pa kami dito sa mansyon? Tsaka naiisip ko ring baka hindi pumayag si Itay.
"Hindi naman. Para lang hindi na kayo umuuwi pa. 'Wag kayong mag-alala. Hahayaan ko naman kayong umuwi kapag day-off niyo," paliwanag niya sa amin.
"Ma'am. . ."
Nararamdaman kong hindi rin sigurado sa desisyong ito ni Ma'am ang mga kasamahan ko. Halos wala silang maisip sabihin. Mukhang naramdaman din naman iyon ni Ma'am kaya't ngumiti siya sa amin.
"'Wag kayong mag-alala. Nasa inyo naman ang desisyon," sabi niya sa amin. "Oh siya. Umuwi na kayo."
Habang papauwi kami'y iyon ang naglalaro sa aking isipan. Tama naman si Ma'am. Mukhang nahihirapan kami kung pauwi-uwi pa kami kapag gabi at kapag umaga naman ay pumupunta na kami sa mansyon kahit hindi pa sumisikat ang araw.
Kaya lang, ano kayang magiging reaksyon ni Itay dito? Iyong pagpasok ko nga lang sa mga Lorenzino, tutol na siya. Paano pa kaya ang pananatili sa mansyon nila? Siguradong hindi niya rin ako papayagan.
"Sasabihin ko ba kay Itay?" Hindi ko namalayang nasabi ko na pala ang nilalaman ng isipan ko. Hindi naman kaagad na nakasagot sina Jacob at Danica.
"Sasamahan ka naming magpaalam," sabi naman ni Jacob.
"'Wag na. . ." tutol ko naman.
"Hindi, Maureen! Sasamahan ka namin," sabi ni Danica sa akin. "Talaga naman kasi dibang nakikitira ang mga katulong? Kaya nga kasambahay."
"Kasama sa bahay," dugtong ni Jacob.
"Hindi ko sigurado," nag-aalala ko pa ring sabi.
"Hay, Maureen, ayos lang 'yan!" sabi pa ni Danica at ngumiti sa akin. Tinapik pa niya ang balikat ko. "Nandito lang kami."
Pagkauwing-pagkauwi nga namin ay kinausap namin si Itay. Gaya ng inaasahan ko'y tumutol siya.
"Ikaw, sumusobra ka na! No'ng una'y pinalagpas ko na ang pamamasukan mo riyan. Pati ba naman 'yan?" galit na sabi sa akin ni Itay. Nanatili lang aking tahimik at nakayuko.
"Ano ba 'yan? Bakit kayo nagsisigawan?" tanong ng nanay ni Danica na si Tita Maricar.
"Ito kasing mga 'to! Kinausap daw sila nung Helen at sinabing doon nalang sila manuluyan!" sagot ni Itay sa kanya na puno pa rin ng pagka-irita.
"Jose naman, hayaan mo na 'yang anak mo. Malaki na siya. Alam na niya ang ginagawa niya," malumanay na sabi ni Tita kay Itay. Maya-maya pa'y nagsalita pa siya. "Ganoon naman talaga ang mga katulong, diba?"
Napabuntong-hininga si Itay. Ngunit nakikita ko sa kanyang may inis pa rin siyang nararamdaman.
"Danica, halika. Hayaan mong mag-usap ang mag-ama," bulong naman ni Tita Maricar kay Danica. Sumunod naman na siya dito at pati na si Jacob.
"Ayoko lang naman ang mapalapit ka sa mga mayayaman," sambit ni Itay nang makaalis ang tatlo.
"Tay, malaki ang kaibahan ko sa kanila. Katulong lang nila ako at amo ko sila. Kailanma'y hindi ako mapapalapit sa kanila kagaya ng iniisip niyo," paliwanag ko naman kay Itay.
"Bakit kasi namasukan ka pa d'yan eh," tugon naman niya.
"Tay, sabi ko nga , ito nalang ang susi para makapag-aral ako. Gusto kong maiahon tayo sa hirap," paliwanag kong muli kay Itay.
"Gusto mong mag-aral? Mas pag-iigihan ko pa ang pamamasada ko," sabi naman niya sa akin.
"Hindi na, Itay. May edad na rin kayo. Ayoko nang mahirapan pa kayo," tutol ko naman sa kanya. Alam ko namang nahihirapan na siya sa pamamasada niya. At hangga't maaari ayoko na siyang makitang maghirap pa. Sa tuwing nakikita ko siya sa ganoong kalagayan ay nasasaktan ako.
Hindi siya sumagot. Parang pinag-iisipan pa rin kung papayag ba siya o hindi. Sa totoo lang, natatakot ako. Baka patigilin na niya ako sa pagtatrabaho sa mansyon.
At hindi ko alam kung bakit naisip ko si Zeus. Na malalayo ako sa kanya kapag hindi na ako nagtatrabaho roon. Ano ba talaga itong nangyayari sa akin?
"Uuwi pa rin naman ako dito kapag day-off ko," sabi ko pa.
"Ayoko lang sanang mangyari sa'yo ang. . ." Hindi niya tinapos ang pangungusap niya.
"Ang alin po?" tanong ko naman.
"Ang maapi ng mayayaman," sagot niya. Napaawang lang ang mga labi ko. Hanggang ngayon, ganito pa rin ang epekto sa kanya ang panghahamak sa kanya noon ng mga naging amo niya.
"Pero kung 'yan ang gusto mo," sambit pa niya. "Ipangako mo nalang sa akin na magiging ayos ka lang d'yan."
Napangiti ako. Hindi talaga magagawa ng Itay na magalit sa akin nang husto. Sisiguraduhin kong hindi siya mabibigo. Kaya binigyan ko siya ng kasiguraduhan.
"Opo, Itay, pangako."
Itutuloy. . .