Friday the 13th ba? Kasi sobrang malas ko ata ngayon. Ilang meetings na ang dumaraan kaya lagi ko tuloy siyang nakikita. Hindi naman ako makatakas dahil bantay sarado ako palagi ni Dan. Bwisit na lalaking yun.
Yung lalaking nahawakan ko pala ng kamay, si Lance nga pala yun. Syempre nagulat ako nun kaya ang nasabi ko na lang, "Ikaw pala Lance." Sabay bawi ng kamay ko. Siya pala ang president ng section a.
"Risa," sabi naman niya at inabot sa akin yung ballpen kong nahulog, "Committee ka pala."
"Oo," sagot ko naman, "Pinilit kasi ako ni Dan."
Nagthank you din ako sa kanya tapos nagpaalam na siya kasi wala pa daw yung partner niya para sa meeting pero bago siya umalis, "Pwede bang tumabi sainyo?"
Alangan naman tanggihan ko eh wala naman siyang ginagawa sa akin. Sa katunayan laging libre ang lunch ko dahil dun sa usapan namin. Tumango na lang ako at ngumiti. Ito namang si Dan sa sobrang malisyoso inasar pa ako kay Lance. Dahil wala ako sa mood, napaghahampas ko tuloy siya.
Hindi katagalan bumalik na ulit si Lance. Syempre nilapitan niya ulit kami, "Pwede pa bang maupo sa tabi niyo?"
Si Dan naman sumagot, "Bakit naman hindi pwede tol?"
"Oo nga. Wala naman masama at tsaka wala na masyadong vacant seats," pagsang-ayon ko naman.
Mukhang hindi pa din sigurado si Lance pero naupo na din siya dun sa tabi ko. Laking gulat ko na lang ng si Keith ang tumabi sa kanya. Automatic na napasimangot ako at sabay yuko. Anong ginagawa niya dito? Nangaasar ba talaga siya? Todo iwas na nga ang ginagawa ko siya naman tong nalapit.
Binati naman niya kami, "Oh Dan, wala ka pa din pinagbago, member pa din ng kung anu-ano."
"Ikaw ata nagbago," sabi naman ni Dan, "Nasali ka na sa mga ganito. Dati naman ayaw na ayaw mong umattend ng mga meeting."
"Sabi nga nila kaso pinilit pa din niya ako na siya na lang yung maging part ng committee," si Lance naman ang nagsalita habang nag-aayos din ng gamit niya.
Ramdam kong naupo na si Keith dun sa upuan niya, "Diba nga hindi ako naka-attend last year so gusto kong bumawi."
"Sus, alam ko naman kung bakit," bulong naman ni Dan at nakatanggap siya ng isang matinding pagsiko sa braso niya.
"Bakit ka nga ba hindi naka-attend?" tanong ni Lance, "Balita ko nagtransfer ka daw."
Ayaw ata sagutin ni Keith kasi binati niya ako, "Oh, si Risa din naman ah, nagbago. Active na siya sa school activities."
Nagulat ako pero si Dan natawa, "Kung hindi ko yan hinila, hindi yan sasama sa akin."
Bago pa nagkasagot ulit si Keith, nagsalita na yung VP ng Student Council. At hanggang sa matapos yung meeting hindi na ulit kami nakapag-usap. Since ang Christmas Ball ay project talaga ng juniors para sa mga senior, walang fourth year na nag-aasikaso ng event na to kaya sobrang busy.
Bakit ako malas? Kasi ilang araw may meeting. Ibig sabihin ilang araw ko na nakakasama si Keith. Lagi niya akong binabati pero deadma lang ako. Pero bibigay na ako konti na lang at kakausapin ko na ulit siya pag hindi ko napigilan ang sarili ko.
Kagaya ngayon may meeting na naman. Sa halip na uuwi na ako ngayon, napilitan akong umattend kasi hindi pwede si Dan dahil may meeting din ang Student Council.
Pagpasok ko sa room wala pa sina Lance kaya naupo na lang muna ako habang nakikinig sa music hanggang sa may naramdaman na kong tumabi sa akin. Inalis ko yung earphone ko at lumingon and guess what, si Keith pala.
Bigla akong napatigil. Hindi ko alam kung ngingiti ako o iiwas ng tingin. Yung mukha ko ata hindi na maipinta.
"Aga mo ata ngayon Risa," bati niya sa akin with matching smile pa.
"Ahh, ehh," sagot ko sa kanya na medyo pautal-utal pa, "Si Lance?"
"May meeting sila?" sagot niya na medyo hindi pa ata sigurado.
Oo nga pala. Part nga din pala si Lance ng student council. Ibig sabihin kami lang ngayon magkasama. I mean walang Dan at Lance na pwedeng makausap. Awkward.
"Musta ka na nga pala Risa?" tanong niya habang nakapahalumbaba.
Hindi ko pa din magawang iiwas ang tingin ko simula ng kausapin niya ako. "Ano," hindi pa talaga ako sigurado sa isasagot ko. "Ayos lang."
Gusto ko sana itanong kung kamusta na din siya kaso bigla akong nakaramdam ng sakit nung nakita kong kinuha niya yung cellphone niya. Naisip kong katext niya yung girlfriend niya.
Bitter ako.
Napaiwas na ako ng tingin. Feeling ko lahat nung sakit na itinago ko since bumalik na ulit siya ng school, nararamdaman ko na ulit. Iiyak na ata ako kasi ang hapdi ng lalamunan ko at halos manlabo na yung mata ko. Sobra ko ba siyang minahal o sobrang tanga lang ako kasi hanggang ngayon mahal ko pa din siya?
Hindi ko kayang umiyak sa harap niya kaya dali-dali kong kinuha yung bag ko at nagtatakbo palabas ng room. Weak na kung weak pero hanggang ngayon aminado ako na hindi ko pa talaga siya kayang harapin.
"Teka Risa," hinabol pala niya ako. Hinablot niya yung braso ko at isinandal sa pader. Malapit na kami sa lobby ng school namin.
Nakatungo lang ako habang hinahabol pa niya yung paghinga niya dahil sa pagkahabol sa akin. Tuloy tuloy pa din yung pagpatak ng luha ko.
"Risa," tawag ni Keith sa akin. Biglang nanginig yung buo kong katawan. Inulit pa ulit niya, "Risa."
Ramdam ko ang paghinga niya dahil sa sobrang lapit niya. Yung isang kamay niya hawak-hawak ang braso ko at yung isa naman ay nakatuon sa pader. Tahimik na sa school dahil kanina pang awasan.
Samantalang ako nakatakip ang dalawang kamay sa mukha habang nag-iiyak.
Ilang segundo din ang lumipas at wala pa din umiimik sa aming dalawa hanggang sa binasag na niya ang katahimikan, "Sorry."
Napatigil ako ng sandali sa pag-iyak. Tama ba yung narinig ko? Nagsorry si Keith? For the first time ngayon lang siya nagsorry after nung break up namin.
"Sorry," sabi ulit niya, "Sorry ngayon lang ako nakapagsorry sayo."
"Sorry kasi sinaktan kita," patuloy pa din niya. Sobrang lapit na niya sa akin dahil mas hinila pa niya ako palapit sa kanya, "Sorry dahil hindi ako nakapagpaliwanag ng ayos. Sorry dahil alam ko na sobrang dami kong kasalanan sayo."
"Risa," bulong niya. "Sorry nagmahal ako ng iba."
Ayos na. Ayos na sana kaso Friday the 13th nga diba. Sobrang ikinagulat ko yung huli niyang sinabi at nagsnap na ako.
"Sa tingin mo ganun kadali lang yun?" sumbat ko sa kanya sabay tunghay. Wala na akong pakailam kung anong itsura ko. "Simpleng sorry, okay na?"
Galit na galit ako. Itinulak ko siya kaya napaalis ang hawak niya sa braso ko. Nagulat siya pero hinayaan na lang niya ako. "Anong tingin mo sa akin, tanga?"
"Isang taon?" napatigil ako, mas lalo pang lumakas yung boses ko, "Isang taon mo ako pinag-antay tapos sorry. Sorry lang?! Anong magagawa ng sorry mo? Bakit maibabalik ba ng sorry mo yung panahon na sobra akong nasaktan?"
Hawak-hawak ko ng mahigpit yung kwelyo ng kanyang uniporme. "Sa tingin mo, okay lang sa akin na ipinagpalit mo ako sa iba?!"
"Hindi ako tanga, Keith," sinabi ko sa kanya habang nakatitig sa kanyang mga mata, "Minahal kita ng sobra!"
Napatungo ako at napaiyak pa lalo.
"Sobra sobra kitang mahal," bulong ko, saka ako tumunghay at hinalikan ko siya sa labi.