Kabanata 33
"Ayokong mabalitaang inaapi ka ng mga 'yon, ha?"
"Maghintay ka lang, Anak. Kapag nabayaran ko na lahat ng mga utang natin."
"Itay, okay lang kahit hindi pa maginhawa ang buhay natin. Basta ang mahalaga, magkasama tayong dalawa."
"Wow! Thank you, Tay!" masayang sabi ko sa kanya. Lumapit pa ako para mayakap ko siya.
"Syempre, gusto ko palagi kang masaya."
"Pwede po bang adobong pusit? Paborito ko po 'yun, e," paglalambing ko naman sa kanya.
"Oo naman. Syempre lahat ng gusto mo, ibibigay ko sa'yo ngayon. Basta kaya ng budget ah?" Natawa pa si Itay pagkatapos.
"Bagay po ba sa'kin?" tanong ko sa kanya sabay ngiti pa.
"Oo naman, Anak," sagot naman niya.
"Alam mo, Tay, kahit ga'no pa kamura o kasimple 'to, pahahalagahan ko pa rin po 'to. Kasi kayo po ang nagbigay sa akin."
Bago ako mapunta sa mansyon ng mga Lorenzino, wala nang mahalaga sa akin kung hindi ang makapag-aral at maiahon sa hirap ang tatay ko. Siya na lang ang tanging meron ako, kaya handa akong gawin ang lahat para sa kanya. Hindi gaya ni Danica, hindi ko inasam na makakilala ng lalaking mayaman upang guminhawa ang buhay ko. Sapat na sa akin ang may maayos kaming buhay ni Itay.
Pero nagbago ang lahat nang tumuntong ako sa mansyon na 'yon. Nakilala ko si Zeus at sa hindi ko maipaliwanag na dahilan ay nagkagusto ako sa kanya. Una pa lang, alam kong walang patutunguhan ang nararamdaman ko sa kanya. Mayaman siya at ako ay isang hamak na mahirap lamang.
Pero simula noon, parang hindi ko na magawang pakinggan ang isip ko. Parang may sariling pagpapasya ang puso ko. Ang dating mundo ko na umiikot lamang saming dalawa ng tatay ko ay nakasentro na sa lalaking inibig ko.
Kinalimutan ko ang lahat ng bilin at paalala ni Itay. Iwinaksi ko ang lahat para lang sa sarili kong kasiyahan. Kung titignan, masasabi kong. . . T-Tinalikuran ko si Itay. At siguro. . . Ito ngayon ang sampal sa akin ng kapalaran.
Wala akong napala kay sa pagsuway ko sa kanya. At ang mas malala pa. . . Wala na rin siya.
"Kawawa naman siya. . ."
"Edi sino na'ng mag-aalaga sa kanya?"
"Ang bata pa niya. Tsk. Nakakaawa."
Nagkunwari na lang ako na hindi ko naririnig ang mga ingay sa paligid. Ang mga bulungan nila tungkol sa akin. . . Ang ingay at tawanan ng mga nagsusugal. . . Nandito ba sila para makiramay o para makiusyoso lang?
Simula nang mawala si Itay, para na rin akong nawala sa katinuan. Hindi na ako makapag-isip ng tama.
"Maureen, oh, kain ka muna."
Napatingala ako kay Danica nang ilapag niya sa harapan ko ang isang styro cup na may lugaw. Mayamaya pa'y umupo siya sa tabi ko. Napaiwas na lamang ako ng tingin at hindi ginalaw ang hinain niya sa'kin.
"Ayaw mo? Uh, may pandesal at kape do'n—"
Napailing ako kaya't napatigil siya sa pagsasalita.
"—Okay. . ."
"Danica, kasalanan ko 'to, e," mahinang sabi ko sa kanya.
"Maureen, 'wag ka namang ganyan! Nagkasakit ang tatay mo at wala tayong magagawa do'n!" giit naman niya.
"Hindi, Danica, e! Hindi mo naiintindihan!" Medyo napagtaasan ko na siya ng boses, kaya naman nataranta siya.
"M-Maureen, oo, alam ko. Nalulungkot ka. Sobrang nasasaktan ka ngayon, walang duda! Pero, Maureen, hindi mo kailangang sisihin ang sarili mo," sabi naman niya sa akin.
Imbis na sagutin siya ay naisip ko namang magkuwento sa kanya. Dahil ito lang ang nasa isip ko sa ngayon.
"Nung araw na sinugod sa ospital si Itay, hinatid niya ako papunta sa bakery. Sa totoo lang, gusto niya rin akong sunduin, pero sabi ko 'wag na. Alam mo kung bakit?"
Umiling naman siya. "Hindi. . . B-Bakit?"
"Magkikita dapat kami ni Zeus noon," diretsong sagot ko at nakita ko naman ang pagkabigla sa mukha niya. "Ang tanga ko, 'di ba? Umasa ako. . . Umasa talaga ako sa sinabi ni Apollo sa'kin. Naghintay ako ng ilang oras! Pero walang dumating. Wala. . ."
"Mau. . ."
"Tapos pag-uwi ko, ayun na. Kung sana. . . Kung sana hindi na lang ako nagpunta sa park na 'yon! Ay hindi—kung sana ginawa ko na lang ang lahat para maging mabuting anak niya! Sana hindi na siya nagtrabaho nang sobra para sa'kin."
Pagkatapos kong sabihin lahat nang 'yon ay muli na namang tumulo ang mga luha ko. Wala na yatang katapusan ang paghihirap na 'to. Nalulungkot ako sa pagkawala ni Itay at nagagalit din ako sa sarili ko. Tapos, naiisip ko pa na pinaparusahan ako dahil sa mga nangyayari sa'kin ngayon.
Nadinig ko naman ang pagbuntong-hininga ni Danica, pagkatapos ay hinawakan ang dalawang balikat ko para pihitin ako paharap sa kanya.
"Wala namang may gusto ng nangyari, e. Kung ano man 'yung nagawa mong mali, sigurado ako, napatawad ka na ng tatay mo. At sure ako, sa puso niya, naging mabuting anak ka," seryosong sabi niya sa akin at binigyan pa ako ng isang matamis na ngiti. Niyakap naman niya ako bago magpatuloy, "Kaya 'wag mo nang isipin 'yon, ha? Hindi ka masama, Maureen. Hindi mo kasalanan 'to."
Hindi na lang ako umimik at hinayaan ang sarili kong umiyak sa balikat niya. Sa mga panahong 'to, hinang-hina na ako at ang pagdamay ng isang kaibigan ang pinakakailangan ko.
Mayamaya pa'y kumalas na ako sa kanya at pinunasan ang luhang tumulo sa pisngi ko. "Salamat."
"Wag kang magpasalamat sa'kin! Kumain ka d'yan," utos naman niya.
Napangiti lang ako ng tipid at hinarap ang lugaw na inihain niya sa akin. Unti-unti ay sumandok ako noon gamit ang plastic na kutsara. At kahit na walang gana ay pinilit kong kumain.
Ilang sandali pa'y kinapa ko ang pendant ng kwintas ko—ang kwintas na bigay sa'kin ni Itay.
Itay. . . Tama kaya si Danica? Napatawad mo na kaya ako sa mga kasalanan ko sa'yo? Naging mabuting anak nga ba ako sa'yo?
* * *
Kinabukasan, nabigla ako nang may dumating sa amin na isang magandang bulaklak na pangpatay. Mukhang mamahalin ang hitsura noon dahil mas maganda pa 'yon sa dala ng nag-ayos ng burol ni Itay.
"Kayo po ba ang anak ng namatay?" tanong sa akin ng isa sa mga lalaking nagdala noon. "Joselito Calderon?"
"Ako nga po," sagot ko. "Kanino po galing 'yan?"
"Sorry, Miss. Sinabihan kasi kami na 'wag sabihin," sagot nito.
"Ano?! Hindi pwede 'yon!" kaagad na sita ko sa kanila. May karapatan naman siguro akong malaman kung sino ang nagpadala niyon, 'di ba?
"Sandali, ano'ng nangyayari dito?" tanong naman ni Tita Maricar nang lumapit siya sa amin.
"Tita, may nagpadala po kasi nito pero ayaw po nilang sabihin kung kanino galing!" may bahid pa rin ng inis na sagot ko kay Tita Maricar.
"Ah, e, baka naman ho pwedeng malaman kung sino? E, gusto lang naman magpasalamat nitong bata, e," malumanay na pakiusap naman ni Tita Maricar doon sa lalaki.
"Sorry po, pero hindi po talaga, e. Pasensya na po. 'Wag po kayong mag-alala. Wala naman hong bayad 'to," sagot pa ng lalaki.
"Ah, Maureen, hayaan na lang siguro natin?" sabi naman sa akin ni Tita Maricar. "E, siguro, e, galing lang sa mga dating pinasukan ng tatay mo."
Matagal ko siyang tinignan bago ako mapabuntong-hininga at tumango.
"Sige po, Miss. Pakipirmahan na lang po 'to," sabi ng lalaki sa akin.
Labag man sa loob ko ay kinuha ko ang papel na hawak niya at pinirmahan 'yon. Matapos 'yon ay kaagad na rin naman silang umalis, kaya't naupo na lamang ako sa isang tabi. Tahimik na lang akong kumain ng biscuit at kape roon.
Wala na ngayon si Danica para samahan ako, dahil gustuhin man daw niya ay hindi pwede. May trabaho pa raw siya doon sa mansyon at hindi naman niya kayang mawala 'yon. Ako naman ay pinayagan ng amo ko na 'wag munang pumasok. Naiintindihan naman daw nila ang sitwasyon ko.
Mayamaya pa'y lumalapit sa'kin si Tita Olive. "Maureen, nand'yan si Jacob. Sandali at ikukuha ko kayo ng makakain."
"Sige ho," sabi ko na lang at tumango.
Ilang sandali pa nga'y dumarating na si Jacob kasama si Junard at si Yngrid. Dahil doon ay napatayo tuloy ako para salubungin silang tatlo. At nang magkalapit-lapit ay sinabi rin nila ang pakikiramay nila sa akin.
Sakto namang pagkaupo namin ay siya ring pagbalik ni Tita Olive dala ang pandesal at mga kape namin. Binati pa siyang muli ng dalawang kasama ni Jacob.
"Kamusta ka na, Maureen?" Si Yngrid ang lakas-loob na unang nagtanong sa akin.
"Hindi ko pa rin masasabing okay ako, pero maayos-ayos naman na," pagtatapat ko.
"Mabuti naman," sagot niya. "Ang hirap siguro ng pinagdadaanan mo ngayon ano?"
Napayuko na lang ako.
"Maureen, kaya mo 'yan. Alam kong malakas ka," sabi naman ni Jacob kaya't napaangat ang tingin ko sa kanya. "Kasama mo kami."
Tipid akong napangiti. "Salamat."
"Uh. . . Maureen. . ." Si Junard naman ang nagsalita.
"Hmm?"
"Pwede ba kitang makausap?" tanong naman niya.
"Magkausap na tayo," walang ganang sagot ko naman.
"Ibig kong sabihin, uh, t-tayo lang dalawa—"
"Bakit? Bakit 'di mo na lang dito sabihin?" Pagputol ni Jacob sa sasabihin niya. "Tungkol ba 'yan kala Sir Zeus? Utang na loob, Junard. 'Wag muna ngayon."
"Pero may pinapasabi si—"
Ako naman ngayon ang pumutol sa sasabihin niya. "Kung ano man 'yan, ayoko na 'yang marinig. Kung pwede lang, 'wag mo na silang babanggitin sa akin."
"Pero Maureen!" giit pa niya.
"Narinig mo siya, Junard," may pagbabantang saad ni Yngrid, kaya't natahimik si Junard. Pagkatapos ay dinagdag pa niya, "Nandito tayo para damayan si Maureen, hindi para dagdagan ang problema niya."
"S-Sorry. . ." mahinang sabi naman ni Junard. Hindi na lamang ako umimik.
"Kailan nga pala ang libing?" tanong pa ni Yngrid sa akin.
"Sa makalawa," sagot ko naman.
"Pasensya na, Maureen. Hindi kami makakasama," pagsali naman ni Jacob sa usapan.
"Naiintindihan ko. Hindi n'yo naman kailangang magsakripisyo para sa'kin," tugon ko naman.
"Pupunta ako," sabi naman ni Yngrid sabay ngiti. "Isipin mo na lang na ako ang substitute ni Danica."
Tumango ako. "Salamat."
"Ano na'ng balak mo n'yan pagkatapos ng libing ni Tito Jose?" tanong pa sa akin ni Jacob.
Napabuntong-hininga ako bago sumagot, "Ang totoo, hindi ko pa alam. Naiisip ko pa ngang ibenta 'yung tricycle niya, e."
"I-Ibebenta mo?" gulat na tanong ni Jacob.
"Wala na akong magagawa, Jacob, e. Kailangan kong magbayad dito sa punerarya, tapos sa pagpapalibing pa kay Itay. Masyadong maliit ang ipon ko," malungkot na sabi ko sa kanya.
Ayoko mang ibenta ang tricycle ni Itay dahil kahit papaano ay may halaga naman 'yon sa akin. Pero mukhang wala na nga akong magagawa pa.
"Tutulungan kita," alok naman sa akin ni Jacob.
"Jacob, alam kong may sarili rin kayong pangangailangan. Hindi na kailangan," sabi ko naman sa kanya at nginitian siya. "Sabi mo nga, alam mong makakaya ko 'to. Kaya, kakayanin ko."
Kasinungalingan.
Hindi ko alam kung makakaya ko ba. Gabi-gabi, palagi kong naaalala ang huling sandaling nakayakap ko pa si Itay. Doon sa ospital. Kung paano ako nagwala at umiyak nang umiyak matapos nilang sabihin sa akin na patay na ang tatay ko.
Siya na lang ang meron ako. Siya na lang ang pamilya ko. Siya na lang ang tanging pag-asa ko. Kaya ngayong wala na siya para samahan ako sa pakikipagsapalaran ko, hindi ko alam kung papaaano pa ako makakabangon.
Hindi kailanman sumagi sa isip ko na darating ang araw na 'to—na makikita ko siyang wala nang buhay. Na sa loob ng kabaong ko na lang siya maiisip. Na kahit anong iyak at tawag ko sa kanya, hindi na siya sasagot.
Napatakip na lang ako sa bibig ko habang tinataktakan ng holy water ang kabaong niya. Walang tigil din ang pagsinghot ko dahil sa walang katapusang pag-iyak ko.
"Sige, isarado n'yo na 'yan."
Wala akong nagawa kung hindi ang tumayo na lang doon at manood habang dinadala ng mga lalaking 'yon ang kabaong ng tatay ko. Nakatanaw lang ako habang isinasakay nila 'yon sa kotseng maghahatid sa tatay ko sa sementeryo.
Naramdaman ko naman ang pag-akbay sa akin ni Tita Maricar na noon ay umiiyak din. Napahawak naman akong muli sa kwintas ko.
Itay, parang kailan lang, hinatid mo pa ako sa bakery. Parang kailan lang, magkasama tayong nag-celebrate ng birthday ko. Tapos ngayon, hinahatid na kita sa huling hantungan mo. Bakit, Tay? Ang dami ko pang pangarap sa ating dalawa. Pero pa'no na matutupad 'yon kung wala ka na?
Ni hindi pa ako nakakahingi ng tawad sa lahat ng kasalanan ko sa'yo. Sana naririnig mo ako, Itay. Sana mapatawad mo lahat ng mga pagkakamali ko. Sana palagi mo akong patnubayan sa landas na tatahakin ko.
Mahal na mahal po kita, Itay. . .
* * *
"ARGH!"
Nagising ako sa malakas na tilaok ng manok. Agad kong nasapo ang noo ko at pinilit ang sarili na bumangon, kahit masakit pa talaga ang ulo ko. Matapos ko namang kusotin ang mata ko ay napatingin ako sa orasan. Alas sais pa lang pala ng umaga. Mabuti naman.
Naiisipan kong bumili ng cellphone na de-keypad lang, pero wala pa akong pera para makabili noon. Nakakatawa, pero gano'n na siguro talaga ako kahirap ngayon.
Bumaba ako sa papag at itiniklop ang kumot at mga unan ko. Pagkatapos ay dumiretso na ako sa kalan at kinuha ang kaldero namin para magsaing. Pero nang magtungo ako sa lagayan ng bigas ay nadismaya na lang ako.
Wala na nga pala kaming bigas. Siguro bibili na lang ako tinapay pagpasok ko sa trabaho.
"Makapagkape na nga lang," sambit ko sa sarili ko at kaagad na nagtimpla ng kape. Matapos ko namang mainom 'yon ay naligo na ako at naghanda para pumasok sa bakery.
Dalawang linggo na ang nakakaraan simula nang ilibing si Itay at simula noon ay hindi na naging kasingsigla pa ng dati ang buhay ko. Parang hindi na nga yata ako masyadong nakakangiti, e. Hindi na rin ako masyadong makatulog sa gabi, at madalas na wala na rin akong gana para kumain.
Pero ano bang magagawa ko? Wala naman akong pagpipilian kung hindi ang magpatuloy na lang sa buhay. Dahil kung hindi ako magpapatuloy, mamamatay lang akong dilat ang mga mata ko.
Pero sa totoo lang, hindi ko alam kung saan ako dadalhin ng agos ng buhay. Kaya heto, nagpapatangay na lang ako sa kung saan.
Napabuntong-hininga ako habang nakaharap sa salamin. Kasunod noon ay inilabas ko ang pendant ko at ngumiti sa sarili ko. "Kaya mo 'yan, Maureen. Masasanay ka rin."
Naging gawain ko na rin 'to sa halos araw-araw. Mag-isa na lang ako, e. Wala na akong Itay na magpapalakas ng loob ko sa tuwing nanghihina ako. Kung nandito lang sana siya. . .
Nagpakawala na naman ako ng isang buntong-hininga. Hindi ko talaga maiwasang isipin siya. At sa tuwing naiisip ko siya ay halo-halong emosyon ang nararamdaman ko. Pero nangingibabaw ang lungkot. . .
Tahimik ko na lang na kinuha ang backpack ko at lumabas na ng bahay. Pero napatigil ako nang makitang may magarang van nakaparada sa labas ng bahay namin.
"Kanino naman 'yon?" tanong ko sa sarili ko.
Bago pa ako makalapit ay bumaba na mula roon ang dalawang babae. Ang isa ay mukhang mas matanda lang nang kaunti sa akin, habang ang isa naman ay mukhang may edad na. Pero parehas silang maganda at mukhang elegante. Sa katunayan, may lalaki pang nakaalalay sa kanila na mukhang tauhan nila.
Ano naman kaya ang ginagawa nila sa lugar na gaya nito? Hindi naman siguro ito ang pakay nila, hindi ba?
Pero nabato na lang ako sa kinatatayuan ko nang makitang papalapit sa akin ang dalawa. Noon ko lang din napansing may telang nakabalot sa buhok ng babaeng may edad, pagkatapos ay may salamin pa siya. Gaya naman niya'y may salamin din ang isa na medyo mas matanda lang sa akin. Pagkatapos ay naka-cap naman na kulay asul.
"Ma'am, mukhang siya na po 'yon," sabi ng lalaking kasama nila nang makalapit sila sa akin.
Napakunot lang naman ang noo ko at tumingin sa kanya. Ano ba'ng pinagsasabi niya?
Nang bumaling naman akong muli sa dalawa babae ay nakita kong ibinaba ng may edad na babae ang salamin niya sa mata at tumingin nang diretso sa akin. Pero hindi ko maintindihan kung bakit ganoon ang ekspresyon niya. Parang nabigla na parang iiyak?
"I-Ikaw ba si Maureen, hija? Anak ni Joselito Calderon?" tanong niya sa akin. Hindi ko rin maintindihan kung bakit parang may mali sa boses niya.
"Ako nga po. Ano'ng kailangan n'yo?" takang tanong ko sa kanila.
Pero laking gulat ko na lang nang bigla akong akapin ng babaeng may edad. Sobrang higpit ng yakap niya na akala mong may ginawa akong sobrang ganda sa buhay niya. Sino ba ang mga 'to at bakit ganito sila kung umakto?
Napsinghap pa ang babae habang yakap ako. "Nayakap din kita. . . Anak ko!"
Itutuloy. . .
//should've included this part on the next chapter but I just like to uh, make some cliffhangers, though idk kung may effect ba sa inyo.