Sinalubong ako ni Kuya paglabas ko ng kwarto. Ano'ng oras na kaya? Ang ingay naman sa bahay parang pyesta, nagising tuloy ako bigla. Napahikab ako. Madaling araw na yata ako nakatulog kagabi.
"Ayos pala yang kapatid ng bestfriend mo, talo ka pa. Magaling sa kusina," papuri ni Kuya habang kinukusot ko pa ang mga mata ko. Nakatayo sya at may hawak na mangkok.
Natauhan naman ako at nawala ang antok ko. Kapatid ng bestfriend ko? Si Ashleen? Muntik ko nang makalimutan nandito nga pala si Ashton! Napatingin ako kay Kuya Dylan na kumakain ng sopas. Ang bango ng amoy. Bigla nalang tumunog ang tyan ko. Nakakagutom!
"Pinapagising ka ni Mama sakin. Pumunta ka na sa kusina. Kumain ka na don baka maubusan ka pa."
Nagulat naman ako sa sinabi ni Kuya. Ganon ba kasarap yung kinakain nya? Dali-dali akong pumasok sa kusina para lang magulat. Nasa kusina ang mga kabarkads ni Lola. Nakaikot sila kay Ashton na parang mga bubuyog sa bulaklak.
"Gwapo na magaling pa sa kusina. May nobya ka na ba hijo? May apo ako na kasing edad mo lang din. Ipapakilala kita mamaya ha?" tanong ni Aling Lusing.
"Lusing may nobyo na yung apo mo na yon diba? Si Michael yung anak ni Bartolome," sabi naman ni Aling Pacita.
"Maghihiwalay din sila non. Walang tumatagal sa apo ko na yon eh. Pero itong isang ito, mukhang tatagal sya. Napaka-gwapong bata! Nakakatuwa."
"May nobya ka na nga ba hijo?" usisa naman ni Aling Carmela.
"Meron na po," tipid na sagot ni Ashton na hindi maipaliwanag ang hitsura. Parang gusto nyang umalis pero hindi nya kaya. Kawawa naman. Napainom nalang tuloy ng tubig. Hehe! Kawawang bata. Mukha talaga syang batang paslit ngayon dahil napapaligiran sya ng mga Lola.
"Ikay! Andyan ka na pala apo. Halika kumain ka na, tinulungan ako ng kaibigan mo na magluto nitong sopas. Napakasarap," pansin sa akin ni Lola. Napatingin naman silang lahat sa akin.
"Good morning po," bati ko sa kanilang lahat.
Nang saktong magkasalubong kami ng tingin ni Ashton bigla nalang syang naubo sa iniinom nya. Pinagkaguluhan naman kaagad sya ng mga Lola at hinagod ang likod nya para kumalma ang ubo nya.
"Ayos ka lang ba hijo? Dahan dahan kasi sa pag-inom."
Napahawak ako sa buhok ko. Shucks. Di pa pala ako nagsusuklay. Baka nagulat sya sa buhok ko. Inayos ko muna gamit ang mga kamay ko.
"Ikay," tawag sa akin ni Lola. "Umupo ka na rito o. Tikman mo itong sopas na ginawa ng kaibigan mo."
Umupo ako sa tabi ni Ashton at tinikman ang sopas na nilagay ni Lola sa mangkok ko. Pagkasubo ko nakaramdam ako ng pagtitig ng ilang pares ng mga mata. Ngumuya ako nang mabuti at lumunok habang nakatingin sa kanilang lahat. Bakit sila ganito kung makatingin?
"Ano hija? Masarap, hindi ba?" tanong ni Lola Carmela na nakangiti pa.
Ngumiti ako at tumango sa kanila bago ako sumubo ulit. Masarap nga ang sopas na luto ni Ashton. Hmm. Napasimangot ako bigla. Mabuti pa sya marunong magluto. Kaya pala ganito sila sa kanya. Kaya pala sya pinagkakaguluhan. Pati si kuya Dylan sya rin ang bukambibig. Nagseselos ako. Hmp!
Naagaw ng tunog ng silya ang atensyon ko. Nang lumingon ako, likod nalang ni Ashton ang nakita ko habang papalabas ng kusina. Ano'ng problema nun?
"Ikay, ilibot mo sa town yung kaibigan mo pagkatapos mong kumain. Nakausap na ng Mama mo ang mga magulang ni Ashton. Mamayang hapon pa dating nila," utos sa akin ni Lola habang umiinom ng tsaa.
"Bakit nga pala mag-isa tumungo rito ang bata? Nag-layas ba sya?" tanong ni Lola Lusing kay Lola.
"Alam mo naman ang mga kabataan hindi ba? Nag-daan na rin naman tayo sa pagrerebelde," natatawang sagot ni Lola na parang may inaalala.
"Aba natatandaan ko pa noong binalak mong makipag-tanan kay Ramoncito!" natatawang kwento ni Lola Pacita. "Nakurot ka pa sa singit ng Inang mo non Felicidad! Hahaha!"
"At hinabol ng itak ng Amang mo si Ramon sa bayan! Hahahaha!"
Natawa ako sa kwentuhan nila. Naiimagine ko tuloy ang kabataan ni Lola. Maganda rin kasi si Lola noong kabataan nya. Marami sigurong nanliligaw sa kanya noon.
"Pero tignan mo nga naman. Sino ang mag-aakala na si Julio San Miguel pala ang makakatuluyan mo? Para kayong aso at pusa noon diba?"
"Tumigil nga kayo! Naririnig kayo ng apo ko. Baka balakin pa nitong tumulad sa akin na makipagtanan!"
Bigla akong nabulunan.
"Aba, kung sa apo kong si Steve lang din naman, pwedeng-pwede kang makipagtanan hija! Hahahaha!" tawa ni Lola Lusing.
Hilaw na ngisi lang ang naisagot ko. Ano ba yan? Si Steve at ako, magtatanan? Tatanda nalang siguro akong dalaga. Ay wait! May future boyfriend pa nga pala ako! Sana naman hindi sya si Steve. Andyan din naman si Mr Creeper na hindi ako naaalala na itext. Napanguso tuloy ako nang hindi ko sinasadyan.
Tumunog ang silya sa tabi ko at naramdaman ang pag-upo ni Ashton. Napatingin ako sa kanya. Ang pormal ng mukha nya para syang may kakausapin na business partner.
"Sino si Steve?" ang unang lumabas sa bibig nya pagkaupo nya.
Napasinghap ako. Yung tono ng pagsaalita nya, kakaiba. Kinilabutan ako!
"Apo ko sya hijo," sagot ni Lola Lusing na nakangiti. "Mas matanda lang sya ng tatlong taon sa iyo pero sigurado ako na makakasundo mo sya."
Napalunok ako. Bakit parang ayoko makinig sa pinag-uusapan nila? May kutob ako na masama.
"Talaga po Lola?" Napalingon ako kay Ashton dahil nahalata ko ang ngiti sa tono nya. "Gusto ko pong makilala si Steve." Tuluyan na syang nagpakawala ng nakakasilaw na ngiti.
Namilog ang mga mata ko. Yung ngiti na yon! Alam ko ang ngiti nyang yon!
Pumalakpak si Lola Lusing at tuwang tuwa. Ipinilig ko ang ulo ko kay Lola dahil naisip ko na ang sasabihin nya. Ayokong maipit dito!
"Lusing, tawagin mo ang apo mo. Sumama kamo sya kina Ikay na mamasyal sa bayan."
Napahawak ako sa noo ko. Kapag may nangyaring masama kay Steve, kailangan wala ako sa crime scene!