Alas sais na nang magising si Flora Amor. Napabalikwas siya nang bangon. Tulad ng dating ginagawa'y kumaripas siyang takbo papasok sa banyo at naligo.
"Papasok ka ba ngayon anak?" tanong ng inang kalalabas lang ng kwarto kalong ang bunsong umiiyak.
Napansin agad niyang maganda ang bati nito, hindi na pinagana ang bibig kakasigaw para lang gisingin siya.
"Opo, Ma," sagot niya bago makapasok ng banyo.
Pero hindi, nagdesisyon na siya kagabing titigil sa trabaho at tutulungan na lang itong magtinda ng isda sa palengke.
Pupunta siyang City Hall ngayon at makikipagkita sa kabit ng kanyang ama. Nakapagdesisyon na siyang magpakilala sa babaeng 'yon bilang panganay na anak ng Mayor.
Ang ina dapat ang nasa pwesto nito, ang una dapat ang kasama ng ama sa loob ng opisina ng huli at hindi ang kabit na 'yon.
"Nakapagsaing na ako ng kanin, anak. Ano bang uulamin mo?" usisa uli ng ina.
"'Wag na po, Ma. May pera pa ako. Bibili na lang akong pagkain do'n," sagot niya sa loob ng banyo habang nagmamadaling maligo.
Kailangan niyang agahang magbiyahe at mamaya ay seguradong traffic na.
Makalipas ang 30 minutes ay nagpapaalam na siyang umalis.
"Ma, aalis na po ako."
"Hindi ka ba mag aalmusal muna?"
"Sa trabaho na po."
"O, sige ingat."
Habang naglalakad sa daan, pinag-iisipan na niya ang gagawin. Magko-commute siya papuntang City Hall. Kahit maligaw siya, wala siyang pakialam basta sa huli'y makarating siya do'n. Magtatanong siya sa makakasalubong sa tapat ng novamall kung pa'no makakapuntang City Hall.
Gano'n nga ang kanyang ginawa.
Nang maseguro ang rota ng pupuntahan ay sumakay siya ng jeep sa may simbahan papuntang City Hall.
"Amor..."
Tumatakbo na ang sasakyan nang marinig niya ang boses na 'yon.
"Si Dixal?"
Dumungaw siya sa bintana at binalikan ng tingin ang kinatatayuan kanina bago sumakay ng jeep pero hindi niya nakita roon ang binata.
Biglang kumabog ang kanyang dibdib.
Imahinasyon lang ba niya 'yon? Pero segurado siyang narinig niya ang boses nito.
Huminto ang sasakyan at may dalawang pasaherong sumakay, kapwa nakasunglass.
Sinamantala ng dalaga ang pagkakataon. Muli niyang nilingon ang kinatatayuan kanina, pero kahit saan niya idako ang paningin, wala siyang makita kahit anino ni Dixal.
Nanlumo siyang napayuko kasabay ng pag-upo ng isang lalaki sa kanyang tabi.
Ang lakas ng kabog ng kanyang dibdib. Ito ang epekto sa kanya 'pag nasa malapit lang ang binata pero 'di niya ito nakita sa labas ng sasakyan.
Seguro'y namimiss niya lang ito kaya niya narinig ang boses. Ilang araw na ba itong 'di niya nakikita? Pangatlong araw na ngayon.
Ni 'di man lang niya alam kung saan ito nagpunta at kung anong ginawa do'n.
Nanindig ang kanyang balahibo sa magkahalong lungkot at kabang 'di niya mawari kung bakit.
Tama, kinakabahan siya dahil baka maligaw siya. Ngayon lang siya nag-commute nang malayo. Pa'no kung 'di na siya makauwi ng bahay mamaya?
Kinapa niya sa bulsa ng pantalon ang dalawandaang pera. Naruon pa 'yon. Dinukot niya ang nakabukod na bente. Sabay abot sa driver.
"City Hall po, isa," an'ya pagkabigay ng bayad.
"Paabot na lang pong bayad sakin," anang driver na sa katabi niyang babae nakatingin malapit sa driver.
Ito ang kumuha ng bayad niya saka ibinigay sa huli.
Huminto na uli ang sasakyan at may sumakay na babae, sumiksik ito sa gawi nila.
Saka niya lang napansin ang katabing lalaki. Naka-sunglasses ito't naka-mask kaya 'di niya makita ang mukha pero magkadikit ang kanilang mga balat sa braso sa sikip ng kanilang upuan.
'Ang arte naman nito.' sambit ng kanyang isip.
Ngayon lang ba nakasakay ng jeep ang lalaking 'to at kailangn pang mag-sunglass at mag-mask para lang 'di maalikabukan ang mukha at 'di makalanghap ng mabahong amoy sa paligid?
Na-conscious tuloy siya't inamoy ang damit. Amoy sabon naman.
"Miss pakiabot naman ng bayad," anang isang pasahero sa kanya pero maagap ang katabi at 'yon ang kumuha saka iniabot sa pasaherong malapit sa driver.
Bigla na naman siyang kinabahan. Natatakot ba siyang makipagharap sa kabit ng kanyang papa o natatakot siyang mag-commute mag-isa dahil baka maligaw siya at 'di na makauwing bahay?
'Di na siya mapakali sa kinauupuan. Magpahinto kaya siya. Pero 'di na niya alam kung nasaan sila, baka lalo siyang maligaw.
'Relax Flora Amor. Kaya mo yan,' payo niya sa sarili.
Kailangan niyang gawin 'to. Dapat siyang matutong mag-commute mag isa.
"Kuya, malayo pa po ba ang City Hall?" tanong niya sa katabing lalaki pero wala man lang itong reaksyon na para bang 'di siya narinig, ni hindi ito sumulyap man lang sa kanya.
Wala siyang nagawa kundi lakasan ang boses at sa driver bumaling.
"Kuya City Hall lang po ha? Malayo pa po ba?"
Sa lakas ng kanyang boses, napatingin lahat ng pasahero sa kanya, namumula ang pisnging napayuko siya.
Ang bilis ng tibok ng kanyang dibdib. Bakit gano'n? Nakaramdam siya bigla ng takot. Parang gusto na tuloy niyang magsisi kung bakit 'di na lang siya dumeretso sa trabaho.
Pero hindi, hindi siya dapat magpaapekto sa nararamdaman. Kailangan niyang kausapin ang kabit ng kanyang ama. Baka sakali 'pag nalaman nitong may pamilya na ang kanyang papa ay ito na ang kusang lumayo at magparaya. Baka sakali maawa ito sa kanya 'pag nagmakaawa na siyang layuan nito ang ama na mayor pala sa lugar na 'yon.
Sa dami ng iniisip, 'di niya namalayang naihilig niya ang ulo sa balikat ng lalaking katabi.
Nakapagtatakang nakaramdam siya ng kapanatagan ng isip. Naging neutral ang tibok ng kanyang dibdib.
Lumakas ang kanyang loob.
"City Hall!" sigaw ng driver.
Madami ang bumaba, sumabay siya. Sumunod lang siya sa kung saan pupunta 'yong mga nakasabay niya sa jeep.
Sa wakas, nakita niya ang harapan ng City Hall. Nagmamadali siyang pumasok, dere-deretso sa Mayor's office. Do'n siya tatayo at hihintayin ang pagdating ng dalawang sadya.
"Ikaw 'yong nandito kahapon, 'di ba?" pansin ng isang lalaking nakabarong.
Natatandaan niya rin ang mukha nito.
"Opo. Gusto ko pong makausap ang--ang Mayor."
"Wala siya rito ngayon. Kung gusto mo, bumalik ka na lang sa Lunes. Friday kasi ngayon, hindi siya nagpupunta 'pag gan'tong araw," paliwanag ng lalaki.
Lumungkot agad ang kanyang mukha.
"Gano'n po ba?"
"Eh yung--yung a-sawa niya po?" Parang may bumara sa kanyang lalamunan nang bigkasin ang mga katagang 'yon.
"Ah, nasa loob ng office. Ano ba'ng kailangan mo sa kanya?"
"May mahalaga po akong pakay sa kanya," pilit niyang pinalakas ang loob.
Kaya niya 'to. Kakayanin niya para sa kanyang ina.
Pumasok ang ginoo sa loob ng opisina at nang lumabas ay inutusan siya nitong pumasok sa loob.
"Pwede po ba'ng siya po ang palabasin niyo?" Hindi niya alam kung saan humugot ng lakas ng loob para sabihin 'yon sa kaharap.
Nagsalubong ang kilay ng lalaki at tinitigan siyang mabuti, ngunit hindi ito nagsalita at pumasok na uli sa loob. Pagbalik nito'y kasama na ang kabit ng kanyang amang awtomatikong umarko ang isang kilay nang makita siya.
"You're Anton's bestfriend, right?" anitong naruon ang pagtataka sa mukha.
Marahan siyang tumango at pinasadahan ng tingin ang katawan ng ginang. Kagalang-galang ito sa suot na formal attire at halatang mayaman sa dami ng hikaw sa katawan, at ang kapal ng make-up nito.
"What can I help you?" magiliw na tanong nito.
"P-pag sinabi ko po ba, pagbibigyan niyo ang kahilingan ko?" lakas-loob niyang tanong na 'di tinatanggal ang pagkakatitig sa mukha ng kausap.
Tumawa ito nang mapakla.
"What's that then?"
Bumuntung-hininga muna siya at nag-ipon ng lakas ng loob para magsalita.
"Layuan niyo po ang papa ko."
"What?!"
Kinabahan siya nang makitang namilog ang mga nito sa gulat ngunit ano't bigla itong tumawa nang malakas.
"This girl has a unique style of approaching people," wika nito sa katabing lalaking nakabarong na noo'y nagulat din sa kanyang sinabi.
"At sino naman ang papa mong kailangan kong layuan?" tila nanunuya pa nitong tanong.
Napalunok siya, agad nakaramdam ng takot. Pero hindi siya dapat magpadaig sa kaba. Kaya niya 'to.
Isa pa uling lunok saka sumagot.
"Si Mayor Salvador po. Siya ang papa ko."
Awang ang mga labi at halos lumuwa na ang mga mata ng ginang pagkarinig sa sinabi niya. Kahit ang ginoong katabi nito'y natigagal din pagkuwa'y tumingin sa palibot kung may ibang nakarinig, pero walang tao liban sa kanila.
"'Di ko po alam kung pa'nong naging mayor ang papa ko at pa'no ka niyang naging kabit. Pero sana po layuan niyo siya. May pito po siyang anak na laging naghihintay sa kanyang pag-uwi sa bahay namin at may mama din po akong nagmamahal sa papa ko," walang kagatol gatol niyang wika.
"What?! You crazy bitch! Do you think I don't know you? You're my husband's mistress!" Bigla'y naging parang halimaw ang itsura ng ginang sa sobrang galit.
Napaatras siya sa takot, maging ang katabing lalaki ay napalayo dito at nagpalipat-lipat ang tingin sa kanya at sa ginang, halata sa mukha ang pagkagulat at pagkalito kung sino ang paniniwalaan.
Hindi siya pwedeng makaramdam ng takot. Kailangan niyang gawin 'yon.
"Alam ko pong mabuti kayong babae. Pero kahit kayo man po, hindi niyo gugustuhing maging kabit ng isang lalaki. Maganda po kayo at halatang mayaman pa. Marami pong magkakagusto sa inyo. Pero pakiusap po, layuan niyo po ang papa ko. Ayuko pong maging broken family kami dahil lang takot siyang iwanan ka, baka daw po may gawin kang masama samin."
"Klick!"
Namutla ang mukha ng ginang pagkarinig niyon.
Siya man ay nagulat. May isang grupo na palang mga tao ang nakiusyuso sa kanila at kita niya ang isang may hawak na smartphone at nakatutok sa kanila. Nanlamig ang kanyang kamay. Sino ang mga 'yon?
"Ah, iha. Sa loob tayo mag-usap kung pwede. Ano nga uli ang pangalan mo? Baka sakaling magkaliwanagan tayo sa loob. Kaibigan ka ba kamo ni Anton? Anton is my bestfriend's son. Siya ba ang hinahanap mo rito?" biglang nag-iba ang boses ng ginang pagkakita sa grupong 'yon.
Muli siyang bumaling dito at nang makitang palapit ito sa kanya'y umatras siya at pagkuwa'y agad na lumuhod sa harapan nito.
"Parang awa mo niyo na po. Layuan niyo ang papa ko. Babae din po kayo, dapat nauunawaan niyo po ang damdamin ng mama ko. Kami po ang orihinal na pamilya. Pero takot po si papa na iwan kayo kaya sa inyo po ako nagmamakaawa. Layuan niyo na po ang ama ko." Sinabayan niya ng iyak ang pagmamakaawa.
Dali-dali siyang itinayo ng lalaki.
"Ineng wag kang gumawa ng eksena dito. Nakakahiya sa asawa ng Mayor," anito pero sa paraang mauunawaan niya.
"Hindi po ako nagbibiro, sir. Kabit po siya ng papa ko. Kami po ang totoong pamilya ng mayor," paliwanag niya at muling bumaling sa ginang na noo'y tuliro ang isip at 'di alam kung sino ang uunahing lapitan, siya o 'yong isang grupong ngayon ay nasilabasan na ang mga smartphone. Doon na may naglapitang mga lalaki sa kanila.
Bago pa siya malapitan ay may matigas na kamay ang humawak sa kanyang palad at patakbo siyang hinatak palayo sa lugar na 'yon.
"Anton?!" bulalas niya nang masino ang pangahas na humatak sa kanya.
Hindi ito sumagot, sa halip ay lalo pa nitong binilisan ang takbo na kung merun lang itong angking kapangyarihan ay gugustuhin nitong maglaho sila sa lugar na 'yon.
"Are you crazy?! Anong pumasok d'yan sa kukuti mo't naisipan mong gawin 'yon?!" nanlilisik ang mga mata nitong sigaw sa kanya sabay duro sa kanyang noo.
Napalunok siya sa takot. Ano ba'ng ginawa niya? Nagmakaawa lang naman siya sa kabit ng ama para ito mismo ang lumayo sa kanyang papa. Sila ang totoong pamilya at hindi 'yung babaeng 'yon.
Pero sa sobrang galit sa mukha ng kaibigan na pati mga ugat sa leeg nito'y nanlilitid, patunay lang na hindi ito tatanggap ng kahit anong paliwanag. Noon lang niya ito nakitang magalit nang gano'n, mas matindi pa no'ng muntik na siyang mabugbog nina Phoebe.
Nahirapan siyang bumitaw mula sa pagkakahawak nito sa kanyang kamay.
"Pinakiusapan ko lang naman siyang layuan niya si papa. Masama na ba ang ginawa ko?" garalgal ang boses na sagot niya.
"Put--! You don't know her! She's a very dangerous woman!"
Napapikit siya sa takot na baka masapak siya ng kaibigan. Sa tono ng pananalita nito'y ramdam niyang hindi na ito basta nagbibiro lang. Totoo ang galit nito.
Muli siya nitong hinawakan sa kamay at muli silang tumakbo palayo pa sa City Hall hanggang makarating sa isang kanto, doon lang siya nito pinakawalan.
"Beshie, wala namang masama sa ginawa ko. Pinakiusapan ko lang ang kabit ni papa na layuan niya ang ama ko. Mukha namang mabait 'yon kaya---" paliwanag niya.
"Tama na!"
Natahimik siya. Galit pa rin ito.
Nairita na naman siya sa kaibigan. Kanina pa siya nito sinisigawan. Tama lang naman ang ginawa niya. Dapat malaman ng babaeng 'yon na may pamilya ang kinakasama nitong lalaki.
"Gamitin mo kukuti mo, Flor! Mas lalo mo lang pinalalala ang sitwasyon ng pamilya mo! Don't act as if you're so smart when you're not!"
Kumirot ang dibdib niya, nasaktan sa huling sinabi nito. Pati ba naman ang kaibigan niya, gano'n na rin magsalita ngayon nang dahil lang sa ginawa niya kanina? Alam ba nito ang pakiramdam ng nawalan ng ama? Alam ba nito ang pakiramdam na sila ang totoong pamilya pero sila itong itinaboy na lang basta?
"Ayukong makita pa ang mukha mo," mahina ngunit matigas niyang sambit saka patakbong tumalikod sa kaibigan.
Agad pumatak ang kanyang mga luha habang tumatakbo palayo. Walang makaunawa sa kanya. Wala man lang may gustong makiramay sa nararamdaman niya. Ang alam niya, ginawa niya lang ang tama pero bakit siya pa ngayon ang masama?
"Florrr!"
"Amorr!"
"Huh?"
Biglang umalingawngaw sa kanyang pandinig ang boses na 'yon ng nobyo kaya siya napahinto at humarap sa kinaruruonan nito upang magulat lang sa nakita.
Isang itim na kotse ang humahagibis palapit sa kanya. Alam niyang nasa gilid siya ng daan pero bakit tila sinasadya ng nagmamanehong gumilid at 'di man lang magpreno gayung imposible namang 'di siya nito nakikita.
"Run!"
Namanhid ang kanyang buong katawan, 'di siya makakilos sa takot. Tila ang bibigat ng kanyang mga paa, hindi niya maigalaw man lang habang takot na nakatitig sa humahagibis na sasakyang ilang segundo na lang at babanggain na siya.
"Dixal!" tangi niya lang nasambit saka nanginginig ang tuhod na pumikit.
'Diyos ko, mamamatay na ba ako?'
Subalit bago pa siya mabangga ng humahagibis na kotse'y may bigla nang humatak sa kanyang braso palayo at mahigpit siyang niyakap.
Naisubsob niya ang ulo sa dibdib nito sa takot.
"My god, Amor. That was so close." Abot ang paghinga ng nagsalita, halata ang takot sa boses.
"Dixal!"