"Ano ba 'yan, Linda? Ang ingay ng anak mo, 'di mo man lang mapatigil!" aburidong hiyaw ni Luis pagkapasok lang sa loob ng kubo nila. Malayo pa lang kasi'y dinig na nito ang matinis na iyak ng sanggol, hanggang sa makapasok na ito'y sige pa rin sa pagngawa ang supling.
"Nagluluto kasi ako ng ulam, Luis. 'Di ko maiwan baka masunog na naman," sagot ni Linda na galing sa labas ng bahay dahil ando'n sa labas ang kanilang lutuan.
Agad na kinalong ng ama ang sanggol mula sa ibabaw ng kawayang katre saka marahang niyugyog upang tumahan.
"Pa'nong 'di iiyak 'to eh basang basa pala ang lampin. Pambihira ka Linda, bakit pinapabayaan mo ang batang maligo sa ihi?" sermon sa kanya.
Hindi siya makasagot lalo na't nakita niyang papasok ng bahay ang kanyang byenang babae.
"Pa'nong hindi maliligo sa ihi 'yang apo ko eh ando'n sa labas ang magaling mong asawa, nakikipagtsismisan sa mangmang niyang kaibigan, mga walang pinag-aralan. Imbes na magtapos ng pag-aaral ay lumandi, ayun, nakadalawa na ng asawa!" malakas ang boses na sabad ng kanyang byenan.
Napayuko siya at kinuha sa asawa ang sanggol.
"Ako na," an'ya rito.
Siya na ang nagpalit ng lampin ng anak.
"Ako na ang maglalaba ha? 'Di ka pa pwedeng malaba baka mabinat ka," anang asawa na agad namang lumambot ang puso at nagpresenta nang maglaba kahit kagagaling lang sa pag-aararo sa bukid.
"Ano'ng mabinat 'yang sinasabi mo? Kaya nagiging tamad ang asawa mo kasi pina-pamper mo!" sabad na uli ng kanyang byenan. "Dalawang buwan na pagkatapos manganak ni Linda. Kaya na niyang maglaba kahit ng lampin lang," giit nito.
Tumahimik ang dalawa.
"Sinabi ko naman sa'yo na pumili ka ng babaeng ipagmamalaki mo, hindi 'yong mangmang at walang pinag-aralan. Bente anyos na pero 'di man lang nakatapos ng elementarya. O ngayon, sino ang nahihirapan, 'di ba't ikaw rin?" sermon nito sa anak habang nakapameywang.
Tahimik lang si Linda subalit gusto na niyang maiyak sa halos araw-araw na lang na pang-iinsulto sa kanya ng byenang babae dahil lang sa hindi siya nakatapos ng elementarya na kung tutuusin, hindi naman niya kasalanan 'yon. Malayo sa eskwelahan ang kanilang bahay, isang bundok muna ang kanilang aakyatin at dalawang ilog ang tatawirin bago makapunta sa paaralang pinapasukan sa elementarya. At dahil 'di rin nakapag-aral ang mahihirap na mga magulang kaya hindi alam ng mga ito gaano kahalaga ang edukasyon, idagdag pang lima silang lahat na papag-aralin. Kaya ang nangyari, nagpunta na lang siya sa syudad ng Cebu at nagpakatulong sa gulang na labinlima hanggang noong nakaraang taon ay makilala niya si Luis na isang working student at nasa 3rd year college na.
Nagkadebelopan sila at 'yon nga may nangyari sa kanila at sa isang injection lang, nabuntis siya agad.
Malay ba niyang matapobre pala ang ina ni Luis at imbes na patirahin sila sa bahay ng mga ito pagkatapos ng kanilang kasal ay ipinagawa lang sila ng kubo sa likod-bahay at ang kanilang kusina ay nasa labas ng kubo.
Ang kubong 'yon ay isang kwarto lang, gawa sa nipa ang bubong at atip, kawayan naman ang sahig at may baitang sa labas ng kubo para makaakyat sa loob.
Mabait naman ang byenan niyang lalaki at binigyan ng isang ektaryang lupa si Luis para sakhan at 'yon ang ikinabubuhay nila ngayon.
Pero kahit nakahiwalay sila sa mga magulang ng asawa, mula umaga pagkaalis lang ni Luis papuntang bukid ay simula na ring magdaldal ng byenang babae, lahat ng bagay ay napapansin sa kanya.
Nang mapansin ni Luis na tahimik lang siya'y nilapitan siya pagkatapos nitong magbihis ng damit.
"Ano bang niluluto mo?" usisa nito.
"Daing na bangus. Pakitingnan muna baka masunog na 'yon." sagot niya.
Tumalima naman ito.
"Kuuu, kaya pala namimihasa 'yang babaeng 'yan kasi hinahayaan mo ang katamaran. Ginagawa ka pang utusan!" Nagdadabog na lumabas ng kubo ang byenan at sumunod sa unang lumabas na asawa.
Duon na pumatak ang masaganang luha sa kanyang mga mata.
Titiisin niya ang gano'ng klase ng ugali ng byenan para sa mabait niyang asawa. Wala naman talaga siyang problema kay Luis. Sa nanay lang nito siya nahihirapang makisama.
Ilang beses siyang napahikbi habang kalong ang tumahimik nang anak pagkatapos niyang palitan ng lampin.
Tama namang sumisigaw si Yna sa labas, ang babaeng sinasabi ng byenan na mangmang at dalawa na ang naging asawa. Ito ang naging bestfriend niya sa lugar na 'yon.
"Linda! Linda! And'yan na si Father!" hiyaw nito sa labas pa lang.
Agad niyang pinahid ang luha sa mga mata at pilit ang ngiting sumalubong sa kaibigan.
"And'yan na si Father Linda. Bilisan mo't tayo nang magpunta sa kapilya nang maiparehistro na natin ang inaanak ko nang mapasali sa binyagan ng bayan bukas," pagmamadali nito.
"May ginagawa pa si Luis eh," sagot niya.
"Walang problema, dalhin natin ang inaanak ko," anito't agad na kinuha sa kanya ang sanggol at ito ang kumalong saka siya hinila pababa sa hagdanan ng kubo.
"Luis, pupunta muna kami sa kapilya, ipaparehistro ko ang anak natin nang mapasama sa binyagan ng bayan bukas," paalam niya sa asawa.
"Gano'n ba? O sige. Akina ang bata, baka kung mapano yan sa labas," anito, nagmadaling lumapit sa kanila at binawi sa kaibigan niya ang kanilang anak.
"Ako na ang bahala sa anak natin. Umalis na kayo," utos nito.
Hinila na siya ng kaibigan paalis.
Pagdating sa kapilya, sila ang pinakahuling pumila.
Dalawang oras marahil ang itinagal nila sa pagpila makaharap lang ang pari.
At nang sa wakas ay turno na nila, nagmamadali silang umupo sa magkatapat na silya paharap sa pari.
"Sino po ang nanay ng bibinyagan?"
"Siya po, Father," maarteng sagot ni Yna sabay turo sa kanya.
Nahihiya naman siyang ngumiti nang sumulyap sa kanya ang pari.
"Ano ho ipapangalan natin sa bata, Misis?"
tanong nito.
"Ha?" Natigilan siya, nawala sa isip kung ano'ng ipapangalan sa anak. 'Di rin niya naitanong sa asawa kong ano'ng gusto nitong ipangalan sa sanggol.
"Marbel po," biglang pumasok sa kanyang isip. Naalala niya 'yung palabas na pinanood niya noong dalaga pa siya na nagustuhan niya.
Kunut-noong bumaling sa kanya ang pari.
"Marble? Segurado ho ba kayo, Misis?"
Mabilis siyang tumango.
"Opo, segurado po ako para kakaiba."
Sandaling nag-isip ang pari bago isinulat ang 'Marble'.
Pagkatapos ng ilang katanungan ay saka sinabi ng pari na pwede na silang umalis at inulit pa ang oras ng binyag bukas.
"Pa'no naging kakaiba 'yung pangalan ng inaanak ko, Linda?" maang na usisa ng kaibigan habang naglalakad sila pabalik sa kanilang bahay.
Pumalatak siya bigla.
"Tsk! Tsk! Hindi mo ba alam 'yung Marbel? Ibig sabihin, kahanga-hanga, kamangha-mangha. Ganun!" pagmamayabang pa niya.
Tumango-tango naman ang Kaibigan.
"Ah gano'n pala 'yun. Bagay sa inaanak ko ang pangalan niya, Linda. Paglaki niya magiging pinakamaganda siya sa lahat at magiging kamangha- mangha ang kanyang kagandahan."
Naghagikhikan silang dalawa.