"MAS MAGANDA BA talaga sa 'kin 'yong ex mo?"
Napangiti ako sa tanong ni Sunshine. Nakatayo kami ngayon sa harap ng salamin. Hiniling niya sa 'kin na hawakan ko ang kamay niya kahit apat na minuto lang dahil gusto niyang makitang muli ang mukha niya. Nakatingin kami sa isa't isa sa repleksiyon namin sa salamin. Kumpiyansang tumango ako bilang tugon sa tanong niya.
"A-Aray! Aahh!" daing ko. Diniinan niya ang kamay ko.
Sinubukan kong bawiin ang kamay kong hawak niya, pero mas hinigpitan niya ang hawak dito at tiningnan ako ng masama. Siguro kung kaya niyang magpalit ng anyo kapag hawak ko siya, nagmala-halimaw na siya.
"Hay, pambihira! Oo, na! Ikaw na ang mas maganda!" napalakas ang boses ko. Pero pinagtawanan niya lang ako.
Napangiti na lang ako kinalaunan nang nakaharap na kaming muli sa salamin at tuwid na nakatayo. Parang adik si Sunshine na pinagmamasdan ang sarili niya sa salamin. May pagpungay pa sa kanyang mga mata – humaling na humaling siya sa sarili niya. Pero tama lang ang reaksiyon niya. Talagang nakaaadik siyang pagmasdan. Parang droga ang kagandahan niya. Napatitig na lang din ako sa kanya sa salamin. Nakaka-high. Ang gaan ng pakiramdam ko na para akong nakalutang. Para akong nililipad sa kalawakan. Kusa na lang gumuhit ang matamis kong ngiti sa labi na sinabayan ng kakaibang pintig puso ko.
"Lukas?" pagbagsag niya sa katahimikan.
"Bakit?" tanong ko.
"Huwag kang magkagusto sa 'kin, ah?"
"Ha?" gulat na tanong ko. "Tsk! Ako? Magkakagusto sa 'yo? Joke ba 'yan?" natawa talaga ako sa sinabi niya. Maaring nagagandahan nga ako sa kanya at humahanga, pero hindi naman ibig sabihin siguro no'n na gusto ko siya. Ang kakaiba kong nararamdaman na pagbilis ng pintig ng puso ko, siguro dala lang 'yon ng mga kakaibang nangyayari sa lugar na 'to? Wala naman sigurong ibig sabihin 'yon?
"Seryoso nga kasi," sabi niya.
"Pa'no mo naman naisip 'yan?"
"Ayaw kong masaktan ka. Kagabi, may napanaginipan akong lalaki. Magkahawak-kamay kaming naglalakad sa malawak na damuhan. Napakasaya namin. Baka boyfriend ko siya? Pero malabo ang mukha niya – hindi ko gaanong maaninag ang hitsura niya. Pero sa mga ngiti niya, alam kong mabait siya. Gusto ko siyang makita." kakaiba ang ngiti ni Sunshine sa kuwento niya. May kislap pa sa kanyang mga mata. "Ngayon, habang magkahawak tayo, nakikita ko na naman siya sa alaalang pumapasok sa utak ko at naririnig ko ang tawa niya..."
"Pambihira naman, Sunshine. Kamay ko ang hawak mo, pero iba ang nasa isip mo," pagbibiro ko.
"Tumigil ka nga! Seryoso nga ako. Ayaw ko kasing maranasan mo na namang masaktan, Lukas." May pag-aalala sa tono niya.
Napangisi ako. "Sunshine, ako ang sasagip sa 'yo. 'Yon lang ang relasyon natin – sinag mo ako. Kung magawa ko mang mailigtas ka, simpleng 'thank you' lang, ayos na ako ro'n."
Tumango siyang nakangiti sa 'kin sa salamin. Tumango rin akong nakangiti. Pero bakit gano'n? Bakit parang may kung anong epekto sa 'kin? Maaring mabuhay nga siya – pero imposible namang magustuhan ko ang tulad niya – na isang multo.
***
"HANGGANG D'YAN KA lang!" narinig kong boses nang papasok na sana ako sa tarangkahan ng bahay ni Mang Pedro para kausapin siya.
Nagpakita si Mang Pedro sa 'kin. Bigla siyang lumitaw sa loob ng bahay niya at nakasilip sa bahagyang nakabukas na bintana. Nagkatinginan kami. Umiling si Mang Pedro na tila babala na huwag akong tumuloy na pumasok. Nakita ko ang pagsasalita niya at naramdaman ko ang malamig na hangin at boses na bumubulong sa tainga ko.
"Tahimik kang maglakad pabalik sa bahay ng mga Sinag at huwag magsalita. Kahit ano'ng mangyari, huwag mong ipahalatang naririnig mo ako." Narinig kong boses ni Mang Pedro.
Tila alam ni Mang Pedro ang dahilan nang pagpunta ko sa bahay niya.
***
"SA WAKAS DAW ay natagpuan na nila ako, ang sinag mo," pagsisimula ng kuwento ko kay Sunshine tungkol sa sinabi ni Mang Pedro. "Matagal daw silang naghanap."
"Sino'ng sila?" tanong niya.
Tumayo ako mula sa sofa na kinauupuan namin. "Walang sinabi si Mang Pedro," pailing-iling na sagot ko at naglakad ako paroo't parito. "Pero isa lang ang sigurado." Pinukol ko siya ng tingin. "May iba pang may alam tungkol sa bagay na 'to – tungkol sa 'yo."
"Ano pang ibang sinabi ni Mang Pedro? Pa'no ako mabubuhay? Nasaan ang katawan ko?"
"Tungkol sa kung pa'no ka mabubuhay, wala siyang nabanggit at kung nasaan ang katawan mo. Basta sabi niya mag-iingat tayong dalawa sa mga multong nagpupunta rito – maaring may ibang multong alam ang kaugnayan ko sa 'yo. May proteksiyon ang bahay para hindi nila mapasok. Pero sabi ni Mang Pedro, sa paglipas ng panahon, humina na ito. Tama ang kutob mo, Sunshine, gusto nga ng mga multong kunin ka. At dapat daw kitang protektahan."
Natahimik si Sunshine. Nakita ko ang takot sa mukha niya.
"Sunshine?" nilingon niya ako. "May binanggit si Mang Pedro, tungkol sa kalendaryo. Ang sabi niya, bago raw sumapit ang araw na 'yon, dapat ay nabuhay ka na. Dahil sa araw na 'yon, wala na ang proteksiyon ng bahay. Gaya nga ng sabi ko sa 'yo, wala siyang nabanggit kung paano ka mabubuhay. Pero alam kong gusto na niyang sabihin 'yon, kaso may mga multong nagpakita, at 'di ko na narinig si Mang Pedro."
"Kalendaryo?"
"Oo. Nasaan 'yon?"
"Maaring 'yong nasa kusina? Iyon lang ang nakita kong kalendaryo sa bahay na 'to."
Pinuntahan namin ang kusina. Pero wala na ro'n ang kalendaryo.
"Nasaan 'yon?" pagtataka ni Sunshine. Nakaharap kami sa pader kung saan itinuro niyang nakadikit ang kalendaryo.
"N-Na... natapon ko na ata nang maglinis ako? L-Luma na kasi 'yon..." napayuko pa ako sa inamin ko.
"Lukas!" sigaw niya.
"Kukunin ko. Nando'n pa 'yon. High-blood?"
Agad akong tumalikod at lumabas ng pinto para kunin ang kalendaryo kasama ng mga basurang tinapon ko sa gilid ng gate. Taong 2013 pa naman kasi ang kalendaryong 'yon. Akala ko wala nang pakinabang. May calendar naman sa cell phone ko kaya 'di ko 'yon kailangan.
***
NASA SALA KAMI ni Sunshine. Nilatag ko ang kalendaryo sa center table. Give away ata ng grocery store na pinapasukan ng anak ni Mang Caloy na si Jane ang kalendaryong ito? May tatak ng pangalan ng grocery store ang malapad at may kakapalang papel ng kalendaryo.
Itinuro ni Sunshine ang ika-isa ng buwan ng Nobyembre na may bilog na tinta ng asul na ballpen. "Nang magising ako sa bahay na 'to, nandito no'n si Mang Pedro, nakita kong binilugan niya ang araw na 'to. Maaring 'yon ang araw na mapunta ako rito," pahayag niya.
"Maari nga," pagsang-ayon ko.
"Makalipas ang mga araw, nakita kong isinulat ito Mang Pedro." Itinuro ni Sunshine ang nakasulat sa taas ng may bilog na petsa. taong '2015' ang sulat.
"At ngayon na ang taong 'yan. Wala nang isang buwan bago ang ika-isa ng Nobyembre."
"Maaring ito ang tinutukoy niyang araw?"
"Na dapat ay buhay ka na... Eksaktong dalawang taon mula nang mapunta ka sa bahay na ito."
Nagkatinginan kami ni Sunshine. Ika-tatlo na ng Oktubre ngayon. Sa loob ng apat na linggo, dapat ay mabuhay na siya. Maaring kapag lumampas pa ro'n wala nang pag-asa pang masagip ko siya. Pero wala pa rin kaming alam kung pa'no siya muling mabubuhay. May isang bagay na sinabi sa 'kin si Mang Pedro na 'di ko masabi kay Sunshine. Tinanong ako ni Mang Pedro kung handa ko bang ibuwis ang buhay ko, magampanan ko lang ang pagiging sinag ko? Nakaramdam ako ng takot. Pa'no kung ikamatay ko ang pagligtas sa kanya? Parang napakalaking kalokohan naman no'n? Itataya ko ang buhay ko, para lang mabuhay ang iba? Sa taong hindi ko naman lubos na kilala. Ni 'di ko nga alam ang tunay niyang pangalan.
***
NASA TERRACE KAMI ni Sunshine. Nakatingin kami sa napansin naming natutuyong sunflower. Gumalaw ang mga halaman na tila sumasayaw sa pag-ihip ng hangin. Naglaglagan ang mga tuyong dahon mula sa mga puno sa paligid sa paglakas ng hangin. Unti-unting dumilim ang kalangitan dahil sa makakapal na itim na ulap, nagbabadya ang pagbuhos ng ulan.
Pumikit si Sunshine. Dinama niya ang ihip ng hangin. Parang isang dimensiyon ang ginagalawan nila. Nararamdaman nila ang isa't isa. Sinayaw ng hangin ang mahabang buhok niya at damit niya. Pumatak ang maninipis na butil ng ulan na unti-unting lumakas. Nabasa ako sa pagpasok ng ulan sa terrace. Pero si Sunshine, hindi. Nakatingin lang ako sa kanya hanggang sa pagmulat niya. Nagkatitigan kami. Inalok ko ang kamay ko sa kanya. Walang imik na inabot niya ang kamay ko. Ilang saglit lang, napapikit siya nang tumama sa kanya ang mga patak ng ulan nang magkaroon na siya ng katawan.
"Halika," yaya ko kay Sunshine. Naglakad ako pababa ng hagdan hila siya. Pero pinigilan niya ako.
"Saan?" tanong niya.
"Maliligo tayo sa ulan," nakangiting sagot ko. "Alam kong gusto mo 'yon, Sunshine."
"Oo. Pero manghihina ka na naman," pag-aalala niya.
"Ayos lang. Four minutes lang."
"Pa'no ang harang?"
"Magtiwala ka lang, Sunshine," patabinging nakangiting sabi ko. May pagtataka pa rin sa mukha ni Sunshine at pag-aalangan, pero nagtiwala siya at hinakbang ang kanyang mga paa sa alok kong bumaba siya ng hagdan palabas nang tuluyan sa bahay para maligo at i-enjoy ang malakas na ulan.
Ang pagtataka at pag-aalangan sa mukha niya ay napalitan ng matamis na ngiti at galak. Nalampasan ko na ang bahaging may harang na pumipigil kay Sunshine na lumabas ng bahay. Huminto si Sunshine sa huling baitang ng hagdan. Tumango ako sa kanya para muling ipahiwatig na magtiwala lang siya sa 'kin at ayos lang ang lahat. Paatras akong naglakad hawak ang kamay niya. Nakatingin kami sa mata ng isa't isa. Humakbang siya, at nagtuloy-tuloy iyon hanggang malampasan niya ang puwersang humaharang sa kanya. Puwersang sabi ni Mang Pedro na proteksiyon niya para hindi siya magambala ng masasamang espirito o multo. Sabi ni Mang Pedro, huwag ko raw hayaang makalabas si Sunshine lalo na sa gabi. Naisip kong puwede ko siyang malabas. Maaga pa naman kaya ayos lang sigurong gawin ko 'to.
Mas hinigpitan namin ni Sunshine ang pagkakahawak sa isa't isa. Tumakbo kaming paikot-ikot sa madamo at makalat na bakuran na parang mga batang unang beses na makaligo sa ulan. Nang tumigil kami, nagkatitigan kami at isinayaw ko siya paikot. Sinabayan namin ng malakas naming tawanan ang malakas na buhos ng ulan. Muli kaming nagkatitigan na tila huminto ang takbo ng oras. Basang-basa kami ng ulan, naghatid ng kakaibang ganda kay Sunshine ang pagkabasa niya.
"Bakit, Lukas?" tanong niya. Nakatitig lang kasi ako sa kanya na tila nablangko pa ang utak ko na walang ibang gustong gawin kundi ang titigan lang siya.
Umiling ako bilang tugon. Tumingala ako at napapikit sa pagtama ng patak ng ulan sa mukha ko. Sinulyapan ko si Sunshine, nakatingala't nakapikit na siya na dinama ng taimtim ang bawat patak ng ulan sa kanyang katawan, napaliyad pa ang isa niyang kamay. Muli akong tumingala at pumikit para damahin din ang malamig na buhos ng ulan. Ngayon ko na lang naramdaman ang pakiramdam na 'to. Napakagaan. Napakapayapa. Napakasarap.
Sa pagdilat ko, nakatingin na sa 'kin si Sunshine.
"Lukas?"
"Bakit, Sunshine?"
Walang salitang binigkas si Sunshine. Bigla na lamang niya akong mahigpit na niyakap. Yakap na nagbigay ng init sa aking katawan para panlaban sa lamig dulot ng malakas na ulan. Awtomatikong kumilos ang mga kamay ko at gumanti ako sa yakap niya – niyakap ko rin siya nang mahigpit. Muli na namang huminto ang oras, na tila paglalakbay sa kung saan. Hindi ko man matukoy ang lugar, pero alam kong napakasaya ro'n.