Halos kasabay na umalis ni Tita Lucing niya ang tatlong katulong na dati-rati ay nag-aasikaso sa bawat pangangailangan niya.
Nagtuloy na siya agad sa silid-tulugan. Wala siyang ganang kumain ng hapunan.
"Oh, Maximillan, matulungan mo sana ako!" ang pausal na sambit niya, matapos mahiga. Lumuluha habang nakatitig sa dilim. Pilit na binubuo ang makisig na larawan ng kasintahan sa karimlan.
Niyapos niya nang mahigpit ang unan at isinubsob ang mukha upang mapigil ang paghulagpos ng mga hagulgol sa naninikip na lalamunan.
"Kailangan kita, Maximillan. Huwag mo sana akong bibiguin!"
Nakatulugan niya ang pag-iyak. Pero may naramdaman siyang papausbong na munting binhi ng pag-asa sa dibdib kaya magaan ang katawan niya nang bumangon kinabukasan. May nabuo na siyang plano para sa araw na iyon.
Mangangahas siyang magtungo sa bahay ni Maximillan Sanvictores--kahit na ipinakiusap ng binata na huwag niyang gagawin ang gayon...
Mas malaki at mas maunlad ang Santa Rosa kaysa sa San Ignacio. Ganito ang naging obserbasyon ni Terry nang umibis mula sa dyip na sinakyan patungo sa karatig-bayan.
Nagmasid-masid siya sa paligid habang naglalakad. Bumili siya ng malamig na mineral water sa isang tindahan bago nagtanong.
"S'an po ba ang bahay ni Mr. Maximillan Sanvictores?"
"Sanvictores? 'Yong may minahan ng ginto sa bundok?" paniniguro pa ng ale na nagbabantay sa tindahan.
"Er, o-opo, siya nga po," sang-ayon niya kahit nagulat sa narinig. May minahan pala ng ginto ang nobyo niya!
Lalong yumabong ang pag-asa sa kalooban ni Terry.
"Nandiyan sa kabilang kalsada ang bahay nila. Sumuot ka sa eskinitang 'yon, tumbuk na tumbok mo na ang kanto ng bakuran nila."
"Maraming salamat po sa direksiyon." Sinamahan niya ng matamis na ngiti ang pasasalamat niya.
"Walang anuman, ineng," tugon ng kausap. "Kuu, ka-gandang bata naman," papuri pa nang nakatalikod na siya.
Nagkaroon ng sigla ang mga hakbang ni Terry. Halos isang oras siyang namili ng isusuot at nag-ayos ng mukha at mahabang buhok.
Naka-puting summer dress siya at nakatali ng maliliit na lasong kulay rosas ang mga hiblang itiman na medyo kulot. Tinernuhan niya ng itim na pumps ang casual outfit. Preskung-presko siyang pagmasdan dahil parang natural lang sa nipis ang ipinahid niyang meyk-ap sa mukha.
Ibig niyang maging maganda sa paningin ni Maximillan. Para naman hindi ito tumanggi sa pagtulong sa kanilang mag-ama.
Maliit lamang ang puting istrukturang kahoy at bato, na napapalibutan ng napakalawak na bakuran.
May dalawang palapag rin ang bahay, katulad ng sa kanila. Ang tanging ipinagkaiba ay ang maluwang na hardin at ang tatlong sasakyan na nakaparada sa malaking garahe sa tagiliran.
Taliwas sa inaasahan niyang makita ang natagpuang bahay ng mga Sanvictores. Pero hindi siya nabahala sa bagay na iyon.
Ang mahalaga ay kilala hanggang sa bayan nila ang pamilya ni Maximillan.
At mayroong mina ng ginto sa bundok.
Nilunok niya ang nerbiyos na bumabara sa lalamunan habang humahakbang palapit sa doorbell ng tarangkahang kahoy na pinturado ng kulay tsokolate naman.
Pinindot niya iyon ngunit paigtad siyang napabitaw doon. "Aray! May ground pala ito!" bulalas niya. Iwinisik-wisik niya ang kamay na nakuryente bago kinagat-kagat ng mga ngiping mapuputi.
Nasa gayong ayos siya nang may maulinigang kaguluhan mula sa loob ng bahay, na may sampung metro ang layo sa tarangkahan.
"Eeee! Papa! Papa!"
Iyon lang ang naintindihan niya mula sa halu-halong sigawan ng mga tinig-babae.
Pamaya-maya pa'y humahangos na palabas ang isa sa mga babae. Matangkad na balingkinitan at may maikling buhok. Parang lalaki na nga sa suot na maluwang na t-shirt at jeans. Agad itong sumakay sa owner-type jeep at pinaandar iyon.
"Dito n'yo isakay si Papa," utos nito sa mga kasambahay. "Dalian n'yo!"
"Diyos ko po! Mario, magpakatatag ka, asawa ko!" ang malakas na usal ng isang babaeng may edad na.
Papalabas na ang sasakyan sa malaking gate na binuksan ng isang katulong na babae rin.
Parang itinulos na lang si Terry sa kinatatayuan habang pinapanood ang mga nangyayari.
At nakikinig sa mga tsismisan ng mga kapitbahay na nag-usyoso sa Pamilya Sanvictores.
"Kawawa naman si Mang Mario, ano?"
"Oo nga. Nagbakasakali kasi sa pagmimina ng ginto diyan sa bundok, e. Ayan, tuloy nawala pa ang mga kabuhayan nila."
"Tutoo ba 'yan, kumare? Akala ko tsismis lang 'yan, e."
"Hay, nakapanghihinayang ang mga lupa na naisangla ng matandang 'yan, akala mo ba? Kaya nga wala ngayon ang panganay niyang si Maximillan, e. Naghahanap ng mauutangan ng pera sa mga kamag-anak sa Menila. Tutubusin niya naman ang mga lupain na nakasangla!"
"Kawawang Maximillan! Naubos na nga ang mga kabuhayan na mamanahin sana--mawawalan pa 'ata ng ama!"
Napakarami palang problema ni Maximillan Sanvictores. Paano pa siya hihingi ng tulong dito?
Lulugu-lugo na namang umuwi si Terry.
Wala na siyang nobyong susulingan sana. Tanging si Don Simon na lang ang pag-asa niya...
Matuling lumipas ang mga araw.
Halos naibalik na sa dati ang lahat sa nagulong buhay ni Attorney Romy Agoncillo.
Nakalabas na ito sa kulungan. Na-areglo na ang karamihan sa mga kliyenteng nagsampa ng reklamo. At natubos na ang bahay at lupa, mula sa pinagsanlaang bangko.
Ayon kay Don Simon--este Simon pala, dahil magiging manugang na sa darating na linggo--mas maiging sa ibang bayan na maglingkod ang ama bilang abogado.
Kaya marami din ang mga naging pagbabago. Nagkaroon ito ng bagong kotse at bagong opisina. At sana ay magkaroon ng mga bagong kliyente, pagdating ng araw.
Ang lahat ng mga iyon ay utang nito sa kaisa-isang anak na si Terry.
"Masayang-masaya na uli ako, anak!" pahayag ni Attorney Agoncillo. Niyapos pa nito ang dalaga.
"N-natutuwa po ako, Papa," pagsisinungaling ni Terry.
Ang tutoo ay kasalukuyan nang naghihingalo ang kanyang puso. Ilang araw na lang at tuluyan nang mamamatay ito.
"O, siya, maiwan muna kita. May pupuntahan pa kami ni Simon, e. Ipapakilala niya raw ako sa iba pang mga kaibigan nito."
"M-mag-ingat po kayo, Papa," ang matamlay na tugon niya.
Tumawa nang malakas ang abogado. Tila kaydali nitong nalimutan ang tungkol sa mga dinanas na kalbaryo, kamakailan lamang.
"Gagawin ko 'yan, anak. Hindi ako papayag na mawala sa kasal n'yo ni Simon!" dugtong pa. Ni walang pagkailang kahit na ang manugang ay sisenta y sais at ito naman ay singkuwenta anyos lang. "Buweno, aalis na ako. Ayaw mo ba talagang sumama?"
"Dito na lang po ako, Papa," aniya matapos umiling. Mas ibig niya ang magmukmok sa loob ng kuwarto kaysa lumabas at magpakita sa mga taong palaging sumusuri sa kanilang mag-ama.
Oh, Maximillan, nasaan ka ba, mahal ko? ang daing niya sa sarili sa tuwina. Kailangang magkita tayo bago mahuli ang lahat!
Hangad niyang makaniig ang nobyo bago siya makasal sa isang matandang hukluban.
Ngunit ang ilang ulit na patalilis na pagpunta niya sa Santa Rosa ay palaging bigo.
Ang huli nga ay nagdagdag pa ng sakit sa kalooban niya.
Gamit ang abaniko, pinindot niya ang doorbell. Nakatanaw siya sa bahay habang pinakikinggan ang pag-alingawngaw ng matitinis na ingay na nililikha niya.
Huminto lang siya sa pagpindot nang makitang bumukas ang harapang pintuan.
Medyo nabuhayan siya ng loob nang makita ang matangkad na babaeng papalabas. Alam niyang kapatid ito ni Maximillan dahil may malaking pagkakahawig ang dalawa.
Siguro naman ay may malalaman na siya tungkol sa kinaroroonan ng kasintahan.
"Ano 'yon?" tanong nito, pa-singhal. Nakakunot pa ang noo habang sinisipat siya. "Bakit pabalik-balik ka dito? Ano'ng kailangan mo kay Kuya?"
Napaatras ng isa si Terry. Hindi niya inaasahan na didiretsahin siya nang paganito ng isang ka-pamilya ng lalaki, bagama't palagi niyang inihahabilin sa katulong nung mga unang pagpunta niya.
"Uhm, k-kaibigan ako ni Maximillan," ang pautal na tugon niya. "May mahalaga akong pakay sa kanya. S-saan ko ba siya matatagpuan ngayon?"
Naningkit ang mga mata ng kaharap. "Kaibigan ni Kuya?" ulit nito, pauyam. "Hindi ako maniniwalang makikipagkaibigan ang kapatid ko sa isang batang katulad mo. Baka nagkakamali ka ng kinakalantari, ineng?"
Napatigagal si Terry. Ngunit pinilit pa rin niyang magsalita. "Pakiusap, miss. Kailangan kong makita si Maximillan. Mahalaga ang pakay ko sa kanya." Itinutok niya rito ang mga matang nagsusumamo.
Pero nanatiling matigas ang kaharap. Umiling ito nang sunud-sunod at muli siyang sininghalan. "Umalis ka na lang! Huwag mo nang dagdagan ang mga problema ng Kuya ko!" Padaskol nitong isinara ang gate. "O, ano pa ang hinihintay mo? Gusto mo bang ipapulis pa kita? Alis na!" asik nito habang tinititigan siya nang matalim.
Walang nagawa si Terry kundi ang humakbang paatras. Nakakatawag na sila ng pansin. May mga taong huminto na sa paglalakad upang panoorin muna sila.
"P-pasensiya na, miss," sambit niya bago tuluyang tumalikod.
"Huwag ka nang babalik dito! Malandi!"
Hiyang-hiya si Terry. Yumuko siya habang nagdudumali sa paglayo.
Ngunit may ilang araw na ang lumipas buhat nang mangyari iyon. Kaya dapat lang na maiwaglit na niya sa isipan ang mga salitang masasakit.
Dati nang problema ang mga pagtatagpo nila ni Maximillan. Ngunit hindi siya ang gumagawa ng paraan.
Magpapadala ito ng mga bulaklak na may nakalakip na maikling sulat. At wala siyang ibang puwedeng gawin kundi ang pumunta sa sinabing lugar-tipanan bago dumating ang eksaktong oras ng pagdating nito.
Gayon ang sitwasyon nila dahil tumatakas lang ang binata sa trabaho nito. Kumbaga, isinisingit lang nito ang pakikipagkita sa kanya.
Na tinatanggap naman niya dahil nga buong puso niyang iniibig ang lalaki. Kahit na ano ay kaya niyang tiisin. At gawin.