Sabay-sabay silang napatingin kay Manang Saling.
"P-paano ho…" Hindi niya maituloy ang gustong itanong dahil dumadami na ang mga taong dumarating para makiramay.
Umiling ang matanda, lumayo sa kabaong at nagpaalam sa pamilya ni Sir Jonathan. Pagkatapos ay mabilis itong lumabas ng bahay. Nagkatinginan silang magkakaibigan bago sumunod sa nanay ni Ruth.
"Bakit po gano'n?" tanong ni Danny nang makalayo sila sa mga nakikiramay.
Hinarap sila ni Manang Saling, seryoso pa rin ang tingin. "Ang sabi ni Ruth ay may narinig kayong kumakanta mula sa karagatan. Masuwerte kayong dalawang lalaki na napigilan kayo ng mga dalagitang `to. Pero ang Sir Jonathan ninyo, hindi nakatakas sa mahika ng nilalang na naninirahan sa dagat. Kinuha siya at malamang dinala sa lungga nito. Para hindi na maghanap ang mga tao, ginamitan ng nilalang na `yon ng kapangyarihan ang puno ng kahoy para magmukhang katawan ni Jonathan kahit hindi naman."
Kumabog ang dibdib ni Andres nang may ma-realize. "Manang… may posibilidad po bang buhay pa si Sir?"
"Kung makikita siya agad. Pero hindi `yon magiging madali at ayoko ring isuong ninyo ang mga sarili sa panganib. Hindi basta-basta ang nilalang na kumuha sa kanya."
Kumunot ang noo ni Danny. "Bakit po ganyan ang tawag ninyo sa kumuha kay Sir Jonathan, Manang? Hindi ba sirena ang nakatira sa dagat at nagmamay-ari sa boses na narinig namin?"
Matagal na hindi kumibo si Manang Saling. Nakakakaba ang facial expression nito. "Hindi na sirena ang nasa dagat ng Tala. Hindi nangunguha ng buhay ang natatandaan kong sirena sa mga kuwento ng aking mga ninuno. Nabahiran na ng masamang dugo ang kumuha kay Jonathan."
Nagkatinginan silang magkakaibigan. Pare-parehong nakanganga. At alam ni Andres, katulad niya ay kinilabutan din ang mga ito sa narinig.
"Mabuti pa, magsiuwi na kayong apat. Magpapaiwan ako at hihintaying maubos ang mga bisita para makausap ko nang masinsinan ang pamilya ni Jonathan. May karapatan silang malaman ang totoo. Ruth, kina Selna ka na muna matulog ngayong gabi. Ayokong mapag-isa ka sa bahay natin."
"Opo, `Nay."
Tumango si Manang Saling at saka sila tinalikuran. Pinanood nila ito hanggang makapasok uli sa bahay. Saka lang sila nagkatinginan uli.
"Ano'ng plano?" tanong ni Andres.
Bumuntong-hininga si Danny at nagkamot ng ulo. "Ano pa nga ba? Uuwi na."
Nagsimula silang maglakad palayo ng bahay ni Sir Jonathan. Nasa looban ng sitio na nakakasakop sa Tala High School ang lugar ng teacher nila kaya kinailangan pa nilang maglakad sa madilim at makipot na daan para makarating sa sakayan ng tricycle. Tahimik lang sila hanggang makarating sa maluwag na kalsada. Pero wala namang dumadaang sasakyan.
"Gusto mo do'n sa bungad ka na lang maghintay ng tricycle, Andres?" Itinuro ni Selna ang direksiyon ng mahabang tulay na lupa na alam ni Andres na dadaanan naman ng mga ito pauwi.
"Sige."
Naglakad uli sila. Gabing-gabi na at walang street lamp sa lugar na iyon. Pero malinaw nilang nakikita ang daan dahil kahit maliit lang ang buwan sa langit ay napakaliwanag naman. Nakakapagtaka nga kasi ngayon lang nakita ni Andres na ganoon kaliwanag ang buwan kahit nasa crescent phase pa lang.
Malayo-layo na sila sa lugar nina Sir Jonathan at natatanaw na niya sa malayo ang tulay na lupa nang biglang huminto si Ruth sa paglalakad.
"Hindi ko kayang bale-walain ang sinabi ni Nanay. Kung buhay pa talaga si Sir, dapat natin siyang iligtas."
Gulat na napatitig silang tatlo kay Ruth.
"Pero paano natin gagawin `yon? Babalik tayo sa dagat? Kung bumalik man tayo, paano natin malalaman kung saan itinago ng nilalang na `yon si Sir?" tanong ni Danny.
Bumakas ang determinasyon sa mukha ni Ruth at nagpatuloy sa paglalakad, mas mabilis at mabigat na ang bawat hakbang nito kaysa kanina. Sumabay silang tatlo sa mas mabilis na kilos nito.
Hindi maalis ni Andres ang pagkakatitig sa mukha ng dalagita nang magsalita ito, "Hindi ko alam. Pero ang sigurado ko, hindi puwedeng wala tayong gawin." Heto na naman ang isang side ni Ruth na lumalabas kapag nasa mapanganib na sitwasyon sila. Ang side nito na naging dahilan kaya lalong lumalim ang nararamdaman niya para dito.
Nakatitig pa rin si Andres sa mukha ng dalagita habang naglalakad kaya nagulat siya nang biglang huminto sina Selna at Danny.
"Ano `yon? W-white lady?" sabay pang nasabi ng mga ito.
Napahinto rin sila ni Ruth at lumingon sa tinitingnan ng dalawa. Nasa bukana na sila ng mahabang tulay na lupa. At ilang metro ang layo sa kanila, sa gilid na halos mahuhulog na sa umaagos na ilog sa ibaba ay may babaeng nakatayo. Nakaputing bestida ito at natatakpan ang mukha ng itim na itim at makintab na buhok na lampas balakang ang haba. Sa kung anong dahilan, may liwanag na bumabalot sa buong katawan nito, katulad ng sinag ng buwan sa kalangitan.
"N-nakakakita na rin tayo ng multo ngayon?" garalgal na tanong ni Selna. Mahina lang ang pagkakasabi nito pero dahil napakatahimik ng paligid at may open space sa ilalim ng tulay na lupa ay nag-echo ang boses nito.
Biglang kumilos ang babaeng nagliliwanag. Umangat ang ulo nito (nakayuko pala sa ilalim ng tulay kanina) at naalis ang pagkakatakip ng buhok sa mukha. Naging alerto silang apat at humakbang palapit sa isa't isa nang humarap ang babae sa kanila.
Nagulat si Andres kasi namukhaan niya ang babae.
"Hannah? Ikaw ba `yan?" sabay na sabi nina Danny at Selna na nakilala rin pala ang babae.
Hindi sumagot ang babae pero nagsimulang humakbang palapit sa kanila. "Kanina ko pa kayo hinihintay."
Kumunot ang noo ni Andres. "Hindi siya si Hannah." Hindi ganoon ang aura ng masayahing may-ari ng Store Hours na sumusulpot sa dulo ng bahaghari. Iba rin ang boses ng babaeng nasa harap nila. At ang kagandahan nito, higit na nakaka-intimidate.
"B-baka siya `yong manghuhula sa peryahan na nagsabi ng future ko," sabi ni Ruth. "Hindi ba sinabi ni Hannah na kakambal niya `yon? Ah, pero…" Naningkit ang mga mata ng dalagita habang pinagmamasdan ang palapit na babae. "Hindi kumukutitap ang buhok niya na katulad noong nasa peryahan."
"Hindi ako sila," sagot ng magandang babae na nakatayo na isang metro mula sa kanila. Sa malapitan, bahagyang nawala ang liwanag na nakapalibot dito pero nakakasilaw naman ang kagandahan. "Mga kapatid ko ang tinutukoy ninyo. Narinig ko mula sa kanila ang tungkol sa inyo. Kaya alam kong kayo ang kailangan ko para sa ikatatahimik ng bayang ito. May ibibgay akong misyon para sa inyo. Gagawin ninyo ang gusto ko, hindi ba?"
Kumabog ang dibdib ni Andres at may init na humagod sa buo niyang katawan. Parang narinig niya ang tanong na iyon ng babae sa loob ng kanyang ulo at nag-echo sa buong pagkatao niya. Bigla, parang may bumara sa kanyang lalamunan at humapdi ang mga mata. Sa sandaling iyon, wala siyang ibang gusto kundi ang sundin ito.
"A-ano'ng pangalan mo?" mahinang tanong ni Danny, mukhang nararamdaman din ang nararamdaman ni Andres.
Umangat ang gilid ng mga labi ng babae at parang lalo itong lumiwanag nang sumagot, "Mayari."
Suminghap si Ruth at nang sulyapan ito ni Andres, nakita niyang tumulo ang mga luha nito. "M-Mayari…"
"Ako nga. Alam mo kung ano ako, hindi ba?"
Tumango ang dalagita, humakbang palapit at parang gustong lumuhod na hindi niya maintindihan. SHalos katulad ng hitsura nito noong minsang nakita ni Andres na nakatitig ang dalagita kay Lukas. Mas intense nga lang ang nakikita niyang damdamin sa mukha ni Ruth kapag sa lalaking iyon nakatingin.
May naramdaman siyang hapdi sa dibdib nang maalala iyon kaya agad niyang ibinalik kay Mayari ang atensiyon.
"A-ano ho'ng gagawin namin?" tanong ni Selna sa babae.
"Nasa ilalim ng masamang kapangyarihan ang sirena sa dagat. Kailangan n'yo siyang ibalik sa dati. Kung hindi, patuloy siyang kukuha ng buhay at magdadala ng takot sa bayan ng Tala."
"P-pero paano po namin `yon gagawin? Ni hindi namin alam kung paano namin siya makikita. Hindi namin alam ang totoong kuwento," sabi ni Ruth.
"Malalaman n'yo ang lahat ng gusto ninyong malaman sa tamang oras."
Kumunot ang noo ni Andres. Dumeretso siya ng tayo at lumingon. May itatanong kasi siya kay Mayari pero… wala na ito.