Kabanata 18
"Mag-iingat ka, Jacob, ha?"
Napatigil kaming dalawa ni Maureen sa nasaksihan namin. Nasa gate ng mga Lorenzino si Jacob at si Monet. Para bang magnobyo na nagpapaalam sa isa't isa.
Pero mas ikinagulat ko ang hindi pagpansin ni Danica kay Jacob. Tuloy-tuloy lang itong pumasok sa loob ng bakuran ng mga Lorenzino.
"Oh, Maureen! Anong nangyari kay Danica?" takang tanong ni Jacob.
Ilang segundo namang nanatili ang tingin ko kay Monet, bago ako bumaling sa kanya. "Ewan ko ba do'n."
Napabuntong-hininga naman siya at napailing. "Si Danica talaga." Pagkatapos ay tinapik niya ako sa kaliwang balikat ko. "Oh pa'no? Mauna na 'ko ah?"
Tumango-tango ako at saka sumagot, "Mag-iingat ka!"
Ang naging sagot lang niya sa'kin ay ang pagtataas ng kamay niya, para maipakita ang matipuno niyang braso. Napailing naman ako at natawa nang bahagya. Si Jacob talaga.
Pero nang mahagip ng mga mata ko si Monet ay nawala ang tawa ko. Napalitan naman 'yon ng isang tipid na ngiti. Hindi ko alam, pero parang may kakaiba dito kay Monet. . .at kay Danica na rin.
"Halika na, Monet," sabi ko na lang at pumasok na sa loob. Naramdaman ko naman ang pagsunod niya sa akin matapos niyang isarado ang gate.
"Maureen. . ." tawag niya sa'kin habang papalapit kami sa pintuan ng mansyon.
"Hmm?" Nilingom ko siya saglit.
"G-Galit ba sa'kin si. . .Danica?" tanong niya sa akin na parang nag-aalangan pa.
Ibinaba ko naman ang mga dala kong bag sa harap ng pinto at saka ako humarap sa kanya. Ngumiti pa muna ako bago sumagot. Ewan ko, pero gusto ko siyang inisin para kay Danica.
"Bakit naman siya magagalit sa'yo?" tanong ko sa kanya.
Napaiwas naman siya ng tingin sa akin. Pagkatapos ng ilang segundo ay muli rin siyang napatingin sa akin nang diretso.
"Wala. K-Kalimutan mo na 'yon," sagot niya sa akin.
"Sige," sabi ko at kumatok na lang sa pinto. Ilang sandali pa ay pinagbuksan kami ni Ate Regine.
"Oh, Maureen," bati niya sa'kin.
Inayos ko muna ang pagkakasukbit ng bag ko sa balikat ko bago ako bumati pabalik. "Ate Reg."
"Dalian mo nang magbihis ah? At maghahanda na tayo ng umagahan," sabi niya sa'kin.
Tumango-tango naman ako at ngumiti bilang sagot. Dumiretso na rin ako sa kwarto namin at natagpuan ko doon si Danica na nag-aayos na lang ng buhok niya. Tinignan niya lang ako saglit at muling ibinalik ang tingin sa maliit na salamin namin doon sa kwarto.
"Bakit ang tagal mo?" tanong niya.
"E, bakit kasi umalis ka agad? 'Di ka man lang nagpaalam kay Jacob," sabi ko sa kanya. Lumapit na rin ako sa double deck para mailagay ang mga gamit ko doon. Pagkatapos ay kinuha ko na rin sa bag ko ang uniporme ko.
"Kailangan pa ba 'yon? Kailangan ba hawakan ko pa siya sa braso at sabihan na mag-ingat siya? Hindi naman na siya bata!" pagmamaktol pa ni Danica habang pinapanood akong magbihis.
May suot naman kasi akong shorts sa loob, kaya 'di naman nakakailang. Tsaka, babae rin naman si Danica.
"Danica. . ." Napangiti ako habang nakaawang nang bahagya ang mga labi. "May gusto ka ba kay Jacob?"
"Ba't mo naman nasabi 'yan? Wala! Wala talaga!" sabi niya sa akin. Inis naman siyang tumayo mula sa double deck. "Bilisan mo ngang mag-ayos at halika na!"
Naiiling na lang ako at natatawa habang pinapanood siyang lumabas. Nakabihis na rin naman na ako. Pero ang ikinatatawa ko, halatang-halata naman kasi kay Danica na may gusto na siya kay Jacob. Ayaw lang umamin!
Siguro nga hindi ko pa masasabi na talaga ngang may gusto siya sa kaibigan namin. Pero para sa akin, sapat nang pruweba ang pagiging tahimik niya ngayon. Minsan nga'y nahuhuli ko pa siyang napapairap at masama ang tingin kay Monet.
Mayamaya rin nang makapagluto na kami ay nagsilabasan na sa kani-kaniyang mga kwarto ang mga Lorenzino. Halos lahat sila ay nakaputi. Palaging ganoon ang ayos nila kung magsisimba.
"Zeus, bakit? Parang 'di ka yata kumakain?" tanong ni Ma'am Helen.
Mabuti nga at nagsalita na si Ma'am, dahil napansin ko rin naman 'yon. Nakaisang subo lang siya pagkatapos ay natulala na. Parang malalim ang iniisip.
"Are you still worried because of what happened?" tanong pa ni Ma'am Helen.
Doon ay wala akong maintindihan. Ano kayang nangyari? May nangyari kaya kahapon noong wala kami? O 'di naman kaya ay sa debut ni Marquita? Ang buong akala ko nga ay magiging masaya na siya pagkatapos ng gabing 'yon.
Bago pa man makasagot si Sir Zeus ay may isang tinig nang umagaw ng atensyon naming lahat.
"Good morning!"
Pagtingin ko doon ay nakita ko si Marquita na nasa may pintuan. Kasama rin niya si Junard na mukhang naghatid sa kanya.
Napakalawak ng ngiti niya. Hindi nga maikakailang maganda siya at mapuputi pa ang mga ngipin. Perpektong-perpekto. Bagay na bagay din sa kanya ang puting bestida niya. Lalo siyang nagmukhang anghel. . . Kahit kabaliktaran naman talaga noon ang ugali niya.
"Marquita!" Awtomatiko ring lumawak ang ngiti ni Ma'am Helen nang magkalapit sila ng dalaga. Hinalikan pa siya nito sa pisngi. Kaya naman tuwang-tuwa siyang nagsalita, "Perfect! Come, eat with us."
"Ah, I'll just join you na lang po. I already had my breakfast na po, e," sagot ni Marquita. Pagkatapos din noon ay lumapit siya sa upuang katabi ni Sir Zeus. Hinila 'yon ni Monet para sa kanya, at naupo naman siya doon.
"Hi, Kuya Apollo!" bati pa niya kay Apollo.
"Good morning, Marquita," bati naman nito pabalik.
Napalingon naman siya kay Sir Zeus. "H-Hi. . . Zeus."
Tignan mo nga naman. Marunong din palang mautal at mahiya ang maarteng babae na 'to? Akala ko kasi palagi na lang siyang maarte talaga, e. Pero, teka, bakit naman kaya ganoon? May mali ba sa kanila ni Sir Zeus?
"What are you doing here?"
Mas ikinagulat ko pa ang malamig at tila walang interes na tinig ni Sir Zeus.
"Zeus. . .are you still mad at me? Look! I'm sorry! Hindi ko naman ginusto 'yon, e!" sabi pa ni Marquita. Natigil tuloy silang kumain dahil sa eksena na 'yon.
"I said, what are you doing here?" May diin na ang boses ni Sir Zeus sa pagkakataon na 'yon.
"Zeus, I invited her. Why can't you just welcome her?" Sumali naman sa usapan si Ma'am Helen. Pero kung ano man ang sinabi niya, 'di ko masyadong naintindihan. Wala pa rin tuloy akong ideya kung ano ang nangyari.
"Look, Zeus, I-I'm also shocked! I didn't know that. . . That Blake would kiss me!"
Napatayo kaagad si Sir Zeus sa kinauupuan niya pagkasabi noon ni Marquita.
"Hindi na 'ko sasama sa church. Enjoy your day. Goodbye." malamig na sabi ni Sir Zeus pagkatapos ay basta na lang tumalikod at dali-daling umakyat sa kwarto niya. Naku! Sinumpong na naman siya!
Pero anong sabi ni Marquita? Blake? Kiss? Me? Sinasabi ba ni Marquita na hinalikan siya ni Blake? Sana ay tama ang pagkakaintindi ko doon. Kaya ba ganito na lang ang reaksyon ni Sir Zeus?
Walang nagawa si Marquita kung hindi ang yumuko na lang at manahimik.
"I'm sorry, Marquita. Gano'n lang talaga minsan ang kapatid ko. Masyadong isip-bata," paumanhin ni Apollo sa kanya. Nagsimula na rin itong kumain ulit.
"It's okay, Kuya Apollo," sagot sa kanya ni Marquita. Pagkatapos ay bumaling kay Ma'am Helen. "Tita, please do something. . . Ayoko pong magkagalit kami ni Zeus."
"Don't worry. Pagsasabihan ko," sagot naman ni Ma'am Helen. "For now, kumain na lang muna tayo. Hayaan na lang muna nating lumamig ang ulo niya."
"Yes, Tita."
Nang matapos kumain ay nag-ayos na rin naman sila para magsimba. Habang nagliligpit ay nakikiramdam ako sa paligid. Sa totoo lang, gustong-gusto kong alamin ang nangyari. Kaya lang, mukhang walang sasalba sa akin ngayon dahil mukhang masama ang timpla ni Danica ngayon.
Magtatanong na sana ako nang tumunog ang pintuan at iniluwa noon si Apollo. Napayuko na lang ako. Bumabalik pa rin sa isipan ko ang mga nangyari. Pero kung tapos na nga 'yon, dapat siguro ay tawagin ko na ulit siyang Sir. Kahit hindi pa naman talaga bumabalik ang respeto ko sa kanya.
"Ya, naiwan ko yata 'yung relo ko sa kwarto. Pakikuha naman," dinig kong sabi niya.
"Maureen, ikaw na nga lang ang kumuha," utos sa akin ni Ate Bella, kaya naman napatingin ako sa kanya.
Pagkatapos ay para bang kusang napatingin ako kay Apollo—Sir Apollo. At laking gulat ko naman na nakatingin din pala siya sa akin. Agad din naman kaming nag-iwasan ng tingin. Medyo 'di pa rin pala ayos ang pakiramdam ko sa kanya. Syempre, paano ba naman? Matapos ba naman ng lahat.
"No. Ako na lang pala," dinig kong sabi niya. Pagkatapos ay narinig ko na rin ang mga pagyapak niya.
Nang makaalis din naman ang mga Lorenzino, pwera kay Zeus, ay sinubukan ko nang magtanong kay Ate Bella.
"Ate Bella, a-ano po bang nangyari? Bakit gano'n po sila kanina?" tanong ko kay Ate Bella. 'Wag naman niya sana mapansing interesado ako tungkol kay Sir Zeus at kay Marquita.
"Naku! May nangyari kasi no'ng bertdey ni Ma'am Marquita," sagot naman niya sa akin. Tumigil pa siya sa pagpupunas ng mesa.
"Ano naman po 'yon?" tanong ko pa.
"E, alam mo naman, 'di ba? Gusto rin ni Sir Blake si Ma'am Marquita. E, ang nangyari, hinalikan daw ni Sir si Ma'am!" kuwento naman niya sa akin, pero halos pabulong lang.
"Si Blake po?"
"Oo! E, kaya siguro ganyan na lang ang galit ni Sir Zeus. Naku! Ang mga kabataan talaga!"
Hindi na lang ako muling nagsalita. Kung ganoon, 'yon pala ang nangyari. Pinilit pa rin pala ni Blake na makuha si Marquita kahit alam niyang hindi na pwede.
Sa bagay, itong si Blake ay may karapatan namang ipaglaban si Marquita. Kahit pa sabihin na may iba na 'tong mahal, may maipagmamalaki rin naman siya. Pare-parehas naman silang mayayaman.
* * *
Kinahapunan naman ay naabutan ko si Danica na nasa kwarto namin. Nakikinig siya ng radyo doon. Napangiti naman ako at tumabi sa kanya.
"Ano? Okay ka na ba?" tanong ko sa kanya.
No'ng una'y tumingin siya sa akin nang diretso, pero unti-unti ring kumurba ang kanyang mga labi. "Syempre naman! Kaya nga, makichismis ako sa'yo. Ikaw ha! Marunong ka na ring maki-usi!"
Natawa na rin ako sa sinabi niya. "Ikaw naman. Gusto ko lang malaman ang nangyari. Masyado kasing Englishera 'yung babaeng 'yon, e. 'Di ko maintindihan."
"Ako nga rin, e," sabi naman niya. "Oh, ano ngang nangyari?"
"Ang sabi ni Ate Bella, hinalikan daw no'ng Blake si Marquita no'ng araw ng debut niya. Kaya raw nagalit si Sir Zeus," kwento ko sa kanya. Napaawang naman ang mga labi niya. Pagkatapos ay pinatay niya ang radyo.
"Grabe ha! Alam mo, pwede na niyang ipadala 'yang kwento niya dito sa radyo! Para siyang bida sa isang teleserye e," komento niya. Pagkatapos ay may idinagdag pa siya, "Kaya lang, pang-kontrabida ang ugali!"
Nagtawanan naman kami.
"Pero alam mo? Naaawa rin ako sa kanila," pagtatapat ko sa kanya.
"Bakit naman?" tanong niya pa.
"Isipin mo kasi, para rin silang tayo nila Jacob. Magkakaibigan na sila noon pa. Tapos, masasayang lang ang lahat," paliwanag ko sa kanya. Napabuntong-hininga pa ako bago muling magsalita. "Sana tayo nila Jacob hindi mag-away-away dahil lang sa pag-ibig."
"Aba, syempre! Hindi naman natin pag-aagawan si Jacob, e," sagot naman niya sa'kin.
"Hindi talaga. Kasi ikaw lang ang may gusto sa kanya," biro ko naman. Kaya kaagad niya akong napalo sa braso.
"Hindi nga, e!" pagtanggi niya, pero tinawanan ko na lang siya.
"Mas lalo mong itinatanggi, mas lalo kong iniisip na tama ako, e," sabi ko pa sa kanya.
Napahalukipkip naman siya. "Bakit mo ba nasabing gusto ko siya?"
"E, hindi ka naman maiinis nang ganyan kay Monet kung hindi, e," dahilan ko.
"Naku! Basta, hindi!" mariing sabi niya. "Alam mo namang ang gusto kong makapangasawa ng mayaman, 'di ba?"
Napabuntong-hininga ako at saka ngumiti. Pagkatapos ay hinawakan ko ang mga kamay niya.
"Ang puso walang tinitignan na anyo o estado sa buhay. Kaya kahit pa gustuhin mo ng mayaman, kung puso mo naman ay gusto kay Jacob. . . Hindi mo pa rin masusunod 'yan."
Matagal niya akong tinignan bago bawiin ang mga kamay sa akin. Nakakunot pa ang noo niya. "Naku! Ewan ko sa'yo! Sa'n mo na napulot 'yan?"
"Narinig ko lang sa radyo noon," sagot ko naman. Dahil iyon naman talaga ang totoo.
"Oh sige, eto, makinig na lang ulit tayo ng radyo," sabi na lang niya at binuksan nang muli ang radyo.
Natawa na lang ako sa ikinikilos niya. Kung ako ang masusunod, mas gusto kong si Jacob ang makatuluyan ni Danica. Dahil alam kong si Jacob ay isang mabuting tao. Nakikita namin kung paano niya inaalagaan ang mga kapatid niya. May prinsipyo rin siya sa buhay, at alam kong hindi siya gagaya sa tatay niyang mahilig mambabae.
Kahit pa sabihin na si Jacob ay isang dukha, alam kong sa ibang bagay ay lamang pa rin siya sa mga kalalakihang may marangyang buhay. Dahil si Jacob ay may ginintuang puso.
Kung tayo lang sana ang nagtatakda ng kapalaran natin. . .
Itutuloy. . .