"Lolo!" Malakas na sigaw ang aking pinakawalan upang tawagin ang isang matandang lalaking pulubi na nakaupo sa bangketa.
"May dala po akong pagkain para sa inyo." Naupo ako sa kanyang tabi 'tsaka iniabot sa kanya ang tinapay at bottled water na binili ko.
"Naku! Maraming salamat hija, hindi pa ako nakakakain simula kagabi eh," wika niya. Agad na nilantakan niya ang pagkaing ibinigay ko.
"Lolo, wala po ba kayong pamilya?" Hindi ko namalayang naisatinig ko na pala ang katanungang matagal nang namamalagi sa aking isipan.
Lagi ko kasi siyang nakikitang mag-isang nakaupo rito sa bangketa na nasa tapat ng aming bahay. Tahimik na pinagmamasdan niya lamang ang nagdaraang mga tao't sasakyan kaya't noong nakaraang linggo lang ay nilapitan ko siya at binigyan ng pagkain. Magmula noon ay lagi ko na siyang dinadalhan ng anumang pagkain, marahil ay naaawa ako sa kalagayan niya. Minsan ko na rin siyang inaya upang kumain sa aming bahay ngunit tumanggi siya.
"Wala eh, pero may asawa at anak ako dati," sagot niya.
"Nasaan na po sila ngayon?" Hindi ko maiwasang magtanong dahil sa sobrang kuryusidad.
"May ibang pamilya na sila ngayon," saad niya at panandaliang tumigil sa pagkain. "Masayang pamilya at maginhawang buhay, 'yun ang meron ako dati. Hanggang sa bumalik 'yung first love ng asawa ko kaya iniwan niya 'ko. Isinama pa niya ang anak naming dalawa no'ng umalis siya. Nagmakaawa ako no'n sa kanya. Halos lumuhod na nga ako sa harapan niya para lang hindi niya ako iwan kaya lang..."
Labis na nahabag ang aking puso nang maglandas ang luha sa kanyang mga mata. Hindi ko na napigilan ang aking sarili kaya't niyakap ko siya. Wala na akong pakialam kung madumihan man ang suot kong damit.
"Pero alam mo, kahit umalis man sila sa buhay ko, hindi ko pa rin sila iniwan. Laging ko silang sinusundan saan man sila magpunta. Hanggang ngayon ay patuloy ko pa rin silang tinatanaw mula sa malayo, minamahal ng palihim at binabantayan palagi," saad niya. Napansin ko ang saglit na paglingon niya sa balkonahe ng bahay namin kung saan nakaupo ang lola at lolo ko.
Pinunasan niya ang kanyang luha 'tsaka tumayo. "Oh siya, salamat ulit sa pagkain. Mauuna na 'ko. Ikamusta mo nalang ako sa lola at tatay mo, apo. Alalahanin niyong mahal na mahal ko kayo, ha?"
Natigilan ako nang marinig ang sinabi niya. Ibig sabihin... si lola 'yung asawa niya dati.
"Lolo ko..." Hindi ko namalayan ang pagtulo ng aking luha. Hindi ko alam na gano'n pala kabigat 'yung pinagdaanan ng totoong lolo ko para lang sa pagmamahal niya kay lola.
He begged for her love and until now, he's still a beggar of love.
Sinubukan kong alamin kung saan nakatira 'yung lolo ko o kung may natitirhan ba siya dahil naging palaboy-laboy nalang naman siya sa lansangan simula no'ng iwan siya ni lola kaya lang nabalitaan ko nalang na pinagtripan raw siya ng mga lasing at nasaksak na siyang naging sanhi ng pagkamatay niya.
"Mahal na mahal kita, lolo ko."
—zyrr.lcst♡
a work of fiction