45
PAK!
Isang malutong na sampal ang natanggap ko mula kay Ma'am Mira pagtungtong ko ng mansiyon kinabukasan.
"Ma'am! Ba't niyo sinampal si Krisel?" Humarang sa unahan ko si 'Nay Lourdes para protektahan ako sa nanggagalaiting si Ma'am Mira.
"Bakit hindi niyo tanungin iyang malandi niyong anak?"
"Sumusobra naman ho yata kayo! Dahan-dahan naman ho sa pananalita!" medyo inis na rin si 'Nay Lourdes kaya pilit ko siyang inawat. Ayokong madamay siya rito. Baka ito pa ang maging dahilan ng pagkakasisante niya sa napakatagal niya nang trabaho.
"Ako pa ngayon ang sumusobra?" Pekeng tumawa si Ma'am Mira bago ako nito binalingan ng matalim na tingin. "Iyang anak niyo ang sumusobra! Krisel, naging mabait naman ako sayo, ah. I even treated you as my real sister. Pero bakit kailangan mong sulutin si kuya kay Ate Trina? Ganoon ka na ba kadesperado? Sa bagay..." pinasadahan niya ng tingin si 'Nay Lourdes pabalik sa akin, "like mother, like daughter."
Doon ako hindi nakapagtimpi. Inungusan ko si 'Nay Lourdes para magkaharap kami ni Ma'am Mira. "Sabihan niyo na po ako ng kung anu-anong masasakit na salita, tatanggapin ko. 'Wag na 'wag niyo lang hong idadamay si 'Nay Lourdes dahil labas siya rito!"
"Talaga? Kaya naman pala hindi niya ring magawang mag-resign dito kasi pasimple niya pa ring nilalandi si dad."
PAK!
"How dare you?!" Hinawakan nito ang pisngi niyang pinasadahan ko ng sampal. Sinabi nang 'wag idadamay si 'Nay Lourdes, e! "Makakarating ito kay kuya Roderick—"
"Wala akong pakialam. Gusto mo samahan pa kita?"
"You'll regret this, Krisel. Hindi pa tayo tapos!" Padabog na umakyat ito ng hagdan.
Tila natauhan naman ako sa aking ginawa. Nanginginig ang kamay ko. Hindi ko alam kung anong sumapi sa akin at nagawa kong pagbuhatan ng kamay si Ma'am Mira.
Nilibot ko ang tingin sa kalawakan ng sala at halos itago ko ang aking mukha sa mga tingin at mga bulung-bulungan ng ilang kasambahay na nakasaksi sa pangyayari.
Tanga Kriselda, pinalala mo lang ang sitwasyon!
Sa bahay, katahimikan ang bumalot sa pagitan namin ni 'Nay Lourdes. Nang dahil sa nangyari ay napagpasiyahan nitong umuwi na lang at lumiban muna sa trabaho.
Sa sobrang tahimik ay dinig na dinig ko ang malalalim na paghangos ni 'Nay Lourdes. Batid ko ang mga tingin niya sa akin kaya sinalubong ko iyon.
"'N-nay..." garalgal ang boses ko. Tumakbo ako palapit sa kanya saka kinulong siya sa yakap. "S-sorry po... s-sorry 'nay..." paulit-ulit na sambit ko sa gitna ng mga hikbi.
Ang sakit mula sa panloloko ni Sir Rod, sa engkwentro namin ni Ma'am Mira kanina, maging ang mga pangamba't takot ko sa mga mangyayari ay ibinuhos ko lahat sa mga bisig niya. Para akong mumunting batang nagsusumbong sa kanyang ina.
Sa tanang buhay ko, hindi kailanman ako umiyak nang ganito kay 'Nay Lourdes. Sa tuwing may umaaway sa akin noon, hindi ako umiiyak. Tinatatagan ko ang aking loob dahil ayaw kong mag-alala sa akin si 'Nay Lourdes. Pero ngayon... hindi na ito simpleng away-bata na kaya ko pang magtapang-tapangan.
Hindi ko na alam kung anong gagawin ko.
Patuloy ang paghagod ni 'Nay Lourdes sa aking likod. Hindi man siya nagsasalita, naririnig ko ang pagsinghot niya na lalong dumudurog sa puso ko.
Hindi ko alam na ganito pala ang kapalit ng pagmamahal ko kay Sir Rod. Kung alam ko lang... sana ay napigilan ko bago pa man humantong sa ganito.