NAGTATAKA ako kasi hindi man lang ako nirereplyan ng boyfriend ko. Galing ako sa trabaho at dumiretso na ako agad sa condo unit niya. Palagi namang ganoon, madalas na ako talaga ang punupunta sa unit niya kesa siya sa apartment ko.
Nakailang missed calls na rin ako sa kaniya pero hindi niya iyon sinasagot. Nagri-ring naman ang phone niya.
Sumakay ako ng elevator paakyat sa 4th floor---kung saan naroon ang unit ng boyfriend ko.
Pagkababa ko ay pumunta agad ako sa unit niya. Alam ko naman ang passcode. Syempre, tatlong taon na kaya kami! Kapag ganoon katagal, kailangan wala ka nang ilihim pa sa isa't isa.
Binuksan ko ang pinto at bumukas naman iyon. Dumiretso ako papasok sa loob. Wala siya dito sa salas. Tiningnan ko siya sa kusina pero wala din. Umakyat ako sa kwarto niya.
Pagbukas ko ng pinto ng kwarto niya ay bigla akong nagsisi. Sana hindi ko nalang iyon binuksan. Sana hindi ko nalang nakita. Sana hindi ko nalang siya pinuntahan.
"Baby!" Sigaw niya sa akin saka bumangon mula sa kama.
Tanging boxer lang ang suot niya. Naglalampungan sila ng babae niya.
Mabilis akong bumaba sa salas pero nahabol niya ako. "Baby, listen..."
"Ano 'yon, ano ang dapat kong marinig?"
"Baby, sorry! Sorry. I was drunk last night at kakagising ko lang. Hindi ko alam na may kasama na akong babae sa kama ko. I don't even know her!"
Kaya pala, nakangiti pa siya kanina habang naglalandian sila sa kamang iyon.
Tinatagan ko ang sarili ko saka tiningnan siya sa mga mata niya.
"Okay, pero sana huwag mo nang uulitin iyon. Paalisin mo na 'yong babae na 'yon."
Tanga? Manhid? Oo ako 'yon. Wala e, mahal na mahal ko ang lalaking ito at kahit harap harapan ko na siyang nahuhuli, tinatanggap ko pa rin siya.
Niyakap niya ako. "Thank you baby. Sabi na nga ba, ako ang paniniwalaan mo. Kaya mahal na mahal talaga kita." Sabi niya.
Ngumiti ako pero deep inside, nasasaktan ako. Kahit naman sino, masasaktan kapag paulit ulit na nagpa-flash sa isip mo iyong imahe ng boyfriend mo na may kasamang ibang babae. Worst, nakahubad pa sa kama.
"Paaalisin ko na ang babae na 'yon." Sabi niya at mabilis na bumalik sa kwarto niya sa taas.
Naiwan ako dito sa salas. Kung sa tingin niya ay iiyak ako, pwes hindi. Bakit pa ako iiyak e sanay na sanay na ako sa ganito? Sa tingin ba niya naniwala ako sa dahilan niya? Hindi. Dahil alam ko ang totoo. Sa loob ng tatlong taon, hindi ko mabilang kung ilang beses ko siyang nahuli na may kasamang babae kung saan saang lugar pero tinanggap ko pa rin siya.
Tanga talaga ako at alam ko 'yon sa sarili ko. Pero, mahal ko kasi. Iyon ang palagi kong dahilan.
Mabilis na tumakbo palabas ang babaeng kasama ng boyfriend ko sa kama niya kanina. Mukha pang nagmadaling nagbihis at gulo gulo pa ang buhok.
Masarap ba ang boyfriend ko para pag-piyestahan ng kung sino sinong babae?
Masisisi ko ba ang boyfriend ko? Hindi. Bakit? Dahil sa loob ng tatlong taon naming relasyon, wala pang nangyayari sa amin. I'm a virgin, yes. At hindi pa ako handang isuko iyon kahit pa mahal na mahal ko ang boyfriend ko. Sa ganoong paraan, malalaman ko kung mahal talaga ako ng isang tao.
Kaya ba nilang mahalin ako ng walang sex? Kaya ba nilang tumagal sa relasyong walang sex?
Sa boyfriend ko ngayon, alam kong hindi niya ako ganoon kamahal. Dahil hindi niya kaya. Oo, hindi niya ako pinipilit na gawin ang bagay na iyon pero ginagawa niya sa ibang babae kaya mas masakit.
Sa sobrang sakit ng nararamdaman ko dahil sa mga ginagawa niya, na-manhid na ako. Wala ng tulong lumalabas sa mga mata ko. Pati mga mata ko, suko na.
Ang tanging natitira sa akin na hindi sumusuko? Ang puso ko kahit pa durog na durog na 'to.
"Baby, kumain ka na ba? Sorry, kakagising ko lang. Balak ko sana ay sunduin ka sa trabaho mo. Ipaghahanda kita."
Umiling ako. "Hindi na, Robi. Aalis na din ako. Dumaan lang talaga ako para i-check kung okay ka lang kasi nag-alala ako na hindi mo sinasagot iyong mga tawag ko.
Ngumiti siya saka niyakap ako. "Okay, sige, baby. Pasensya ka na, wala din pala akong ipapakain sa 'yo. Naubos na iyong groceries na dinala mo last time."
I faked a smile. Tanga talaga ako. Kasi ginagastusan ko pa ang boyfriend ko. Everytime na sumasahod ako sa trabaho ako, naggo-grocery ako for him. May work naman siya, pero sa paraang iyon, gusto ko lang makita na inaalagaan ko siya.
"Okay." Sabi ko saka dinukot ang wallet ko sa bag ko. Kumuha ako ng five hundred saka ibinigay sa kaniya. "Tipirin mo 'to. Bumili ka ng pagkain mo. Uuwi na ako."
Hinalikan niya ako sa pisngi. Para akong nandiri dahil kakatapos niya lang makipaglandian sa ibang babae.
"Yan ang gusto ko sa 'yo, baby. Inaalagaan mo akong mabuti. Babawi ako sa sweldo ko okay?"
Tumango lang ako saka nagpaalam sa kaniya.
Ni hindi niya ako magawang ihatid sa labas ng building. Hindi niya iyon ginagawa dahil alam kong nag-stay nalang siya sa akin dahil may nakukuha pa siya sa akin at may pakinabang pa ako sa kaniya.
Pero alam ko, once na wala na akong pakinabang, itatapon niya lang ako na parang basura.
Pagkababa ko sa unit niya ay pumara ako ng taxi. Kailangan kong uminom ngayong gabi para mawala ang sakit na nararamdaman ko.
Kung iisipin ko na hihiwalayan ako ni Robi, parang hindi ko kaya. Hindi ko kayang mawala siya kasi mahal na mahal ko siya at nasanay na akong nariyan siya.
Nakasakay ako ng taxi saka pumunta sa pinakamalapit na bar.
Hashtag Bar
Wala naman akong trabaho bukas e kaya pwede akong magpakalasing. Saka isa pa, kaya ko naman ang sarili ko.
Bumaba ako sa taxi saka pumasok sa bar. Nakakatawa lang kasing simpleng jeans at blouse lang ang suot ko samantalang iyong mga narito, ang se-sexy ng suot tulad ng suot nung babaeng nahuli kong kasama ng boyfriend ko.
Pagpakapasok ko sa loob ay dumiretso lang ako sa bar counter saka naupo sa stool roon.
"Kuya, beer po." Sabi ko sa bartender.
Inilapag niya ang bote ng beer sa harap ko at isang baso na may cube ice.
Nagsalin agad ako saka uminom.
Gusto kong umiyak para mailabas ang sakit na nararamdaman ko sa dibdib ko pero wala. Walang luhang tumutulo. Manhid na nga yata talaga ako.
Muli akong uminom ng alak.
Sa tanang buhay ko, si Robi lang ang naging boyfriend ko. Siya ang first love ko at gusto ko na siya din ang maging last ko. Pangarap ko iyon.
Natawa ako sa naiisip ko. Siya nga ba ang magiging last ko?
Hanggang kailan ko ba kakayanin ang ginagawa niyang panloloko sa akin?
Hanggang kailan ba ako magbubulag bulagan?
Hanggang kailan ba ako magpapakatanga?
Hanggang kailan ko titiisin ang sakit na pinaparamdam niya sa akin?
Hanggang kailan ko papaniwalain ang sarili ko na siya ang mapapangasawa ko at wala ng iba?
Hanggang kailan?
"Oo dude, tangina malaki sana ang boobs kaso fake!"
Kumunot ang noo ko sa dalawang lalaking nag-uusap sa tabi ko. Tumingin ako sa kanila at aaminin ko nag-ga-gwapuhang nilalang sila. Pero iyong mga ganitong gwapong lalaki, mahirap abutin.
Kay Robi lang talaga ako.
Gwapo din naman si Robi e, pero hindi pang-artista. Pero sapat na iyon para maipagmalaki ko siya bilang boyfriend ko. Naiinggit nga sa akin ang mga classmates ko noong college tuwing magpopost ako ng picture namin ni Robi.
Pero si Robi, never nagpost ng picture namin. Hindi din siya nagcocomment sa mga status ko at ang profile niya, naka-single ang status niya samantalang ako, naka-in-a-relationship sa kaniya.
Itinuon ko nalang ang atensyon ko sa alak.
"Kuya meron po bang mas matapang na alak dito? Iyong malalasing ako agad?" Tanong ko sa bartender."
"Yes, miss."
Naglapag siya ng bote ng alak. Hindi pamilyar sa akin pero pang malakasang alak 'to kasi iyong kulay niya kasingkulay ng Emperador lights e.
Naglagay ako sa shot glass saka ininom iyon.
Jusko! Sobrang pait! Sobrang sama ng lasa! Pero grabe, iyong init na dala nung alak gumagapang sa buong sistema ko.
Mukhang malalasing nga ako sa alak na 'to.
Hindi naman ako lasenggera. Bihira nga akong uminom e. Natuto lang akong uminom kasi sa tuwing nahuhuli ko ang boyfriend ko na gumagawa ng kalokohan, alak agad ang karamay ko.
Wala naman kasi akong kaibigan dahil hindi ako taga rito sa Manila. Taga Nueva Ecija talaga ako at naroon ang pamilya ko, at syempre mga kaibigan. Narito ako sa Manila para magwork at dito ko na nakilala sa Manila si Robi.
Naka-apat na shots na akong alak na ito nang pakiramdam ay umiikot ang paningin ko. Gaano ba katapang ang alak na 'to at tinatamaan agad ako?
Napailing ako at muling uminom. Madali lang namang umuwi e. Sasakay lang ako ng taxi tapos makakarating na ako sa apartment ko.
Tumungga pa ako ng alak kahit nararamdaman kong tinatamaan na ako.
Nakakainis lang kasi hindi man lang tumutunog ang cellphone ko. Walang text or tawag galing sa boyfriend ko. Hindi man lang niya alamin kung nakauwi ba ako ng maayos. Ewan ko ba, ewan ko kung bakit pinagsisisiksikan ko sa utak ko na siya dapat ang mapangasawa ko.
What's good about him?
Noong unang taon ng relasyon namin, siya na yata ang pinaka-sweet na lalaking nakilala ko pero habang tumatagal, nawala iyon. Hinayaan ko nalang kasi ayokong mag-away kami. Ayaw na ayaw kong mag-aaway kami. Kaya hangga't maaari, ako na ang nagpapakumbaba sa kaniya at sa tuwing nakakagawa siya ng kasalanan, pinapalampas ko nalang.
Kahit deep inside, gusto ko ng sumabog kasi masakit na. Ang sakit sakit na.
Wala e, tanga ako.
Nang halos maubos ko ang bote ng alak ay ramdam kong lasing na ako. Tumayo na ako pagkalapag ko ng bayad ko pero para akong matutumba.
Grabe ang lakas ng epekto ng alak na 'yon. Sana, sana makauwi ako ng matiwasay.
Still reading this? Thank you so much! xoxo