Araw, linggo, buwan, taon, dekada, siglo, milenya... daang-trilyong taon na ang itinatagal ng mundo mula sa paglikha ng tinatawag nilang 'Diyos' sa sansinukob.
Ang dating malawak na kapatagang napliligiran ng mga halaman at tahanan ng mga hayop ay sinira ng mga nilalang na walang-awang sinasakripisyo ang kapaligiran upang makamit ang progresong inaasam. Unti-unti, ang kalupaan ay nabalot ng semento na siyang dinadaanan ng mga mapanirang makina, hindi kalaunan ay napalitan ang semento ng mga metal. Ang mga makina na noo'y gumagalaw lamang sa pamamagitan ng gulong ay naging tila anyong tao na at nagtataglay narin ng artipisyal na pag-iisip, ang isan'daang taong limitasyon ng buhay ng mga tao ay napahaba na lalo sa tulong ng kaalaman na tinatawag nilang agham o 'Science'.
Habang lumilipas ang panahon ay tuluyang nagbabago ang mga tao at ang mundo, ang dating luntiang mga lupain ay naging kulay abo na nagniningning sa tuwing ito ay nasisinagan ng araw. Tuluyan ngang nagbago ang takbo ng panahon at tinalikuran na nila ang mga gawi ng nakaraan, maging ang pananampalataya ay nawala na sa bokabularyo ng mga makabagong-tao, maging ang ang pagpapangalan ay napalitan narin ng mga numero sapagkat nais nilang maging kumplikado ang lahat. Ang pagtatalik at iba pang aktibidad ay nilimitahan nila sapagkat alam nila na ang mundo ay malapit nang tahakin ang hangganan nito, bilang mga nilalang na umaasa nalang sa tulong ng mga teknolohiya, sa panahong iyon, ang araw ay lumaki at na at naging kulay pula at hindi na naranasan ng mga tao ang gabi sapagkat halos lamunin na ng liwanag ng araw ang mundo... alam nila na ang katapusan ay nalalapit na.
Ito ay ang kuwento ng isang binatilyo na itinala bilang huling taong ipinanganak, ang code na ibinigay sa kanya ay 000.
------------------------------------------------------------------
**THE PLATFORM WILL ARRIVE TO ITS DESTINATION IN 3 MINUTES**
Mabilis na bumaba sa platform si 000 nang sandaling huminto ito at nagtungo siya sa gusali kung saan nakalagak ang mga libro na isinulat ilang milyong taon na ang nakalilipas. Ang mapulang liwanag na nanggagaling sa araw ay lubusang nakapapaso kung kaya't agad niyang binuksan ang dalang parasol at daliang pumasok sa pintuang salamin ng unang palapag. Sa loob ay makikita ang mga hologram ng mga pahina mula sa mga libro at agad siyang nagtungo sa ika-sampung palapag kung saan nakahiligan na niyang basahin ang mga banal na tala mula sa isang sinaunang relihiyon. Doon niya natutunan ang tungkol sa diyos na sinasabing may likha sa lahat, natagpuan niya ang aklat na iyon noong siya ay limang taong gulang at ngayong labintatlong taon na ang lumipas ay halos nakabisado na niya ang mga tala sa bawat pahina.
"Parang lalo yatang umiiinit ngayon." wika niya habang pinupunasan ang kanyang pawis.
Ang temperatura ay pataas nang pataas hanggang sa nagsimula nang maalarma ang mga tao at tumunog na ang mga sirena, hudyat na kailangan na nilang magsilikas. Sa una at kalmadong lumabas sa gusali ang mga tao at nakapila ng maayos habang naghihintay sa pagdating ng mga platform ngunit ang temperatura ay lalong tumataas at ang kanilang mga balat ay unti-unti nang nalalapnos, di nagtagal ay nagsimula nang bawian ng buhay ang mga tao dahil sa nakasusunog na init at ang mga salamin at bakal na bumubuo sa mga gusali ay nalulusaw na.
Takot na takot si 000 sa nangyayari ngunit hindi niya alam ang gagawin at nang sandaling gumalaw siya ay nabagsakan siya ng namumulang bakal na nadarang sa matinding init, naramdaman niya ang init na dumadaloy mula sa kanyang katawan at ito ay umaagos palabas sa naputol niyang baywang, hanggang sa tumarak sa bungo niya ang sinlapad ng dos por dos na bakal... inakala niyang iyon na ang katapusan.
"@@^~>*%**~#", isang hindi maintindihang tunog na narinig niya.
Ang kanyang nabulag na mga mata ay pilit niyang idinidilat, ang mga naputol na bahagi ng kanyang katawan ay pinipilit nyang igalaw, hanggang sa unti-unti siyang nasanay sa sakit at sobrang init na tila ba isang manhid, pinilit niyang gumalaw at naramdaman niya ang sensasyon na tila ba may mainit na likidong dumadaloy pabalik sa kanyang putol na katawan. Ang kanyang paningin ay unti-unting bumabalik at ang mga naputol niyang parte ay muli nang naikikilos, tinanggal niya ang nalulusaw na metal na tumarak sa kanyang bungo at nagsimulang tumayo. Nang magbalik ang kanyang paningin ay nagulat siya sa kanyang nasaksihan.. ang paligid ay tila kawalan at ang lupa ay nababalot ng apoy.
Nang tumingala siya ay nasaksihan niya ang mga hindi maka-mundong nilalang na nakakulubong at nababalot ng hindi mabilang na mga pakpak, ang iba ay tila mga matang nagmamasid sa buong paligid, ang mga ito ay kinokolekta ang mga dilaw na liwanag mula sa mga namatay. Ang isa sa mga mala-higanteng nilalang ay bumaba sa harap niya at nangusap, "**@*#~>#!#***.."
Labis ang kanyang takot ngunit bahagyang naiintindihan niya ang nais nitong iparating hanggang sa maayos na naisalin ang wika nito, "*##!**~*Reset." at lumipad na ito pabalik sa kalangitan.
Noon ay pinilit ni 000 na unawain at tanggapin ang mga pangyayari, tinanggap niya na siya ay isang immortal at nagsimulang lakarin ang walang hanggang dagat ng apoy. Diresto niyang nilakad ang kawalan patungong hilaga at ni minsan ay hindi na nakaranas ng pagka-uhaw, gutom, o kahit na pagod.. hanggang sa hindi niya na namalayan ang oras, ni hindi niya matukoy ang araw at gabi sapagkat ang kalangitan ay nananatiling pula. Siya ay naglakad ng naglakad, diretso at mabagal na tinatahak ang hilaga, nagkad siya hanggang sa hindi niya na namalayan na ang nagbabagang lupa ay lumamig na. Ang kanyang kinalakhang pinilakang daanan ay naging malambot na tila ba dumi ng tao, napagpasyahan niyang humiga at doon ay nakita na ang langit ay dumilim at ang mga sinliit ng tuldok na liwanag ay kumikinang, dinama niya ang lambot ng lupa at nakarmdam ng bagong sensasyon.
Nang araw na iyon ay naranasan niya ang unang gabi at lamig sa buong buhay niya, ngunit nalulungkot parin siya sa kanyang pag-iisa.