Mikay's POV
"Hahahaha! Ano? Sinong mas nakakatawa satin ngayon?" paghagalpak ko habang pinagmamasdan s'yang kainin yung ice cream.
Well, wala naman palang special or anything weird pagdating sa way ng pagkain n'ya. Hindi big deal dahil parang natural na tao lang s'ya. Hindi n'ya naman sinisinghot yung ice cream, or sinubo nang buo yung cone e.
Pero kaso mo nga, mas malala pala s'ya sa akin! Ako makalat lang sa bibig. Pero look at him now! Pati sa kamay n'ya may tulo ng ice cream. Yung white shirt din na suot n'ya puro na tulo. Daig pa ang bata. Parang baby na ngayon lang natutong kumain. Hahahaha.
"B-bakit ba? E sa ang tagal na since huli akong makakain ng ice cream e!" natatawa-tawa rin n'yang sabi.
"Kelan na nga ba yung huli beses na yon, ha?"
Bumelat s'ya sa akin.
"Wag mo nang alamin dahil baka hindi lubos macomprehend ng imagination mo."
Inirapan ko s'ya. May pa comprehend comprehend pang nalalaman 'tong isa na 'to. Para sasabihin lang kung kelan, nag-iinarte pa!
"De 'wag! Feeling naman nito, may pake ako."
"Pero curious ka pa rin." nagbelat s'ya at kinuha yung tissue na binili namin kanina. Tapos na kasi s'yang kumain doon na parang baby.
Hahahaha. 'Di ako makaget over. Sayang, wala na akong cellphone. Hindi ko tuloy napicturan yung epic n'yang itsura. Kung nagkataon na napicturan ko yon, maibebenta ko yun sa mga halamang dagat na nagkakandarapa sa kanya e. Magkakapera pa ako nang ganon-ganon lang.
"Ayos ah? Balak pa pala akong pagkakitaan?"
Napatingin ako sa kanya kasi bitbit na rin pala n'ya yung isang shirt na binili namin kanina.
"Bihis lang ako. Nakakahiya naman kasi sayo e, para akong isang baby na ngayon lang natutong kumain." masungit na sabi n'ya. Natawa na naman tuloy ako kasi nakita ko na may bakas pa ng chocolate ice cream sa bibig n'ya. Hindi n'ya naalis.
Hahahahaha! Para s'yang may bigote na hindi pantay!
Mabilis naman s'yang nakabalik mula sa pagbibihis. Gulat ko nga e, kasi hindi s'ya agad dumeretso pabalik sa pwesto namin. Pumunta ulit s'ya sa counter nung ice cream stall tapos bumili ng mineral water.
Habang pinagmamasdan ko s'ya, hindi rin nakaligtas sa paningin ko yung dalawang teenager na humahigikgik sa may table sa malapit sa amin. Para silang kinikiliti doon sa singit ng mga anghel nila. Gamit ang balahibo ng manok.
Pabalik-balik din ang tingin nila sa counter nung ice cream stall, particular na doon sa lalaking nakatayo doon.
Grabe, ang lakas talaga ng appeal ng genie na 'to sa mga kababaihan at kabaklaan ah?
Bumalik si Gino sa table namin nang matapos s'yang bumili. And guess what, hindi natinag yung dalawang teenager at talagang sinundan nila ng tingin si Gino hanggang makaupo s'ya sa harap ko.
Napapokerface na lang ako nang biglang malipat yung tingin nila sa akin at biglang umasim ang mga mukha nila. Umiwas na lang ako ng tingin ko dahil narinig ko na agad silang may pinagbulungan doon.
"Gf n'ya yan?? Parang pader." - girl 1.
"Gags, maganda naman. Kaso parang bond paper. Ang plain." - girl 2
"Pero I bet, 'di n'ya gf yan. Hindi sila talo. Kami ang talo." biglang sabat ng isang bakla na nakiupo sa table nila.
Tatlo pala silang halamang dagat dito. Akala ko dalawa lang. Pero parang may kahawig yung bakla ah? Parang may resemblance s'ya doon sa bakla na nang-away away sa akin kahapon at sinira ang cellphone ko.
Napayuko ako.
Peste naman kasi. Naalala ko na naman yung kahapon. Ang hirap lang talaga kasing isipin e. Hindi ko talaga lubos maisip na dahil lang sa inakala kong si Allen yung tinatanong nung bakla na yon, e papakitaan n'ya na agad ako nang ganon kasagwang ugali.
Sobrang labo.
Sobrang babaw.
To the extent na huhusgahan at lalaitin n'ya pa ako nang ganon.
Malay ko ba naman kasing si Gino 'yung tinutukoy n'ya, e kakarating nga lang nito sa buhay ko? Tapos ilang beses ko pa lang s'yang nakasama sa school? Mas madalas ko pa ngang nakakasama si Allen lalo dati dahil magkaklase kami e.
Pero ayun.
Bukod doon, ang mas iniisip ko ay kung bakit pati yung cellphone ko na nananahimik, idadamay n'ya. Tinapakan n'ya nang walang pagdadalawang-isip. Halatang sinadya n'ya kasi hindi man lang s'ya lumingon or nagreact e. Hindi man lang nagsorry. Imposible rin naman kasi na hindi n'ya naramdaman yun. Kasi nabasag nga yung screen diba? May tunog ng pagcrack yun.
Feeling ko tuloy, parang buong pagkatao ko yung tinapakan n'ya at dinurog. Ano yun, porket mayaman s'ya, may karapatan na s'yang idown ang isang mahirap na tulad ko?
Haaay. Napakasalbahe.
Napasulyap ako kay Gino na cool na cool na nakaupo sa harapan ko. Nilalaro yung mineral water na bagong bili n'ya.
Grabe lang. Imagine, just by being close with this man, literally, may nangyayari na agad na ganon sakin? Iniisip ng iba na jowa ko s'ya pero hindi kami talo kasi hindi na nga ako maganda, hindi pa ako mayaman? Hinuhusgahan agad nila ako, tapos pati buong pagkatao ko idadamay nila? Kahit hindi naman nila alam yung totoo na hindi ko naman karelasyon ang isang 'to?
Haaay. Ang hirap talaga.
Kung pwede nga lang e, sa bawat mapapatingin sa amin na kababaihan at kabaklaan, sasabihin ko na, 'Oops, 'wag kayong mag-assume. Magpinsan kami.' Para uunahan ko na kung mag-aassume man sila. Kaso magmumukha naman akong eng-eng non.
Pero ayun nga, hindi ko rin naman masisisi si Gino. Dahil hindi naman n'ya kasalanan na mapanghusga at mapang-alipusta ang ibang mortal na tulad ko. Nandito lang talaga s'ya sa mundo namin para tumulong.
Para tulungan ako.
"So, ganon pala ang nangyari kahapon? Kaya sobrang down ka?" bulong n'ya.
Nasapo ko nalang ng palad ko ang mukha ko. Anak ng sheteng bisugo naman kasi. Todo emote ako dito sa isip-isip ko, e naiinvade nga pala ng isang 'to ang utak ko.
"Wag kang mag-alala, Mikay. Akong bahala."
Napa-'ha?' na lang ako sa kanya dahil may binulong pa s'ya doon na mas mahina. Hindi ko narinig e. Ang ingay pa nung mga teenager sa gilid namin.
Hindi naman na ako sinagot ni Gino at inabot n'ya lang sakin yung mineral water na hawak n'ya. Ininom ko na rin yun dahil biglang tumayo na s'ya bitbit yung mga binili namin na pinakamabibigat. Sign na aalis na kami.
"Tara, dali. May pupuntahan tayo." seryosong sabi n'ya. Edi ako, mabilis na lang ding kinuha ang mga bitbit ko at sumunod sa kanya.
***
"Eh?" yan nalang ang nasabi ko nang huminto kami sa harap ng Mac Store.
Pumasok doon si Gino kaya ako sumunod na lang sa kanya. Mamaya mawala pa ako e, wala na ata akong pamasahe pauwi. Ayaw ko namang maglakad 'no.
Huminto s'ya dun sa may tapat ng mga nakadisplay na pinaka latest na model ng iphone. Kaya sinundan ko nalang s'ya. Para s'yang isang kritiko doon na maingat na sinusuri yung mga phone. May nalalaman pa talaga s'yang paghawak sa baba n'ya.
"Hindi man natin maibabalik yung nasira mong cellphone na may sentimental value, I hope, maging okay ka na ulit sa bibilhin nating bago." bulong n'ya.
"Eh??" yun nalang ulit ang nasabi ko.
"Anong eh? Natatae ka ba ha? Sabi ko, bibili tayo ng bagong cellphone mo."
Napakamot ako ng ulo ko.
"Eh, diba sabi mo, yung mga needs ko lang ang dapat winiwish ko sayo? Saka hindi naman ako nagwish sayo ng bagong cellphone e." maingat na bulong ko.
Nakita ko namang nagpokerface si Gino at pasimple rin akong binulungan.
"Para kang ewan, Mikay. Kahit hindi ka magwish, may kakayanan at responsibilidad pa rin akong ibigay sayo yung mga bagay na kailangan mo, 'no. Saka paano naging wants ang cellphone? Kailangan mo 'yan 'no. Pang communicate mo sa mga kagrupo mo, sa family mo, and pang internet. Saka sa kung ano-ano pa."
"Oo, sabihin na nga nating ganon. Pero pwede namang ibang brand na lang ng cellphone e. Yung mura." pangangatwiran ko.
E sino ba naman kasing hindi mashoshock kung ganon ganon lang, bigla kang magkakaron ng mamahalin na cellphone? Na worth almost 6 digits na pera? Tapos 'di mo pa pinaghirapan? Nakuha mo lang dahil may nagbigay sayo?
E nakakahiya 'yun sa part ko, kasi hindi ko naman deserve. Kasi hindi ko nga pinaghirapan e.
"Nako, Mikay. Hiya-hiya ka d'yan? Master kita e." masungit na na bulong n'ya tapos hinaltak ako papunta dun sa mas lower model ng iphone.
At doon, hindi na n'ya ako pinansin. Basta nakipag-usap na lang s'ya sa isang sales assistant. Silang dalawa na lang ang nagkakaintindihan dahil ako, wala namang alam sa mga latest trend sa gadgets ngayon. Ni hindi ko nga rin naririnig pinag-uusapan nila e.
Basta inaliw ko na lang ang sarili ko sa pagtingin-tingin sa paligid.
Maya-maya lang din naman, nakita ko na lang na papalapit sa akin si Gino, bitbit ang dalawang maliit na paperbag na may print ng Mac Store. Ngayon ko lang din napansing s'ya na pala ang may bibit ng bag n'ya. Medyo kinabahan ako sa part na 'yun kasi akala ko nawala na dahil hindi ko bitbit e. Lagot ako 'pag nagkataon.
"Oh, okay na agad?" tanong ko.
"Oo, minadali ko talaga kasi kailangan."
Minadali kasi kailangan? Ano raw 'yun?
Sinundan ko si Gino na nagmamadaling lumabas at umupo doon sa isang bench na malapit lang dito sa Mac Store. Pinagmasdan ko na lang s'ya habang binubuksan n'ya yung isang box ng phone.
Iphone 8 plus na gold pala 'tong binili n'ya. Tapos yung sa isang paper bag, isa ring bagong-bagong iphone 8 plus na black naman.
Naks, may pa cellphone na rin ang kuya Gino na 'to!
"Yung sim card mo, dinala mo ba?" sabi n'ya na nakapagpabalik sa wisyo ko.
Mabilis ko namang kinapa yung isa pang maliit na bulsa doon sa bulsa ng pants ko. Buti nadala ko 'to, although wala akong idea kung bakit n'ya hinahanap 'to.
Inabot ko sa kanya yung sim ko tapos maingat n'yang inilagay yun doon sa lalagyan nun sa gilid ng phone. Umupo na rin ako sa tabi n'ya kasi hanggang ngayon pala nakatayo pa rin ako sa harapan n'ya.
Mga ilang sandali lang, nagbukas na yung phone. May kung ano-ano pang pinagpipindot si Gino doon pero maya-maya lang din, inabot n'ya na sakin yon. Eksakto namang nakita ko ang sunod-sunod na pagdating ng mga texts galing kay Allen. Kaya isa-isa kong yun binasa.
Unang text, which is kagabi n'ya pa tinext sakin, ininform n'ya kami na nasabi na n'ya raw sa adviser namin yung mga napagmeetingan namin.
Sa pangalawang text which is kagabi n'ya rin tinext, sabi n'ya na hindi raw nagreply yung adviser namin kaya hindi pa n'ya masabi kung nag-agree ba or hindi.
Sa pangatlong text, na kaninang mga 6am n'ya naman tinext, sabi n'ya na mukhang may problema raw kasi parang gusto raw magpatawag ng meeting nung adviser namin.
Tapos ayun, ito pa yung ibang mga texts na puro ngayong mga lunch lang sinend.
Today 11:34am - Guys, 1pm sharp imemeet n'ya raw tayo sa office n'ya.
Today 12:16pm - Huy, 'wag kayong malelate ha? Mukhang masama ang timpla n'ya.
Today 12:48 pm - Guys, asan na kayo?
Today 12:53 pm - Mikay, andito na sila. Ikaw na lang kulang.
Yung huling text ang medyo nakapagpakaba sakin. Hindi yun galing kay Allen, kundi kay Nika. 1:04pm pa yung text n'ya.
"Shet, Mikay. Dumating na yung adviser natin. And promise, nakakatakot. Kung ako sayo, 'wag ka nang pumunta dito. Pinagsisigawan n'ya kami agad pagkakita n'ya samin. Kami nang bahala gumawa ng lusot kung bakit 'di ka nakapunta." di ko na napigilan na basahin yun nang malakas. Pati ito tuloy si Gino sa tabi ko, napakunot na rin ang noo.
"So ano, pupunta ka pa ba? Almost 1:30 na, Mikay." tanong n'ya sa akin.
Saglit naman akong natahimik pero agad akong humarap sa kanya.
"Hindi ko ugaling tumalikod at magtago sa mga ganitong pagsubok, Gino. Haharapin ko 'to. Pupunta ako." matigas na paninindigan ko. "Kaso lang, paano ako makakapunta agad doon? E yung office na tinutukoy n'ya, nasa university na medyo malayo pa sa university namin. Dean kasi s'ya e. Kaso hindi samin."
Bumagsak unti-unti ang balikat ko dahil sa frustration. Kung bakit ba naman kasi nasira pa yung cellphone ko kahapon e, hindi ko tuloy agad natanggap ang mga texts nila.
Ngayon, ano nang gagawin ko?
"Wag ka nang magsulk d'yan. Akong bahala sayo." kinuha n'ya yung ibang mga bitbit ko. Pero ibinigay n'ya sa akin yung bag n'ya. "Go to the nearest washroom at pumasok ka sa isang cubicle. Itetext ko sayo yung mga susunond mong gagawin. No ifs and buts. Go." seryosong sabi n'ya.
Kusa namang kumilos ang mga paa ako at naglakad papunta sa pinakamalapit na banyo. Clueless ako sa mga gustong gawin nito ni Gino pero dahil sa mga sinabi n'ya, may tiwala naman ako na tutulungan n'ya talaga ako at 'di pababayaan.
Kaya susunod nalang ako kahit takang-taka na talaga ako.
Pagpasok ko sa cubicle, nakita ko ngang may bagong text ako mula sa isang unregistered na number.
Si Gino, telling me some sort of instructions.
Nagtataka pa rin ako kung bakit nakapagtext s'ya agad sakin samantalang wala naman s'yang nilagay na sim kanina doon sa isang bagong phone na binili n'ya. Ni hindi ko nga nakita na bumili s'ya ng sim n'ya e. Pero hindi ko na inisip ko yun at mabilis ko na lang na sinunod yung mga nabasa ko sa text.
Tumayo ako nang tuwid at pumikit ako.
Huminga ako nang malalim at nilagay ko 'yung sarili ko sa state na sobrang relaxed ako.
Inimagine ko rin yung itsura nung office ng adviser namin pero dahil hindi ko naman alam yung exact na itsura non dahil hindi pa ako nakakapunta doon, inisip ko nalang yung itsura ng university nila. Yung itsura nung pinakasikat na building nila. Inimagine ko nandoon ako sa loob non.
Nakaramdam ako ng sobrang kakaibang feeling sa katawan ko after some moment of deep concentration.
Nag-iinit ang katawan ko na parang nilalamig din.
Pakiramdam ko parang nasa loob ako ng isang elevator, yung nakakahilong feeling kapag makakarating ka na sa floor na pupuntahan mo. Pero mas lamang yung pakiramdam ko na para bang umalis saglit yung kaluluwa ko sa loob ng katawan ko. Tapos bumalik ulit.
Nung medyo naramdaman ko na parang normal na ulit yung paligid, mabagal kong idinilat ang mata ko.
Putanesca!!!
Halos mapamura na talaga ako sa sobrang gulat. Iba na yung itsura nung cubicle pagdilat ko. Hindi na yung kaninang itsura ng cubicle sa mall na maliwanag at maluwag.
Yung cubicle na kinaroroonan ko ngayon, masikip at medyo luma na yung vibes. May vandalism. May hint ng pagkapanghi.
Parang yung typical na cubicle sa mga restroom sa school.
School?
Teka.
Mabilis akong lumabas sa cubicle. May dalawang babaeng nagmemakeup sa harap ng salamin. Parehas silang may suot na lanyard kaya sure akong mga estudyante rin sila.
Takha silang tumingin sakin kaya ako, mabilis na lang na lumabas ng banyo. Pero bago yun, narinig ko pang nagsalita yung isa sa kanila.
"What the hell? Hindi ko napansin na pumasok yung girl na yun dito ah?"
Shet na malagkit.
Mabilis akong lumayo sa restroom na yon.
Shet lang talaga. Sana isipin nalang nila na nauna akong pumasok sa banyo na yun kesa sa kanila dahil tumae ako. Sana 'wag nilang isipin na bigla nalang akong lumitaw doon.
Kahit na ba ako rin mismo sa sarili ko..
..hindi rin makapaniwalang NAGTELEPORT AKO!!
Oo. Hindi ako pwedeng magkamali.
Nagteleport talaga ako at dahil yun kay Gino. Isinummon n'ya ako papunta dito sa lugar na 'to.
Para makaabot ako sa hinahabol ko.
Nagtatakbo ako palabas ng building na 'yon dahil kinikilabutan ako. Medyo natatakot din ako kasi baka habulin ako nung mga babae dahil baka rin iniisip nila na bigla nalang akong lumitaw sa loob ng cubicle na yon.
Pero, marahas din akong napabalik agad at napaatras dahil parang may nahagip ang mata ko sa ibabaw ng pintuan ng isang kwarto. May nakasulat doon na nakakuha ng atensyon ko.
College of Social Sciences and Philosophy
Office of the Dean
Hmm. Kung hindi ako nagkakamali, ito yung hinahanap ko. Ito yung ipinunta ko dito.
Yung office ng thesis adviser namin.
Bahagya akong huminga ng malalim bago kumatok ng dalawa sa pinto. At pagbukas ko ng pintuan, hindi nga ako nagkamali dahil tumambad agad sakin yung apat kong kagrupo.
Na nakayukong nakatayo sa harapan ng isang mesa.
Hinakbang ko ang paa ko papasok pero napatigil din agad ako dahil sa malakas na sigaw ng lalaki na biglang umalingawngaw.
"Just stop right where you are standing right now!"
Napatigil nga ako at mabagal na tinignan s'ya. Nasapo ko tuloy yung expression n'ya na sobrang nakakatakot. Kaya sure akong ako ang tinutukoy n'ya ngayon.
Ang cold ng titig n'ya. Para bang kaya n'ya akong lunukin nang buo.
"You're the fifth member of this group? You're almost an hour late, and then you still have the audacity to show up here?"
Hindi ako nakasagot sa tinanong n'yang yon. Parang nabato na lang ako sa kinatatayuan ako.
"You know what, being your thesis adviser also means wasting my time. That simple. Ang tatanda n'yo na, tapos simpleng punctuality lang, hindi n'yo pa magawa? Pati gumawa kayo ng decision without consulting me first?? God, immature and impulsive kiddos. So disrespectful. Wala pa kayong nararating, ang yayabang n'yo na. Why? Do you think, may potentials na agad kayo? Huh? Wala pa kayong napapatunayan, for God's sake!" tumayo s'ya mula sa pagkakaupo sa swivel chair n'ya tapos isa-isa kaming dinuro. "This is impossible. All of you should get outta here right now and start finding another thesis adviser for your group. Because, I quit!"
Natahimik lalo kami dahil sa mga katagang yon na binitawan n'ya.
Matalim.
Mabigat.
Hindi ko mapakiramdaman tuloy kung ano bang dapat naming gawin. Kung tatayo na lang ba doon, iiyak, o magmamakaawa.
"In behalf of my group, our apologies, sir." narinig kong magalang na sabi ni Allen after ilang moment ng katahimikan.
Nagbow s'ya tapos sabay hinaltak na yung tatlong katabi n'ya. Nung madaanan nila ako, hinaltak na rin ako ni Miley. Hindi na rin ako umalma kahit na sa loob-loob ko, gusto kong ipagtanggol ang grupo namin.
Malungkot na lang kaming dinala ng mga paa namin sa park na malapit lang din sa building na pinanggalingan namin. Umupo kami sa ilalim ng isang puno. Kapwa walang nagsasalita samin.
Pati na si Allen, nakayuko lang at malalim ang iniisip.
Huminga ako nang malalim bago ko napagpasyahang magsalita. "Sorry, kung hindi ako late, hindi sana tayo papagalitan. Nasira kasi yung cellphone ko, kaya hindi ko agad nabasa mga text n'yo."
Si Nika sa tabi ko, tinapik agad ang balikat ko.
"Ano ka ba, Mikay. Diba sabi ko sayo pagdating palang n'ya, binulyawan na n'ya agad kami? Wala kang kasalanan. Wala TAYONG kasalanan. S'ya yung bigla nalang naging parang halimaw doon na para kaming gustong kainin."
"Oo nga, saka hindi naman natin kasalanan na mas pinili natin kung ano yung mas mapaninindigan ng grupo natin, diba? Mahirap kung pinili natin yung choice na alam nating hindi naman natin kayang panindigan. Naging masama lang sa paningin n'ya yun kasi, may iba s'yang gustong ipagawa satin. Which is mali rin. Satin pa rin ang huling decision dapat." segunda ni Miley.
"Exactly. Pero sorry din guys. Kasi nagpumilit ako na s'ya ang kunin nating adviser kahit na alam kong kilala na s'ya sa pagiging terror at mataas ang standards. Akala ko kasi kaya nating maabot yung expectations n'ya, saka alam n'yo na. Kaya ko rin s'ya gusto as an adviser, kasi dean nga s'ya at kilala s'yang magaling na professor ng sociology."
Napatingin ako kay Allen dahil sa sinabi n'yang yon. Pati yung tatlo e, nakayuko lang na parang sasayad na ang nguso sa lupa. Pero buti si Dash kalmado lang at walang physcial violent reactions dahil kapag nagkataon kawawa na naman si Allen.
Napag-isip isip ko naman yung mga sinabi nila, at naramdaman ko agad base sa mga aura nila na masama ang loob nila. Well, sino ba naman kasing hindi sasama ang loob? Sinong hindi masasaktan kapag binato ka ng mga ganong klase ng nakakainsulto at nakakadown na salita?
Daig mo ang nasampal ng bakya sa magkabilang pisngi.
Kung ako nga na kadadating palang, nasaktan na e, what more silang apat na unang sinermonan? I mean, binulyawan? Hinusgahan?
Haaay.
Napabuntong hininga na lang ako. At kahit sobrang hirap, pinilit ko na lang na magbigay ng isang matipid ngiti para kahit papaano, mabuhay yung damdamin nila.
"Guys, 'wag na nating isipin yon. Hindi naman porket ganon ang iniisip n'ya sa atin, e ganon na nga talaga tayo. Walang potential, immature, or whatsoever. Kasi more than anyone else, sino bang nakakakilala sa mga sarili natin, ha? Diba tayo rin? Alam natin sa sarili natin na nasa tama tayo, kaya paninindigan natin yon. Kung may nagawa tayong mali, itatama natin. Basta ngayon, walang mababago. Video documentary ang gagawin natin, at hahanap tayo ng panibagong thesis adviser na kayang tanggapin tayo for who we are. Yung makikita yung potential natin. At yung susuportahan tayo kahit anong mangyari, ha? 'Wag na nating damdamin masyado yung sinabi n'ya. Oo, masakit. Pero kilala natin mga sarili natin, hindi tayo ganon. Patunayan natin na hindi tayo ganon." litanya ko.
Nakita kong isa-sa rin silang nagbalik sakin nang matipid na ngiti. Mukhang effective naman yung words of encouragement ko dahil maya-maya lang din, kanya-kanya na silang bitaw ng lines nila bilang pagsang ayon sakin.
"Tama si Mikay. We will not stop here. Gagamitin nating stepping stone and lesson itong nangyari satin ngayong araw. Cheer up! Babangon tayo!" - Allen
"Galingan nalang natin. Kakayanin natin 'to, basta tulungan tayo. At walang iwanan." - Miley
"Yep, kahit nakakasura yung matandang baklang gurang na yon, 'wag nalang nating pansinin ang hanash n'ya. Kalimutan nalang natin mga lait at pangliliit n'ya satin, para hindi tayo mastress. Mag-isip nalang tayo ng ways para maimprove ang group natin." - Nika
"Muntik na talaga akong makasapak kanina e. Parang akala mo kasi, wala s'yang ginawang mali satin samantalang ilang beses n'ya tayong inindian tapos sinubukang pangunahan. Tsk. Baklang yon!? Daming sinabi? Puro panghuhusga agad??" - Dash
Natawa na lang kami sa sinabi n'ya dahil nag-act pa s'ya doon na parang baklang nahuhurt. May paiyak-iyak effect pang nalalaman tapos niyakap si Allen.
Pati si Nika at Miley nga rin e, niyakap si Allen.
Tsk. Aagawan pa ba ako nitong mga 'to?? Hahaha.
Pero ayun sa huli, nagkaisa na nalang kaming lima at gumawa ng panibagong goal sa mga loob namin. Yun ay yung hahanap kami ng panibagong thesis adviser at mag-iisip kami ng ways para maging effective kaming members ng group namin. Para na rin maging successful yung gusto naming gawin.
Ang main goal namin.
Yung gagawin naming video documentary.
Masaya na rin kaming naghiwa-hiwalay dahil nagawa naming alisin sa isip namin yung masamang nangyari sa araw na 'to. Sabay-sabay na umuwi yung tatlo.
Si Allen naman nag-offer na ihahatid ako kasi inakala ko na wala na akong pamasahe pauwi. May dala kasi s'yang kotse.
Pero nung silipin ko naman yung bag ni Gino, nakita kong may pera pa doon na kasya pang pamasahe ko. Kaya ayun, nag-insist ako na mag-isa nalang akong uuwi. Basta yung cellphone na bigay sa akin ni Gino pinagkatago-tago ko talaga sa loob ng bag habang nagbabyahe ako.
Mahirap na 'no. Baka malaglag or manakaw pa 'to. Sayang naman.
Bigay 'to ni Gino, kaya iingatan ko 'to.
Pagdating ko sa unit ko, naabutan ko si Gino na nasa loob. Nakahiga s'ya sa kama ko at may nakabalot na kumot sa katawan n'ya. Yung mga pinamili n'ya, lahat andoon sa lapag. Para bang pagkarating n'ya dito e, hindi na n'ya inasikaso yun at basta humiga na lang s'ya sa kama.
Pero, teka. Parang may mali.
Namumula yung pisngi n'ya. At mukhang ang lalim ng paghinga n'ya.
"Gino, nilalagnat ka.." alalang sabi ko matapos kong hawakan ang noo n'ya.
****