Mugto ang mga mata, sabog ang buhok at puno ng putik ang laylayan ng damit habang wala sa sariling naglalakad si Flora Amor sa pasilyo ng ospital. Kung paanong nakabalik siya sa lugar na 'yun, tanging ang Maykapal lang ang nakakaalam.
"Flor! Flor!" sa labas pa lang ay salubong na agad ni Mamay Elsa.
"Flor, tinatanggalan nila ng mga aparatu sa katawan si Nancy," mangiyak-ngiyak na balita nito.
Subalit tila walang narinig ang kinakausap at nagdere-deretso lang sa loob ng kwarto ng ina.
Kung alam lang niya na gano'n ang mangyayari, hindi na sana siya nagpunta sa bahay ng walang pusong lalaking 'yun. Hindi na sana siya pumayag na pakasal at ibigay ang lahat-lahat dito.
Bakit gano'n? Hindi pa ba sapat ang pinagdadaanan niya sa sariling pamilya at kailangan nitong durugin at pagpirapirasuhin ang kanyang puso? Ano'ng kasalanan niya rito't pinaglaruan siya ng lalaki?
Muli na namang kumawala ang luha sa kanyang mga mata. Ang pagtaksilan siya ni Dixal, iyon ang katotohanang hindi niya kayang tanggapin.
"Ate, ate! Gusto nilang patayin si mama." Tumakbo agad ang kapatid sa kanya ngunit natigilan din nang mapansing wala siya sa sarili.
Isang malakas na sampal ang nagpabalik sa katinuan ni Flora Amor. Takang pinagmasdan niya ang paligid. Nasa loob na siya ng kwarto ng ina sa ospital?
"Ate, tinatanggalan nila ng mga aparatu si mama," umiiyak na sumbong ni Harold.
Nang bumaling siya sa higaan ng ina'y nakita nga niya ang dalawang nurse na tinatanggalan ng mga aparatung nakakabit ang kanyang ina. Tinakbo niya ang mga ito at pinatigil sa ginagawa.
"Hindi niyo pwedeng gawin 'yan kay mama. Nagbabayad ng malaki ang asawa ko sa inyo. Hindi niyo pwedeng patayin ang mama ko!"
"Pero ma'am, si Mr. Amorillo mismo ang nagsabing hindi na siya magbibigay ng pambayad niyo sa ospital kaya kailangan naming tanggalin ang lahat ng nakakabit sa kanya," paliwanag ng isang nurse.
"Ano?!" agad siyang nakaramdam ng pagkahilo sa narinig. Pero hindi. Hindi siya magpapatalo doon. Hindi nila pwedeng patayin ang kanyang ina.
Nang tatanggalin na ang life support ay saka naman may nagsalita mula sa may pinto at pinahinto ang ginagawa ng dalawang nurse.
Takang napadako ang tingin niya sa nagsalita at maang itong pinagmasdan.
Isa itong matandang sa hula niya'y 60 years old na ngunit nakapagtatakang malakas at matikas pa rin ang pangangatawan. Ngayon niya lang nakita ang matandang 'yon at segurado siyang 'di nila ito kamag-anak pero bakit isang salita lang nito'y sumunod agad ang dalawang nurse?
Sa suot lang nitong damit, nahuhulaan na niyang isa itong mayamang tao.
"Gusto kitang makausap nang sarilinan." maawtoridad na wika nito, hindi niya ramdam na nakikiusap, sa halip ay nang-uutos at 'di siya pwedeng tumanggi.
Bago pa siya nakasagot, itinulak na ng mga kasama nitong kalalakihan ang kanyang kapatid palabas ng kwarto hanggang sa sila na lang ng matanda ang natira.
"So, this is the vulnerable kid," Sambit nito habang pinapasadahan siya ng tingin mula ulo hanggang paa at pabalik sa ulo.
"Sino po kayo?" usisa niya nang mapansing wala itong balak magpakilala.
"You don't have to know me," kasinlamig ng yelo ang boses nito, 'di kakikitaan ng kahit anong emosyon ang mukha.
Lumapit ito sa kanya at tiningnan muna ang nakapikit na ina saka may dinukot na sobre sa coat nito at iniabot sa kanya.
"Tulong ko 'yan sa pamilya mo kapalit ng paglayo mo kay Dixal. Pero kung 'di ka papayag sa gusto kong mangyari. Ngayon pa lang, paghandaan mo na ang libing ng nanay mo."
Sa dami ng mga pangyayaring naganap ngayong araw, ang sinabi nito ay ilan lang sa mga bagay na ikinagulat niya. Magtataka pa ba siya kung may relasyon ang matandang ito sa lalaking 'yun?
Pero nanatili siyang nakatayo at 'di nagsalita.
Nang 'di niya kinuha ang sobre'y inilapag nito iyon sa paanan ng kanyang ina.
"That money is more than enough for your family to start a new life far away from here. Kung 'di ka magpapakabaliw kay Dixal, magiging maganda ang buhay mo dahil sa perang 'yan," dugtong nitong halata sa boses ang pang-uuyam at malaki ang tiwalang susunod siya sa gusto nitong mangyari.
Tikom ang bibig na dinampot niya ang sobre at binuksan ang laman no'n. Isang tseke ang nakalagay sa loob.
'Ten million pesos only.' ang nakasulat na halaga ng tseke. Lalo lang siyang nagngitngit sa galit sa nakita't walang anumang pinunit 'yun sa harap mismo ng matanda at isang matalim na tingin ang ipinukol niya dito na kung nakamamatay lang ang gano'ng tingin ay kanina pa ito bumulagta sa kanyang harapan.
Buntung-hininga ang pinakawalan nito saka may kinuhang muli sa coat at itinapon sa kanya.
"Do you think, pakakasalan ka nga ni Dixal nang basta na lang? Look at that fake marriage contract. Dixal was playing on you all along. Pero ang mabait niyang lolo sa harapan mo, handa kang tulungan para makabangon ka, kasama ng pamilya mo. Do you still want to refuse this philanthropist's offer?"
So, ito pala ang sinasabing mabait na lolo ni Dixal. 'Di nakapagtatakang gano'n ang ugali ng lalaki. 'Di hamak na mas demonyo pa yata rito ang nasa kanyang harapan.
Sa huling pagkakatao'y may kinuha na uli ito sa coat at inilapag na uli sa paanan ng kanyang ina.
"This is my last offer. 30 million pesos and kick your ass out of here and never let Dixal see your face anymore or else I'll kill all of you!" nagbabanta na nitong wika saka mabilis na tumalikod at lumabas ng kwarto.
Naiwan siyang natitigagal. 30 million pesos kapalit ng paglayo niya sa lugar na 'yun. Mabubuhay na sila nang masagana sa perang 'yun. 30 million pesos kapalit ng panlolokong ginawa ni Dixal sa kanya. Bakit di niya tatanggapin?
Blangko ang mukhang humarap siya sa ina at umupo sa gilid ng kama nito saka hinawakan ang mainit na nitong mga palad.
"Ma, pasensiya ka na ha? Ngayon lang ako nakabalik. Ma, wala na tayong panggastos dito sa ospital. Wala nang magbabayad ng bill mo dito."
Nagsimula na namang pumatak ang kanyang mga luha habang paulit-ulit na pinipisil ang mga palad ng ina.
"Ma, 'di ko alam kung saan tayo pupunta pagkatapos dito. Pero nagbigay 'yung matanda ng 30 million sa'tin para makapagsimula tayo uli. Marami na tayong pera, Ma." Nagawa pa rin niyang ngumiti ng mga sandaling iyon, mapakla nga lang saka tuluyan nang napahagulhol sabay yakap sa katawan ng ina.
"Ma, patawarin niyo ako. Hindi ko hahayaang yurakin nila ang pagkatao ko. Gusto kong ipakita sa kanilang hindi tayo tulad ng iniisip nila." Napalakas ang kanyang hagulhol habang yakap ang katawan nito.
"Ma, patawarin niyo ako."
Napakapagdesisyon na siyang siya mismo ang kikitil sa buhay ng ina kesa ipagpalit ang pagkatao niya sa 30 milyong salapi. Gusto niyang isampal sa pagmumukha ng lahat na hindi siya gano'ng klaseng babae. Hindi pera ang mahalaga sa kanya kundi pagmamahal.
"Ma, gumising na kasi kayo."
Bahagya siyang lumayo sa ina at niyugyog ang mga balikat nito. Baka sakali, baka sakali lang mabuhay pa ito. Pero ang lakas ng hagulhol niya nang hindi man lang gumalaw ang katawan nito.
"Maaaa! "
Pinanghihinaan na siya ng loob. Sumusuko na siya. Pati ang kanilang mama'y sinukuan na sila. Lahat ng pag-asang muling magigising ito'y biglang naglaho. Wala siyang magawa kundi ang umiyak at humagulhol.
Hanggang sa buong tapang niyang tanggalin ang life support ng ina saka muling yumakap dito at walang patid na umiyak.
"Maaaa!" Walang maririnig sa loob ng kwartong 'yun maliban sa kanyang panaghoy.
Hanggang maramdaman niya ang pamilyar na paghagod na 'yun sa kanyang buhok.
"Nakakabingi ang atungal mong bata ka..." paanas ngunit tila sigaw iyon sa kanyang pandinig.
Para siyang nakakita ng multo nang humiwalay sa pagkakayakap mula rito. Hindi siya makapagsalita sa pagkagulat ngunit ang kanyang mga mata'y walang tigil sa pagluha.
"M-ma? Mama ko?" 'di makapaniwalang sambit niya
"Ang sarap ng tulog ko, painom ngang tubig, nauuhaw ako," usal nito.
"M-ma, buhay ka? Nagising ka, Ma?"
"Natural. Sa lakas ba naman ng atungal mo, sino 'di magigising do'n," pabiro pa nitong sagot sa nanghihinang boses.
Sa sobrang tuwa'y muli niya itong niyakap at tinawag nang malakas ang kapatid at si Mamay Elsa.
"Harold gising na si mama!"
Tumatakbong nagsipasok ang dalawa kasama ang lalaking nagpakilalang bumaril sa ina at agad na lumuhod sa kanilang harapan, paulit-ulit na humihingi ng tawad.
Pero wala ro'n ang atensyon ng lahat kundi nasa inang nagpipilit na bumangon. Mabilis na nakaagapay si Harold at isinandig ang likod ng ina sa dibdib nito habang mahigpit itong niyakap.
"Ma, gising ka na. Makakauwi na tayo!" tuwang bulalas ng kapatid.
"Hindi tayo uuwi, Harold. Aalis tayo sa lugar na to," mabilis niyang tugon.
"Saan naman tayo pupunta?" blangkong tanong nito.
"Tutulungan ko kayo. Sasama ako sa inyo kahit saan kayo magpunta basta patawarin niyo lang ako sa nagawa kong kasalanan sa inyo!" malakas ang boses na sabad ng lalaking nakaluhod.
Nagkatinginan ang lahat.
"Sino 'yan, anak?"
Hindi siya makasagot sa tanong ng ina.
"Ako po ang bumaril sa inyo ma'am pero maniwala kayo, paulit-ulit kong pinagsisihan ang lahat. Bigyan niyo lang ako ng pagkakataong mapagbayaran ko ang kasalanan ko, tatanawin kong utang na loob 'yon sa inyo." Saka ito nagpatirapa.
Naguguluhang nagkatinginan silang mag-iina.