"Ma!"
Gulat ang ina pagkakita kay Flora Amor sa palengke. Bahagya itong natulala lalo na nang makalapit siya't malapad ang ngiting yumakap dito.
"B-bakit andito ka? Pa'no mong nalaman ang pwesto namin? 'Di ba may trabaho ka?" nang makabawi'y sunud-sunod nitong tanong.
"Nag-resign ako sa trabaho, Ma. 'Di ako masaya do'n. Tutulungan na lang kita," sagot niya habang pinagmamasdan ang tindang isda nito.
Kahit papano'y kilala naman niya ang mga tinda nito, madali na lang segurong ilako ang mga 'yon.
"Anak, mangingitim ka rito. Do'n ka na lang kaya sa bahay."
"Naku, masasanay din ako," pasimple niyang sagot pero iwas ang tingin sa ina.
Kahit ilang beses siyang naghilamos ng malamig na tubig, 'di pa rin nawawala ang pamumugto ng mga mata, mapapansin nito agad 'yon.
Kanina lang, halos wala na siyang lakas pang maglakad man lang. Pero heto't alive na alive siya ngayon. Bonus na lang ang naging karansan niya sa biyahe kahit nagkandaligaw-ligaw makauwi lang sa kanila mula City Hall.
Hindi siya pwedeng magpaapekto na lang basta. Kailangan niyang lakasan lalo ang loob nang 'di maging pabigat sa pamilya.
"Pa'no mo ba nililinis 'yan, Harold?" usisa niya sa kapatid habang nagkakaliskis ito ng isang kilong tilapya.
"Magtawag ka na lang kaya ng kustomer," sagot nito.
Sinulyapan niya ang tatlong kapatid habang naglalaro sa 'di kalayuan sa pwesto nila at si Hanna nama'y nangingiti lang habang nakaupo sa silya at pinagmamasdan ang tatlong naghahagikhikang mga bata.
Nakaramdam siya ng inggit. Buti pa ang mga 'to, masaya na sa gano'ng buhay, walang iniisip na problema, sige lang sa paglalaro.
"Suki, tilapya. 50 lang isang kilo. Mga buhay pa oh!" tawag ng ina sa papalapit na kustomer.
"Te, dalawang kilo nga po. Pakilinis na rin, pahati sa gitna," anang babae.
Mataman lang siyang nanonood. Gano'n pala maglako ang ina.
Kumuha siya ng cellophane sa lagayan at ginamit pantali sa mahabang buhok saka kumaway sa mga nagdaraang mamimili.
"Tilapya kayo d'yan! Mura lang, buhay pa po. May bangus din po kami, sariwa pa!" sigaw niya.
Sa lakas ng boses niya, halos lahat seguro ng nasa paligid ay napatingin sa kanya.
Awang ang mga bibig na napatitig ang mag-ina sa kanya.
"Te, lika! Pili ka na, mura lang po tilapya namin!" tawag niya sa isang ginang na halos 'di kumukurap sa kakatitig sa kanya.
"'Di ba ikaw 'yong nasa TV na nakaluhod sa asawa ng Mayor?" anang babae.
Natigilan siya. Ano'ng sinasabi nitong nasa TV siya at nakaluhod sa asawa ng Mayor?
Agad siyang namutla nang maalala ang nangyari kanina.
"Hindi po siya 'yon, 'te. 'Di po marunong gumala ang ate ko," sabad agad ni Harold.
"Opo. Baka po namamalikmata ka lang, 'te." Agad siyang nakabawi mula sa pagkalito at nagpakawala ng matamis na ngiti.
"Ano, bili na po kayong isda, 'te. 50 lang po kilo ng tilapya. Tsaka-" siniko niya ang kapatid.
"Magkano sa bangus?" pabulong niyang tanong.
"75."
"Tsaka 75 lang po kilo ng bangus. Ilang kilo po ba bibilhin niyo?"
Napakamot ang babae sa batok.
"Sige, dalawang kilo na lang sa bangus."
Napahagikhik siya't bumaling sa ina ngunit umiwas din agad nang mapansing matiim ang titig nito sa kanya.
"Ma, dalawang kilo raw ng bangus," anyang sa isda nakatingin.
Kumuha ang ina ng dalawang piraso ng bangus saka nilagay sa timbangan.
"Ano po bang hiwa, ma'am?" tanong nito sa kustomer.
"Pang sinigang po," sagot ng tinanong.
"Pero alam mo, kahit damit mo parehas ng damit no'ng nakita ko sa--" hirit na naman ng babae.
Bigla siyang umubo nang 'di marinig ng ina ang sinasabi nito.
"Ma, bakit niyo po tinatanong kung anong hiwa? Iba-iba po bang hiwa 'yan 'pag bumibili sila?" inosente niyang tanong nang mawala ang atensyon ng lahat sa iginigiit ng babae.
"Oo. 'Yung iba, hindi pinapahiwa at pinapakaliskisan. Tinatanggalan lang ng hasang," sagot ng inang tila nawala na ang anumang iniisip tungkol sa kanya.
"Oy, mareng Nancy. May bago kang tindera ah," pansin ng katabi nilang tindera.
"Anak ko 'yan. Panganay ko." Nahihiya pang ngumiti ang ginang.
Saka lang nakahinga nang maluwang ang dalaga nang umalis na ang babaeng kustomer.
Muli siyang nagtawag ng mga mamimili. Sa sandaling ginagawa niya 'yon, napapatingin sa kanya ang lahat ng nando'n sa lakas ng kanyang boses.
"Ganda naman ng tindera mo, ate." Lumapit ang suki nang mamimili ng ina.
"Anak ko 'yan, suki," sagot nitong may pagmamalaki na sa tono ng pananalita.
Napangiti siya saka kinalabit ang katabing kapatid.
"Madali lang bang magkaliskis? Pa-try nga."
"Aba, sipag din nitong anak mo, 'te ah," pansin ng kustomer.
"Ah opo, lahat po ng anak ko masisipag. Scholar po siya sa college," puno ng pagmamalaki na sagot ng ina.
"Ang swerte niyo naman po sa mga anak niyo. Sa panahon ngayon bihira ka na makakita ng ganyan kaganda na tumutulong sa negosyo ng mga magulang. Halos lahat nasa galaan at nasa barkada."
"Ay opo. Ipinagmamalaki ko talaga silang lahat. 'Yan nga pong lalaki ko, nag-iisa lang 'yang lalaki pero sa umaga andito, sa hapon naman nasa eskwelahan. Top 1 din po 'yan no'ng closing nila."
Namula ang pisngi ni Harold pero lalong binilisan ang ginagawa habang nangingiti.
Napansin 'yon ng dalaga. Ngayon na lang ata niya ito nakitang ngumiti.
"Ang swerte niyo talaga, ano po. 'Yong anak kong lalaki, ayun sa mga barkada niya, nakikita ko pang naninigarilyo at umiinom."
Napahagikhik ang ina sa sobrang tuwa saka sila sinulyapan.
"Oy, mareng Nancy. Viral ang anak mo ah. Ayun sa TV oh," maya-maya'y sambit ng katabi nilang tindera saka itinuro ang pinapanood na malaking TV sa bilihan ng mga appliances sa 'di kalayuan.
Namutla siya bigla at napatingin rin sa dakong itinuro nito.
Wala silang marinig na boses pero kitang-kita nila ang laman ng malaking screen.
"Ma--" napalunok siya nang sulyapan ang inang nablangko ang ekspresyon ng mukha.
Ipinakita do'n ang muntik na niyang pagkabangga at kung papano siya iniligts ni Dixal. Naroon din ang paghabol ng dalawang nakamotorsiklo sa sasakyan at ang pagkahuli sa driver ng kotse.
'Nahuli 'yong driver?'
Sino naman 'yong dalawang lalaking nakamotor na humabol agad sa sasakyan?
Pero hindi ipinakita ang sinasabi ng isang babaeng nakaluhod siya sa asawa ng Mayor.
"Naku ineng, mag-iingat ka sa daan. Sa panahon ngayon, wala ka dapat pagkatiwalaan," payo ng tindera sa kanya.
Napasulyap siya uli sa ina.
"Tama si mareng Ellen, Flor. Buti na lang ando'n ang jowa mo. Ano, okay ka lang ba?" mula sa pagkabigla ay agad na lumapit ang ina at tiningnan kung may galos ba sa katawan niya.
Mangiyak-ngiyak siyang tumango.
"Ma--"
Agad siya nitong niyakap.
"Shhhhh. 'Wag mo nang isipin 'yon. Ang mahalaga ligtas ka," makahulugan nitong sabi.
"H-hindi kayo galit sa'kin?"
"Ba't naman ako magagalit? Ikaw talaga."
Tinapik-tapik siya nito sa likod saka kumawala at inasikaso ang mga kustomer.
'Ma--"
"O, magpaturo ka na kay Harold pa'no maglinis ng isda nang may magawa ka naman dito." anito sa kanya na para bang balewala lang ang nakita sa TV.
Nakahinga siya nang maluwang. Ang akala niya'y pagagalitan siya ng ina dahil doon.
Binigyan siya nito ng apron saka siya pinagkaliskis at pinaghiwa ng isda. Sampung minuto seguro niyang nagawa 'yon sa isang pirasong tilapya lang. Hindi niya pinahalatang natusok siya ng tinik niyon baka lalo lang mag-alala ang ina sa kanya.
Sa isip niya, hindi pala gano'n kadali ang ginagawa ng dalawa sa araw-araw ng mga ito sa palengke. Kaya dapat matuto din siya at gayahin ang ginagawa ng mga 'to. Masasanay din siya sa gano'ng trabaho.
--------
HINDI makatulog si Flora Amor nang gabing 'yon. Masakit ang kanyang mga kamay. Ilang beses kasi siyang natusok ng tinik ng mga nilinis na mga isda. Pero balewala ang hapdi at sakit ng mga 'yon kumpara sa sakit ng kanyang puso.
Nagtalukbong siya ng kumot at hinayaang maglabasan ang luha sa mga mata. Sobrang sakit ng kanyang dibdib sa nangyari sa kanila ni Dixal. Ang akala niya'y 'di niya mararamdaman ang gan'to pero mali pala siya.
Gan'to pala pag nawala ang lalaking una niyang minahal? Ang sakit, napakasakit na para bang may kutsilyong nakabaon sa kanyang dibdib.
Tinakpan niya ang bibig nang walang makarinig sa kanyang pag-iyak.
'Dixal gan'to rin ba kasakit ang nararamdaman mo? Umiiyak ka rin ba ngayon tulad ko?'
Ano kaya ang nararamdaman ng binata nang mga sandaling 'yon? 'Di rin kaya ito makatulog?
'I can bear all of these. But promise me you'll do the same," naalala niyang sabi nito.
Lalo siyang napaiyak sa naisip.
Kung alam lang niyang gan'to kasakit ang mararamdaman, hindi na sana siya nakipaghiwalay.
Mahigit dalawang linggo lang niyang naging boyfriend ang binata, pero bakit kalahati ng kanyang buhay ang tila nawala nang makipaghiwalay dito? 'Di niya akalaing gan'to ang magiging epekto sa kanya ng lahat.
Kumpara sa nangyari sa pamilya niya, walang hihigit seguro sa sakit na nararamdaman niya ngayon.
Isipin pa lang na 'di na niya uli makikita ang binata, pakiramdaman niya namatay ang kanyang puso at 'di na iyon mabubuhay pa.
Nakangiti siya para ipakita sa ibang ayos lang siya. Pero ang totoo, gustong-gusto niyang humagulhol ng iyak kanina pa. Gusto niyang ilabas lahat kung anong laman ng kanyang dibdib.
'Dixal, hindi ko pala kaya!' sigaw ng kanyang puso't isipan.
'Amor, don't you really know what love is?' biglang umalingawngaw 'yon sa kanyang pandinig dahilan upang mapalakas ang kanyang iyak.
"Dixal..."tawag niya sa pangalan nito.
"Amor..."
Natigilan siya.
"Dixal?"
Nananaginip ba siya? Bakit narinig niya ang boses nito.
"Goodbye, Amor..."
Si Dixal nga. Boses nga 'yon ng binata.
Mabilis niyang inayos ang sarili at bumangon.
Andito si Dixal. Pinuntahan siya nito.
Dali-dali siyang lumabas ng kwarto saka dahan-dahang isinara ang pinto. Sana'y walang makapansin sa kanyang paglabas ng bahay.
Dahan-dahan siyang lumapit sa pinto ng bahay at marahang binuksan iyon upang magulat lang sa nakita.
"Ma?" usal niya nang makita ang papalayong ina.
Sa'n ito pupunta sa gano'ng oras ng gabi? Agad siyang kinabahan. May itinatago ba itong sekreto?
Biglang sumagi sa kanyang isip ang nakitang cellphone sa kwarto nito. May koneksyon ba do'n ang paglabas nito ng bahay ngayon? 'Wag sabihing gabi-gabi ito umaalis ng bahay nang 'di nila namamalayan?
Ah, susundan niya ito. Kailangan niyang malaman kung anong sekreto ang tinatago ng kanyang mama.
Pero si Dixal, 'asan ang binata? Tumingin siya sa paligid. Wala siyang nakitang tao maliban lang sa papalayong ina.
Bahala na, uunahin niyang alamin kung saan pupunta ang kanyang mama. Baka munimuni lang niyang narinig ang boses ng binata kahit hindi naman. Ang mahalaga sa ngayon ay malaman niya kung sino ang kinakatagpo ng sariling ina.