(M)
Magdamag ang lumipas hindi man lang naipahinga ang diwa
Walang hanggang bulungan ang pilit inunawa
Makailang beses sumabay sa pagtawa
Hanggang sa mapaisip kung ano nga ba ang nakakatawa
At muling babalik sa pag-unawa ng mga bulungang walang sawa
(D)
Isa..dalawa..lima..pito..siyam.. ilang oras na ba ang lumipas?
Nababanaag na ang sikat ng araw na tumatagos sa bintanang kapis na kupas
Umaga na pala, umaga..na..naman…pala..?
Kailangan ng bumangon mula sa magdamagang hindi pahinga ang napala
Haharap sa salamin, haharapin kinamumuhian ng kanilang mga paningin.
(M)
Haharap sa salamin, haharapin kinamumuhian ng aking paningin.
Matagalang pagtitig na naman ang lalabanan
At kapag hindi na natagalan ay sisigawan ang kalaban
@#%^*#$ Kumurap ka naman!
(D)
"Anong ingay 'yan ha?"
(M)
Kumakatok sa aking pintuan mga bisitang hindi nila nakikita.
Sino ba sila?
Wala naman akong inimbita.
Palagi na lang nila akong binibisita
Sa umaga
(D)
sa tanghali
(M)
sa hapon
(D)
sa gabi..
Palagi na lang nila akong binibisita
(M)
Sa kwarto
(D)
sa banyo
(M)
sa eskwela
(D)
sa kalsada..
Minsan walang humpay nila akong kauusapin
Minsan naman nakasunod lang ang kanilang mga tingin
Minsan, nakakairita na rin
Lalo na kapag sinimulan nila kong laitin
Palagi na lang nila akong binibisita
Sa umaga
(M)
sa tanghali
(D)
sa hapon
(M)
sa gabi..
Palagi na lang nila akong binibisita
(D)
Sa kwarto
(M)
sa banyo
(D)
sa eskwela
(M)
sa kalsada..
Pero mas okay na rin na bigla silang dumarating
Kahit papaano'y nararamdaman kong ako'y may kapiling
May kaututang-dila kapag hindi mapahimbing
May kakampi kapag sa labas ay inapi
Tinawanan at tinaboy na para bang may sakit na nakakadiri!
(D)
Weirdo? May sariling mundo?
Dahil ba sarili ko lang talaga ang kausap ko?
(M)
Kalokohan!
Anong mga imahen pala ang aking nakikita?
(D)
Guni-guni?
Anong ingay pala ang aking naririnig?
(M)
Nakakarindi!
(D)
Hindi ko na alam kung saan ba ko lulugar
(M)
Hindi ko na alam kung ano ang tunay
(B)
Gulong-gulo ang isip, realidad ang panaginip
Panaginip ang realidad
Nakakasawa nang magpaliwanag
Ilang bumbilya na ang nabasag
Ilang ulit na diskurso man ay hindi pa rin aninag ang liwanag
(D)
Hindi ba ako naririnig?
Hindi magawang ilakas ang tinig.
Hindi sumasapat mga salita mula sa aking bibig
(M)
Kalamnan ay nagsimulang manginig
Takot ang sa loob ko'y dinaraig
Kailangan ng buong lakas kundi tiyak ako'y madaraig
Ngunit bakit biglang ako ang kalaban?
Pagtali sa akin ay kanilang sinimulan
Mga karayom ang kanilang ibinabaon sa aking katawan
Hanggang sa hindi ko na alam kung ano ba ang mga sumunod na kaganapan
(D)
Tapik sa kaliwang pisngi ang aking naramdaman
Pagmulat ng mga mata'y si ina ang nakatunghay
Bakit mga luha niya sa pagdaloy ay walang humpay?
May ginawa na naman ba akong nakapagbigay lumbay?
(M)
Tapik sa kaliwang pisngi ang aking naramdaman
Pagmulat ng mga mata'y si ina ang nakatunghay
Bakit mga luha niya sa pagdaloy ay walang humpay?
May ginawa na naman ba akong nakapagbigay lumbay?
(B)
Tapik sa kaliwang pisngi ang aking naramdaman
Pagmulat ng mga mata'y si ina ang nakatunghay
Mabuti na lang pagdaloy ng mga luha niya'y nagkaroon ng humpay
Mga ginawa ko siguro'y hindi na nakapagbibigay lumbay
(M)
Tapik sa kaliwang pisngi ang aking naramdaman
Pagmulat ng mga mata'y si ina ang nakatunghay
Sabay abot sa plastic na may lamang tinapay
(D)
Umaga na pala.. Umaga..na..naman...pala..?
Hindi na kailangang bumangon mula sa magdamag na hindi naman pahinga ang napala
Hindi na kailangang humarap sa salamin
(M)
Hindi na nila makikita pa ang kinamumuhian ng kanilang mga paningin
Dahil sa silid na kinalalagyan ko'y mananatili akong nakapiit
Pilitin mang muling magpaliwanag ay hindi talaga nila maaaninag ang liwanag
(B)
Lalo na kung ang mga tainga ay nakasara
Ang mga mata ay nakamasid upang humusga
At samahan pa ng mga nakatahing bulsa
(M)
Ngunit sa kabila ng lahat
Alam kong hindi akong nag-iisa
Dahil kasama ko… S'ya, S'ya, S'ya, S'ya… Sila...
(D)
Huh? Sinong sila? Eh mag-isa ka.
Ito po isa kolaborasyon kasama si Binibining Marilie Pajara