Masakit ang sinabi ko. Masakit ang ginawa kong halos magmakaawa na kay Raffy para lang itigil na niya ang nararamdaman niya.
Kung ako tinanong ng mga panahong namimili pa ng mapapangasawa sina Mama at Papa tungkol sa mga Javier, siguro tama si Raffy, papayag nga ako. Bukod sa wala na akong choice, mapapanatag ang loob ko dahil kaibigan ko ang ipakakasal sa akin. Siguro nga magiging masaya kami. Matututunan ko siyang magustohan. Baka nga.
Pero ngayon ko nalaman, e, kaya ganito ang approach ko. I am not the same person as I am from last year. My perception did change after kong malaman na Lizares ang pakakasalan ko. Ibang-iba na. Kaya ko nasabi kay Raffy 'yon para hindi niya mas lalong sisihin ang sarili, para hindi na siya umasang meron nga kahit kaonti. Mas mahirap 'yon. Kaya sinabi ko sa kaniya ang mga salitang naka-base sa pangkasalukuyang nararamdaman ko.
Hindi naging maayos ang pag-iwan ko kay Raffy sa fast food chain na iyon. Matapos kong sabihin 'yon, umalis na ako. Ayoko sana kaso pinaalis niya ako, e, wala akong nagawa.
Nalungkot ako sa nangyari. Marami pa sana akong gustong sabihin kay Raffy. Pero baka mas lalong madagdagan ang sakit kapag sinabi ko pa.
Hindi na ako nakadaan ng opisina. Pinadalhan ko na lang ng message si Aira na masama ang pakiramdam ko at uuwi na lang ako. Hindi na rin naman siya nagtanong.
Umuwi ako sa penthouse para mag-ayos ng gamit. Bukas ng gabi, babalik na ulit ako ng Negros para ipagpatuloy ang naudlot na pagri-review at babalik sa susunod na buwan para sa another set of diagnostic testing.
Pagkarating ko sa penthouse, mag-isa lang ako dahil masiyado pang maaga at nasa school pa ang dalawa kaya inayos ko na lang talaga ang mga iilang gamit ko na puwedeng dalhin sa bahay.
Nang ma-bored ay nanuod ako ng isang movie sa salas at habang nanunuod ay bigla akong inantok.
"Her secretary said she's not feeling well."
Pero biglang nagising ang diwa ko nang makarinig ako ng isang napaka-pamilyar na baritonong boses.
"Mukhang hindi naman siya nilalagnat, e." Na sinundan ng isang boses ng babae at ang pagdampi ng palad sa may noo ko."Hindi naman mainit ang noo n'ya."
"Baka nasa loob ang sama ng pakiramdam, ano, Sir?" Nagsalita na rin ang isa pa na si Erna.
While still in a sleeping position, I shifted my position hugged more the throw pillow.
"Ang iingay, nakitang may natutulog, e," I mumbled then went back to sleep.
"Ay Sir, hindi masama ang pakiramdam n'yan, masungit, e," ani Alice na tinawanan ni Erna pero masiyado pa rin akong antok kaya pinabayaan ko silang tatlo roon at natulog ulit.
Nagising ulit ako at ang unang nakita ng aking mga mata ay ang detailed chandelier ng penthouse. Ilang segundo ko 'yong tinitigan bago bumangon sa sofa na kinahihigaan ko.
Pero sa pagbangon ko, ang unang nakita ng mata ko ay ang crush kong prenteng nakaupo sa pang-isahang sofa. Yeah, I'm claiming he's my crush, wala naman sigurong masama?
Seryoso siyang nakatingin sa akin kaya sinuklian ko rin ng seryoso ring tingin habang dahan-dahan at ma-drama kong tinanggalan ng muta ang aking mata. It's my instinct everytime I wake up but this time, I'm doing it with utmost emotion and with a purpose. Hindi ko tinanggal ang pagkakatitig ko sa kaniya habang ginagawa 'yon kaya kitang-kita ko ang sumilay na maliit na ngiti galing sa kaniya. At doon ako tumigil sa katangahang ginagawa ko. Bigla akong tumayo at nilagpasan siya nang may ngiti na rin sa aking mga labi.
Punyemas, baby, kung sinabi mo lang na mapapangiti pala kita sa pagiging tanga ko, sana noon pa lang ginawa ko na 'to. Punyemas baby.
Umakyat ako sa kuwarto ko at nagbihis ulit. Wala lang, para naman kahit papaano'y presentable tayo, ano?
Bababa na sana ako nang may kumatok sa pinto ko. Agad ko itong pinagbuksan at kahit hindi ko pa alam kung sino, ngumiti na ako. Baka kako si baby pala. Punyemas, MJ Osmeña Lizares, ang pangit mo palang magka-crush? Punyemas!
"Yes?" In my sweetest smile, I greeted the one who knocked on my door.
Punyemas?
Pero unti-unti ring nawala ang malawak at matamis kong ngiti nang makitang si Alice ang nasa labas ng pinto.
"Bakit?" Medyo masungit kong sabi, disappointed.
"Lawak ng ngiti kanina, ah. Nag-i-expect kang si Sir Darry ang kumatok sa 'yo?" Nakangising sabi ni Alice na tinaasan ko ng kilay. "Asa ka pa, baka nga nagseselos 'yon, nakipagkita ka pala kay Raffy Javier?"
What?
Unti-unting nagpantay ang kilay ko at napatayo ako nang maayos dahil sa sinabi ni Alice.
"Paano mo nalaman?" Nagtiim-bagang ako. Paano nila nalaman? Imposibleng si Aira kasi hindi ko naman pinaalam sa kaniya ang pangalan ni Raffy.
I know it's nothing pero naalala ko na naman kasi ang usapan namin kanina ni Raffy. Hindi 'yon maganda at medyo bumabagabag 'yon sa utak ko.
"Habang tulog ka kanina, tinawagan ulit ni Sir Darry 'yong secretary mo, si Miss Aira? Tinanong kung sinong college friend mo ang kasama mo kanina. E, hindi naman kilala ni Miss Aira kaya pina-describe na lang ni Sir sa kaniya. E, narinig ko kaya akala ko si Raffy Javier, at base sa reaksiyon mo ngayon, mukhang si Raffy Javier nga."
Pa-simple akong umiling at ngumiti sa kaniya.
"E, ano ngayon kung si Raffy nga ang kasama ko kanina?" Taas kilay na tanong ko. "At si Darry? Magseselos? Nang dahil sa akin? Asa ka pa, Alice." Mukhang sarili ko ang dapat kong pagsabihan no'n, ah? Naks naman, MJ, 'wag ka nang umasa!
"Manhid ka pala Ma'am?"
"Bakit ka ba kasi nandito?" Singhal ko sa kaniya para wala na siyang masabing iba.
"Maghahapunan na, bumaba ka na at sabayan mo na ang asawa mo," and then she walked away. Leaving me in awe. Wow.
Wala akong nagawa kundi ang sumunod sa kaniya sa pagbaba.
Walang pinagbago sa penthouse. It's still the same from the last time I was here. Walang bakas ng pagbabago although I expected na sana meron kahit na one month lang akong nawala rito.
Habang naglalakad sa salas ay napatingin ako sa malaking espasyo sa itaas ng table na nilalagyan ng mga muwebles. Nakalimutan ko kung anong tawag sa table na 'yon, basta 'yon na 'yon. Pader na actually malaking espasyong iyon, magandang sabitan ng paintings o kahit ng portrait. Hmmm, lagay ko kaya r'yan 'yong wedding picture namin?
Ay punyemas, may wedding picture ba kami? Hindi ko alam, wala na ako sa sarili ko matapos ang kasal na 'yon, e, kaya hindi ko alam kung meron ba. But I remembered Kuya Yohan and Kuya Tonton, they were holding cameras that time. May kuha kaya sila ng picture namin?
"Ma'am MJ, kain na po."
Nagpatuloy ako sa paglalakad nang makita si Erna na sumilip sa akin mula sa dining area.
Tahimik ang naging hapunan namin. Hindi sumabay si Alice at Erna sa amin kumain, sinasadya nilang hindi sumabay lalo na kung kasama ko si Darry sa pagkain. Sasabay lang sila sa akin kung mag-isa lang ako. Ganoon 'yong routine noong nandito pa ako. Ngayong nagbabalik na, mukhang balik na naman sa dati. Isang tahimik na hapunan sa malaking hapag-kainan na 'to. Gusto kong magsalita pero baka supalpalin ako nito. Mukhang galit pa rin sa akin dahil sobrang grumpy ng mukha niya ngayon habang kumakain kami. Ayokong mag-take ng risk to open up a conversation, baka bigla rin akong bugahan ng apoy. Mahirap na, madali pa naman akong matupok ng apoy ngayon, lalo na't nagbabaga at nag-aalab na apoy ng kaniyang tingin.
Punyemas, Maria Josephina Constancia, you really are a one hella crazy girl.
Bigla ako napasubo ng kanin at hindi na nga napigilan ang sariling ngumiti. Punyemas, MJ, ang bagsik mo palang magka-gusto! Punyemas. Mababaliw na yata ako. Normal pa ba ito? Kumakain lang naman kami pero kung anu-ano na ang pumapasok sa utak ko.
"Why are you smiling?"
Punyemas.
Matinding tikhim ang nagawa ko at napaayos na rin ng upo at nagpatuloy pa sa pagkain nang marinig kong nagsalita na ang katabi ko... sa wakas.
Nilingon ko siya at nginitian.
"Bakit? Bawal na bang ngumiti sa penthouse na 'to? Bakit hindi ko alam?" May panunuyang tanong ko pero lalong umismid ang mukha niya at parang na-insulto sa sinabi ko. Kaya very, very light akong nagseryoso. "Wala, may naisip lang." Kaonting ngiti muna tapos nagpatuloy sa pagkain.
"You remembered your date with Raffy Javier earlier?"
Punyemas? Date? Ha? Ano 'yon?
Matinding tikhim ulit ang ginawa ko tapos salubong ang kilay kong nilingon siya.
"No! Bakit ko naman iisipin 'yon? At saka anong date? Hindi date 'yon, aksidente lang kaming nagkita kanina. Friends naman kami at saka ang rude ko naman kung hindi ko siya sasamahan." Depensa ko naman. Kasi totoo naman talaga, bakit ko naman iisipin 'yon, e, siya naman ang dahilan kung bakit nangingiti ako bigla.
"Really, huh. May I remind you, wife, that you're a married person now. Hindi ka na dapat nakikipagkita sa kung sinu-sinong lalaki."
OMG! Tinawag niya ulit akong wife! Aaaaaaah shit naman baby! Teka sandali, hindi ko talaga mapigilan ang ngumiti, sandali lang! Bakit ba. Kinikilig ako! Punyemas! Sa kauna-unahang beses sa buhay ko, ngayon lang ako kinilig ng ganito. Wrong timing, wrong moment, punyemas! Ah basta kinikilig talaga ako, ano ba!
"You called me wife!" Nakangiti ko siyang itinuro. Mas lalong sumama ang tingin niya sa akin pero wala akong pakialam! Masaya ako baby! You called me wife, again!
Umiling siya, nagtiim ang bagang at umismid na nagpatuloy sa pagkain, pero ako, heto't hindi na maalis ang ngiti. Ay bahala ka r'yan!
Hindi na ulit siya nagsalita kaya nagpatuloy kami sa pagkain.
"Ma'am MJ, may tumatawag po sa cell phone n'yo."
Boses ni Erna ang narinig ko nang magsalita siya at mukhang nasa salas siya ng penthouse.
Bahagya akong napatigil sa pagkain at panandaliang sinulyapan si Darry bago sumagot ng pasigaw kay Erna.
"Sino, Erna?"
"Raffy po ang nakalagay, Ma'am."
Punyemas.
Isang matinding paglunok na naman ang nagawa ko. Hindi na makatingin kay Darry.
"Hindi pala na-enjoy, huh."
Lunok ulit. Punyemas, napaka-wrong timing!
"H-Hayaan mo na, Erna. 'W-Wag mo na lang sagutin." Napayuko ako at inabala ang sarili sa pagkain. Fighting the urge to answer the call kasi kaonti na lang, magkakamabutihan na kami ni Darry, ayoko namang maantala dahil lang sa tawag ni Raffy.
"Kanina pa po kasi tumatawag, Ma'am. Baka po importante." Biglang sumulpot si Erna sa dining area bitbit ang phone ko na umiingay na nga ngayon, mas malakas kasi nasa malapit lang.
"P-Pakisagot na lang muna, Erna, kumakain pa kasi kami ng asawa ko." Sinulyapan ko si Darry para makita kung anong magiging reaksiyon niya sa sinabi ko pero wala, wala siyang naging reaksiyon kasi patuloy lang siya sa pagkain.
"Okay po, Ma'am MJ." Lumabas ulit si Erna ng dining area kaya kahit papaano ay nakaginhawa ako nang maluwag. Pero ang hirap ng bumalik sa pagkain lalo na't alam mong may masamang elemento ang sumasapi ngayon sa katabi kong demunyu. Hay naku!
"Ikaw na sumagot, wala na rin naman sa akin kung magkikita kayo ulit."
Wow. Ang sakit.
Natameme ako sa sinabi ni Darry. Napaawang pa ang bibig ko. Parang ang sakit no'ng sinabi niya, ah.
Umalis siya sa hapag at saktong palabas na siya ng dining area nang bumalik si Erna. Bali nagkasalubong sila pero napahinto siya nang marinig ang sinabi ni Erna. Maski ako napatayo at napalapit sa kaniya.
"Ma'am, ikaw po ang hinahanap. Sa ospital daw po."
"Hospital?" nagtatakang tanong ko kaya agad kong kinuha ang phone ko at ako na mismo ang sumagot.
"Anong atin?" Kalmado ko pang tanong. Bakit parang kinabahan ako?
"Is this Miss MJ Osmeña?" Babae ang sumagot kaya mas lalo akong kinabahan.
"Yes, ako nga. Bakit?"
"Miss Osmeña, this is from Saint Lukes Medical Hospital, ikaw po kasi ang nakalagay na emergency contact ng patient. Nandito po si Mister Raffy Javier ngayon sa emergency room ng hospital. If you are a close relative of the patient-"
"Anong nangyari sa kaniya?" Hindi ko na pinatapos kung anong pinagsasabi ng babaeng iyon. Mas lalo akong kinabahan. Hospital nga ang tumawag sa akin! I mean hindi 'yong mismong hospital na building ha, staff from the hospital! "BGC o Quezon City?"
"Quezon City, Ma'am."
"Okay pupunta ako." Dali-dali akong umalis ng dining area para puntahan ang kuwarto para makapagbihis.
Anong ginagawa ni Raffy sa hospital? Punyemas, anong nangyari Raffy?
"Saan ka pupunta?"
Bago pa man ako makaakyat ng hagdan ay napigilan na ako ni Darry ng tanong.
Humigpit ang hawak ko sa railings ng hagdan at tiningnan siya sa nag-aalalang expression.
"Hospital. Dinala sa hospital si Raffy."
"Ihahatid na kita. Magbihis ka muna."
Pilit akong ngumiti sa kaniya at tumango. Kinakalma ang sarili ko sa mga posibilidad na naiisip ko. Punyemas, Raffy, anong nangyari?
Isang madaliang bihis lang ang ginawa ko. Nagdala na rin ng mga importanteng dadalhin like cash, phone, and IDs. Nang bumaba ako sa hagdan, nakita ko si Darry na nakaabang lang sa akin sa may salas. Hindi siya nagbihis.
"Sa Saint Lukes Quezon City tayo," sabi ko nang pareho na kaming nasa kotse niya.
Tahimik ako buong biyahe, hindi muna inaalala si Darry. Ang inaalala ko ngayon ay ang kalagayan ng kaibigan ko. Kinakabahan ako kasi ako ang huli niyang kasama at kung pagbabasehan pa ang mga sinabi ko sa kaniya, baka nga may kinalaman 'yon sa nangyari sa kaniya ngayon.
I care for Raffy, okay? He's like a brother to me, a younger brother I never had. Kaya kahit anong mangyari, mananatili akong kaibigan niya at patuloy akong mag-aalala sa kaniya kasi kaibigan ko siya. Kaibigan lang talaga.
Tahimik din ang kasama ko hanggang sa makarating kami sa ospital na sinabi ng babaeng tumawag gamit ang phone number ni Raffy.
Agad akong pumasok sa emergency room ng hospital at nilapitan ang reception table nito. Tahimik lang din siyang nakasunod sa akin.
"Miss, may pasyente ba kayong Raffy Javier ang pangalan?"
May ch-in-eck naman agad ang nurse na nandito sa reception table yata. Isa-isa niyang tiningnan an mga clipboard na nakalatag sa harapan niya.
"Yes, Miss, he's on a third bed," sabay turo niya sa bandang kaliwa ko, kung saan ang mga hospital bed ng emergency room.
Nang lumingon ako roon, nakita ko kaagad si Raffy na nakaupo sa hospital bed at nakatingin na sa akin.
Malaking kaginhawaan sa pakiramdam ang naramdaman ko nang makita siyang nakaupo at walang grabeng nangyari sa kaniya.
"Thank you, nurse!" Nakangiti na ako sa Nurse nang magpasalamat ako sa kaniya.
Ewan ko ba! Sobrang nakaka-relief na hindi grabe ang nangyari sa kaniya. Lumapit ako kay Raffy at doon ko unti-unting nakita ang pasa niya sa mukha. Putok ang labi at dumudugo pa, may malaking pasa din siya sa may bagang niya at pisnge, pati sa mata. Pero halatang nalapatan na ng paunang lunas ang mga pasa at sugat niyang iyon.
"A-Anong nangyari sa 'yo?" Pero kahit na hindi naman grabe ang nangyari sa kaniya, hindi ko pa rin maalis sa sarili ko na mag-alala dahil sa mga natamo niyang pasa.
Mas lalong yumuko si Raffy at halos hindi na makatingin sa akin.
"Miss, are you related to the patient?"
Ay char, hindi ko naman alam na mga englishero at englishera pala ang mga nagta-trabaho rito sa St. Lukes. Char.
Ah punyemas, MJ! Ngayon ka pa talaga makaka-isip n'yan?
"Y-Yes, I'm MJ Osmeña, ako 'yong tinawagan kanina."
Tumango ang Nurse na iyon.
"Okay po, pakihintay lang po si Doctor Maravillas, parating na po siya para i-explain sa inyo kung anong nangyari kay Mister Javier."
"S-Sige." Ibinalik ko ang tingin ko kay Raffy na nanatiling tahimik habang nakayuko. Gusto ko siyang ratratin ng tanong pero inaalala ko rin ang mga sugat niya sa mukha.
Nakipag-suntokan ba siya? Kanino naman?
Suminghap ako nang makitang masiyadong namaga ang mukha ni Raffy.
"Oh, bay? Anong ginagawa mo rito?"
Napalingon ako sa kanan ko nang may nagsalita. Una kong nilingon si Darry na nasa may dulo ng hospital bed at mukhang may kausap kaya agad akong napalingon sa harapan niya.
Oh?
Automatic na napataas ang isang kilay ko nang makita ang isang pamilyar na mukha. Isang beses ko lang siya nakita pero natatandaan ko pa ang mukha niya. Pinasadahan ko siya ng tingin mula ulo hanggang paa at nang makitang naka-doctor's coat siya ay mas lalo akong nagtaka.
Doctor pala 'to? Hindi halata, ah?
"Sinamahan ko lang ang asawa ko," sagot ni Darry sabay muwestra sa direksiyon ko. Napatingin naman si Yaspher sa akin. Yeah, kaibigan ni Darry. Isa pa lang doctor. Wow. Edi wow. Wowowin.
"Doc, siya po 'yong emergency contact ng patient," wika ng Nurse na nasa tabi niya.
Kung gulat ako sa nalamang isang Doctor ang isa sa mga kaibigan ni Darry, mas nagulat siya na ako ang itinuro ng Nurse na emergency contact ni Raffy. Teka nga, bakit ba kasi ako ang emergency contact niya?
"Oh? Ka-anu-ano mo si Mister Javier, MJ?"
Napangiwi ako sa tinanong ni Yaspher. Okay Doctor Yaspher.
"Kaibigan. Anong nangyari sa kaniya, Doc?" Pag-iiba ko sa usapan pero mukhang mas lalong ngumisi si Doc Yaspher habang pinasadahan ng tingin si Darry.
"Kaibigan... hmmm." Pa-tango-tango pa niyang sabi. "Okay Mrs. Lizares, your friend right here is drunk and was beaten inside a club near Makati."
Ha?
"Makati? Bakit dito dinala sa Quezon City?" Nagtatakang tanong ko. Meron naman sigurong hospital sa Makati, bakit dito pa?
"Kung bakit dito siya dinala ng babaeng nagdala sa kaniya kanina ay hindi namin alam. Basta narito siya dahil nabugbog siya sa isang bar. Nalapatan na namin siya ng mga paunang lunas and we already cleaned his wounds but hindi namin siya mabibigyan ng gamot dahil nga lango pa siya sa alak. But this time, nahihimasmasan na siya at maaari na siyang makausap nang maayos." Mahabang explanation na sabi ni Doctor Yaspher.
Punyemas, I still can't move on with Darry's friends. May kaibigan siyang piloto, inhenyero, tapos ngayon doctor? Anong propesyon no'ng dalawang natitirang kaibigan niya? Amox and Erico, right? Punyemas. Professional bastards!
"May naghatid sa 'yo rito? Sino?" Imbes na abalahin ang sinabi ng Doctor. Mas inabala ko na merong nagdala kay Raffy sa hospital na ito.
"Ako!" May babae na namang sumingit sa usapan namin. Galing siya sa likuran ng doctor kaya kunot-noo ko siyang tiningnan. Umaliwalas lang ang tingin ko nang makitang matinong babae naman pala ang naghatid sa kaniya rito sa ospital. "Ikaw ba si MJ Osmeña?" Taas-noong tanong ng babae sa akin.
"Y-Yes..." Medyo kinabahan ako sa naging reaksiyon ng babae sa akin lalo na noong tingnan niya ako mula ulo hanggang paa.
"Kaya pala naglasing 'to, maganda naman pala ang rason. Kaso kasal ka na raw?" Maangas na tanong niya. Medyo na awkward-an ako kaya dahan-dahan na lang akong tumango bilang sagot.
Napa-ah siya sa naging sagot ko and simply snorted a laugh.
Napatitig ako kay Raffy habang nagpatuloy ang pagsasalita ni Doctor Yaspher. Hindi ako masiyadong nakinig dahil hindi ko inaalis ang tingin ko sa kaniya. Napabaling lang ako ng tingin sa kanila nang magpaalam si Doctor Yaspher.
"Raf, anong nangyari? Bakit ka naglasing?" Tanong ko nang makaalis si Doctor Yaspher.
Bahagya siyang nag-angat ng tingin sa akin at pinasadahan na rin niya ng tingin ang dalawang taong kasama namin malapit sa hospital bed niya.
"M-MJ..."
Inalalayan ko si Raffy nang gumalaw siya para hawakan ang magkabilang braso ko. Nag-angat siya ng tingin sa akin at ganoon na lang ang naging gulat ko nang makitang sunod-sunod na ang patak ng kaniyang luha. He didn't mind wiping them. Seryoso lang siyang nakatingin sa akin kaya parang pinipiga naman ang puso ko.
Masakit makitang nasasaktan ang kaibigan ko.
"Sshh, masakit ba? 'Wag mo na kasing pilitin ang sarili mo, magpahinga ka na lang." Hinaplos ko ang kamay niyang nakahawak sa braso ko para sana alalayan siyang humiga pero hindi siya gumalaw, patuloy pa rin sa pagtulo ang kaniyang mga luha.
"M-MJ, sorry. Sorry talaga kasi nagalit ako sa 'yo. Galit na galit ako sa 'yo dahil lang sa hindi mo tinanggap ang pagmamahal ko sa 'yo. Sorry kasi masiyado akong nabulag ng pagmamahal ko sa 'yo na nakalimutan kong isa ka palang mabuting kaibigan sa akin. MJ, sorry, kasi binigyan ko ng malisya ang lahat nang naging pag-aalala mo sa akin. MJ, sorry, kasi minahal kita kahit alam kong bawal. MJ, sorry!"
Napasinghap ako sa sinabi ni Raffy. Kahit medyo magulo at amoy na amoy ko ang alak sa bibig niya, naiintindihan ko pa rin ang punto ng gusto niyang sabihin. He's sorry.
"Sshh, it's okay, Raf. It's okay. Naiintindihan ko, Raf. Kahit gusto kitang aluin dahil kaibigan mo ako, hindi ko naman magawa kasi nga ako ang rason kung bakit ka nasaktan."
"MJ, sorry talaga! Ikaw ang sinisi ko noong nalugmok kami, ikaw ang sinisi ko kung bakit kami naghirap. Ikaw ang sinisi ko, MJ. Nang dahil lang hindi kami ang pinili ng pamilya mo, sa 'yo ko ibununton ang lahat. Siniraan kita sa mga kaibigan natin, sa mga dati nating kaklase. Siniraan kita sa sobrang galit ko sa 'yo, MJ."
Huh? Kaya ba wala na akong balita sa mga kaibigan ko? Kaya ni-kumusta ay wala akong natanggap sa kanila? Kasi siniraan niya ako sa kanila? Akala ko pa naman abala ang lahat sa pagri-review kaya wala silang paramdam, tapos ganito? Bakit?
Ipinilig ko ang ulo ko at mapait na nginitian si Raffy. Naiintindihan ko ang galit niya. Kaya niya nagawa 'yon dahil sa galit sa ginawa kong pang-b-busted.
"Tahan na please, Raf. Tapos na ang lahat, hindi na natin maibabalik pa. Pero sana mapatawad mo ako sa nagawa ko sa 'yo ha? Mahal kita bilang kaibigan kaya ayaw kong nasasaktan ka. Bakit ka ba kasi nakipag-away? Bakit mo hinayaan sila na bangasan ka? Sirang-sira mukha mo, o." Marahan kong inangat ang mukha niya at pinasadahan ng tingin ang bawat sulok nito na may pasa.
Parang ako 'yong nasaktan. Punyemas.
Tumahan at kumalma si Raffy sa sinabi ko. Huminga siyang malalim at nakangiting tumingin sa akin.
"Kung hindi ako nasuntok ng ilang beses, hindi ako magigising sa katotohanang hanggang kaibigan lang talaga ang turing mo sa akin. Na lahat ng ipinakita at ipinaramdam mo sa akin ay pawang pang-kaibigan lamang. Kaya salamat, MJ, dahil kahit umamin na ako, nabigyan ko ng malisya ang mga aksyon mo, nasisi kita, nagalit ako sa 'yo, pero heto ka pa rin sa harapan ko at ipinaparamdam kung gaano ka kabuting kaibigan. Salamat, MJ."
Wala sa sarili akong napangiti sa sinabi niya.
"Of course, Raf! You're like my little brother kaya! Kahit magalit ka pa sa akin, I won't stop being your friend. Mahal kita pero hindi nga lang sa paraang gusto mo, pero sana soon, makita mo ang babaeng para sa 'yo. 'Yong titingnan ka bilang taong mahal niya hindi bilang kaibigan lang. 'Yong magpapaligaya sa 'yo ng totoo. I am always praying na sana dumating na siya, na sana hindi ka niya sasaktan katulad nang ginawa ko. Kasi kaibigan kita, e, gusto ko masaya ka kapag masaya rin ako. Kaya please? Okay na tayo?"
"Okay. Okay na tayo."
Maluha-luha akong napangiti sa sinabi niya. I just pinched his cheeks and finally smiled at him.
"Sabi na hindi mo ako matitiis, e. At sana maging totally okay ka na kasi kailangan pa nating maipasa an board exams, ha? Dapat makita ko ang name mo sa list ng passers!"
And that ended up our night. Masiyado mang masalimoot ang pagkakaibigan namin ni Raffy at para akong hipokrita sa sinabi ko sa kaniya na ipinipilit ko ang pagkakaibigan namin kahit na alam kong nasasaktan siya nang dahil sa akin ay ginawa at sinabi ko pa rin. He needs to hear it. He needs to at least know what I'm up to. Kailangan niyang masaktan para makabangon. Pero this time, babangon siyang mag-isa. At sana nga, makita niya ang babaeng totoong magmamahal sa kaniya.
"Sigurado ka, Ma'am MJ, na hindi na kita lulutuan ng pananghalian mo?" Paninigurado ni Alice habang inaayos ang laman ng kaniyang bag.
Nagkakape ako ngayon tapos sila ay paalis na para pumunta ng school nila.
"Oo sabi! Baka lalabas ako mamayang tanghali o 'di kaya rito na lang ako magpapa-deliver ng pagkain. Bahala na mamaya kung anong ma-trip-an ko sa buhay," sagot ko naman sabay simsim sa kape ko.
"Sigurado ka, Ma'am, ha? Sige, Ma'am MJ, aalis na po kami ni Ate Alice, ingat po kayo rito," wika ni Erna habang hinahablot si Alice para maakalis na sila. "Halika na Ate Alice, mali-late na ako, o."
"Sandali lang kasi Erna," naiinis namang sabi ni Alice.
"Pagbutihin n'yo sa pag-aaral, ha? Ingat kayo!" Nakangiting sabi ko habang sila ay nagtatalo pa rin dahil parang ayaw umalis ni Alice. Si Erna naman atat na atat na dahil nga mali-late na sila.
Pero sa huli, nakaalis din ang dalawa kaya back to pagiging tahimik na ang bahay. Ako lang mag-isa ngayon. Maagang umalis si Darry papuntang opisina. Ewan ko ba kung anong trip niya sa buhay.
Mamayang gabi, babalik na akong Negros pero parang wala man lang improvement sa pakikitungo namin sa isa't-isa. Tsk, hindi na nga lang ako aasang mapapansin pa niya ako. Bahala na siya sa buhay niya. Basta ang gagawin ko lang ay magpatuloy na iparamdam sa kaniya na gusto ko siya. Punyemas, ang talino mo talaga kahit kailan, MJ!
Pero mabalik tayo sa kasalukuyan... ano bang magandang gawin? Hmmm...
Ah! Alam ko na!
Agad kong inubos ang kape at hinugasan sa lababo ng kusina bago simulan ang agenda ko for this morning! Maglilinis ako! Charot. Lilibutin ko ang buong penthouse! Isang bagay na hindi ko nagawa noong una akong tumira rito. Wala akong naging chance para gawin 'yon, e. Pero this time, magagawa ko na.
Maganda ang interior design ng penthouse. It's really like a bachelor's pad. Gray and black ang dominating colors na ginamit sa kabuuan ng penthouse, minsan may brown. Pero more on dark colors talaga. Kung hindi mo kilala ang taong nakatira rito, iisipin mong masalimoot ang naging buhay niya, malungkot, puros kadiliman, demunyu, ganoon.
Dito sa first floor ng penthouse, bukod sa salas, dining area, at kusina, may dalawang pang pinto ang nandito sa may bandang kanan ng salas (if you're going to face the big glass wall of the penthouse.) Hindi ko alam kung anong nandoon kasi kung hindi mo papasadahan talaga ng tingin ang kabuuan ng salas, hindi mo ito mapapansin.
Nilapitan ko ang medyo may kalakihang itim na pinto.
Hmm, even the door is well-carved and made with hardwood. This must be an important room compare to the other room na nasa dulo lang nitong pinto. Pinasadahan ko ng palad ang bawat disenyong naka-ukit sa pinto. At saka dahan-dahang hinawakan ang kakaibang doorknob nito.
And to my horror, it is locked. Punyemas. 'Wag na nga lang. Excited pa naman sana akong malaman kung anong laman ng room na 'yon. Psh, kailan ko kaya mapapasok ang kuwartong iyon? Sayang talaga at hindi ako maalam sa pagsira ng mga doorknob, hindi ko tuloy magawa.
Nagkibit-balikat na lang ako at pinuntahan naman ang pangalawang mas maliit na pinto. Ito, hindi na 'to lock kasi nabuksan ko. Pero nang makita ko ang loob, napabuntunghininga na lang ako. Common comfort room lang pala. Sinarado ko ulit ang pintong iyon at napatingala sa bukana ng second floor.
Nandoon na ang lahat ng rooms na hindi makikita sa first floor. Sa araw-araw na nakikita ko ang hallway sa second floor, palagi kong napapansin na may apat na pinto sa itaas. Sa tingin ko, isa roon ang master's bedroom and the rest are the spare rooms.
Hmmm, nasaan kaya ang kuwarto niya? Sure ako, 'yon ang master's bedroom. Nasaan kaya? Nakaka-excite, sana hindi naka-lock.
Maingat at dahan-dahan akong umakyat ng second floor. Inisa-isa ang mga naka-ukit na disenyo sa bawat dingding ng penthouse. I never thought I can last to see a bachelor's pad without getting bored. This bachelor's pad is one of a kind kaya. It's like a masterpiece. Sino kayang nag-design nito?
Nang makaabot ako sa second floor, agad kong tinanaw ang hallway nito. Napatingin ako sa left and right para makapag-decide kung anong pinto ang una kong bubuksan.
Punyemas, parang what's behind the door, ah.
Inuna ko ang pintong katapat lang ng kuwarto ko. Hindi n'yo kasi alam, pinaka-unang pinto sa hallway ang pinto ng kuwarto ko. Medyo malalayo ang agwat, siguro dahil sa laki ng kuwarto but nevermind, let's just unbox this door through opening and let's pray na sana hindi naka-lock.
Isang pihit ng doorknob at bigla itong bumukas. Punyemas! Yes!
Halos mapatalon ako sa tuwa nang malamang bukas ang pintong iyon. Kaya nang tuluyang mabuksan, maingat ko itong sinarado para makapasok. Medyo madilim kaya kinailangan ko pang hanapin ang switch ng ilaw sa gilid ng pinto. Usually kasi nandoon ang switch, katulad ng sa room ko. Kaya no'ng mabuksan ay medyo nagulat pa ako sa sobrang liwanag. Bahagya pa akong pumikit bago pinasadahan ng tingin ang kabuuan ng room.
It's a room the same as mine. Medyo iba nga lang ang kulay pero halos magkakapareha lang ang design. It's a guest room but it's occupied. Halatang dito natutulog si Alice at Erna kasi nakita ko ang iilan sa mga gamit nila. Napailing na lang ako sa napagtanto at agad lumabas ng kuwarto nila. I don't want to invade other people's privacy, kahit na mga trabahante ko sila. Bakit ba kasi hindi sila nagla-lock ng pinto?
Naglakad ulit ako sa hallway at pinuntahan ang pintong kahilera lang ng pinto ng kuwarto nina Alice at Erna. Same door as ours. Dahan-dahan din ang ginawa kong pagpihit at laking pasasalamat ulit nang magbukas ito. Pero hindi katulad no'ng kuwarto namin nina Alice, pagka-bukas ko pa lang sa pintuang iyon, automatic na nagbukas din ang mga ilaw sa loob ng silid na iyon.
"What? May gym pala rito?" Nasabi ko sa sarili ko nang makita kung anong meron sa loob ng kuwartong binuksan ko.
Pumasok ako at isinarado ang pinto pero nanatiling nakabukas ang mga ilaw. Siguro ginagamitan ito ng sensory control o nang kahit anong modern technology? Bakit kaya hindi ganito sa kuwarto ko? Siguro dahil normal na guest room lang naman 'yon? Siguro. Baka nga.
Kumpleto sa equipment ang gym room na iyon. Mula sa treadmill to barbells. Meron nga ring mini boxing ring. Basta mas malaki ang kuwartong ito kumpara sa kuwartong tinutulugan ko. I even saw a small stair upward and mas lalo akong na-curious sa hagdan na 'yon. It's so cute kasi and parang secret stair siya. Basta. Mamaya ka sa akin.
Nilapitan ko ang isang treadmill. Isinaksak ko ang outlet no'n at wala lang, gusto ko lang masubukan ulit. It's been two days na wala akong jogging.
I manipulated the controls of the treadmill. Hinubad ko na rin ang tsinelas ko at agad sumalang sa tread mill. Bahala na, sanay naman akong naka-paa.
Sampung minuto akong tumakbo sa treadmill at nang matapos ay hindi ko inalintana ang pawis sa katawan at nagpatuloy sa paglilibot sa gym room. Pinapasadahan ko lang ng tingin ang mga gamit kasi masiyado akong na-excite sa cute na hagdan na 'yon. Nang makuntento ako sa mga gamit at sa paglilibot sa gym ay agad kong nilapitan ang cute na hagdan.
Hindi naman siya masiyadong maliit, isang tao lang ang kasiya kung aakyatin 'yon kaya natawag kong cute. Nang makalapit ay tumingala ako sa itaas at laking gulat nang makakita ako ng double doors sa dulo ng hagdan. Maliit nga ang hagdan pero malawak naman ang pintuan nito.
Umakyat ako at nang nasa tapat ko na ang double doors, itinulak ko 'yon at laking gulat nang makakita ako ng... holy punyemas!
An indoor pool! Punyemas! May ganito pala sa penthouse niya? Punyemas!
Halos ngumanga ako sa gulat dahil sa nadatnan. Hindi siya malawak at spacious na indoor pool, sakto lang ang laki nito pero the fact na maganda ang design at pagkakagawa is enough para humanga ako. Ang ganda ng pool kasi kahit nasa loob, makikita mo pa rin ang malawak na tanawin sa labas ng condo building nang dahil sa malaking glass wall. Basta, sa sobrang pagkamangha ko, hindi ko na alam kung paano i-describe ang nakikita at nasasaksihan ko. Punyemas. This penthouse are full of surprises! Bakit hindi ko alam na merong ganito sa penthouse niya? Edi sana dito na lang ako nanatili sa tuwing nagri-review ako! Ang ganda kaya ng tanawin!
Medyo nagtagal ako sa indoor pool na iyon dahil pinasadahan ko pa ng tingin ang bawat detalye at bawat sulok nito. Hindi pa rin makapaniwala. It's not my first time to see this kind of pool pero namangha lang kasi ako na kahit hindi kalakihan ang espasyo, naging maganda naman ang pagkakagawa nito.
Nang matapos ako sa pagsipat sa indoor pool at gym room ay ang sunod kong pinunterya ang pintong nasa tapat mismo ng gym room. Ito 'yong kuwartong kahilera naman ng pinto ng kuwarto ko.
Unang tingin pa lang, halata nang medyo kakaiba nga ang kuwartong ito. No doubt, it's the master's bedroom.
Kaya wala akong pinalampas na segundo, agad kong pinasok ang pinto at laking tuwa ko nang malamang bukas ito! Punyemas? Hindi ba siya nagla-lock ng pinto?
Punyemas! As in punyemas! Wow!
Wala akong masabi. Ayoko nang mag-describe, mauubusan ako ng salita kapag ginawa ko pa 'yon. Basta ang alam ko lang ay white and gray ang color ng mga interior design ng kuwartong ito at mas malaki, mas malawak, at mas maganda ito sa kuwarto ko. Pero hindi 'yon ang inaalala ko at hindi iyon ang mismong nakaagaw ng aking mamahaling pansin.
Punyemas!
Sunod-sunod na paglunok ang ginawa ko habang nakatitig lang sa malaking frame na nakasabit sa dingding na katapat lang ng malaking kama. Unti-unti kong nilapitan ang frame na iyon para ma-kumpirmang tama nga ang nakita ko. Na mukha ko at mukha niya ang nandoon sa frame na iyon.
Punyemas! Ang astig ko! Ang astig naming tingnan! Nakapag-pose pala ako nang ganyan that day? Bakit hindi ko maalala? Who took that shot? Ang ganda kasi, sobrang ganda, sobrang bagay! Punyemas, MJ!
It was us... on our wedding day, on our wedding dress. He was beside me, I was beside him, we are beside each other. Side by side you are inside. Charot. Sige na, seryoso na!
Pareho kaming nakatingin sa camera, walang multo ng ngiti sa aming mga mukha but you can see arrogance. Pareho rin kaming naka-chin up that adds more to the arrogance of our pose. Seryoso kaming dalawa. Para akong Presidente ng Pilipinas. Para kaming Hari at Reyna ng Pilipinas. Punyemas, ang arogante kong tingnan, nakakabilib! Tapos magkatabi kami, tapos kinikilig ako kasi nga pareho kami ng pose. Punyemas. I never thought I could be that arrogant when I'm beside him. He's also caressing my waist that adds more to the chemistry of the picture. Punyemas talaga!
Hindi ko maitago ang ngiti ko. Buong akala ko, wala kaming picture noong kasal namin. Kahit hindi 'yon ang kasal na inaasahan ko, hindi ko maitatangging naging special na rin 'yon sa akin. Natutuwa ako dahil nasa harapan ko na ngayon ang matagal ko nang hinahanap na picture naming dalawa sa araw ng kasal namin. May kopya pala ang demunyu, hindi niya man lang ako sinabihan? At nandito pa talaga sa kuwarto niya? Punyemas!
Meron kaya kaming larawan na nakangiti kaming dalawa? Parang mas gusto kong makita 'yon. I want to see if am I really happy at that time. I can fake a smile but I can sense real emotions kung titingin ako sa sarili kong mga mata. Sa mata kasi nailalabas lahat. Kasi ang mata, hindi marunong magsinungaling.
"Do you like it?"
Punyemas?
OMG!
Hala shit!
Punyemas!
"D-Darry!" gulat sa lahat nang gulat akong napalingon sa may bandang pintuan nang marinig ko ang baritono niyang boses. Nilakihan ko ang mata ko at napaawang na rin ang bibig ko.
Punyemas! Naabutan ka!
"Pa-Pasensiya ka na, w-wala akong ibang ginawa sa kuwarto mo. Na-curious lang kasi ako kaya pinasok ko ang mga kuwarto sa penthouse mo. Hindi naman kasi naka-lock ang kuwarto mo kaya pumasok na ako. Pasensiya ka na talaga! Wala akong kinuha sa mga gamit mo!" Tuloy-tuloy na sabi ko habang papalapit sa kaniya. Balak ko na ring lumabas na ng kuwarto dahil sobrang nahiya ako. Invasion of privacy itong ginagawa ko! "Pasensiya ka na talaga. Bakit ka nga pala nandito? I mean... bakit ka umuwi? 'Di ba may trabaho ka?"
Kinalma ko ang sarili ko at pilit na ngumiti sa kaniya nang isang dipa na lang ang layo namin sa isa't-isa. Punyemas.
"It's almost lunch time and dito na ako kakain ng pananghalian," cool na sabi niya habang ako ay para pa ring sinasabogan ng granada.
"Ha? Lunch time na?" gulat akong napalingon sa wrist watch ko at nakita nga roon na pasado alas-onse na. "Hala, hindi pa ako nakapagluto. Walang ulam ngayon dito! Teka, sandali, magluluto lang ako." Naglakad ulit ako palabas pero nang dumaan ako sa gilid niya ay bigla niyang hinawakan ang siko ko dahilan para wala sa sarili akong napahinto.
Punyemas ang puso ko!
"Do you like the wedding picture?" Mas kalmado niyang tanong.
Nataranta ako sa sobrang lapit naming dalawa kaya agad akong napatango at pilit na ngumiti.
"Oo, I like it. I like it." And I like you too.
Punyemas, Maria Josephina Constancia! Tama na!
"S-Sige, Dar, magluluto lang ako ng ulam."
Kusa niyang tinanggal ang pagkakahawak niya sa siko ko at salubong ang kilay niyang ibinigay ang buong atensiyon niya.
"You know how to cook?"
"Slight? Sige na. Bababa lang ako. Pasensiya na for invading your room." Yumuko ako at hindi na siya pinasagot. Dali-dali akong lumabas ng kuwarto niya at nang nasa labas na ako, halos takbuhin ko ang distansya ng kusina.
Teka, teka, teka! Anong lulutuin ko? Kailangan kong magpa-impress sa kaniya! Ano ba?
Binuksan ko ang double door refrigerator niya at naghanap ng puwede at madaling lutuin. Punyemas! Kumpleto nga sa karne, hindi ko naman alam kung paano lutuin 'yan! Tatlong putahe lang ang alam kong lutuin! Pritong itlog, pritong itlog na may sardinas, at pritong itlog na may corned beef. Punyemas, 'di ba? Ang yabang ko nga? Nagpresenta akong magluto ng ulam tapos 'yon lang ang alam ko? Gaga ka ba, MJ?
Matinding paglunok ang ginawa ko habang kinukuha ang apat na itlog sa ref. Pinasadahan ko pa ng huling tingin ang ref kaso wala roon ang hinahanap ko kaya I really closed it na talaga.
Nilagay ko sa bowl ang apat na itlog tapos naghanap naman ako sa mga cabinet na nasa ilalim ng counter. Naghahanap ng mga de lata.
At gusto ko talagang magpasalamat sa sampung santo na palagi kong tinatawag nang makakita ako ng iilang de lata. Mga branded at halatang galing ibang bansa pa o sa ibang bansa lang makikita. Taray, daig pa may abroad na Nanay.
Naghanap ako ng corned beef, oo corned beef talaga 'te. Kumuha ako ng dalawang lata tapos pinagtoonan ko ng pansin naman ang apat na itlog na nilagay ko sa bowl. Isa-isa ko 'yong pinagbabasag at nilagay sa bowl ang egg. After no'n, ang dalawang de latang corned beef naman ang inatupag ko. Mabuti na lang talaga at easy open can ang mga de latang iyon kaya walang kahirap-hirap kong nabuksan.
Nilagay ko ang corned beef sa itlog na nasa bowl. Hinalo ko, tapos nilagyan ko na rin ng pampalasang Magic Sarap, para kahit papaano nama'y umalat ito. Tapos I beat them together. Yehey!
Matapos ma-kuntento, isinantabi ko muna ang binating itlog with corned beef tapos inatupag ang paghahanap sa frying pan. Hindi naman mahirap kasi masiyado akong observant noong nakaraan kaya alam ko na kung saan-saan nilalagay ang mga dapat kailangan sa kusina. Isinalang ko ang frying pan sa induction cooker. Hinintay uminit ang frying pan bago nilagyan ng cooking oil.
Punyemas, MJ, you look like a professional chef!
Hinintay ko ulit uminit ang cooking oil bago ko kinuha ang isinantabing m-in-ix na ulam. I beat it again while waiting and when I saw a thin smoke ay agad kong ibinuhos ang itlog na may corned beef sa frying pan.
The sound of the cooking oil that touched the egg and corned beef are so satisfying to listen to. Tapos naamoy ko pa ang bango ng niluluto ko. Punyemas!
Kumuha ako ng spatula at naghintay ng ilang minuto bago binaliktad ang niluluto. Another minutes I let pass before I transfer the finished product to a cleaner plate. Punyemas! Hindi ako marunong magluto, but this is my masterpiece!
Scrambled corned beef ala Maria Josephina Constancia Osmeña Lizares!
~