"Alam kong si Wei Ying ang nag-imbento ng Bruhula ng Kasamaan. Pero hindi lahat ng gawa niya ay perpekto. Wala na ba tayong karapatang manghinala?"
-+-
Sa katunayan, hindi mali ang sinabi ng kultibador. Unang bersyon lamang ang mga Bruhula ng Kasamaan na ginagamit ngayon at malamang na hindi tiyak na wasto ang mga ito. Nasa kalagitnaan siya ng paglinang ng ikalawang bersyon nang sinugod ang kaniyang lungga bago pa man ito matapos. Dahil dito, kailangan pagtiyagaan ng mga tao ang bulok na unang bersyon.
Gayunman, madalas ay mababang uri lamang ang mga nilalang na kumakain ng dugo't laman, tulad ng mga naglalakad na bangkay. Ang mga mas delikado at matataas na uri lamang na mga halimaw o espirito ang may kakayahang kumain ng mga kaluluwa. Para sa nilalang na kumain ng pitong kaluluwa, hindi nakapagtatakang maraming kultibasyong mga angkan ang nagtipon dito. Ngayong malakas na kalaban ang hinaharap nila, hindi maiiwasan ang ilang pagkakamali ng Bruhula ng Kasamaan.
Hinila ni Wei WuXian ang lubid at bumaba mula sa likuran ng asno. Inilagay niya sa harap ng bibig nito ang mansanas, "Isang kagat, isang kagat lang... Hoy! Kakainin mo ba pati kamay ko?"
Dalawang beses siyang kumagat sa kabilang bahagi ng mansanas bago ipakain ang tira sa bibig ng asno. Pinag-isipan niya ang kaniyang kalagayan, nagtataka kung bakit umabot siya sa puntong kailangan niyang makihati ng mansanas sa asno. Bigla, naramdaman niyang may bumangga sa kaniya sa likod. Tumalikod siya at nakita ang isang dalaga. Blangko ang mga mata nito at mukhang hindi siya napansin kahit pa nabangga siya nito. Sa halip, bahagya itong nakangiti at patuloy na nakatingin sa malayo.
Sinundan ni Wei WuXian ang tingin nito, at nakita ang masukal na tuktok ng Bundok Dafan.
Sa isang iglap, walang babalang nag-umpisang sumayaw ang dalaga sa harapan niya.
Isa itong bayolenteng uri ng sayaw, kung saan marahas na kinukumpas ng dalaga ang kaniyang mga bisig, pawang isang mabangis na hayop umaatake. Maligayang pinapanood ni Wei WuXian ang dalaga nang isa pang babae ang inangat ang palda nito at tumakbo palapit sa kanila. Niyakap nito ang dalaga at naiiyak na sinabing, "A-Yan, bumalik na tayo! Umuwi na tayo!"
Tinulak ito ni A-Yan, hindi pa rin nabubura ang nakakapangilabot niyang ngiti, at nagpatuloy sumayaw. Umiiyak siyang hinabol ng babae sa kalye. Nagsalita ang isang tindero sa tabi ng kalsada, "Hayyy... Nakatakas na naman ang anak ni Panday Zheng na si A-Yan."
"Kawawa naman ang nanay n'ya. Si A-Yan, ang asawa ni A-Yan, pati ang sarili niyang asawa— minalas silang lahat..."
Naglibot-libot si Wei WuXian habang pinagpira-piraso ang mga kataka-takang pangyayari mula sa mga usap-usapan ng mga tao.
May libingan sa Bundok Dafan. Doon nakalibing ang mga ninuno ng mga taga-Paanan ni Buddha. Mayroon ding ilang walang pangalang puntod para sa mga hindi makilalang bangkay. Ilang buwan na ang nakalilipas, isang gabi ay may bagyong nagdulot ng pagguho ng lupa sa bundok, nadamay ang ilang bahagi ng libingan. Maraming lumang puntod ang nasira at ilang kabaong ang lumantad at natamaan ng kidlat, sanhi upang labis na masunog ang labi at ang ataul.
Hindi napakali ang mga tag-Paanan ni Buddha dahil dito. Nagsagawa sila ng ilang ritwal at mga panalangin, humihingi ng proteksyon at mga biyaya. Muling ipinagawa ang lumang libingan, inaasahang sapat na ang kanilang ginawa. Sa kasamaang palad, mula roon, nagsimula nang mawalan ng kaluluwa ang mga taga-bayan.
Ang unang biktima ay isang taong tambay. Mahirap pa siya sa daga, walang pakinabang, at patambay-tambay lang. Dahil mahilig siyang umakyat ng bundok at humuli ng ibon, nagkataong nasa bundok siya at hindi makababa nang gabing gumuho ang lupa. Halos maihi siya sa takot ngunit sa kabutihang palad, nakaligtas siya. Ang nakakagulat pa, nagpakasal siya matapos ang ilang araw. Isang enggrandeng kasalan ang naganap at mula noon, ipinangako niyang lagi na siyang magkakawanggawa at mamumuhay nang mapayapa.
Lasing na lasing siya sa gabi ng kaniyang kasal, ayaw gumising kahit ilang beses tinawag ng asawa. Nang biniling lamang siya nito nadiskubre na wala nang buhay ang kaniyang mga mata at malamig na ang katawan niya. Maliban sa paghinga, wala na siyang kaibahan sa isang bangkay. Nanatili siya sa ganitong estado sa loob ng ilang araw— hindi kumakain, umiinom, o anupaman. Matapos ang mga araw na nakaratay lamang siya sa kama, pumanaw rin siya sa huli. Isa itong trahedya para sa kaniyang asawa, na naging biyuda ilang araw matapos ang kanilang kasal.
Ang ikalawa ay si A-Yan mula sa pamilya ni Panday Zheng. Matapos niyang makipagkasunduang magpapakasal, isang araw lang ang nakalipas nang pinatay ng mga lobo ang kaniyang mapapangasawa nang nangaso ito sa bundok. Matapos niyang matanggap ang nakakapighating balita, naging katulad noong sa taong tambay ang kaniyang kapalaran. Sa kabutihang palad, bigla na lamang siyang gumaling matapos ang sandaling panahon. Samantala, mula noon, tila'y nabaliw siya at madalas sumayaw habang tumatawa sa harap ng mga tao sa lansangan.
Ang ikatlo ay ang ama ni A-Yan, si Panday Zheng. Sa kabuoang bilang, pitong tao na ang namatay.
Maingat na sinuri ni Wei WuXian ang sitwasyon. Naisip niyang maaaring isa itong 'espiritong lumalamon ng kaluluwa,' at hindi isang 'halimaw na lumalamon ng kaluluwa.'
Kahit isang salita lamang ang kaibahan ng dalawa, malaki ang pagkakaiba ng mga ito. Isang uri ng multo ang espirito samantalang isang masamang hayop naman ang halimaw. Sa tingin niya, nakawala ang isang namamahingang espirito nang gumuho ang lupa na sumira sa libingan at bumukas ang kabaong nito nang matamaan ng kidlat. Para makumpirma kung ganoon nga ba talaga ang nangyari, kailangan niyang suriin ang kabaong nito at kung may mga selyo ba ito.
Sa kasamaang palad, siguradong nailibing na ng mga taga-Paanan ni Buddha ang mga kabaong at muli nang pinagpahinga ang mga namayapa. Ibig sabihin lamang nito na wala na halos ebidensya ang natira.
Para maka-akyat ng bundok, kailangang lakarin ni Wei WuXian ang daan mula sa bayan. Sumakay siya sa asno at mabagal na umakyat sa dalisdis ng bundok. Matapos ang sandaling paglalakbay, nakasalubong siya ng grupo ng mga taong pababa ng bundok, halata sa kanilang mga mukha ang sama ng loob.
Ang ilan sa kanila ay may mga sugat sa mukha at lahat sila'y buhay na buhay na nakikipag-usap. Sa kadilimang dulot ng papalubog na araw, nagulat silang lahat nang makakita ng lalaking mukhang binitay na multo. Minura siya ng mga ito at mabilis na nilampasan. Napa-isip si Wei WuXian, 'Masyado bang malakas ang nilalang na 'to na hindi nila 'to kayang huliin?' Habang pinag-iisipan niya kung anong nangyari, pinalo niya ang puwet ng asno at mabilis silang umakyat ng bundok.
Sa kasamaang palad, hindi niya narinig ang mga reklamo ng grupo matapos niyang umalis.
"Hindi pa 'ko nakakita ng gan'to kadominante!"
"Lider s'ya ng malaking angkan, anong mapapala n'ya sa pagpunta rito at pakikipag-agawan sa 'tin sa isang espiritong lumalamon ng kaluluwa? Sigurado namang maraming siyang napatay na mga gan'on n'ong kabataan niya!"
"Anong magagawa natin? Pinuno siya ng prominenteng angkan. Puwede mong galitin ang kahit anong pamilya, h'wag lang ang angkan ng Jiang; puwede mong galitin ang kahit na sino, h'wag lang si Jiang Cheng. Mag-empake na lang tayo, tanggapin ang nangyari, at umalis!"
Translator's Note:
Hoho. Sino si Jiang Cheng? Balikan ang unang kabanata.
-
I read the other Filipino translated stories here in Qidian (WebNovel) and most were translated in a suffocatingly complicated way. Worst is, they used a word-for-word method of translation for creative works which is a big NO-NO.
That said, as you can see, I might have done that in the first few chapters but now, I'm trying to do a smooth, casual way of narration, based on our MC (Wei WuXian)'s personality.
— ตอนใหม่กำลังมาในเร็วๆ นี้ — เขียนรีวิว