Hindi mapigilan ni Charisse ang mapangiti. Hindi pa rin siya makapaniwalang naisip nga ni BJ yun. "Pambihira 'tong si sir! Isipin ba namang may gusto ako sa kanya?" Bumangon siya at naupo sa kama. Hindi tuloy siya inaantok kakaisip sa sinabi ng kanyang amo. "Oo nga, pogi siya pero ayoko sa ugali nun noh. At saka may girlfriend na yun." Katwiran niya sa sarili. Humiga siya ulit.
Hindi talaga siya inaantok kaya bumangon siya at naupo sa gilid ng kama. Naalala niya ang kuya niya kaya kinuha niya ang cellphone para tawagan ito. Excited siya habang hinihintay na sagutin nito ang telepono. Alam niyang madaling araw pa lang pero emergency naman kaya siya napatawag ng maagang maaga.
Ngunit sa kanyang pagkadismaya at nakailang tawag na siya ay hindi pa rin sumagot ang kuya niya. Malungkot siyang ibinalik sa lagayan ang kanyang cellphone. Nais niya sanang sabihin ang nangyari kanina ngunit makapaghintay naman yata yun hanggang umaga. Pilit niyang iwinaksi sa isip ang mga nakakabahalang naganap at sinikap na makatulog.
Nabilang na yata niya ang isang libong tupa at isang libong kabayo ngunit hindi pa rin siya dinalaw ng antok. Sumakit na ang ulo niya at likod sa kakahiga ngunit hindi pa rin siya makatulog. Bumangon siya at nagtungo sa kusina para uminom ng tubig. Nag-iisip siya ng pwede niyang gawin para lamang marakaramdam ng antok ngunit wala siyang maisip.
Pinili niyang maupo muna sa kusina. Nakapatong ang mukha niya sa dalawang braso na nakapatong sa mesa. Pumikit siya. Napakapayapa ng paligid. Ang tanging maririnig lang ay ang tunog ng nga dahong iniihip ng hangin. Paminsa-minsan ay maririnig ang umaawit na mga kulisap. Mayamaya ay tiktilaok naman ng nga manok ang aalingawngaw sa paligid. Susundan pa ito ng tahol ng mga aso at huni ng nga ibon. Ang sarap lang sa tenga na hindi tunog ng sasakyan o kaya ay busina ng mga truck ang maririnig mo araw-araw. Malayo sa maingay at magulong mga kapitbahay na ang aga-aga ay nag-aaway, naghahabulan o kaya ay nagtsitsismisan. Walang stress sa trabaho o kaya ay pressure sa pag-aaral.
Ngunit hanggang kailan? Hanggang kailan sila may katahimikan at kapayapaan? Makakabalik pa kaya sila sa kanilang mga pamilya? Kailan ba malulutas ang problema?
Naalimpungatan si Charisse sa sakit. Pinupulikat ang kanyang mga braso na ginawa niyang unan. "Aray ko, nakatulog pala ako." Hindi niya maigalaw ang mga braso. "Ang malas ko naman....nakatulog nga ako, pinulikat naman."
Mga ilang minuto ding ininda niya ang sakit. Kalauna'y tuluyan na itong nawala. Tumayo si Charisse at lumipat sa kwarto niya.
Nagising si Charisse sa lakas ng kalabog ng pinto. Nagtataka siya at dali-daling bumangon. Pupungas-pungas pa siya nang buksan ang pinto.
Nagulat siya nang tamaan ang mukha niya ng kamao ni BJ na pinukpok nito sa pinto.
"Sir!" Laking gulat niya nang mapagtanto na ang amo ang nasa harap ng pinto.
"Ayun! Gising ka na ba!?"
"Siyempre po, gising na gising. Tamaan ba naman ako sa mukha." Sabi niyang hinahaplos ang mukha.
"Buti nga sa'yo. Tulog kasi ng tulog."
"Grabe naman po kayo. Simpleng sorry lang sir ok na yun."
"Sorry? Bakit ako mag-sosorry?"
"Dito." Turo ni Charisse sa mukha niya.
"Bakit ko kasalanan yan? Ikaw itong nagbukas ng pinto na walang pasabi tapos kasalanan ko?"
"Sir..."
"Late na nga nagising ang dami pang sinasabi. Magluto ka na nga at nagugutom na ako." Utos nito.
"Ay, opo sir."
"Pag ako nagkasakit..." Dagdag pa nito.
"Sir hindi na po mauulit." Putol ni Charisse sa sasabihin nito. Ayaw niyang marinig ang mga sermon nito at mas lalo siyang mahihilo. "Tatawagin ko na lang po kayo."
"Dalhin mo sa library. I need my coffee in 5 minutes." Sabi nito at tinalikuran na siya. Napamaang si Charisse. "Anong akala nito sa kape? Di na iinitin yung tubig!?" Bulong niya sa sarili. "Grrrr!!" Agad agad siyang tumakbo sa kusina at nag-init ng tubig. Habang nagpapakulo ay bumalik siya sa kwarto para maghilamos. Nagulat siya nang makita ang orasan sa dingding. Mag-aalas diyes na pala ng umaga. "Kaya pala mainit na ang ulo ni sir Sungit."
"Sir coffee nyo po." Naabutan niyang nakatulala si BJ. Nakatingin sa labas ng bintana pero hindi mo mawari kung ano ang tinitingnan. "Ano kayang iniisip nito? Gustong tumakas o namimiss yung pamilya? Madalas din kaya siyang napapaisip ng ganito?"
"Ilalapag mo ba ang kape o tititig ka lang sa akin?" Untag ni BJ sa kanya. Natauhan naman si Charisse.
"Ay so-sorry po. May...may.. iniisip lang po kasi ako." Palusot niya. "Nakatitig ba ako sa kanya?" Tanong niya sa sarili.
"Ahhh...may iniisip ka?"
"Opo...marami."
"May iniisip ka... habang nakatitig sa akin?"
"Ha? Hindi naman po ako nakatitig sa inyo. Nakatingin lang po. Na-ka-ti-ngin."
"Nakatingin? Alam mo ba kung ano ang difference ng nakatitig sa nakatingin?" Sabi ni BJ na bahagyang ngumiti. Nang-aasar, nang-uuyam o nanunukso?
"Siyempre naman po sir. Medyo natagalan lang yung tingin ko kasi iniisip ko kung anong iniisip nyo." Wala na siyang ibang maisip kaya nagsabi na siya ng totoo.
Tiningnan siya nito. Inaalam yata kung nagsasabi siya ng totoo. Humigop muna ito ng kape bago nagsalita.
"Gusto mong malaman kung ano ang iniisip ko?" Biglang naging seryoso ang ekspresyon ng mukha nito. "May magagawa ka ba kung sasabihin ko sa'yo?"
Napayuko si Charisse. "Oo nga naman. Ano bang magagawa ko? Anong alam ko sa mundo niya, sa buhay niya o sa nararamdaman niya? Hindi ko nga pala siya gaanong kilala maliban sa pagiging masungit na boss. At idagdag pa, katulong lang ako."
"Wala di ba?" Pukaw ni BJ sa naglalakbay niyang isip.
Umiling siya. Humigop ulit ito ng kape at tumingin sa labas ng bintana. "Pwede ka ng bumaba. Gusto kong mapag-isa."
"Sige po. Tawagin ko na lang po kayo 'pag handa na ang agahan."
Isang pagtango lamang ang sagot ni BJ ni hindi ito lumingon sa kanya. Naintindihan naman ni Charisse kaya tahimik siyang bumaba at naghanda ng agahan. Para tuloy siyang nakaramdam ng awa sa masungit na boss.
Kinagabihan, nagtipun-tipon na naman ang kanilang mga kapitbahay. Lumabas si Charisse ng bahay para makibalita at napag-alaman niyang ang mga kahina-hinalang mga tao ay umaaligid pa rin sa kanilang lugar.
Nandun ang mga tanod at buong gabi daw magbabantay. Kanya kanyang dala ng makakain ang magkakapitbahay para sa nga magbabantay. Nakisali na rin si Charisse. Kumuha siya ng kape at tinapay para ibigay sa mga ito.
Napansin siya ni BJ nang papalabas siya ng bahay.
"Anong ginagawa mo?" Usisa nito.
"Sir ibibigay ko lang po ito, magbabantay po kasi sila buong gabi kaya kailangan nila ng pampagising."
"Hindi ka na magpapaalam sa akin?"
Nagulat naman si Charisse. "Sir papalitan ko naman po bukas. Mamimimili naman po ako. Tsaka po, tayo po binabantayan nila eh. Bilang pasasalamat na rin po."
Nag-isip si BJ. Kapagdaka'y sinabi, "Sige, siguraduhin mo lang na papalitan mo."
"Opo." Sagot niya at tuluyan nang lumabas. "Ang yaman yaman pero ang damot damot." Bulong niya sa sarili.
Nakipagkuwentuhan muna si Charisse sa mga kapitbahay bago bumalik sa loob. Sinigurado niyang nka-lock lahat ng pinto at bintana bago pumasok ng kwarto at magpahinga.
Saka naman niya naisipang tawagan ulit ang kuya niya. Kinuha niya ang cellphone sa taguan niya ngunit nalungkot siya nang mapagtantong na expire na ang kanyang load. Lukot ang mukhang pinagmasdan ang cellphone nang bigla itong mag-ring.
"Ay kabayo!" Nagulat pa siya nang bigla itong tumunog. Tinitigan lang niya ito hanggang sa tumigil na. "Ay bakit hindi ko sinagot? Naku, ang tanga ko talaga!"
Tumunog ulit. Agad naman niya itong sinagot. "Kuya! Hello, Kuya!"
"Hello!"
"Salamat naman at tumawag kayo."
"Bakit? Ano bang nangyari sa'yo? Hindi ko alam kung excited ka lang o ano."
"Para saan po ako excited kuya?"
"Hindi ko alam sa'yo. Ang aga-aga tumatawag ka. Kumusta kayo ng crush mo? Inaaway ka pa rin?" Tumawa ito.
"Sinong crush? Uy hindi ko crush yun! Ang sama ng ugali nun!"
"Talaga ba? Eh dati crush na crush mo yan ah."
"Dati yun. Hindi na ngayon. Hmp!"
"Naku! Sa tingin mo maniwala ako?"
"Opo naman kuya. Naku, kung siya na lang ang matitirang lalake sa mundo mas pipiliin ko na lang na maging matandang dalaga!"
Isang malutong na tawa ang narinig niya sa kabilang linya.
"Ano naman pong nakakatawa dun?"
"Paano ba naman, dati gusto mong laging sumasabay sa akin para lang makita ang crush mo tapos ngayon na nakasama mo na aayaw ka?"
"Dati yun kuya, nung hindi ko pa siya kilala." Bigla siyang may naalala. "Ay teka nga, kaya ba ako ang nirekomenda mo sa mga magulang niya na makasama dito?"
"Hahaha!"
"Kuya naman eh."
"Hindi naman sa ganun. Alam ko kasi na hindi mo siya pababayaan."
"Ganun?"
"Oo at tsaka para makilala mo siya. O di ba nagising ka?"
"Ha?" Nagtatakang tanong ni Charisse.
"Nagising ka nga ba?"
"Ewan ko po sa inyo. Ang gulo nyo pong kausap. Dapat di ko na sinabi sa inyo na crush ko yung anak ng boss nyo eh."
"Hahaha! Wala na nasabi mo na eh."
"Ang daya daya naman." Pagmamaktol ni Charisse.
"Kumusta na nga kayo?" Tanong ng kuya niya sabay hagikhik.
"Ito nga kuya, kanina pa nga ako tumatawag sa'yo di ba?"
"Ah, nung tulog ako?"
"Opo. Emergency naman po kasi."
"Emergency!?" Biglang gising ang diwa ng kuya niya.
"Kasi kuya may mga tao daw na umaaligid dito sa lugar namin, kahinahinala daw eh. Lage ngang may mga tanod na nagbabantay. Natatakot ako kuya baka si sir hinahanap ng mga yun."
"Teka lang, hindi mo naman pinapalabas ng bahay si sir di ba?"
"Yun nga kuya eh. Tinatakasan ako kapag pumupunta akong bayan, gumagala din siya."
"Ano!?"
"Sorry kuya. Hindi ko naman alam eh. Nahuli ko lang siya nung nakaraan."
"Haaay! Ang tigas talaga ng ulo. Tsk...tsk.." Napabuntong-hininga na lang si Renante.
"Kuya anong gagawin ko?"
"Teka lang, hindi pa naman sigurado kung kayo nga ang minamanmanan ng mga kahinahinalang mga tao di ba? Baka nga magnanakaw lang yung mga iyon." Kumbinse niya sa kapatid para maibsan ang takot at pag-alala nito. Habang siya naman ang natatakot at nag-alala para sa mga ito.
"Paano 'pag hindi kuya?"
"Huwag mo ng iwan si sir mag-isa."
"Kuya mamamalengke kaya ako. Anong kakainin namin?"
"Makisuyo ka na lang muna sa mga kapitbahay dyan. Kakausapin ko sina ma'am, ite-text kita."
"O sige po. Bilisan mo kuya." Mangiyak-ngiyak niyang sabi.
"Huwag kang mag-alala, magiging okay din kayo."
"Sana nga po. Pero kelan pa kuya?"
Buntong-hininga lang ang tanging naisagot ni Renante. Siya man ay hindi din alam.
"Kuya sina Nanay?"
"Tulog na eh. Pero ikakamusta kita bukas."
"Miss na miss ko na po sila. Miss ko na po kayo." Hindi na napigilan ni Charisse na umiyak. Gustong gusto na niyang mayakap ang mga magulang at mga kapatid.
"Miss na miss ka din namin. Mag-iingat kayo lagi dyan ha? Tsaka yung binabantayan mo."
"Opo kuya."
"O sige na, magpahinga ka na. Kumusta mo ako kay crush mo! Haha!"
"Kuya talaga. Hindi na nga po."
"Ok. Sabi mo eh."
"Bye kuya."
"Bye Cha!"
Nanghihinang ibinaba ni Charisse ang cellphone. Sino ba naman ang mag-aakalang mag-aachay siya sa crush niya? O wala lang talagang magawa ang kuya niya at pinag-tripan siya?