(31 BC, Ehipto)
NABITAWAN ng musikerang si Nebet ang kanyang alpang tinutugtog, dahilan upang magising ang reyna ng Ehipto na si Cleopatra.
"Ano bang ingay iyan, Nebet?" galit na singhal ng reyna.
"Mahal na Reyna, may masama ho akong pangitain!" mangiyak-ngiyak na sagot nito.
Si Nebet ay ang babaeng personal na musikera ng reyna ng Ehipto na si Cleopatra. Hindi na rin lingid sa kaalaman ng lahat ang pagiging manggagaway nito. Paminsan-minsan ay napapakinabangan rin nila ang angking kapangyarihan nito at maging ang kakayahan nitong makita ang hinaharap sa pamamagitan ng pag-aaring abaniko.
Minsan nang nabanggit nito noon na mamamatay ng maaga ang pinuno ng Roma na unang mapapangasawa ni Cleopatra. Si Julius Caesar. At nagkatotoo nga iyon.
"Ang Heneral na si Octavian ng Roma... ay magdi-deklara ng digmaan laban sa grupo ni Marcus Antonius at sa Ehipto!" naglulumuhod sa paanan ng reynang paliwanag nito.
"Digmaan? Isa siyang pangahas! Ano'ng karapatan niyang magdeklara ng digmaan sa teritoryo ng biyuda ng kanyang namayapang panginoon?" galit na bulalas ni Cleopatra. Nagtatangis rin ang bagang niya sa pagpipigil ng galit dahil sa nalaman.
Agad na kinuha ni Nebet ang kanyang malaking puting abaniko at ikinumpas iyon ng tatlong beses. Agad itong binalot ng liwanag at lumabas mula roon ang ilan pang mga pangitain.
Ipinakita roon ang magiting na si Octavian. Puno ng galit ang mukha at paulit-ulit na sinasabi ang mga katagang 'traydor,' habang nasa gitna ng digmaan.
Ipinakita rin ang palihim na pakikipagkita't pakikipagtalik ni Cleopatra sa Heneral na si Marcus Antonius o mas kilala sa tawag na Mark Antony. Ang heneral na asawa ng kapatid ni Octavian, na si Octavia.
Si Marcus Antonius-katulad ni Octavian-isa ring magiting na heneral ng yumaong si Julius Caesar. At ang pakiki-apid ni Cleopatra sa heneral na ito'y nagbunga pa ng dalawang anak; bagay na nalaman ni Octavian kaya ganoon na lamang ang galit nito. Isa iyong malaking pagta-traydor sa asawa nitong si Octavia at maging sa pagkakaibigan nila.
Biglang natigila't namutla si Cleopatra sa nakita.
Kailangan niyang depensahan ang Ehipto. Kahit alam niyang bunga ito ng kanyang pagtataksil ay hindi pa rin niya hahayaang maagaw ang kanyang pag-aari, dahil lamang sa nagkamali siya. Kung nagawa nga niyang patayin ang sariling kapatid upang muling pamunuan ang Ehipto'y ilalaban rin niya ito ng patayan laban sa banta ng grupo ni Octavian. Alam niyang nagnanais lamang si Octavian ng malawakang pananakop upang gawing isang malaking imperyo ang Roma sa ilalim ng pamumuno nito. At ginagamit lamang ang relasyon niya kay Marcus Antonius upang magdeklara ng digmaan laban sa Ehipto.
(2 September, 31 BC)
Actium Greece
MALALAKAS na ugong ng trumpeta at dagundong ng mga tambol ang gumagawa ng nakakatakot na ingay sa buong paligid.
Sakay ng malalaking barkong pandigma na nasa karagatan ng Ionian, ang libo-libong mga hukbong nakalarawan ang bangis at tapang sa mga mukha.
Naroo't taas-noo namang nakatindig si Cleopatra upang pamunuan ang kaniyang mga hukbo. Nakasuot siya ng damit pandigma na gawa sa ginto't bakal, at gayon din si Marcus Antonius na noo'y nakahanda na rin sa digmaang gaganapin sa dalampasigan. Kampante sila dahil doble ang bilang ng kanilang hukbo kumpara sa mga Romano. Napagpasyahan nilang mag-anib puwersa sa digmaang ito laban kay Octavian, dahil iisa lamang ang kanilang kalaban.
Ilang sandali pa'y iwinagayway na ng grupo ni Octavian ang pulang bandila bilang hudyat sa pagsisimula ng digmaan. Sumunod din naman silang nagtaas ng pulang bandila. Matapos iyon ay agad na nagpaulan at nagpalitan ng mga nag-aapoy na pana ang magkabilang hukbo. Makikita sa kanilang mga kilos ang matinding pagnanais na manalo sa laban.
Hindi pa man ganoong nagtatagal ay halos mapalitan na ng kulay pulang dugo ang kulay asul na dagat. Nagkalat na rin ang mga nasusunog na barko sa paligid. Sigawan at hiyawan na lamang ng mga mandirigmang may ini-indang matinding sakit ang pumapailanlang sa buong paligid. Isang musikang hindi nanaising paulit-ulit na pakinggan ng sino man.
SANDALING pumikit si Nebet matapos makita ang pagsisimula ng madugong digmaan. Mula sa palasyo ng Ehipto, ay nagkakasya na lamang siya sa panunuod ng mga kaganapan sa tulong ng kanyang makapangyarihang abanikong namana pa niya sa mga ninuno.
Maya-maya pa'y niyakap niya ang kanyang alpa at nagsimula nang tugtugin ito ayon sa dikta ng 'Libro ng Kadiliman.' Tinatawag nito ang dakilang diyos ng digmaan at kadilimang si Apophis.
Unang tunog pa lamang ng isang kuwerdas nito'y unti-unti nang lumalakas ang mga alon sa dagat. Sa pagpapatuloy ng kanyang pagtugtog ay lalo pa iyong lumalakas, at tila hangin sa bilis na gumagapang sa buong dagat Ionian. Hanggang sa abutin na nito ang dalampasigan ng Actium, kung saan naman nagaganap ang madugong digmaan sa pagitan ng hukbo nina Marcus Antonius at Octavian.
ANG KANINANG ngiti ng tagumpay sa mga labi ni Cleopatra ay napalitan na ngayon ng galit at pag-aalala.
"Mahal na Reyna, umalis na tayo rito! Napapalibutan na tayo ng mga kalaban!" sigaw ng isang tauhan ni Marcus Antonius. Nanggaling pa ito sa tagudtod ng Actium kung saan nagkukuta si Marcus, at kasalukuyang nakikipaglaban sa dalampasigan laban sa grupo ni Octavian na nagkukuta naman sa daungan ng Agrippa.
Inutusan ito ni Marcus Antonius upang itakas na si Cleopatra paalis sa lugar na ito.
"Hangal! Nag-iisip ka ba?" galit na singhal dito ni Cleopatra. "Narito sa barkong ito ang lahat ng mga kayamana't alahas ko. Mas gugustuhin ko pang lumubog ito sa kailaliman ng dagat kasama ako, kaysa pakinabangan ito ng mga Romano!"
Kahit kailan ay hindi nga magawang iwanan ni Cleopatra ang kanyang mga kayamanan at kasama niya ang mga ito saan man magpunta.
"Sabihin mo kay Marcus na hindi ako aatras sa digmaan!" pinal na saad niya at tinalikuran na ito.
Patuloy pa ring lumaban si Cleopatra dahil alam niyang mas marami pa ang bilang ng kanyang hukbo.
Lumingon siya sa dalampasigan ng Actium at natanaw niya ang daan-daang kawal na mga nakahandusay na sa lupa. Duguan at wala ng buhay. Habang ang ilang mga nakatayo pa'y hawak ang kani-kanilang espada't patuloy pa rin sa pakikipaglaban na tila walang kapaguran. Mas madugo ang digmaan sa lupa kumpara sa dagat. Ngunit mas malaki naman ang bilang ng mga nalalagas na hukbo ng nasa dagat kumpara sa lupa.
MAYAMAYA pa'y biglang kinilabutan si Cleopatra nang may marinig na pamilyar na tunog ng isang alpa. Tila binabalot ng nakakatakot na musika nito ang buong kapaligiran, na naghahatid ng matinding kilabot para sa kanya. Bigla ring may lumabas na napakalakas na ipo-ipo sa pagitan ng kanilang mga hukbo. At nilamon ang ilan pang mga barko ng Ehipto, pailalim sa kaibuturan ng dagat. Mayamaya pa'y iniluwa niyon ang isang halimaw na ahas. Nagliliwanag ang mapupulang mga mata nito't nakakatakot ang matutulis na pangil.
"Apophis!" nanginginig na bulalas ng lahat nang makilala ang higanteng nilalang.
"Oh, dakilang Panginoong Apophis! Kami ang mga taga-Ehipto! Kami ang dapat niyong tulungan!" sumamo ni Cleopatra.
Ngunit, sa halip na sumagot ay bigla nitong inihampas ang napakalaking buntot sa gawi nila. Muli'y daan-daan na namang mga kawal ng Ehipto ang nilamon ng dagat. Halos mayanig ang buong karagatan sa ginawa nito ngunit pili lamang ang mga nakakaligtas. At iyon ay ang kanilang mga kalaban.
Para na siyang mabibingi sa karima-rimarim na mga hiyawan ng kanyang mga tauhang nasusunog sa papalubog na mga barko, at maging sa hiyaw ng kanyang nalulunod na mga tauhan.
"H-hindi... Hindi!" mangiyak-ngiyak na sigaw ni Cleopatra. Iniikot pa niya ang paningin sa buong paligid at nakitang paubos na ang kanyang mga hukbo. Samantalang ang kanilang mga kalaba'y nananatiling ligtas.
Patuloy pa ring binabalot ang buong lugar ng tunog ng alpa na lalong nagpapa-agrisibo kay Apophis. Alam niya ang tunog ng makapangyarihang alpa na tumatawag ng tulong mula sa mga diyos sa ibang dimensyon. At malakas ang kutob niyang si Nebet ang may kagagawan nito. Ngunit bakit sa pabor ng mga Romano?
Sa takot na mawala sa kanya ang lahat, at bago pa man siya kitilin ng nabubulagang si Apophis, ay nagpasya na siyang palihim na tumakas at bumalik sa Ehipto upang patigilin si Nebet.
PATULOY ang kalansing ng mga nagtatamang espada sa lupain ng Actium. Patuloy pa ring nakikipaglaban ang makisig na si Marcus Antonius at ang mga tauhan nito laban sa hukbo ni Octavian.
"Isa kang traydor! Ang lakas ng loob mong pagtaksilan ang aking kapatid!" ani Octavian sa pagitan ng pakikipaglaban kay Marcus.
"Noon pa ma'y alam mo nang pinakasalan ko si Octavia para lamang sa kapangyarihan, at hindi sa pagmamahal!" mariing sagot ni Marcus sa pagitan nang pagdepensa.
"Traydor! Papaslangin kita!" nanggagalaiti sa galit na sigaw ni Octavian. At sunod-sunod ang ginawang pagsugod.
Nagpatuloy sila sa pagpapambuno. Walang may gustong sumuko sa pagitan nilang dalawa, kaya naman nagtagal pa iyon.
Palasyo ng Ehipto
NAGKUKUMAHOG na hinanap ni Cleopatra si Nebet nang makabalik siya sa palasyo ng Ehipto.
"Aba't, lapastangan ka!" bulyaw niya nang makitang prenteng naka-upo ang babae sa kanyang trono.
Sa halip na matakot ang manggagaway ay tumawa pa ito ng malakas.
"Masarap pala sa pakiramdam ang maupo sa tronong ito," ngingiti-ngiting saad nito. "Ipinakita sa'kin ng abaniko na mas bagay ako sa upuang ito kumpara sa 'yo."
"Isa kang traydor! Ipinain mo ang Ehipto sa mga Romano!" Akma sana siyang susugod ngunit may dalawang malalaking ahas ang biglang lumabas sa kung saan, at pumulupot sa kanyang mga paa upang pigilan siya.
"Wala kang karapatang saktan ang bagong reyna ng Ehipto, Cleopatra!"
"Bagong reyna? Kung gayo'y planado mo ang lahat ng ito?" hindi makapaniwalang bulalas niya.
"Gumagana pa rin pala ang utak mo! Akala ko, hindi na." Muli itong tumawa ng malakas. "Noon pa ma'y alam ko nang mapapasakin ang tronong ito sa tulong ni Octavian. Tinulungan ko ang Roma sa pangmalawakang pagsakop nito't pagbuo ng imperyo, kaya naman nararapat lamang ang pabuya sa akin."
"Ahas ka!" gigil na bulyaw niya.
"Wala ka nang babalikan pa, Cleopatra! Ngunit, dahil mabait ako... kahit papaano'y ipapakita ko sa 'yo ang kahahantungan ng inyong pagmamahalan ni Marcus Antonius," anito't nakakalokong ngumiti. Pagkuwa'y ikinumpas nito ng tatlong beses ang hawak na abaniko.
Ipinakita roon ang pagpapaulan ni Apophis ng apoy sa dalampasigan kung saan natusta ang lahat ng mga tauhan ni Marcus Antonius, kabilang na ito. Sumunod naman si Cleopatra na tinuklaw ng makamandag na ahas na agad niyang ikinamatay.
"Hinhi!" Malakas na tili ni Cleopatra ang bumalot sa buong palasyo nang tuklawin nga siya ng ahas ng sandali ring iyon.
At sumabay naman dito ang malakas na halakhak ng nagtagumpay na ahas ng Ehipto-si Nebet.
***Wakas***
— จบบริบูรณ์ — เขียนรีวิว