Nagpatuloy ang panghihina ng katawan ng binatang si Elijah mula nang lumabas siya ng ospital. Bibihira na rin siyang makapasok sa school, at minsan kung makapasok man siya ay may mga pagkakataong sinusugod pa rin siya sa kanilang clinic. Si Josh na rin ang takbuhan ng mga guro pag kailangan ng agarang pag-alalay sa binata sa mga ganung pagkakataon. Ngunit ganunpaman, naging masaya ang tatlo sa mga lumipas na mga araw.
"Natakot ka ano?" minsan bibiruin pa ni Elijah si Josh, na masisilayan niya sa pagdilat ng mga mata, na naroon nakaupo sa bangko sa tabi ng kanyang kama sa clinic na di maitatago ang pag-aalala sa mukha.
Agad namang babawiin ni Josh ang ganung emosyon sa pagkunot ng makakapal nitong kilay at sasabihing, "Hinde. Naistorbo mo lang ang klase ko."
At mauuwi ang dalawa sa simpleng asaran at tawanan.
Totoo 'yun.... naging masinop na rin si Josh sa kanyang pag-aaral. Ang usapan ay dalawa silang magmamartsa sa kanilang graduation day sa isang taon na ilang buwan na lamang ang bibilangin kung tutuusin. Sumasali na rin ito sa mga laro di lamang sa basketball kundi maging sa Marathon at iba pa.
'Di yun lingid sa kaalaman ng kanyang amang si Atty. Jaime. Minsan pa nga ay inabutan niya ang anak sa silid ng nakababatang anak na si John. At naroroon, si Josh, tulog, kung saan yakap ang mahimbing na natutulog na bata. Na pinatulog marahil ng kanyang kuya.
May pagkakataong ding ito at mag-uumpisa na silang maghapunang magkapatid subalit na sa office room pa rin ang kanilang ama at abala sa mga dokumentong pinag-aaralan.
Nang matapos ang hapunan nilang magkapatid ay saka nagpasya ang binata...
"Dad..."
Hindi agad nakapag-angat ng tingin si Jaime sa kanyang anak at tutok na tutok ito sa binabasang papeles.
"Dad." Sa ikalawang pagkakataon ay nakuha niya ang pansin ng ama.
"Oh? Josh... halika rito. Ano ba 'yun?" Tanong nito sa kanya na pako pa rin ang atensyon sa binabasa.
"Kain ka, Dad." mahina ang boses ng binata nang sumagot.
Dito na nag-angat ng tingin ang ama. Tinanggal pa nito ang suot na reading glasses upang malayang mapagmasdan ang anak. Si Josh, nakatayo sa kanyang harapan, tangan ang isang tasa ng kape at sandwhich na gawa para sa kanyang ama.
"Thanks, Josh." pagkasabi'y sumenyas ito na ilapag ang mga dala ng binata sa isang parte ng kanyang mesa.
Matapos nito ay tumalikod na ang binata at lumakad papunta sa pinto palabas ng silid. Pero bagopaman tuluyang nakalabas si Josh ay narinig niyang tinawag siya ng kanyang ama. Nilingon niya ito at saka nagwika ang ama, "Congrats, anak. I saw significant increases on your grades for this third quarter." may saya sa tinig ng ama sa kabila ng pagiging kalmado nito. "Naniniwala ako sa'yo."
'Yun lamang at nagpasalamat ang binata sa tinuran ng ama bago pa tuluyang lumabas ng pinto.
Ang mga lalaking Caringal... di kinakailangan ng maraming salita upang isaad ang nais nilang ipadama. Dahil kinaumagahan, sa kanilang almusal ay iniabot ni Jaime ang isang susi ng kotse sa anak. Alam niya ang kwento ng magkapatid. Na ikwento na ito sa kanya ni Josh nang minsan kuwestiyunin niya ang mga gabing pag-uwi ng kanyang anak. Di naman mahirap paniwalaan ang binata dahil dama mo ang bawat salita nito mula sa dibdib. At higit sa lahat, di tulad ng nakagawian, hindi naman ito umuwi na amoy alcohol. Kaya buong tiwala niyang inihabilin ang isang kotse paransa binata na alam niyang makakatulong din sa maysakit na kaibigan ng anak.
Sa tuwa ni Josh, dinala tuloy niya si John sa bahay ng magkapatid. Tuwang-tuwa naman si Rachael nang makita ang bata dahil kamukhang-kamukha nito ang kanyang kuya. Medyo mas mukha nga lang goodboy ito kesa kay Josh.
At lalo pa si Elijah, iba talaga ang naibibigay na saya kapag may bata sa bahay. Aliw na aliw ang bata sa mga computer games ng kanyang bagong kuyang si Elijah.
May mga pagkakataong umiikot sila halos buong araw sa pamamasyal. Pinakapaborito nila ang pagsapit ng gabi dahil doon nagbubukasan ang mga Christmas Lights kung saan inaaliw nila ang kanilang mga sarili sa panonood ng mga nagsasayawang ibat-ibang mga kulay ng ilaw.
Ngunit hindi laging masaya ang mga lumilipas na araw. Minsan ay nadatnan ng magkuya ang pagsumpong na nararamdamang sakit ni Elijah mula sa kanyang mga buto. Nakabibingi, parang libu-libong mga kutsilyo ang tumutusok sa kanilang dibdib na marinig ang bawat pagdaing at iyak ni Elijah.
"Bakit siya umiiyak? Sinong nag-hurt sa kanya, kuya?" minsa'y naitanong tuloy ng walang muang na si John sa binata.
Hindi alam ni Josh kung saan kukuha ng maisasagot sa bata, at sa mga ganitong pagkakaton, sasaluhin siya ni Rachael.
" Sick pa si Kuya Elijah mo." napakalamyos ng tinig ng dalaga, "... don't worry, nag-take na ng medicine si Kuya at mamya okay na siya." At magtatapos iyon na bibigyan niya ng isang matamis na ngiti ang bata upang mawala ang takot nito.
Humahanga si Josh sa dalaga sa tuwing nasisilayan niya ng katatagan sa kabila ng lahat ng kanilang pinagdaraanan.
Isa lamang ang laging hiling ni Elijah, gusto niya sana sa pasko ay doon ganapin sa kanilang tahanan. Hiniling niya ito matapos ihabilin ng doctor na kailangan na niyang magpa-confine sa ospital gawa ng lumalalang sakit na nararamdaman.
Hindi naman inasahan ni Josh na magiging madali ang paghiling sa kanyang ama na sa bahay ng magkapatid siya magno-noche buena. Na agad namang pinaunlakan ng huli.
Nakakapagtaka dahil nang umagang iyon pa nga. isang araw bago magpasko, ay masiglang-masigla ang binatang si Elijah sa kabila ng mga medyo nangingitim na ibabang bahagi ng mga mata tanda ng pinagdadaanang sakit. Tuloy, nakatulong pa ito sa kanyang ate at kay Josh sa pagluluto ng mga planado nilang pagkain. Nagtaka pa nga si Elijah dahil planadong-planado ng dalawa ang mga handa na tila ba may nagawa ng pag-uusap sa pagitan ng tungkol dito. Umaapaw rin sa tuwa ang dibdib ni Elijah ng mga sandaling iyon. Ito na marahil ang tinatawag na milagro, iba talaga ang nadadala ng kasiyahan sa puso...
Si Josh, na pilit mang ikubli ng kanyang mga tawa at halakhak sa pangungulit sa magkapatid, lalo na kay Rachael, ang lumbay sa isipang ang ama lamang niya at kapatid nito ang magkasama mamyang Noche Buena. Naalala pa niya noon na sama-sama silang uuwi mula sa Misa de Gallo (ang huling simbang gabi sa pagsalubong sa gabi ng kapaskuhan) at masayang magsasalo-salo ng kanilang mga handa sa oras ng Noche Buena. Napapabuntong-hininga na lamang ang binata sa masasayang ala-ala nila ng pamilya na nilipasan na ng mga araw at taon...
Pagayak na ang tatlo para sa huling misa nang may pumaradang kotse sa harap ng bahay ng magkapatid. Medyo mas nauuna nun si Josh sa dalawa kaya di gaano nakita ng magkapatid ang reaksyon ng binata. Dahil kilala niya mismo ni Josh ang sasakyang iyon.
Tumalon ang puso ng binata nang makitang masayang bumaba mula sa kotse ang batang si John at agad patakbong sumalubong at nagpakarga sa kanyang kuya. Bumukas ang pintuan ng driver's seat at mula doon, bumaba ang kanyang ama, si Atty. Jaime, na sa unang pagkakataon, matapos ang matagal na panahon, ay nakita niyang muli ang dating tindig ng ama sa suot nitong asul na polo. Marahil kahit papano naibsan din ang bigat na dinadala ng ama, naisip ni Josh.
"Bilisan nyo at ayokong tumayo sa Simbahan." ma-awtoridad man ay hindi maitatago ang saya sa tinig ng kanyang ama.
Ngumiti dito si Josh at tumango saka nilingon ang magkapatid.
Napakalaki ng mga ngiti ng dalawa, si Elijah na kumikinang pa ang mga mata sa tuwa. At si Rachael, na tila ba timpi at ayaw pang pakawalan ang nagbabadyang malalaking ngiti na magmumula sa mga labi nito. Dito na nalaman ng binata na di pala nakalampas sa dalaga ang tinatagong lungkot sa pangungulila ngayong kapaskuhan sa ama at kapatid. Kaya lingid sa kaalaman niya ay buong lakas loob na tinawagan mismo nii Rachael ang ama ng binata upang imbitahan sa kanilang pagsasalo-salo sa Noche Buena dahil alam niya na mas magiging buo ang tuwa sa puso ng binata kung naroroon din ang pamilya nito.
"Salamat." si Josh kay Rachael.
"Walang anuman." Yun lamang at gumayak na sila papuntang simbahan. Na bawat isa ay umaapaw sa puso ang kasiyahang hatid ng kapaskuhan.
Sa misa, habang ang bawat isa ay nag-usal ng pasasalamat at mumunting mga hiling, sandaling tinapunan ni Rachael ng tingin ang kanyang kapatid habang nakaluhod at nakapikit na nagdarasal. Napaka-amo ng mukha ni Elijah nang mga oras na iyon. Ilang taon din silang ganito, na magkasamang nagdarasal tuwing simbang gabi. Meron lamang na siyam na umaga bago ang huling misa sa pagsalubong, sana, naisip niya, marami pa sanang siyam na mga umaga na makakasama niya ang kanyang kapatid sa pagdarasal sa Simbang Gabi. Dahil baka ito na ang —- nais niyang iwaksi ang malagim na isiping iyon ngunit napakahirap dahil yun ang totoo. At bago pa man tuluyang mag-unahan ang kanyang mga luha sa pagdaloy ay naramdaman niyang hinawakan ng binata ang kanyang kamay. Kanina pa pala siya nito pinagmamasdan. Nang lingunin ito ni Rachael ay buong katatagan ang nakita niya sa makisig na mukha ng binata. At nabigla pa ang dalaga sa mga sumunod na pangyayari... na di na kinakailangan pang mga salita. Tuloy, sa pagmulat ng mga mata ni Elijah matapos ang huling hiling sa kanyang dasal ay hindi nakaligtas sa kanyang mga mata ang pagdampi ng mga labi ni Josh sa mga labi ng kanyang ate Rachael. Napapikit pa nga ang kanyang kapatid ng halikan ito ng binatang kaibigan.
Di naman sinasadyang magtama ang mga tingin nila Elijah at Atty. Jaime, na tila nahiya naman ang ama sa sarili na makita ang anak at ang dalaga sa ganoong pagkakataon at napa-"ehem" pa ito sabay ayos sa kanyang mga kwelyo habang iniwas ang tingin at ipinako sa ibang direksyon at inabala na lamang ang sarili sa batang si John na wala namang kamuang-muang sa nakatutuwang kaganapang iyon.
At si Elijah, na napakalaki, abot-tenga ang mga ngiti sa labi. Mga ngiti na tila ba may isang kahilingang dinasal na agad namang sinagot ng langit.
"Salamat po."
Masaya ang lahat sa pagtatapos ng misang iyon. At lahat ay masayang nagsalo-salo ng kani-kanilang Noche Buena... Naganap ang mga palitan ng mga regalo... may mga nagkakantahan sa ibang kabahayan... ang pagpapailanlang ng mga tugtuging pamasko sa bawat kabahayan.... habang ang iba naman ay nakatulog na sa kabusugan... may mga batang gising na gising pa sa tuwa sa mga regalong natanggap, at isa na rito ang batang si John... medyo lasing na rin si Josh batay sa namumungay na nitong mga mata mula sa brandy na dala ng ama... habang sa labas... masaya ang bawat tahanan... patuloy ang pagningning ng mga Christmas Lights... pati ng mga bituin... tunay na nga... ang Pasko ay sumapit.