Nakalapag na ang eroplanong sinasakyan nila Amihan, Miguel at Odette. Nauna na sina Leo at Ditas ng ilang araw sa Hongkong. Ipapasundo na lamang nila ang tatlong kabataan sa paliparan. Dinala na muna silang lahat sa hotel na malapit lang sa gusali ng kumpanya nila Amihan. Bagamat dayuhan, nakapagpatayo ng gusali sina Leo at Ditas sapagkat may kaibigan silang taga-Hongkong na kasosyo nila sa negosyo.
Pagdating sa pasukan ng hotel, nagulat sila Amihan, Miguel at Odette sa nakitang pamilyar na mukha. Nakaupo ito sa sopa at nagkakape. Nagkatinginan silang apat. Biglang naging maligalig ang buong kapaligiran. Hindi malaman ng tatlong bagong dating ang ikikilos, samantalang ang taong ito ay napakakomportable sa kanyang inuupuan. Napangiti ito sa kanila.
"Magandang umago po, G. Abel. Naririto na pala kayo," unang bumati si Odette. Sumunod naman sina Amihan at Miguel.
"Kararating ko lang din. Ipinaayos ko ang aking tutuluyang silid sa aking kasama," inginuso ni Abel ang lalaki sa may harap ng mesang tanggapan ng mga panauhin. Mas matanda ito ng sampung taon kay Abel. Napaisip sila Amihan na maaaring tauhan ito ni Meyor na sinamahan lamang si Abel dito.
"Kung gayon, mauuna na po kami," nagpaalam na si Miguel para sa kanilang tatlo. Tumango lamang si Abel.
"Magkita-kita tayo mamayang tanghali sa restawran ng hotel na ito. Ako ang taya." Nakangiting sabi ni Abel.
Natigilan sina Amihan. Hindi naituloy ang kanilang paghakbang papalayo. "May mga plano na po kami sa buong araw," sagot ni Amihan na walang emosyong makikita sa mukha. Hindi niya ipinahalatang hindi siya nasisiyahan sa kanilang pagkikita. Dahil sa guro nila ito at mas nakakatanda pa rin ito sa kanya kaya binigyan niya ito ng kaukulang respeto.
"Ganoon ba?" tanging nasabi ni Abel.
Sa mga sandaling iyon nasa tabi na niya ang lalaking kasama. May iniabot itong plastic na kard sa kanya. "Ito na po ang inyong susi sa silid. Magkatabi po ang ating silid kaya kumatok lang kayo kung may kailangan kayo sa akin."
Hindi niya sinagot ang lalaki, bagkus kinuha ni Abel ang susi sa kanya saka tumayo. Nauna na itong lumakad patungong "elevator". Naiwan sina Amihan sa kanilang kinatatayuan.
"Suplado." Bulong ni Odette. Tiningnan niya ang dalawang kasama at hinila na sa kamay si Amihan.
Sumakay sila sa ibang "elevator." Nakarating sila sa ika-15 palapag ng hotel. Bago pa man sila dumating, nai-check-in na sila nila Leo. Magkasama sa silid si Amihan at Odette samantalang sa hiwalay na silid sa tapat ang kay Miguel.
Nang makapasok na sila Amihan at Odette sa silid na may dalawang kama, agad na nahiga ang mga ito. Sinipa ni Amihan ang kanyang suot na pares ng sapatos upang mahubad ito. Tumalsik naman ang isa sa tabi ng lampara na nakapatong sa maliit na mesa sa tabi ng kanyang kama. Akala ni Amihan ay matatamaan at matutumba ang lampara. Ngunit nang bumagsak ang sapatos nito sa sahig nagkatinginan sila ni Odette at bigla silang napatawa.
"Makakabasag pa yata ako ng lampara. Naku, kapag nagkataon magagalit sila Mama kapag nalaman nilang may babayaran akong nasirang gamit sa hotel." Biglang nag-alala si Amihan. Tiningnan nito ang kaibigan na napapaiyak na sa katatawa.
Binato ni Amihan ng unan si Odette. Tila natutuwa pa ito sa maaaring sapiting kapahamakan ni Amihan. "Aba, ang saya-saya mo, ah."
"Ikaw kasi. Wala man lamang na kapino-pino sa kilos mo," wika ni Odette habang pinupunasan ang luha sa gilid ng mga mata nito. "Labing walong taon ka na ngunit kung kumilos ka ay parang bata."
"Pagbigyan mo na ako. Nasa huling taon na rin naman tayo sa mataas na paaralan. Kapag nasa kolehiyo na tayo, asal binibini na talaga ako." Nakadapa na si Amihan sa kanyang kama habang nakataas ang kanyang dalawang binti na inuugoy-ugoy niya.
"Bahala ka na nga. Ang sa akin lang, dalawa na nga ang lalaking nagkakagusto sa iyo, ganyan ka pa rin. Tila walang pakundangan sa iyong pagkatao."
"Bakit, ano ba ang pagkatao ko? Hindi ba isa lamang akong simpleng mag-aaral sa St. Vincent na nagkataong may "exhibit" dito sa Hong Kong?" paliwanag ni Amihan na may halong pang-aasar.
"Haha. Iyon na nga, e. Sa unang pagkakataon, dito pa sa Hong Kong ang iyong pagtatanghal. Iyan ang tinatawag na "big-time".
"Big-time ka diyan." Inismiran ni Amihan ang kaibigan at tumihaya ito upang pagmasdan ang disenyo ng kisame ng hotel. "Huwag ka ngang mag-isip ng ganyan. Ordinaryo lamang akong pintor kaya kikilos ako ng ayon sa gusto ko."
Bago pa makipagtalakayan si Odette kay Amihan, may kumatok na sa kanilang silid. Tumayo si Odette at sumilip sa maliit na butas sa pintuan upang malaman kung sino ang nasa kabila ng pinto. Si Miguel ang nasilip niya na kumakatok kaya pinagbuksan niya ito ng pinto.
Pumasok si Miguel na nakangiti. Tumango ito kay Odette bilang tanda ng pagpapasalamat sa pagbukas nito ng pintuan. Pag-angat niya ng kanyang ulo, nabungaran niya si Amihan na nakahiga sa kama at siyang-siya itong niyayakap ang malambot na unan.
"Hindi ka ba maghahanda para sa iyong pagtatanghal bukas?" tanong ng matangkad na lalaki na nakapolong puti na mahaba ang manggas at naka-maong na pantalon. Sa suot niyang ito, lalong tumingkad ang pagiging magandang lalaki ni Miguel. Nakabakat ang malapad na balikat at matitigas na dibdib nito sa kanyang suot.
"Matutulog muna ako. Sobrang aga nating umalis ng bahay," sagot ni Amihan na humihikab na.
"Sige matulog ka ngunit kinse minutos lang," wika ni Miguel. Naupo ito sa sopa na nasa silid nila Amihan. Kumuha ito ng babasahin, binuklat ito at pahapyaw na tiningnan ang mga pahina nito.
Napaupo si Amihan sa sinabi ni Miguel.
"Ano!?! Kinse minutos lang. Idlip lang iyon at hindi tulog," pagrereklamo ni Amihan. Nawala na ang antok niya sa biglang pagkakaupo mula sa kanyang komportableng pagkakahiga sa kama. "Hindi na lang ako matutulog kung ganyan lamang kaikli ang ibinibigay mong oras. Isa pa, nawala na ang antok ko."
Napahalakhak si Miguel. Epektibo ang kanyang paraan upang mahila si Amihan palayo sa malambot na kama. Nais niyang asikasuhin nito ang kanyang pagtatanghal upang maging matagumpay ito. Kilala niya ang ugali ng kaibigan. Kung minsan ay pinagpapaliban nito ang mga bagay na dapat niyang gawin sa mga sandaling iyon. Kailangang maturuan ito na huwag mag-aksaya ng oras. Marahil ganito ang mga ugali ng mga tao ng sining, nakasalalay sa lagay ng kalooban ang paggawa ng mga bagay-bagay. Ngunit hindi ito ang nais niyang makasanayan ni Amihan. Hindi lahat ng panahon ay lagay ng kalooban ang paiiralin, dapat isip din, kung hindi walang matatapos na gawain sa tamang panahon.
"Mabuti naman kung ganoon. Halika na at pumunta na tayo sa pagdarausan mo ng pagtatanghal. Kailangang matuto kang mag-asikaso ng iyong pagtatanghal." Hinila ni Miguel si Amihan mula sa kama. Tanging pagkakamot lamang sa ulo nito ang nagawa ng dalaga.
"Sandali at aayusin ko muna ang sarili ko." Inalis ni Amihan ang kamay ni Miguel mula sa pagkakahawak nito sa kanyang kamay. Kumuha ito ng isang tuwalya sa aparador at dumiretso sa banyo.
Nang nasa loob na si Amihan sa banyo, binalingan ng Miguel si Odette. "Dapat, ikaw ang nagpapa-alala diyan sa kaibigan mo."
"Aba, malay ko bang may dapat pa pala siyang gawin." Sinilip ni Odette ang sarili sa malaking salamin na nakasabit sa dingding. Naglagay ito ng pampapula sa kanyang mga labi saka itinuwid ng kanyang mga palad ang mga gusot sa kanyang damit. "Iyan kasing kababata mo ay isip bata pa. At kung kumilos ay parang bata."
Naikuwento ni Odette ang pangyayari na kamuntik nang tamaan ng sapatos ni Amihan ang lampara. Napanganga si Miguel sa narinig saka umiling-iling ito. Pambihira talaga itong si Amihan.
Nang makalabas ng banyo si Amihan, nakapaghilamos na ito at nasuklay na ang abot balikat na buhok nito. Naalala niya na naihagis ng kanyang mga paa ang pares ng sapatos na suot nito kanina kaya hinanap niya muna kung saan ito bumagsak. Nakita niyang nasa ilalim ng kama ang isa. Tumuwad si Amihan at inabot ng kanyang kamay sa ilalim ng kama ang sapatos. Ang isa naman ay nasa tabi ng mesang pinagpapatungan ng lamparang muntik na nitong matumba. Pinulot naman niya ito mula doon, Nang kumpleto na ang pares ng sapatos, saka niya ito isinuot. Dahil sa mga kilos niyang ito, nagulo na naman ang buhok ni Amihan. Habang muli niyang inaayos ang kanyang buhok at itinutuwid ang nagusot na damit, napapailing na lamang si Miguel sa ginawa nito. Mukhang kailangan niya ring habaan ang kanyang pasensya sa babaeng minamahal.