"Magpakasal tayo kung naiilang kang sumama sa akin dahil diyan sa pangarap mo!" Untag ko kay Yssa. Gulat na gulat siya sa sinabi ko noong ayain ko siyang mag-usap kami sa labas ng kuwarto. Tulog naman si Ashley kaya malaya kaming umalis doon.
Lalo akong napangisi dahil sa kanyang reaksiyon. Namumula na siya at hindi makatingin sa akin ng diretso.
"Pinagsasabi mo?" Kaila pa niya. Halatang-halata naman.
"Magpakasal tayo tapos sumama na kayo sa akin. So parang natupad na rin ang pangarap mong makasal muna bago tumira sa iisang bubong kasama ang isang lalaki."
"Makapag-aya ka parang laro lang ang kasal ah. Hindi basta-basta ang kasal, Ali. Sagrado ito at..."
"Tinutulungan lang kita Yssa. Alam ko kung gaano ka-sagrado ang kasal. Ako man, gusto ko rin naman bumuo ng pamilya na iingatan ko at mag-uugnay pa rin sa isang kasal ang pagsasama namin ng babaeng panghabang-buhay kong makakasama. Iyong sa atin kasal lang sa papel. May time frame. Ipapa-annul din natin. May kasunduan din na walang mangyayari. Pero kung mangalabit ka, pagbibigyan kita..."
"Gago!" Singhal niya saka ako tinalikuran. Sa haba ng sinabi ko mura lang ang naging sagot niya.
Sabagay, hindi ko rin naman talaga maipapangako at hindi rin ako sigurado sa mga pinagsasabi ko. Muli may halong kasinungalingan ang lahat! Aminado akong natatakot akong makasal at magpasakal.
Gayunpaman napangiti ako. Alam kong no choice na siya kundi ang pumayag. Sa totoo lang nagiging matulungin lang talaga ako sa kanya. Lalo na ngayon na nakilala ko ang isang anghel sa katauhan ni Ashley. Mas lalo akong pursigidong tulungan sila. Kahit pa nga isasakripisyo ko ang pagiging single ko.
Naglakad siya at nakasunod lang ako nang bigla siyang tumigil sa paglalakad dahilan kung bakit nabangga ko ang likod niya. Napaatras ako dahil bigla siyang humarap sa akin at tumingala. Mataas ako sa kanya ng tatlong dangkal. Nakita ko ang paglunok niya at paghigit ng hininga. Napakurap-kurap pa ito kaya naman kinunutan ko siya ng noo.
"May choice ba ako sa tulong na iyan?" Tanong niya. Ang tapang ng mukha. Parang may pagpipilian ka pa sa lagay na iyan ah.
"Kung ibabahay kita at sabihin kong girlfriend kita, live-in ang itatawag sa atin. Kung ikakasal tayo, legal at siguradong matutuwa pa tatay mo," diretsa kong saad. Napanguso siya.
"Eh kung tulungan mo na lang ako, tapos babayaran na lang kita. Walang ganito."
Napasimangot ako. Gustuhin ko mang tulungan siya sa paraang gusto niya. May nag-uudyok sa akin na huwag gawin.
"Paano ka magtatrabaho? Saan mo iiwan si Ashley? Paano mo ako babayaran? Hindi mo na magagawang magtarabaho ng tatlo o dalawang trabaho."
Napangiwi siya. May tama naman ako sa sinabi ko. Naghintay ako ng isasagot niya.
Pero sandali nga! Bakit ba ipinagpipilitan ko ang sarili ko sa kanya. Ilang beses na niya akong tinaggihan ah!
"Kung ayaw mo. Okay lang naman. Sige aalis na rin ako. Masyado mo nang kinain ang oras na meron ako. Busy pa naman akong tao!"
Naglakad na ako palayo. Mabagal dahil baka habulin pa niya ako. Pero laking dismaya ko dahil nakalabas na ako sa hospital, walang Yssa na naghahabol.
Sinipa ko tuloy ang batong nasa daan.
Hays! Pride talaga ng babaeng iyon! Hindi matinag!
Lumingon ako sa pinto. Wala talaga kaya naman binilisan ko na ang paghakbang para makarating agad sa sasakyan. Kinansela ko pa naman lahat ng meeting ko para sa kanya. Ngayon, tutunganga lang na naman ako sa Condo ni Aiden.
Kung hindi rin naman kasi ako baliw hindi ba? Ang lakas nang katok ng ulo ko at padalos-dalos na lang ako ng desisyon. Ako rin lang naman ang talo.
Walang gana kong ini-unlock ang kotse.
"Ali!" Napatigil sa ere ang kamay ko sa pagbukas ng pinto nang marinig ko ang tinig ni Yssa. Kusang napangiti ng malawak ang labi ko dahil alam kong bumigay na rin siya. Nagkunwari akong hindi siya narinig. Ni hindi ko siya nagawang harapin at binuksan pa rin ang pinto para pumasok sa loob ng sasakyan.
Nagpakipot siya kanina, bakit hindi ko rin gawin. Mula sa gilid ng mata ko nakita ko siyang tumatakbo patungo sa akin. Isinara ko ang pinto at binuhay ang makina ng kotse.
Humahangos niyang kinalampag ang pinto ng kotse ko. Nagkunwari na naman akong gulat na gulat na makita siya roon. Binaba ko ang salamin ng kotse at dumungaw.
"May kailangan ka? Aalis na ako," seryoso kong saad. Hindi pa pinapatay ang makina.
Hingal na hingal siyang napakapit sa may salamin. Huminga muna siya ng malalim bago ulit magsalita.
"Papayag na ako, pero sa isang kundisyon!"
Binasa ko ang aking labi sa pamamagitan ng aking dila habang hinihintay ang sasabihin niya. Pero imbes na magsalita, umikot siya para sumakay sa passenger seat sa harap. Ini-unlock ko ang pinto para makapasok at makaupo na siya nang maayos.
Naghintay na muli ako ng sasabihin niya.
"May mga kondisyon ako..."
"Akala ko ba isang kondisyon lang!" Putol ko sa sasabihin niya. Sumimangot siya at umirap.
"Unang-una kahit ayoko, wala na akong magagawa. Ikaw na lang ang puwede kong hingan ng tulong!" Nag-igting ang panga ko. Grabe talaga ang pride ng babaeng ito. Tsk!
"Magsasama tayo bilang mag-asawa pero hiwalay tayo dapat ng higaan..."
"Kaya nga no string attach!" Singit ko.
"Hahayaan mo pa rin ako magtrabaho. Kailangan kong mag-ipon."
Kumunot ang noo ko at napaawang ang labi. Gusto kong sabihing babayaran ko naman siya. Bakit magtatrabaho pa. Puwede ko siyang gawing sekretarya ko. Hindi nga lamang lumabas iyon sa bibig ko kaya nagpatuloy lamang siya sa pagsasalita.
"Kasi ang bayad mo, i-menos mo na ang bayad ko sa bahay, pagkain at mga pangangailangan namin na ikaw ang bibili. Para fair lang. Ano, payag ka ba?"
Natahimik ako at prinoseso ang sinabi niya sa aking utak. Ibang klase talaga ang babaeng ito. Kahit naman sumalungat ako sa sinasabi niya, for sure siya pa rin ang masusunod.
"Sige!" Walang ganang sang-ayon ko. "Ano pa?"
Napalabi ito.
"Dapat may expiration ang kasal. After maybe 1 or 2 years! Basta kapag nahanap mo na ang babaeng gusto mo, sabihin mo lang. Madali lang akong kausap!"
Lalong nagsalubong ang kilay ko. Ibang klase talaga!
"So sinasabi mong okay sa iyo na makipag-date ako o kaya magkaroon ng kabit?" Nagdilim ang mukha kong turan. Hindi maipagkakaila sa boses ko ang galit na tono.
Natahimik siya. Alam kong nahalata niya ang pagbabago ng ekspresyon ko.
"Sinasabi mo bang puwede mo rin akong lagyan ng tae sa ulo ganoon!" Dagdag ko pa. Tinitigan ko siya nang matalim. Bigla rin namang naging maamo ang mukha niya at may pag-aalala na mababakas sa mata niya.
"Hindi sa ganoon, Ali. Wala akong balak gawin iyon. Mas uunahin ko ang pamilya ko kaysa ang pag-ibig na iyan. Baka lang ikaw, baka mahanap mo ang babaeng mamahalin mo kaya lang nakatali ka sa akin," malumanay niyang saad. Wala ng kangiti-ngiti sa labi. "Sorry kung iba ang naiparating sa iyo." Dagdag pa niya.
Inalis ko ang pagkakatitig sa mata niya at itinuon ang mata sa labas. Nagpakiramdaman kaming dalawa. Parehong tahimik.
"Kung nagbago na ang isip mo, okay lang," mahina niyang sambit.
Napabuntong hininga ako. Kanina lang natatawa ako, naiinis tapos ngayon nakanti pa niya ang isang side kung saan ako magagalit. Iba ang babaeng ito. Nailalabas niya ang lahat ng emosyon sa katawan ko.
"Kung bakit pa kasi may kasal. Ang iba riyan ayaw magpakasal dahil natatakot na baka maghiwalay rin sa huli. Ikaw naman..."
"Sagrado ang kasal..."
"Kaya nga! So bakit kailangan nating paglaruan? Maghihiwalay rin naman tayo," asik kong muli siyang nilingon. Napakagat labi siya. Napalunok ako noong matitigan ang ginawa niya sa labi niya. Hindi niya ako napansin dahil nakatuon ang mata niya sa pinaglalaruang daliri.
"Hindi ko alam ipaliwanag. Pero naging pangako ko na iyan sa sarili ko. Ayaw kong pakuin. Iyon na lang ang natitira na gusto kong matupad. Lahat na lang kasi gumuho isa-isa." Napakuyom ang kamao ko nang marinig ko ang kanyang paghikbi. Naihilamos ko ang kamay sa aking mukha dahil mukhang ako naman ngayon ang may nakanti sa pagkatao niya.
Kahit alam niyang mauuwi rin sa hiwalayan, pinili pa rin niyang matupad ang isang pangarap. Ano pa bang magagawa ko? Ako ang mag-offer ng tulong. Ako ang nag-insist na saluhin silang magkapatid.
"Sige, payag ako sa lahat ng kodisyones mo. Ihanda mo na ang sarili mo dahil magpapakasal tayo agad. Aalis muna ako para ihanda lahat ng kakailanganin."
Tumango siya at pilit na ngumiti. Kahit pa may nagbabadyang luha sa mga mata niya.