Napilitan akong maglakad papuntang trabaho dahil sa aksidenteng nangyari. Mabuti na lang at halos kalahating kilometro lang ang layo ng pinangyarihan ng aksidente sa trabaho ko. Heto ako ngayon naglalakad at pawis na pawis na.
Hindi ko alam kung maiinis ako o matatawa kasi bumangga yung bus sa sasakyan ng mga enforcer. Ayun tuloy hinatak yung bus. Diretso impound. At dahil din doon kaya heto ako ngayon naglalakad at tagaktak sa pawis habang papasok ng trabaho.
Kampante na akong wala na akong mararanasan na pagpapakita ng mga nakakakilabot na scenario. Kinatok ko yung kahoy na sandalan ng bus bago ako bumaba at alam kong effective iyon kasi nagawa ko na iyon dati ang kaso mayroon pa ring rule kung kailan lang magiging effective yung pagkatok sa kahoy.
Para maging epektibo yung method na iyon ay kailangang hayaan ko muna ang sarili kong makaranas ng mga vision na kagaya ng lagi kong nae-experience at kapag natapos na ang vision ay saka lang ako pwedeng kumatok sa kahoy at sa buong araw na iyon ay wala na akong mararanasan ulit na vision pero kailangan ko pa ring maranasam ulit iyon sa kinabukasan.
- - - - -
Naglalakad kami nina Arthur at Leila papuntang school. Habang nag-uusap silang dalawa sa harap ko ay ako naman itong nakatingin sa lupa at sinisipa ang anumang bagay na pwedeng sipain na malapit sa paanan ko. Lata, plastic bottles, bato o kahit diaper na nakakalat ay sinisipa ko para libangin ang sarili ko.
Ilang araw na rin mula noong sabihin ko kina Arthur at Leila yung mga bagay na nararanasan ko at hanggang ngayon ay hindi ko pa rin nagagawa yung sinabi nilang dapat kong gawin. Lagi akong nauunahan ng takot sa tuwing may mangyayari na ganoon sa akin. Hindi ako nakakagalaw kaagad o mas mabuting sabihin na hirap akong mag-response sa mga ganoong sitwasyon.
Habang nag-uusap ang dalawa sa harapan ko ay pilit kong iniiwas ang tingin ko sa anumang bagay na pwedeng maging dahilan ng pagsisimula ng mga pangitain sa akin, kung 'yon man ang tamang tawag doon.
Napalingon ako nang may malakas na tunog na nanggagaling sa likuran ko ang umalingawngaw sa buong lugar na iyon. Nang lingunin ko ay wala namang kakaibang nangyayari. Ibinaling ko ulit ang tingin ko sa dalawa at tila hindi nila narinig ang malakas na dagundong na umalingawngaw ng sandaling iyon.
Nag-uumpisa na naman yung mga pangitain. Agad akong naghanap ng kahoy o kahit anumang kongkretong bagay pero wala akong nakita kundi mga halamang nasa gilid ko kaya nanatili muna akong alerto hanggang sa marating namin ang isang poste at doon ako pasimpleng kumatok.
Nakahinga ako nang maluwag nang magawa ko na ang naisip nilang paraan dahil umaasa at naniniwala rin akong iyon lang ang paraan upang maiwasan ko ang mga kakaibang bagay na nangyayari sa paligid ko na tanging ako lang ang nakakaramdam at nakakakita.
Naging mas mahinahon at nabawasan ang pagiging balisa ko nang mga sandaling iyon pero nagkamali yata ako. Hindi pa man kami nakakalayo ng poste ay muling may malakas na dagundong ang umalingawngaw na naman ngunit sa pagkakataong ito ay may kasama nang pagyanig ng lupa.
Muli akong lumingon para tignan kung ano ang pinanggagalingan ng tunog. Paglingon ko ay tumambad sa akin ang mga gusaling isa-isang nagbabagsakan at tila nilalamon ng lupa. Isa-isa, bawat gusali, walang tinitira at walang pinipili, lahat ay nilalamon ng kalupaan. Papunta sa direksiyon namin ang mga bitak sa lupa na tila pati kami ay balak lamunin.
Muli kong binaling ang tingin ko sa dalawa at nang dumampi pa lamang ang paningin ko sa kanila ay biglang bumuka ang lupa at biglang nadulas ang dalawa. Pilit kong inabot ang kamay nilang dalawa para maiwasan ang pagkahulog nila sa butas na sanhi ng malaking bitak sa lupa pero nahuli na ako at tuluyan na silang nilamon nito. Narinig ko na lang ang pahina ng pahina nilang sigaw na unti-unting naglalaho kasabay ng pagbaba nila sa dulo ng butas.
*RESET*
Napabaling ang mukha ko sa pakanan na direksiyon dahil sinampal ako ni Leila. Nakatulala lang ako habang hindi iniinda ang sakit. Pinilit kong lumingon sa kanila habang dama ko ang init ng pisngi ko dahil sa lakas ng sampal ni Leila.
Bumalik lang ako sa ulirat nang marinig ko na isigaw ni Leila ang pangalan ko. Napasinghap ako sabay tumakbo pabalik sa posteng kahoy at saka ako kumatok doon. Nang muli akong bumaling sa kanila ay nakita ko silang nakatingin sa akin, nagtataka kung ano ba talaga ang nangyari.
Hindi ako nagsalita habang papalapit ako sa kanilang dalawa hanggang sa malampasan ko na sila. Mabagal akong naglakad at nakatulala. Alam ko ang nangyayari sa paligid ko pero wala akong pakialam at lutang ang isip ko. Hindi ko pinapansin lahat ng nasa paligid ko. Bumalik lang ako sa ulirat nang dumagan sa balikat ko ang braso ni Arthur.
"Ano yon, Jio? Bakit ka tulala?" tanong nito sa akin habang dahan-dahang humihigpit ang braso niya paikot sa leeg ko. "Sagot. Ihi-headlock kita dito sige ka!", banta niya sa akin na sinundan ng mahinang tawa.
Bago pa man ako makasagot ay biglang naramdaman ko na lang na may bumangga sa likod ko. Yung bag ni Leila. Inihampas niya sa likod ko ng malakas dahilan para mapasubsob kami ng bahagya ni Arthur. Nang magkahiwalay kami ni Arthur ay muli niya akong hinampas.
"Ano ba?!! Masakit ha!", halos pumiyok na ako sa lakas ng pagkakasigaw ko kay Leila. Natigilan siya pati si Arthur at alam kong gaya ko ay nagulat din sila sa biglaang asal ko na gano'n. Bago pa man ako makahingi ng paumanhin ay biglang nagtawanan ang dalawa.
"'Yan. Back to the usual self. Asar talo", saad ni Arthur sabay batok sa akin.
"Mas okay 'yan kaysa sa tahimik ka. Ang weird kaya kapag gano'n ka, para kang ibang tao", dugtong ni Leila.
"Ngayon, mag-sorry ka kay Leila dahil sinigawan mo siya", dinakma ni Arthur ang likod ng ulo sabay tulak dito at pinilit akong payukuin.
"S-s-sorry", mahina kong sabi pero hindi nagsalita si Leila bagkus ay tinapik niya lang yung ulo ko bago magpatuloy sa paglalakad.
"Pagkatapos ng klase ipaliwanag mo sa amin kung anong nangyari ha?" utos sa akin ni Arthur habang sinusundan niya sa paglalakad si Leila. Naiwan akong nakatayo roon at nakatingin sa likuran nila habang kinakamot ang sarili kong batok kahit hindi naman makati.
- - - - -
Habang naglalakad at nagbabasa ng diary ay doon ko lang napagtanto na yung araw na iyon ko unang naranasan na makakita ng ganong mga bagay nang hindi lang ako yung napapahamak. Kung iisipin sa mga una kong pangitain na gano'n ay sa sarili ko lang may nangyayaring hindi maganda pero noong pagkakataong iyon ay kasama sa mga napahamak ay sina Arthur at Leila.
Nakaramdam ako ng kakaibang lamig sa paligid habang naglalakad kaya tumigil ako at lumingon para silipin kung may kakaiba ba sa paligid. Sa panahong iyon ay wala naman kaya nagpatuloy lang ako sa paglalakad papunta sa bahay nina Leila. Hindi na kalayuan dito iyon kaya hindi na ako nagmadali at mahinahong naglakad habang nagbabasa ng ilang detalye sa diary ko.
Nakarating ako sa tapat ng 3-storey house na may 'di kataasang bakod at kulay blue na gate. Pinindot ko ang doorbell habang hinihintay ko na may lumabas. Marami-rami pa namang tao at hindi pa naman ganoon kalalim ang gabi kaya ayos lang na maghintay ako kahit ilang minuto dito.
Lumipas ang mahigit tatlong minuto at wala pa ring nalabas para sunduin ako dito sa labas o tignan man lamang kung sino ang napindot ng doorbell ng bahay. Humarap muna ako sa kalsada kung saan may mga batang nagtatakbuhan at sa 'di kalayuan sa bandang kaliwa ko ay may nag-iihaw.
Tumingin ulit ako sa bahay sa likod ko bago ako pumunta sa nag-iihaw. Habang naglalakad ako papunta sa nag-iihaw ay nagulat ako sa dali ng batang tumatakbo papunta sa direksiyon ko. Sa pinakahuli nila ay ang isang bata na may nakalagay na tsinelas sa mga siko at nakasabit ang sando sa leeg niya.
Bago pa man ako makarating sa lalaking nag-iihaw ay may tumawag sa pangalan ko dahilan para mapalingon ako. Si Leila. Ngumiti ako bago ko siya sinenyasan na lumapit sa akin sabay turo sa nag-iihaw para ipaalam na bibili muna ako saglit sa nag-iihaw. Agad naman siyang lumapit sabay hampas sa balikat ko.
"Ikaw ba yung kanina pa nagdo-doorbell? Sorry nagluluto kasi kami ni Mama", sabi ni Leila.
"Ah ayos lang. Gusto mo isaw?", alok ko sa kanya habang napili sa mga nakalatag na iihawin.
"H'wag na kaya tayo bumili. Kakain na rin naman tayo eh. Malapit na matapos yung niluluto ni Mama", sagot niya sabay lingon sa bahay nila. "Oh eto na pala yung sorpresa ko sa'yo", dugtong niya kaya napalingon din ako sa bahay nila.
"Yo, Jio", bati sa akin ni Arthur na may kasama pang kaway.
"Ohh! A-arthur! Pre, kamusta!", bati ko pabalik sabay akmang makikipag-apir ako sa kanya.
"Ayos lang. Pasok na raw tayo. Naghahain na yung Mama ni Leila", aya nito kaya napatingin ako sa lalaking nag-iihaw.
"Kuya, paihaw na lang ako ng sampung isaw saka limang laman. Balikan ko maya-maya", sabay abot ng bayad sa kanya. "Yung sukli rin kuya balikan ko", dugtong ko bago kami sabay-sabay na pumasok sa bahay nila Leila.
"Long time no see, Jio. Sabi ni Leila nangyayari na naman sayo yung bagay na iyon", mahinang sabi ni Arthur kaya napatahimik ako. Napatingin ako kay Leila na napayuko naman dahil sa awkward situation na nagaganap.
"Kamakailan lang ulit. Kaya humingi ako ng tulong sa kanya", sagot ko sabay ngumiti ako ng bahagya para mabawasan ang mabigat na atmosphere. "Nagbigay na rin siya ng lucky charm", dagdag ko sa sabay pinakita ko yung bracelet na bigay ni Leila sa akin.
"Ah gano'n ba?",sabi nito sabay ngumiti ulit ng bahagya.
"Uh let's go? Pasok na tayo. Naghahantay na sila Mama", biglang sabi ni Leila para baguhin ang mood naming dalawa kaya sabay-sabay kaming pumasok sa loob.
Matapos maghapunan ay binalikan ko muna yung pinaihaw ko sa labas at nagdagdag na rin ako ng pwedeng kainin na panghimagas bilang regalo sa muli kong pagbisita sa bahay nila Leila. Pagkatapos noon ay umakyat na kami sa tuktok ng bahay nila kung saan may dalawang kwarto lang at malaking balkonahe kung saan nila ginagawa ang minsanan nilang family gathering.
Sa isang lamesa na may nakalagay na apat na upuan ay naupo kami kasama ang panghimagas at mga pinaihaw ko na hindi pa rin nagagalaw. Napuno ng katahimikan ang lugar na iyon habang binubusog namin sa panghimagas na hopia at yema cake ang mga sarili namin.
Nagpapalitan lang kaming tatlo ng tingin at nakikiramdam sa isa't isa. Wala pa sa ngayon ang may gustong magsalita. Hindi pa rin kasi nawawala ang weird atmosphere na namuo kanina kahit na pinilit naming mag-usap ng normal habang nasa hapag-kainan kaming tatlo kasama ng mga magulang ni Leila.
"Ang tahimik niyo naman diyan", napatayo kaming tatlo nang marinig namin ang boses ng Papa ni Leila sa may pinto papunta sa open area na kinaroroonan namin. "Oh heto pampaganda ng kwentuhan", pabirong sabi nito at itinaas ang bote ng brandy na dala-dala niya.
"Naku po yari tayo nito", sabi ni Arthur habang umiiling-iling at nakangiti sa Papa ni Leila.
"Sa inyong tatlo 'yan ha. Eto ang akin", nilapag niya ang brandy at baso sa lamesa sa harapan naming tatlo sabay angat ng hawak niyang beer para ipaalam na iyon ang iinumin niya. "Leila, sumunod ka sa akin anak. Kumuha ka ng yelo at doon ko na sa baba iinumin ito", dagdag pa nito at sabay silang umalis ni Leila.
Naiwan kaming dalawa ni Arthur sa lugar na iyon na muling binalot ng katahimikan. Pareho kaming naiilang sa isa't isa at alam ko sa sarili kong mas naiilang ako kaysa sa kanya dahil pilit niyang pinapagaan ang sitwasyon sa simpleng pagkanta ng mahina. Hindi pa rin nabalik si Leila pagkatapos ng ilang minuto at alam kong pinapanood lang kami noon at hinahantay na mag-usap bago siya bumalik sa pwesto niya.
"Ehem, Jio, galit ka pa rin ba sa ginawa ko dati?", nabasag ng tuluyan ang katahimikan at tuluyang nagtagpo ang mga tingin naming dalawa ni Arthur.
"Ah eh 'di ko alam eh", sagot ko sa kanya kahit na pa rin nawawala yung awkward sensation na nararamdaman ko.
"Jio, concerned lang naman ako eh. Hindi naman natin alam kung totoo nga yung naiisip ko kaya nga sabi ni Prof gagawa muna ng ilang test eh", hindi na niya napigilan ang sarili niya at inungkat niya na ng tuluyan ang nakaraan.
"Art, ayos na, okay? H'wag muna ngayon. Uhh, mas maigi na yung ngayon muna yung pag-usapan natin at hindi yung nangyari years ago", pilit kong paglilihis ng topic para hindi na maungkat ang dahilan kung bakit hindi na gano'n kaayos ang pakikitungo namin sa isa't isa. Hindi ko pa rin matanggap sa sarili ko na sinubkan nila akong ipasok sa mental facility sa pag-aakalang nasisiraan ako ng ulo.
"Ah sige. Ikaw bahala", mahinahon niyang bigkas habang binubuksan ang brandy na dinala ng Papa ni Leila para sa aming tatlo. "Hantayin na lang natin yung yelo", dugtong pa nito sabay tingin sa pinto. "Leila, matagal pa ba 'yan? Tunaw na 'yan, kanina ka pa nakatayo diyan", sigaw niya sabay tawa ng mahina.
"Oo na, heto na", biglang labas ni Leila sa pinto dala ang bowl na may yelo at mangkok na laglagyan ng mga pinaihaw ko kanina.
"Kanina ka pa doon?", tanong ko habang nanlalaki ang mata na nakatingin kay Leila pero sinagot lang ako ng mahinang tawa nito at umupo sa pwesto niya kanina patalikod sa pinto.
Sinulit naming tatlo ang gabing iyon kung saan muli kaming nagsama-sama at nakalimutan na naming ungkatin ang nangyayari sa akin ngayon. Hindi namin napag-usapan nang gabing iyon ang mga kakaibang bagay na muling nangyayari sa akin at ang mga karagdagang detalye ukol dito. Nadistract kami ng tuluyan sa saya naming tatlo sa muli naming pagkikita-kita.