Baixar aplicativo
57.14% Tanga Mo, Love / Chapter 16: The Contenders for the Best Acting Award

Capítulo 16: The Contenders for the Best Acting Award

HALF-DAY LANG TALAGA ANG KLASE. Hapon, naka-civilian na ang mga estudyante. Pero dahil nalimutan ni Jack na simula na pala ng Foundation Week, wala siyang dalang pampalit na damit. Siya lang ang naka-uniporme, samantalang ang lahat ay patalbugan ng porma—kahit si Camille, na lutang na lutang ang ganda sa suot nitong floral print na blouse. Hindi pa talaga simula ng mga palaro, pero naka-set-up na ang mga special booths. Malakas ang masayang tugtog na nanggagaling sa PA system. Feeling out of place si Jack. Naisip na lang niyang umuwi—tutal wala rin naman siyang gagawin dito, makikitanghod lang. Isa pa, medyo biglang lumiit ang mundo niya—iniiwasan na muna niyang makita o makasalubong si Camille. Kapag natatanaw niyang padating si Camille, umiiba siya ng direksyon. Pero nasa may gate na siya ng school nang masalubong si Thea.

"Saan ka pupunta?" tanong nito. Naka-pulang sleeveless si Thea, slim jeans. Nagulat si Jack sa "transformation" ni Thea—maganda pala talaga ito kapag naayusan.

"Uuwi na," sabi ni Jack. "Mukha akong tanga dito e."

"Sus eto naman, ang KJ mo. Tara," naka-angkla agad sa isang kamay niya ang dalaga. Kahit paano medyo tumaba ang puso ni Jack sa atensyon na ibinibigay ni Thea. "Nood tayo ng basketball game. Laban nila Brett ngayon, di ba? Bakit ka uuwi? Nasaan ba si Camille?"

Wala nga pala si Thea kanina nung nangyari ang eksena. "Di ko alam e," maang-maangan ni Jack. "Baka umuwi na."

"Imposible! Yun pa? Hindi nun palalagpasin ang laban ni Brett. Patay na patay kaya yun dun."

Aray. "Eh hindi ko nga nakita."

"Simple lang iyan," sabi ni Thea, hatak hatak na siya pabalik ng school. "Kung nasaan si Brett, nandun lang sa tabi-tabi si Camille." Sulyap sa relo: "Magsisimula na ang game! Tara!"

Walang nagawa si Jack kundi sumunod na lang. Wala siyang lakas para magpaliwanag pa. Walang alam si Thea sa nangyari kaninang umaga—hayaan mo na siya dun. Ignorance is bliss.

Dumadagundong na ang ingay sa gym. Ito pa naman ang pinaka-ayaw ni Jack, ang manood ng basketball game, lalo na kapag ang bida ay si Brett. Lalo lang niya kasi naaalala ang weakness niya: marunong naman siya mag-basketball, pero hindi siya ganun kagaling para mag-qualify na maging myembro ng team. Saka bakit nga naman siya manonood? Para ano? Wala naman siyang interes kung sino ang manalo sa labang ito. Pero dahil sobrang kilig ni Thea (sino ba talaga crush nito?), tahimik na lang si Jack. Nakasiksik sila sa bandang gitna ng bleachers, malapit sa kampo ng kalaban nila Brett. Ang unang hinanap ng mga mata niya ay si Camille—malamang nakaupo yun kung saan malapit sa kampo nila Brett.

"Ayun si Camille," kalabit sa kanya ni Thea. Tama nga: naroon si Camille mismo sa tabi ng bench nila Brett. Nakaupo lang ito ng tahimik, minsan nangingiti, palinga-linga rin ito, parang may hinahanap. Sino kaya ang hinahanap nito? Eh andun na sa harap niya si Brett?

Tumunog ang buzzer, hudyat na simula na ng laban. Si Brett agad ang bida—naka-agaw agad ng bola, obvious na siya ang taga-dala ng mga split-second decisions ng team. Nang maka-shoot—first point sa team nila Brett—nayanig ang buong gym sa lakas ng tilian. Pero weird: hindi yata nakikigulo si Camille. Nakaupo lang ito, palinga-linga.

Tumayo si Thea. "Camille! Camille!" sigaw nito, kumaway-kaway para makuha ang atensyon ni Camille na nasa kabilang side ng gym. Weird ulit: nang makita sila ni Camille, parang sumimangot ito.

"Wala yata sa mood si Camille," napasalampak si Thea sa upuan. "Nakasimangot ba siya?"

"Baka may monthly period," sabi ni Jack.

"Baka nga," sabi ni Thea. "Sayang naman, hindi yata niya nae-enjoy ang laban."

Napatingin na lang si Jack kay Thea. Hay naku, iha, kung alam mo lang. Pinipilit rin basahin ni Jack ang expression ng mukha ni Camille kahit sa malayo—tinitingnan niya kung ano ang reaksyon nito tuwing nakaka-shoot si Brett o nakaka-agaw ng bola. Wala: dedma. Kaka-supalpal lang ni Brett sa kalaban, at naghiyawan ang mga kaklase nila, pero tahimik lang si Camille, hindi na nakangiti: nakatanaw lang yata sa kanila ni Thea.

Baka iniisip pa rin ang nangyari kanina, naisip ni Jack. Siguro nagi-guilty. Dapat lang! Sinampal niya kaya ako, isinali pa ang nanay niya sa away. Sa imagination ni Jack: aping-api siya, at dapat lang na maawa sa kanya ang buong mundo.

Umpisa ng third quarter ay bigla na lang tumayo si Camille at umalis. Nakita yun ni Jack. Lumipas ang mga minuto'y walang Camille na bumalik. Saan nagpunta yun? Baka lumipat lang ng upuan? Nang humingi ng time-out ang kalaban, tumayo na rin si Jack. "CR lang ako," sabi niya kay Thea. Pero nilagpasan niya lang ang CR, dumire-diretso patungo sa canteen. Walang ibang tao dun kundi si Mang Kiko na nagkakape.

"Napadaan ba dito si Camille?"

"Mukha ba akong Lost and Found Department?" balik ni Mang Kiko, sabay ngisi. "Hindi, boy, e. Walang nagagawi dito."

Sa isip ni Jack, kasabay ng tanong na saan pupunta yun? ay ang isa pang tanong na bakit mo ba hinahanap?

Oo nga naman: bakit nga ba?

Ewan. Siguro gusto niya lang ng Part 2 ng confrontation nila kanina. Ang labo kasi—gusto niya lang linawin kung ano ba talaga. Hindi matanggap ni Jack na mali ang iniisip tungkol sa kanya ni Camille—OK, aminado siya, tutoo namang impressed siya sa nakita kay Camille. Pero hindi naman niya sinasadya yun.

Napalingon siya sa direksyon ng gym: dinig na dinig mula dito ang hiyawan, ang ingay ng mga nagkakagulong manonood. Tila biglang nakaramdam ng pagod si Jack. Hindi siya kasali dito. Hindi siya kasama sa saya na ito. Outsider siya. Kaya walang point para bumalik pa siya. OK lang naman siguro na iwan niya si Thea dun—marami naman yung kaibigan. Hindi nun mararamdaman na kawalan si Jack. Makauwi na nga lang, naisip niya. Masyadong nakaka-stress ang araw na ito. Lahat ng expectations niya nung umaga—ang excitement niya na ipakita kay Camille ang katatapos lang niyang Android app—nauwi lang sa wala. Di bale, meron pa namang bukas.

Naglalakad ay tila wala sa sarili si Jack, nakatitig lang siya sa mga paa nya. Mabigat ang loob niya na umalis. Pagdating niya sa waiting shed, ang matandang nagtitinda ng yosi agad ang nabuglawan niya. Nakangisi ito sa kanya—ang putla ng gilagid ni Manang, kelangan ng iron supplement—kaya sinuklian niya ng ngiti. Binibilang niya ang ilang barya na ibabayad sa binibiling chewing gum ay saka niya lang napansin ang isa pang taong nakatayo sa waiting shed, naghihintay din ng masasakyan: si Camille! Halatang nakita na siya nito: todo talikod kasi ito sa kanya, at mababasa sa mga kilos nito na atat na atat na itong makaalis dun. Binalatan ni Jack ang chewing gum; kalmadong nginuya-nguya ito. Pwes, kung ayaw mo akong makita o makausap, sa isip ni Jack, ayaw ko na rin sa iyo.

May humintong jeep sa harap nila—walang laman. Mabilis na sumakay si Camille. Hindi naman kita hahabulin no, sa isip ni Jack, OA naman. Tila invisible si Jack: hindi siya nito nakikita. OK lang: ganito pala ang gusto mo ha. Maghihintay na lang sana ng kasunod na jeep si Jack pero ayaw pa umalis ng jeep na ito. Lumingon ang tsuper: "Ano, boy? Sakay na! Baka maabutan ka pa ng ulan diyan!"

Hello? Antaas kaya ng araw!

Saka naman biglang kumulog. Napatingala tuloy bigla si Jack—makapal nga ang mga ulap kahit may araw pa. Baka ang ulan ay nasa likod lang ng mga ito. Baka nga naman umulan—kaka-galing lang niya sa sakit! Baka bumingo na siya! Nag-aalangan man, napilitan na ring sumampa sa jeep si Jack. Iwas-iwas na lang kay Camille. Sa tutoo lang, pareho silang dapat manalo ng BEST ACTING AWARD: aba ang Camille halos mababali na ang leeg sa kakaiwas mapalingon sa likod kung saan nakaupo si Jack. Huwag lang talaga siyang makita! Pero OK na rin yun—kung si Camille na ang umiiwas, hayaan na lang. Ang kaso kailangan niyang magbayad—at dahil nasa likod siya, kailangan niyang iabot kay Camille ang pasahe niya.

"Manong, bayad po o," sigaw ni Jack, na mas directed kay Camille kaysa sa tsuper. Hindi tumitinag si Camille; kunwari'y nakatingin sa labas, bingi-bingihan. "Manong, bayad!"

Inaabot ng kamay ng tsuper ang bayad ni Jack, pero kulang. "Pakiabot nga o," sabi ng tsuper, directed sa nag-iisang nakaupo sa likod niya. Si Camille, nagmamatigas pa rin, bingi-bingihan.

And the BEST ACTRESS AWARD goes to…

"Miss, pakiabot nga." Medyo inis na ang tsuper, nangangalay na. Si Jack ay ganun din. Sa pagitan nila ay si Totoy Bato, este, si Camille. "Pakiabot lang."

Dun tila nagising si Camille. Kinuha ang pasahe kay Jack sabay parang nandidiring iniabot agad yun sa naghihintay na palad ng tsuper. Akala mo mapapaso sya sa pagkuha ng pasahe kay Jack. "Abot abot din, Miss, pag may time ha," sabi ng tsuper, iritado pa rin. Hindi kumibo si Camille—balik sa seryosong pag-i-ignore kay Jack.

"Thank you ha," sabi ni Jack, pero hindi na siya nag-expect na sagutin. Umusod na lang siya sa dulong-dulo, sa parteng pinakamalayo sa dalaga. Maya't maya ay pasulyap sulyap siya sa dalaga, pero matatag ito: ni minsan ay hindi lumingon sa kanya. Mauunang bumaba si Jack, at alam yun ni Camille. Pwede ka nang mag-relax, isip ni Jack, tigilan mo na ang pagpapanggap.

"Mama, para na po sa tabi," sabi ni Jack. Sa huling sandali'y naisip niyang mang-asar. "Bye, Cam! Hindi ako manyak ha," biglang sabi niya bago bumaba; hindi na niya hinintay makaganti ang dalaga. Paglingon niya, nakita niyang nakatingin sa kanya si Camille. Papalayo ang jeep ay nakatanaw pa rin ito sa kanya. Isang text mo lang, kakalimutan ko lahat ang mga away natin, naisaloob ni Jack. Isang text lang.

Hindi makatulog si Jack nang gabing yun. Panay kasi ang check niya sa phone. Parang laging feeling niya magtetext na si Camille anumang sandali, na bigla na lang kakanta ng "All of Me" ang phone niya. Malalim na ang gabi ay biglang tumunog ang phone ni Jack, pero hindi si Camille, kundi si Thea. "Hi. Can't sleep," text nito. Pareho lang tayo, naisaloob ni Jack, pero hindi na siya nagreply. Siguro talagang it is best to leave things unsaid.


next chapter
Load failed, please RETRY

Status de energia semanal

Rank -- Ranking de Poder
Stone -- Pedra de Poder

Capítulos de desbloqueio em lote

Índice

Opções de exibição

Fundo

Fonte

Tamanho

Comentários do capítulo

Escreva uma avaliação Status de leitura: C16
Falha ao postar. Tente novamente
  • Qualidade de Escrita
  • Estabilidade das atualizações
  • Desenvolvimento de Histórias
  • Design de Personagens
  • Antecedentes do mundo

O escore total 0.0

Resenha postada com sucesso! Leia mais resenhas
Vote com Power Stone
Rank NO.-- Ranking de Potência
Stone -- Pedra de Poder
Denunciar conteúdo impróprio
Dica de erro

Denunciar abuso

Comentários do parágrafo

Login