ดาวน์โหลดแอป
64.63% Ang Bahay sa Burol / Chapter 53: Sadyang Mahuhusay

บท 53: Sadyang Mahuhusay

Pagdating ng araw ng pagdiring ng ika-20 anibersaryo ng FilSino Company, Ltd., ang kumpanya nina Leo at Ditas, dumagsa ang mga mahahalagang panauhin mula sa industriya ng pangangalakal, sining at politika. May mga panauhing mula sa iba't ibang bansa. Pormal ang mga suot ng mga nagsipagdalo. Kahanga-hanga ang kanilang mga hitsura. Doon lamang nakakita sina Amihan ng mga panauhing bigatin at hindi pangkaraniwan.

Mayroon ding mga artistang taga-HongKong ang dumating at ilan sa mga kaibigang artistang Filipino ng mga magulang niya. Napagtanto ni Amihan na kilala pala ang kanilang kumpanya sa iba't ibang bahagi ng mundo. Hindi lamang iyon, marami palang mga kaibigan at kakilala ang kanyang mga magulang na ikinagulat nila Amihan.

Nakaupo sina Leo at Ditas sa mesa ng mga mahahalagang panauhin kasama ang kanilang kasosyo na sina G. at Gng. Wang. Malaki ang kanilang mga ngiti habang binabati sila ng mga panauhing lumalapit sa kanilang mesa. Maya-maya pa ay may isang lalaking nakusuot din ng pormal ang nagpahayag na magsisimula na ang magarang pagdiriwang sa malaking bulwagan ng hotel. Sa hotel ding ito tumutuloy sina Amihan, Miguel, Odette at Abel. Katapat lamang ng hotel ang gusali ng FilSino Company, Ltd.

Nagsimula ang programa sa pamamagitan ng isang pagbati at pagtanggap na ibinigay ng pangalawang pangulo ng kumpanya. Sumunod naman ay awitin ng dalawang kilalang manganganta ng Hong Kong at Pilipinas. Nagkaroon din ng pag-gawad ng mga parangal sa mga empleyado ng kumpanya na nagpakita ng pambihirang galing sa kanilang mga tungkulin. Sa kalagitnaan ay inihain na ang mga pagkain sa mga mesa ng mga panauhin. Sa pagtatapos, nagbigay ng kanyang talumpati si Leo at si G. Wang. Nagpalakpakan ang lahat sa kanilang maikli ngunit malaman na mga salita. Ang pinakahuling inanunsiyo ng tagapamahala ng programa ay ang pagtatanghal ng mga likhang-sining ni Amihan sa tanggapan ng gusali ng FilSino na magbubukas kinabukasan ng alas nueve ng umaga.

Matapos ang lahat ng ito, may sayawan pang magaganap. Tuwang-tuwa ang mga panauhin na may mga edad na. Hindi lang nila maipagmamayabang ang kanilang mga kasuotan at mga alahas kundi ang kanilang mga kapareha.

Samantalang ang mga panauhing nasa dalawampu't lima pababa ang mga gulang ay magkakasama sa isang mahabang mesa. Doon nakaupo sina Amihan na katabi si Miguel sa kanan at si Odette naman sa kaliwa. Nakaupo si Abel sa harap ni Miguel.

May katabi si Abel na dalaga na tila dalawampung taon ang gulang at taga-Taiwan daw siya. Bihasa ito sa salitang Inggles kaya madali siyang makasalo sa usapan ng grupo nila Amihan. Maganda ito at makinis ang balat na tila porcelana. Nakapusod ang buhok nito na may ilang mga pirasong hibla ng buhok na nahuhulog sa magkabilang gilid ng kanyang habilog na mukha. Napapahanga sina Amihan dito sapagkat elegante at magulang na ito kung kumilos. Ang pangalan niya ay si Sharon Chai.

Dahil kay Sharon Chai, naging maganda ang kalagayan ng kalooban ni Miguel sa buong gabi. Nahahalata niya na may kursunada si Sharon Chai kay Abel at panay ang kausap niya dito. Bilang isang maginoo at may pinag-aralan, naging magalang ito sa dalaga at kinakausap niya rin ito. Hindi na ito nagkaroon ng pagkakataong makausap pa si Amihan. Samantalang si Miguel at Amihan ay masayang nag-uusap at nagbibiruan.

Nang tumugtog ang orchestra, nagsitayuan ang ilan sa mga panauhin upang pumagitna sa bulwagan at sumayaw.

Wala sa loob na ipinatong ni Sharon Chai sa galanggalangan[1] ni Abel ang maliit at malambot na kamay nito at tiningnan si Abel sa mata at nagwika, "Maaari mo ba akong isayaw?"

Nagulat si Abel sa naramdamang malambot na kamay sa may bisig niya kaya napatingin siya dito saka itinaas ang mga mata sa mukha ni Sharon Chai. Malamlam ang mga mata nito at nangungusap. Hindi niya ito kayang tanggihan. Ano na lamang ang iisipin ng mga kasamahan sa mesa—na hindi siya maginoo. Tumango na lamang ito. Hinila niya ng tahimik ang upuan ng babae upang makatayo ito saka sinamahan sa gitna ng bulwagan upang isayaw.

Sinabayan sila ng tingin nila Amihan. Nang makalayo na sila, nagkatinginan ng may pahiwatig ang tatlong magkakatabi sa upuan.

"Bagay sila." Si Odette, na nakangisi, ang unang nagsalita.

Tumango si Amihan na may kasiyahan sa kanyang mukha. Sa wakas wala na ang lalaking iyon at komportable na siya muli sa kinauupuan. Binigyan niya ng matamis na ngiti si Miguel. Ginantihan naman nito ng kindat ang dalaga.

"Dapat lamang na sa mga babaeng hindi nalalayo sa kanyang edad ang kasa-kasama niya," sabi ni Miguel bago ilapit sa kanyang mga labi ang isang kopita ng puting bino. Nilagok niya ang lahat ng laman ng kopita saka pinunasan ng silberyeta ang kanyang mapupulang labi. Lumingon ito kay Amihan. "Gusto mong sumayaw?"

Umiling si Amihan. "Ayaw kong makipagsabayan sa mga matatanda. Baka sa akin pa matuon ang pansin ng lahat," pabirong sabi nito. Ngunit sa katunayan ay napakahusay ni Amihan na sumayaw ng mga pambulwagang mga sayaw. Naalala niya ang isinayaw nila ni Miguel noong pasinaya niya. May namuong ngiti sa kanyang mga labi. Natutuwa siyang makita si Miguel na sumasayaw sapagkat mahusay din ito. Hindi niya akalain na masasabayan siya nito lalo pa't wala naman silang ensayo.

"Ikaw, Odette, gusto mo bang sumayaw?" Ibinaling naman ni Miguel ang tanong sa kaibigang matalik ni Amihan. Ginawa niya lamang ito bilang bahagi ng tuntunin ng magandang asal. Isa pa, malapit ito kay Amihan at ayaw niyang mailang ito sa kanilang pagtitinginan.

"Bakit hindi." Masayang sagot ni Odette. Gusto niyang sumubok sa ganitong uri ng pagdiriwang-- ang magpakasaya na walang anumang masamang balak kay Miguel. Kunsabagay, ito na ang nag-alok sa kanya.

"Maaari ko bang mahiram ang iyong minamahal na kaibigan, Amihan?" Nagpaalam din si Odette sa kaibigan na may diin sa salitang 'minamahal.' Napakunot ang noo ni Amihan sa narinig at sa nakitang pilyang ngiti ni Odette.

Kinurot niya ang tagiliran ni Odette at tumawa. "Basta ibabalik mo ng buong-buo. Walang bawas, walang kulang."

Sa tinuran ni Amihan, napatawa din si Miguel. Sa sobrang tuwa, hinalikan nito ang pisngi ni Amihan na ikinagulat nito. Bago pa magalit si Amihan sa ginawang nakaw na halik ni Miguel, nakatalikod na ito agad na sinusundan si Odette patungo sa dako kung saan ang lahat ay sumasayaw.

Hindi lingid kay Abel ang mga pangyayari sa bahagi ng mesa kung saan sila nakaupo kanina lamang. Habang isinasayaw niya si Sharon Chai panay-panay ang tingin niya sa tatlo. Kung alam niya lang na isasayaw ni Miguel si Odette, niyaya na sana niya si Amihan na sumayaw. May namuong pagkabigo sa kanyang mukha. Tila nag-iinit ang kanyang kalooban at nararamdaman niya ang silakbo ng kanyang damdamin.

Dahil namumula siya sa pagkasiphayo, napansin ito ni Sharon Chai. "Bakit mapula ang iyong mukha? May sakit ka?" Hinipo nito ang noo ni Abel. Wala naman itong lagnat. Ano kaya ang nagdulot nito sa kasayaw.

"Wala ito. May naalala lamang akong mahalagang bagay." Pagpapaliwanag ni Abel. "Pagod ka na ba?"

Dahil nahalata ni Sharon na tila nawalan na ng gana si Abel, tumango na lamang ito. Tila napipilitan lamang itong isayaw siya. Ngunit ayaw na muna niyang bumalik sa kanilang mesa. Nais niya pang makasama ng matagal si Abel. Nais niyang makilala ng mabuti ang magandang lalaking ito. Nabighani siya sa mga mapupungay na mga mata nito.

"May pakiusap sana ako sa iyo." Hinawakan ni Sharon ang bisig ni Abel bago pa man ito humakbang pabalik sa kanilang kinauupuan.

Napahinto si Abel at tiningan si Sharon ng walang anumang emosyon sa mukha. "Ano iyon?"

"Samahan mo muna ako sa balkonahe. Gusto ko ng sariwang hangin." Nakatuon ang mga mata niya sa mukha ni Abel. Nakipagtitigan ito sa lalaki.

Tumango si Abel ng isang beses at dinala si Sharon sa balkonahe. Nang makarating doon, sumandal sila sa barandang bakal at tinanaw ang mailaw na lungsod. Naglabas si Abel ng isang pakete ng sigarilyo mula sa kanyang bulsa. Kumuha ito ng isa at inalok ang kasama. Kumuha ng isang sigarilyo mula sa pakete si Sharon. Sinindihan ni Abel ang sigarilyo ng babae saka ang sa kanya. Humithit ito ng malalim at bumuga ng bilog na usok. Pinagmamasdan lamang siya ng babae.

"Alam mo bang ang pambansang bayani ninyong si Jose Rizal ay pumunta dito sa Hong Kong noong taong 1888 at 1891?" Sinimulan ni Sharon ang pag-uusap sa isang bahagi ng kaysayan ng Pilipinas. Alam niyang ano mang bagay ukol sa sariling bansa ay makakakuha ng pansin. Baka sakaling maging interesado si Abel na kausapin siya.

Tinitigan ni Abel si Sharon matapos itong magsalita. Hindi niya mawari kung bakit inungkat nito ang tungkol kay Jose Rizal. Isa siyang Bonifacio kaya wala siyang pakialam kay Rizal. Ngunit dahil napagtanto niyang may alam sa kasaysayan si Sharon, napahanga siya nito. Gayunpaman, hindi siya interesado sa kasaysayan ng bansa sapagkat matagal na niyang alam iyon. Sa paaralan ay pinag-aaralan na ito.

"Hmm." Tanging nasambit ni Abel sa pagitan ng kanyang ngipin. Humithit muli ito sa sigarilyo.

"Alam mo bang maraming naging pasyente si Dr. Jose Rizal dito sa Hong Kong? Isa sa mga pasyente niya ay ang aking lolo. Dumayo pa ito sa Hong Kong mula Taiwan upang makapagpagamot lamang sa pamosong manggagamot ng Pilipinas." Nakangiting wika ni Sharon. Patagilid niyang tiningnan si Abel. Naghihintay ng anumang reaksyon mula sa binata. Nang hindi ito gumawa ng anumang ingay, ibinaling ng babae ang mata sa mailaw na lunsod. Kumukuti-kutitap ang iba't ibang kulay ng mga ilaw mula sa liwanag ng mga gusali at mga maiiilaw na paanunsiyo sa gilid ng mga kalsada at ang ilan ay nasa labas ng nagtataasang mga gusali.

"Kaya ba pinag-uusapan natin si Rizal ay dahil sa iyong lolo? Buhay pa ang lolo mo?" Naguusisa lamang si Abel. Wala siyang balak na pahabain ang usapan nila ng dayuhang babaeng ito. Dahil lamang sa respeto sa pagiging babae nito kaya niya ito pinaguukulan ng oras. Mas gusto pa rin niya si Amihan. Tila ang babaeng ito ay malakas ang loob at walang pagpipigil sa sarili. "Hanga ako sa kaalaman mo tungkol sa aming bayani." May alam ka rin ba kay Bonifacio?

"Patay na siya. Ngunit nang siya'y nabubuhay pa ay madalas magkuwento si lolo tungkol sa kahusayan at kabaitan ni Dr. Rizal. Hindi niya makakalimutan ang pagtulong nito sa lolo. Mahusay din si Rizal magsalita ng Mandarin kaya napahanga niya ang buong pamilya namin. Ganyan ba kayong mga Pilipino, sadyang mahuhusay?" Mahinahon magsalita si Sharon. Para siyang umaawit sa paraan ng kanyang pananalita.

"Marahil nga mahuhusay kami. Kaya ka ba humahanga sa akin?" Hindi na mapigilan ni Abel ang pagtitimpi niya sa babae. Nahahalata na niyang may gusto ito sa kanya. Ngunit naaalibadbaran na siya dito. Nais na niyang makawala sa presensya nito at bumalik na sa kinauupuan nila upang makaharap si Amihan. Nakita ni Abel na nag-iisa pa rin ito at hindi pa umaalis sa upuan. Nanonood lamang kina Miguel at Odette. Maaliwalas ang mukha nito.

"Masama bang humanga? Hindi kaila na isa kang magandang lalaki at may sinasabi. Anak ka pala ng mayor ng isa sa mga lunsod ng iyong bansa."

"Salamat sa paghanga. Ngunit hindi ko ipinagmamalaki ang aking katayuan sa buhay. Isa lamang akong pintor na nagtuturo ng sining sa mataas na paaralan." Hindi malaman ni Abel kung saan nakuha ni Sharon ang impormasyong iyon. Napakunot ito ng noo. "Ano kaya kung maupo na tayo. Mataas ang takong ng iyong sapatos at marahil ay napapagod ka na sa katatayo dito sa balkonahe."

Hindi na nakasagot si Sharon at wala na itong nagawa kundi sumunod kay Abel na humakbang na papasok muli sa bulwagan. Napabuntonghininga na lamang ang babae. Napangiwi ang mga labi sa pagkabigong masarili ang lalaki.


Load failed, please RETRY

สถานะพลังงานรายสัปดาห์

Rank -- การจัดอันดับด้วยพลัง
Stone -- หินพลัง

ป้ายปลดล็อกตอน

สารบัญ

ตัวเลือกแสดง

พื้นหลัง

แบบอักษร

ขนาด

ความคิดเห็นต่อตอน

เขียนรีวิว สถานะการอ่าน: C53
ไม่สามารถโพสต์ได้ กรุณาลองใหม่อีกครั้ง
  • คุณภาพงานเขียน
  • ความเสถียรของการอัปเดต
  • การดำเนินเรื่อง
  • กาสร้างตัวละคร
  • พื้นหลังโลก

คะแนนรวม 0.0

รีวิวโพสต์สําเร็จ! อ่านรีวิวเพิ่มเติม
โหวตด้วย Power Stone
Rank NO.-- การจัดอันดับพลัง
Stone -- หินพลัง
รายงานเนื้อหาที่ไม่เหมาะสม
เคล็ดลับข้อผิดพลาด

รายงานการล่วงละเมิด

ความคิดเห็นย่อหน้า

เข้า สู่ ระบบ