NAGULAT SI ANDRES. "D-danag?"
Napasinghap si Selna. "K-katulad 'nung ibang nakatira sa Nawawalang Bayan? 'Yung nagkokontrol ng isip ng mga taong naliligaw sa lugar nila?"
Lumingon si Ruth sa kanila at tumango. "Malalakas ang mga Danag kasi dati silang mga purong espiritu bago nakatikim ng dugo ng tao."
"So… minamanipula lang ni Rosario ang sirena? Kapag nawala ang epekto ng kapangyarihan ay babalik na siya sa dati?" tanong ni Danny.
"Mali ka," sagot ni Lukas. Napatingala sila rito. Nakatitig na naman ito sa dagat. "Hindi simpleng manipulasyon ang ginawa ni Rosario. Ibinigay niya ang bahagi ng kanyang dugo sa sirena. Ang dugo na may bahid ng kapangyarihan ng mutya."
Nanlaki ang mga mata ni Andres. Oo nga pala! Nilunok ni Rosario ang mutya na nagbibigay ng kakaibang kapangyarihan. "Ibig sabihin kung masyadong malakas ang dugo na ibinigay ni Rosario, may posibilidad na hindi iyon makakayang kontrolin ng sirena? Instead, may posibilidad na ang kapangyarihang iyon ang kokontrol sa kaniya?"
Sinulyapan siya ni Lukas at tumango. "Kaya uhaw siya sa dugo at kaluluwa ng tao. Isa iyong katangian ng mga may dugong Danag. Maliit na lang ang tiyansang makabalik sa dati ang sirena na 'yon. Katunayan, kung ako ang tatanungin mas mabuting patayin na lang ito. Ngayong alam niyo na, tutuloy pa rin ba kayo o uuwi na lang?"
Nagkatinginan silang apat. Si Danny ang unang nagsalita, "Pero nangako tayo 'dun sa babae sa tulay na lupa na gagawin natin ang misyong ibinigay niya. Pakiramdam ko, tungkulin nating tapusin 'to kasi nasimulan na natin."
"Hindi kayo dapat sumasangayon basta sa sinasabi ni Mayari," singit ni Lukas. "Masyadong tuso ang babaeng 'yon. Gagawin ang lahat para sa katuparan ng sarili niyang kagustuhan."
Manghang napatingin na naman sila sa lalaki na nakatingala na ngayon sa buwan. He looks annoyed when he said, "Pero kung ako nga hindi makatanggi, hindi na nakapagtataka kung nadaan niya kayo sa karisma."
"Kaya ka nandito ngayon?" biglang tanong ni Ruth. "Kasi sinabi rin niya sa'yo na tulungan kami?"
Lumingon sa kanila si Lukas. "Mas gusto ko kung aatras na lang kayo. Hindi ko gustong lumusong sa dagat. Hindi pwede."
"Ha? Pero kung hindi ka puwede sa dagat paano ang sirena? Wala kaming lakas para kalabanin iyon at lalong hindi namin alam kung paano buburahin ang dugo ni Rosario sa pagkatao niyon," sabi ni Danny.
"Saka si sir Jonathan. Kinuha siya ng sirena. Paano siya maililigtas?" tanong naman ni Selna.
"Matutulungan ko kayo kung mapapapunta niyo sa ibabaw ng tubig ang sirena," sagot ni Lukas. Tumalon ito pababa sa ibabaw ng bato at nagsimula maglakad palapit sa kanila. Bawat hakbang nito, lalo nararamdaman ni Andres ang kakaibang puwersa na nagmumula rito. That force is making it hard for him to breathe.
Napasulyap siya kina Danny at Selna nang biglang umatras ang mga ito, yakap ang mga sarili at may namumuong pawis sa noo kahit malamig at mahangin naman. Bumalik ang tingin niya kay Lukas nang huminto ito halos isang metro sa harapan nila. "Matutulungan ko rin kayo makarating sa pugad ng sirena. Pero hindi ko kayo masasamahan. Kung may mangyari sa inyo sa ilalim, hindi ko kayo matutulungan. Kapag ginawa ko 'yon ako naman ang mapapahamak. At wala akong balak ipahamak ang sarili ko."
Nagkatinginan na naman silang apat. Namumutla si Selna. Si Danny alam niyang takot din pero may kakaibang determinasyon at tapang sa mga mata. Hindi maiwasan ni Andres bumilib dito. Hindi man nito inangkin ang mutya na nakuha nila noong nakaraan pero pakiramdam niya naging powerful din ang kaibigan niya. Because through that experience Danny gained a stronger heart.
"Mga lalaki lang ang gusto ng sirena 'di ba? Dapat maiwan dito ang girls," sabi pa nito.
"Ayoko!" mariing sabi ni Selna. "Pakiramdam ko ang helpless ko. Kanina pa ako palaging naiiwan eh. Hayaan mo 'ko tumulong."
"Tama si Selna. Ayoko rin magpaiwan. Saka ako lang ang nakakakaintindi at kaya kumausap sa sirena. Sasama ako," sabi naman ni Ruth.
Umiling si Andres. "Naiintindihan ko ang nararamdaman ninyong dalawa pero intindihin niyo rin kami ni Danny. Ayaw namin mapahamak kayong dalawa."
"Mas mapapahamak kayo kung hindi kami sasama," giit ni Selna. "Remember napasailalim kayo sa kapangyarihan ng kanta ng sirena? Paano kayo kung wala kami para gisingin kayo?"
Napakurap siya. Nagkatinginan sila ni Danny. May point ang dalagita.
"Basta sasama kami," pinal nang sabi ni Ruth. Her beautiful face looks stubborn now. "Ang kailangan lang natin gawin ay mapaangat ang sirena sa tubig. Kapag nagawa na natin 'yon, si Lukas na ang bahala."
"At si sir Jonathan?" tanong ni Andres. Binalewala niya ang pakiramdam na parang nilamutak ang sikmura niya sa labis na tiwala ni Ruth sa misteryosong lalaki.
"Kapag nawala na ang kapangyarihan ni Rosario sa sistema nito, makakawala na rin ang lalaking kinuha ng sirena," sagot ni Lukas. "Iyon ay kung buhay pa siya."
"Then we should hurry," determinado nang sabi ni Andres. "Tayong apat ang pupunta sa sa sirena."
Tumango ang tatlo. Sabay-sabay silang huminga ng malalim at saka tiningnan si Lukas. "Ready na kami," sabi ni Ruth.
Sandaling tinitigan lang sila ni Lukas. Pagkatapos humarap ito sa dagat at malakas na sumipol. Nag-echo ang tunog na iyon. Para pa ngang nag vibrate sa tubig at kumalat sa karagatan hanggang sa parte kung saan nagsasalubong ang langit at tubig.
Mayamaya, nag-iba ang tunog ng dagat. Naramdaman niyang umalog ang kinatatayunan nila, parang may mahinang lindol. Nanlaki ang mga mata ni Andres nang makita ang paparating na alon, mas mataas at malakas kaysa kanina.
"T-tsunami?" manghang nasabi ni Danny.
Pero hindi tsunami ang dahilan nang pagtaas ng tubig. Napaatras si Andres at automatic na iniharang ang katawan para protektahan sina Selna at Ruth nang biglang may tumalon paahon sa dagat. Isang higanteng pating na may matalim na mga ngipin at mabalasik na hitsura. Para bang kahit malalaking bato ay madudurog kapag nakagat niyon. Pigil nilang magkakaibigan ang hininga at hinintay na makabalik iyon sa tubig. Pero sa pagkamangha nila ay huminto sa ere ang pating at parang lumilipad na nagpaikot-ikot hanggang biglang tinungo ang direksiyon ng dalampasigan.
Impit na napatili sina Ruth at Selna. Naging alerto si Andres, handang protektahan ang dalawa sa abot ng kanyang makakaya. Pero hindi sa kanila sumugod ang lumilipad na pating. Bagkus nagpaikot-ikot ito kay Lukas, nawala ang bangis sa hitsura at parang tuta na nakita ang amo. Umangat ang kamay ng misteryosong lalaki at hinaplos ang nguso ng pating.
Naramdaman ni Andres ang pagkawala ng tensiyon sa katawan ni Ruth na nakasiksik kanina sa likod niya. Dahan-dahan itong sumilip, pinagmasdan maigi ang higanteng isda. "T-tama ba ako nang hinala na isa 'yang… Triburon? Ang mythical flying shark na sa mga epic stories lang nag-e-exist?" tanong nito.
Biglang lumingon sa kanila si Lukas. "Tama ka. At ang Triburon na ito ang magdadala sa inyo sa pugad ng sirena na nasa ilalim ng dagat. Handa na ba kayo?"
Hindi nakapagsalita si Andres, napalunok habang nakatitig sa higanteng pating. Handa na nga ba sila?