ดาวน์โหลดแอป
87.17% Saving my Sunshine (tagalog) / Chapter 34: KABANATA 34

บท 34: KABANATA 34

NANG DUMILIM NA, parang gusto kong pigilan at hilahin pabalik ang araw. Gusto ko nang mailigtas si Sunshine at bukas na ang misyon kong 'yon. Kaso natatakot akong baka mabigo ako. Kahit ilang beses ko nang sinabi at inulit-ulit sa sarili ko na kaya ko at magagawa ko, may duda pa rin na bumabalot sa isip ko. May takot na 'di mawala-wala. At isa pa, gusto kong makasama pa siya – kahit walang malay, basta alam kong buhay siya.

Magkatabi kaming nakahiga sa kama. Nakapako ang mga mata ko sa kanya. Nakayakap ako sa kanya hawak ang kanang kamay niya. Sinabihan na ako ni Cecilia dapat maaga akong matulog dahil maaga akong pupunta sa gitnang dimensiyon. Hindi ko magawang makatulog. Ang dami kong gustong sabihin kay Sunshine.

Hinigpitan ko ang hawak sa kamay niya at buong pusong hinalikan ko ang labi niya. "Sunshine? Naririnig mo ako, 'di ba? Sunshine... 'wag kang mang-iwan..." iyon lang ang nasabi ko bago ko ipikit ang aking mga mata kasabay ng pagdaloy ng aking luha. Marami pa akong gustong sabihin. Pero hindi ko na alam at 'di ko na masabi. Pinadama ko na lamang iyon sa kanya sa mahigpit at mainit kong yakap.

***

SA PAGDILAT NG aking mga mata, maliwanag na at ang matamis na ngiti ni Sunshine ang una kong nakita. Nakatingin siya sa 'kin. Napakasaya ng kanyang mga mata. "Magandang umaga, Lukas," nakangiting bati niya. Napatulala ako. Hindi ako makapaniwala. Gising siya. Buhay. "Ang sabi ko, magandang umaga," nakangiting ulit niya.

"S-Sunshine?"

"Um?"

Napabangon-upo ako at hinawakan ko ang mukha niya para makasiguro kung totoo ang nakikita ko. "Totoo ba 'to?"

"Mukha bang peke?" nakangiting sagot niya. Umiling ako. "Mag-almusal na tayo. Nagugutom ako. Pinainggit mo kasi ako kahapon, eh," nakangiwing sabi niya.

"Alam mo 'yon?"

"Naririnig kita," natatawang sabi niya.

Napayuko ako at medyo nahiya. Kung ano-ano pa naman ang sinabi ko kahapon.

"Tara na," sabi niya sabay hila sa 'kin palabas ng kuwarto papuntang kusina.

Pagdating sa kusina, nag-init kami ng tubig para sa kape at instant cup noodles na request niya. Hindi ko mapigilang mapatitig sa kanya.

"Bakit?" tanong niya.

"Ang ganda mo ngayon. Bagay sa 'yo ang bagong suot mo," nakangiting sagot ko at masuyo kong inipit sa tainga niya ang buhok na humarang sa pisngi niya.

"Maganda naman talaga ako," pagyayabang niya. Natawa kaming dalawa.

"Ano'ng tinitingnan mo?" puna ko sa kanya. Nakangiting nakayuko siya.

"Ang mga paa ko," sagot niya. "Nakaapak ako sa sahig. Ang sarap sa pakiramdam."

Kapwa kami nakayapak lang. Napatingin rin ako sa mga paa ko. Tama siya. Masarap nga sa pakiramdam. Mararamdaman mong buhay ka. Na bahagi ka ng mundo.

"Pero dati namang nakapaa ka na, 'di ba?" natanong ko.

"Iba ang pakiramdam ko ngayon, Lukas. Buhay na buhay," nakangiting sagot niya. "Kapag hawak mo kasi ako no'n at nagkakaroon ako ng katawan, 'yong kamay mo lang, 'yong mainit na palad mo lang ang dinarama ko."

Napangiti ako sa huling sinabi niya. Alam ko ang pakiramdam na 'yon. Kaya naman hinawakan ko ang kamay niya. Para mas maramdaman niyang buhay siya. At maramdaman ko rin 'yon.

Nang makapaghanda kami ng almusal, masaya kaming kumain na ninamnam ang bawat subo. Naglaga rin kami ng itlog at hinalo sa cup noodles. Sarap na sarap siya sa pagkain. Nagawa niya pang agawan ako. Kahit kunti lang ang nakain ko, nabusog na akong pagmasdan lang siya.

"Maglakad-lakad tayo sa labas," yaya niya pagkatapos naming kumain.

"Ayos lang kaya?" pag-aalala ko. Ngumiti lang siya at hinila ang kamay ko.

Pagkalabas namin ng bahay, pinigilan ko siya. "Walang mangyayaring masama," sabi niya. Iniwan niya ako at nauna siyang bumaba ng hagdan. Nakalagpas siya sa harang na hindi na kailangan ang tulong ko. "Tara na, Lukas."

Tumango ako at nakangiting sinundan siya. "Saan tayo pupunta?" tanong ko.

"Kahit saan. Maglalakad-lakad lang," sagot niya at naglakad na kaming dalawa. "Ayos lang ba sa 'yong maglakad tayong nakapaa?" natatawang tanong niya nang makalabas na kami ng gate.

"Ayos lang. Isipin na lang natin na nasa tabing-dagat tayo naglalakad," sagot ko. Nakangiting tumango siya sa ideya ko. "Pero sana wala tayong matapakang tae ni Cho-cho."

Natawa siya. "Sana wala talaga."

"Sunshine?" tiningnan niya akong nagtatanong. "Saan... saan mo ba ako balak dalhin?"

"Saan ba kita dadalhin?" natatawang sabi niya. "Maglalakad nga lang tayo. 'Yong ganitong tayong dalawa lang. I-enjoy na magkasama tayo."

"Gusto ko ang ideyang 'yan," nakangiting sabi ko.

Naglakad kaming dinama ang sariwang simoy ng hangin. Naging matamis na musika ang huni ng mga ibon at insekto, maging ang kaluskos ng mga dahon at sanga ng punong nagtatama sa isa't isa. At ang sarap sa pakiramdam ng pag-apak namin sa lupa. Mas naramdaman naming bahagi kami ng mundo. Nagtama ang mga kamay namin ni Sunshine. At awtomatiko naming hinawakan ang kamay ng isa't isa. Napangiti kami't nagkatinginan. Napakagaan ng umagang ito. Payapa. Walang kaba at takot. At wala akong maramdamang multo sa paligid. Masasabi kong perpekto ang lahat... Pero hindi pala.

Expectation versus reality. Ang sabi ko, maglalakad kami na parang naglalakad lang sa tabing-dagat. Pero ang totoo, umaaray kami at 'di makalakad nang maayos dahil sa sakit nang pagtusok ng mga matatalim na batong nakausli sa daan. Kaya kung maglakad na kami ay maingat. Umiiwas sa mga bato. Nawala ang sarap ng paglalakad namin nang nakayapak. Natatawa na lang kami.

"Ang guwapo mo, Lukas," biglang sabi niya.

"Ano?"

Huminto siya at napahinto rin ako. Hinawakan niya ang magkabilang pisngi ko. "Ang sabi ko, guwapo ka." At hinawakan naman niya ang magkabilang braso ko. "At ang macho mo."

"Tumigil ka nga," medyo nahiyang sabi ko.

"Ay, sus, nahiya pa. May abs ka pa, oh." At sinundot niya ang tiyan ko. "At matangkad."

Natawa na lang ako. "Narinig mo 'yon?"

Nakangiting tumango siya. "Ang bango mo. Walang mabaho sa 'yo. At ang bait-bait mo." Biglang naging seryoso siya. "Salamat. Handa mong ibuwis ang buhay mo para sa 'kin."

Hinawakan ko ang mga kamay niya. "Para sa 'tin 'yon. Sa 'ting dalawa," sabi ko.

"Masuwerte akong dumating ka sa buhay ko."

"Gano'n din naman ako."

"Napakasaya ko talagang nand'yan ka."

"Masaya rin ako, Sunshine. Masaya akong pinagtagpo tayo."

"Sobrang nagpapasalamat ako, Lukas."

"Sunshine?" nasabi ko na lang. Parang iba ang pakiramdam ko sa mga sinasabi niya.

Nagkatinginan kami mata sa mata. "Hayaan mong sabihin ko kung gaano ako nagpapasalamat na dumating ka. Kahit apat na minuto lang."

Hindi ako agad nakaimik. Tinitigan ko lang siya. "Mukhang mahaba-haba ang sasabihin mo?" nasabi ko.

"Kulang pa nga 'yon. Kulang ang isang araw para masabi ko lahat nang gusto kong sabihin sa 'yo. Kung gaano ako nagpapasalamat. Kung gaano kita kamahal."

"Sunshine..."

"Mahal na mahal kita, Lukas. Kinompleto mo ang buhay ko. Binuo mo ako. Naging napakasaya ko. Ang suwerte ko dahil naramdaman ko ang tunay na pag-ibig. Nalaman ko ang tunay na kahulugan no'n."

"Sunshine?" mahinang nasasambit ko na lang ang pangalan niya. Dapat masaya ako sa sinasabi niya. Dahil ang mga salitang 'yon ay gusto ko talagang marinig. Pero kaba ang naramdaman ko.

"Ang pag-ibig ay 'di lang 'yong magkasama kayo at sinasabi n'yong mahal n'yo ang isa't isa. Ang pag-ibig, 'yong handa mong ibigay ang sarili n'yo sa isa't isa. 'Yong masaya kang makitang masaya siya. 'Yong uunahin mo ang kapakanan niya. Pero siyempre hindi mo naman hahayaang mapahamak ka, dahil alam mong masasaktan siya. Iyon ang nalaman ko tungkol sa pag-ibig. Iyon ikaw, Lukas... Maraming salamat, Lukas."

Pinilit kong ngumiti. "Bakit mo ba sinasabi sa 'kin ang mga 'yan?" tanong ko.

"Wala lang. Baka kasi hindi ko na masabi sa 'yo." Natahimik na lang akong tinitigan siya. "Dahil sa mundo, kamatayan lang ang sigurado. Lahat tayo, doon patungo. Kaya habang magkasama tayo, gusto kong malaman mong biyaya ka sa 'kin."

Niyakap ko siya. "Tama na. Alam ko. Kahit hindi mo sabihin, alam ko. Nararamdaman ko. Iisa lang ang nararamdaman natin, kaya alam ko." Pinigilan ko siyang magsalita pa. Pagpapaalam ang nararamdaman ko sa mga sinabi niya.

Gumanti siya sa yakap ko. "Mahal na mahal kita, Lukas."

"Mahal na mahal din kita, Sunshine," sagot ko. "Bumalik na tayo," yaya ko nang maghiwalay na kaming dalawa. Nakangiting tumango siya, pero may luhang nagbabadyang dumaloy mula sa kanyang mga mata.

Naging tahimik ang paglalakad namin pabalik ng bahay. Pinilit kong 'di bigyan ng kahulugan ang mga sinabi ni Sunshine. Baka masyado lang akong nag-iisip. Nagpapasalamat lang naman siguro talaga siya. Kahit ako, gusto kong sabihin ang mga 'yon sa kanya.

"Sandali," sabi ko at pinigilan ko si Sunshine pumasok sa gate. Kinapa ko ang bulsa ng maong kong short. Naalala kong bago matulog, isinuksok ko ang puting panyo sa bulsa ko. "Posible kayang, sa 'yo 'to?" tanong ko sa kanya nang ipakita ko ang panyo. "Limang taon na ang nakakaraan, may dalagang nagbigay nito sa 'kin na halos kaedad ko no'n. Labinlimang taon ako no'n."

Kinuha niya ang panyo at sinuri. "Sa bus," sabi niya. Gumuhit ang ngiti sa kanyang labi nang tiningnan niya ako. "Ikaw 'yong binatang iyakin?"

Nakangiting tumango ako na medyo nahiya. "'Yon ang araw nang mamatay sina mama at papa."

"Kaya pala," sabi niya.

Hinawakan ko ang kaliwang kamay niya. Tiningnan ko ang peklat sa palad niya. "Ang sabi ko, hahanapin ko ang may ari ng panyong 'yan, para isuli sa kanya at magpasalamat. Dahil no'ng araw na 'yon, hindi ako nakapagpasalamat." Hinaplos niya ang mukha ko. "Salamat," taos pusong sabi ko. At hinalikan ko ang peklat sa palad niya.

"Walang anuman," nakangiting tugon niya. "Hindi pala sa bahay ng mga Sinag tayo unang nagkita." Nakangiting tumango ako sa sinabi niya.

"Sabi nga nila, maliit lang ang mundo. Hindi mo masasabi na baka isa sa mga kasabay mo sa bus o jeep o minsang nakabunggo mo sa mall o nakasabay lang sa entrance ng sinehan, ay soul mate mo na pala. Na siya na pala ang nakatadhana sa 'yo."

"Parang tayong dalawa," pagsang-ayon niya.

"Pinagtagpo tayo ng tadhana, Sunshine. Akala ko hindi ko na makikita ang may-ari ng panyong 'yan. Sa wakas, masusuli ko na. At nakapagpasalamat na ako."

Hinawakan niya ang kamay ko. Inilagay niya sa palad ko ang panyo at isinara ang kamay ko – sinuli niya ang panyo. "Sa 'yo na 'yan, Lukas. Alam mo bang nahirapan ako sa pagtahi ng simula ng letra ng pangalan ko sa panyong 'yan. Buong puso kong ginawa 'yan," sabi niya. "Lukas, ituring mong puso ko 'yan. Hawak mo na ang puso ko, eh."

"Pero, 'di ba, kapag binigyan ng panyo ang isang tao, papaiyakin mo siya?"

"Kasabihan lang 'yon."

"Sabagay. Sa totoo lang, naging lakas ko ang panyong 'to. Noon pa pala, puso mo na ang lakas ko."

Mahigpit niya akong niyakap. Walang salita. Damdamin namin ang sumisigaw. Puso namin ang nag-uusap.

Pagkapasok namin ng gate, diretso na kaming naglakad papasok ng bahay. Pero 'di ko namalayan na ako na lang pala mag-isa ang naglalakad. Paglingon ko sa likod ko, nakatayo lang si Sunshine at ilang hakbang rin ang layo niya sa 'kin.

"Ano'ng ginagawa mo?" tanong ko sa kanya.

"Mauna ka na, Lukas," sagot niya.

Nang lalapitan ko na sana siya, biglang nabiyak ang lupa.

"D'yan ka lang, Lukas!" pagpigil niya sa 'kin nang tatalon na sana ako papunta sa kanya. "Gusto ko sanang pigilan kang pumunta sa gitnang dimensiyon. Pero alam kong hindi ka papapigil."

"Sunshine!" gusto kong iabot sa kanya ang kamay ko.

"Mangako ka, Lukas! Mangako kang babalik ka. Mangako kang kahit ano'ng mangyari, mabubuhay ka!"

"Sunshine?"

"Ipangako mong kakayanin mo. Ipangako mong mabubuhay ka!"

"Pangako! Pangako, mabubuhay ako!" sagot ko. "Pero ipangako mo rin na mabubuhay ka! Ipangako mong hihintayin mo ako! Mangako ka, Sunshine! Mangako ka ring babalika ka! Ikaw na lang ang meron ako!" malakas na sigaw ko. Luhaang tumango siya.

"Ikaw na lang din ang meron ako, Lukas!"

"Babalikan kita!" sabay naming isinigaw sa isa't isa. Pangakong panghahawakan niya mula sa akin. At pangakong panghahawakan ko mula sa kanya.

Lumaki ang biyak ng lupa at dumilim ang paligid. Unti-unting naglaho sa paningin ko si Sunshine habang isinisigaw ko ang pangalan niya. At may puwersa namang humila sa 'kin papasok ng bahay.

***

TUMAMBAD SA 'KIN ang liwanag mula sa bintana sa pagdilat ko. Nasa kama ako katabi ang walang malay na si Sunshine. May luha sa aking mga mata. Panaginip. Panaginip lang ang lahat. Pero alam kong nakasama ko talaga siya. Malinaw sa alaala ko at sa nararamdaman ko.

Naupo ako. Patuloy sa pagdaloy ang luha sa aking mga mata. Tahimik kong pinagmasdan si Sunshine. Tulad ko, lumuluha rin siya. Nasasaktan ako. Na halos hindi ako makahinga. Kinuha ko ang panyo mula sa bulsa ko. Huminga ako ng malalim para gumaan ang aking pakiramdam. At tahimik kong pinunasan ang luha sa pisngi ni Sunshine.


next chapter
Load failed, please RETRY

สถานะพลังงานรายสัปดาห์

Rank -- การจัดอันดับด้วยพลัง
Stone -- หินพลัง

ป้ายปลดล็อกตอน

สารบัญ

ตัวเลือกแสดง

พื้นหลัง

แบบอักษร

ขนาด

ความคิดเห็นต่อตอน

เขียนรีวิว สถานะการอ่าน: C34
ไม่สามารถโพสต์ได้ กรุณาลองใหม่อีกครั้ง
  • คุณภาพงานเขียน
  • ความเสถียรของการอัปเดต
  • การดำเนินเรื่อง
  • กาสร้างตัวละคร
  • พื้นหลังโลก

คะแนนรวม 0.0

รีวิวโพสต์สําเร็จ! อ่านรีวิวเพิ่มเติม
โหวตด้วย Power Stone
Rank NO.-- การจัดอันดับพลัง
Stone -- หินพลัง
รายงานเนื้อหาที่ไม่เหมาะสม
เคล็ดลับข้อผิดพลาด

รายงานการล่วงละเมิด

ความคิดเห็นย่อหน้า

เข้า สู่ ระบบ