Kabanata 28
"M-Maureen, ito nga pala 'yung sweldo mo. Pinapabigay ni Ma'am. . ."
Hindi ko pinansin si Danica at nagpatuloy lang sa pagsisilid ng mga damit ko sa bag ko. Habang ginagawa 'yon ay panay ang pagsinghot ko ng sipon ko, kasabay din ng tuloy-tuloy na pagtulo ng luha ko.
Nakita ko naman sa gilid ng mga mata ko na inilagay niya ang sobre sa tabi ng bag ko. Saglit ko siyang ninakawan ng tingin at halata sa kanya ang awa para sa akin at sa dinaranas ko ngayon.
Nang maisilid ang lahat ng damit ko ay napadiretso ako ng tayo. Hindi pa rin ako makatingin sa kanya, at mahigpit pa rin ang hawak ko sa bag ko. Pati kay Danica ay nahihiya na ako. Ni hindi ko man lang sinabi sa kanya ang totoo. Sa ganitong paraan pa niya nalaman.
"Sorry. . ." panimula ko. "Sorry kung hindi ko sinabi sa'yo ang lahat. . ." Napapiyok pa ako dail sa pag-iyak.
Naramdaman ko naman na mas lumapit siya sa akin at marahang hinaplos ang likuran ko.
"Naiintindihan ko naman, Maureen, eh. Oo, medyo nagtampo ako, pero naiintindihan kita. . ." sabi niya sa akin.
Dahil doon ay napangiti ako at napatingin sa kanya. Sa kabila ng lahat, natutuwa ako dahil may kaibigan akong palaging nasa tabi ko kahit na anong mangyari.
Nilingon ko siya. "Salamat, Danica ah? Salamat sa pag-intindi."
"Wala 'yun," tugon naman niya. "E, hindi ko lang akalain na. . .sa ganito hahantong ang lahat."
"Kasalanan ko naman, e. Ginusto ko naman 'to," sagot ko sa kanya, at muli ay nagbadya na namang tumulo ang mga luha ko. Mabilis ko namang pinalis ito. Kinuha ko naman ang sobre at umupo sa kama namin. "Kung sinunod ko lang sana si Itay. . ."
"Hindi mo naman kasalanan 'yun. Hindi mo naman hiniling na magkagan'to," sabi naman niya sa akin.
"Kahit na, Danica. Kung pinigilan ko lang sana ang sarili ko, 'di ba?" giit ko pa at saka napayuko. Paulit-ulit na ipinapaalala sakin noon ni Itay na dapat alam ko kung hanggang saan lang ang lugar ko. At nagagalit ako sa sarili ko dahil kinalimutan ko ang lahat ng pangaral niya sa'kin—at dahil lang sa pag-ibig ko!
Pero ang mas nakakainis, 'yun ay ang bulong ng puso ko na hindi ito nagsisising minahal ko si Sir Zeus. Na nakasama ko siya kahit sa sandaling panahon lang. At. . . At umaasa pa ang pusong ito na muli ko siyang makakasama. Hindi man ngayon, pero siguro sa ibang pagkakataon.
"Maureen. . ."
Sabay kaming napatingin ni Danica sa pumasok sa pintuan na si Monet. Napayuko ito na para bang nanghihingi ng paumanhin na naistorbo niya kami. Pero gano'n pa man ay nagpatuloy siya sa nais niyang sabihin.
"Sabi nga pala ni Sir Zeus, sorry daw. Hindi ka raw niya makausap kasi binawalan daw siya ni Ma'am Helen. Gusto nga raw sana niya. . . Makapagpaalam man lang sa'yo para linawin ang lahat. . ." pagbabalita niya sa akin.
Napabuntong-hininga naman ako. Sa totoo lang ay masakit sa akin na 'di ko man lang siya nagawang yakapin bago man lang ako umalis sa mansyon na 'to. Ni hindi man lang kami nakapagpaalam nang maayos sa isa't isa. Pero alam ko—nararamdaman ko—na nahihirapan din siya sa kalagayan namin.
"Pakisabi okay lang. Hindi ako galit," sabi ko at ngumiti pa.
Tumango-tango naman siya. "Sige, sasabihin ko. Hahanap daw siya ng paraan para makausap ka."
"Salamat," sabi ko na lang.
Pagkatapos din noon ay umalis na rin si Monet. Palagay ko ay ihahatid na niya kay Zeus ang mensahe ko. Naiwan kaming dalawa ni Danica doon na halos hindi nagsasalita.
"Sorry ah? Pero, grabe, para kayong nasa dramarama ni Sir Zeus," mayamaya ay sabi ni Danica.
"Sa totoong buhay, mahirap pala. Napakahirap. . ." sagot ko naman. Matapos ay tumayo na ako at kinuha ang bag ko. Binuksan ko ito nang bahagya at isinilid doon ang sobreng hawak ko. Pagkatapos ay sinara ko iyong muli. "Kailangan ko na sigurong umalis."
"Sasamahan na kita," sabi naman niya.
"Huh? Hindi na! B-Baka mapagalitan ka lang. . ." sabi ko naman sa kanya. Alam kong dahil kaibigan ko siya ay tiyak na pag-iinitan siya ni Ma'am Helen. Bukod nga sa kanya ay iniisip ko rin si Jacob, e. Siya pa naman ang nagpasok sa'kin dito.
"Pero, Maureen—"
Hinawakan ko siya sa balikat, kaya napatigil siya sa pagsasalita. "Tama na, Danica. Ayoko nang mas madamay ka pa."
"S-Sige. . . Kung 'yan ang gusto mo," malungkot na sabi niya.
"Magkikita pa naman tayo, e. Pagbalik mo sa may sa'tin, ikukuwento ko sa'yo ang lahat," sabi ko pa sa kanya. "Sa ngayon, kailangan ko nang umalis."
Tumango-tango naman siya. At tuluyan nang tumulo ang mga luha niya. Kasunod noon ay niyakap niya ako nang mahigpit. "Mag-iingat ka ha."
Natawa naman ako, pero hindi ko na rin napigilan ang luha ko. "Magkikita pa nga tayo. . ."
Matapos din 'yon ay mabilis na akong humiwalay sa kanya. Sinamahan naman niya ako palabas ng kwarto. Mukhang ihahatid niya ako hanggang sa gate ng mansyon. Napatigil naman ako dahil naabutan ko doon sa sala si Jacob. Mukhang hinihintay ako.
"Maureen. . ." sambit niya nang makita ako. Kaagad din siyang lumapit sa akin. "Kamusta ka?"
"Wag mo 'kong alalahanin, Jacob," sagot ko naman sa kanya. "Ikaw nga ang inaalala ko, e. Baka mamaya, masira ka na rin kay Ma'am Helen. Sorry, Jacob. Sorry. . ."
Hinawakan naman niya ako sa magkabilang balikat ko. "Maureen, 'wag mo nang intindihin 'yon. Wala 'yon sa'kin."
"Pasenya na rin, hindi ko sinabi sa'yo. . . Sorry sa lahat, Jacob," sabi ko pa sa kanya. Muli ay napahikbi na naman ako. Hindi ko kasi matanggap na pati sila ay nilagay ko pa sa ganitong sitwasyon—sa kahihiyan kay Ma'am Helen.
"Wala ka namang kasalanan sa'kin, Maureen, e," sabi naman niya at inalis ang kamay niya sa balikat ko. "Mukhang kailangan mo na ngang umalis, ano?"
"Oo, Jacob, e," malungkot na sagot ko, pero nagawa ko pa ring ngumiti nang tipid sa kanya. "Salamat sa trabaho na 'to, a? Magiging maayos lang ako. Hahanap na lang ako ng iba pang mapapasukan."
"Ipagdarasal ko na lang 'yan, Maureen. Mag-iingat ka pauwi," sabi pa niya sa akin at niyakap ako saglit.
"Salamat, Jacob," sagot ko naman.
"Maureen!"
Mayamaya pa'y patakbong lumapit sa akin si Monet. "Maureen, hindi ako nakapagpaalam sa'yo kanina. Hindi man tayo gano'n ka-close, gusto kong malaman mo na malungkot pa rin ako sa pag-alis mo."
"Salamat, Monet. Sana magkita pa tayo," sagot ko naman sa kanya. Katulad niya, hindi man gano'n katagal ang pinagsamahan namin, aaminin kong napalapit na rin ako sa kanya. Para ko na rin siyang kaibigan.
"Paalam sa inyo ha? Pakisabi na lang din kay Manang Guada, kay Ate Bella at kay Ate Regine," sabi ko pa sa kanila. "Hanggang sa susunod."
Malungkot akong tumalikod sa kanila at lumabas ng mansyon. Oo, aaminin ko, si Sir Zeus ang pinakadahilan kung bakit malungkot akong aalis dito. Isa pa, sobra ring kahihiyan tungkol sa nangyari kanina. Sa tanang buhay ko ay 'di ko inakalang daranasin ko ang ganoong klaseng pangungutya. Hindi ko akalaing mararanasan ko mismo ang mga pinapanood lang noon sa TV ni Danica.
Pero isa rin sila sa dahilan kung bakit malungkot ako. Ang mga kasamahan ko dito. Ang mga araw na pinagsamahan namin. Para ko na rin silang pamilya. At nasasaktan akong isipin na ako ang naglagay sa sarili ko dito, kaya wala na akong magagawa pa.
Nang malapit na ako sa gate ng mansyon ay para bang may nag-udyok sa akin na tumingin sa bintana ng kwarto ni Sir Zeus. At gayon na lamang ang gulat ko nang makitang nakadungaw siya roon at nakatanaw sa akin. . .
Bahagya rin siyang nagulat nang makita akong nakatingin sa kanya. Pero unti-unti ay kumurba ang kanyang mga labi at kumaway sa akin.
Nang mga sandaling 'yon, sapat na ang ngiti niyang 'yon sa akin para kahit paaano ay gumaan ang loob ko. Paalam muna sa ngayon, Sir Zeus. Hihintayin ko ang muling paghaharap nating dalawa.
Mahal na mahal pa rin kita. . .
Sa huling sandali ay ngumiti ako pabalik sa kanya saka tuluyang tumalikod at umalis.
* * *
"Dito na lang po, Manong," sabi ko sa tricycle driver nang makarating kami sa harapan ng compound namin.
Itinigil naman niya ang tricycle at dahan-dahan akong bumaba mula roon. Kumuha naman ako ng bente pesos sa wallet kong halos butas na at iniabot sa kanya. Matapos 'yon ay mabilis na siyang umalis palayo.
Mahigpit naman ang hawak ko sa bag ko habang nakatayo sa harapan ng pintuan ng bahay namin.
Baon ko hanggang sa pag-uwi ang lahat ng pagsisisi at sakit. Pero higit sa lahat, ang pinaka-pinanghawakan ko ay ang ngiting ibinigay sa akin ni Sir Zeus bago ako umalis ng mansyon. Dahil sa ngiti niyang 'yon ay nagkaroon ako ng kaunting pag-asa.
Hay. . . Hindi na siguro ako talaga natuto ano? Napahiya na nga ako't lahat ni Ma'am Helen, heto't siya pa rin ang sigaw ng puso ko at laman ng isipan ko. Pero hindi ko rin naman maitatanggi na may sakit pa rin dito sa damdamin ko. Ang malayo sa kanya at isiping ayaw sa akin ng nanay niya ay hindi biro.
At hindi ko alam ngayon kung paano haharapin si Itay. Pero napagpasyahan ko nang huwag sabihin sa kanya ang totoo. Alam kong masama ang magsinungaling, pero hindi ko kaya. . . Hindi ko kayang makita ang reaksyon ni Itay kapag nalaman niya ang nangyari.
"Itay?" pagtawag ko nang buksan ko ang pinto, pero wala akong nadatnang tao sa loob ng bahay namin.
Napabuntong-hininga na lang ako at dumiretso sa papag namin. Inilapag ko na lang ang bag ko doon at naupo sa tabi nito. Ngayong mag-isa ako at napakatahimik ng bahay namin, lalo kong naramdaman ang lungkot. . .
Mabuti na lang at ilang sandali lang ay narinig ko na ang tunog ng tricycle ni Itay. Kasunod din noon ay ang pagbukas ng pintuan at tumambad sa akin si Itay na may pag-aalala sa hitsura niya.
"Itay!" Patakbo akong lumapit at napayakap na lang sa kanya.
Napasubsob pa ako sa kanya at nag-iiyak na parang bata. Sa dami ng iyak ko ngayon ay para bang kulang pa ang iniyak ko sa mansyon kanina. Wala, e. Kay Itay ko lang talaga kayang ilabas ang grabeng panghihina ko. Sa kanya ko lang talaga kayang maging parang bata ulit. Isang batang mahina at walang laban na sinaktan ng mga kalaro niya.
Pero ang nakakatawa sa akin. . . Ang taong tinatakbuhan ko ngayon ay ang taong halos kinalimutan ko nang mga sandaling masaya akong nakikipaglaro—nakikipaglaro sa tadhana.
"Teka, Anak, ano ba'ng nangyari sa'yo?" takang tanong niya sa akin.
Humiwalay naman ako sa kanya at pinalis ang mga tumulong luha ko.
"Itay. . . Itay, buti dumating ka na. . ." paputol-putol na sabi ko sa kanya dahil medyo nahihirapan na rin akong huminga dala ng pagbabara ng ilong ko. Idagdag pa ang bigat ng damdamin ko.
"E, sinabi sa'kin no'ng kasamahan ko na naisakay ka nga raw niya," sagot naman niya. "E, bakit nga ba umuwi ka na agad? 'Di ba sa susunod na Sabado pa ang uwi mo?"
"I-Itay, n-natanggal na po ako sa mansyon, e. . . Pinalayas ako ng amo ko," pag-amin ko sa kanya.
"Ano?! Bakit naman nila ginawa 'yon?! Hindi pwede 'yon!" galit na sabi niya, kaya naman hinawakan ko siya sa mga braso niya para mapakalma siya.
"Tay! Tay!" pag-awat ko sa inis niya. "Tay, kasalanan ko naman po, e. Ano. . . Ano po kasi. . . M-Masyado po kasi akong lampa. Mali-mali. . ."
Napakagat ako ng ibabang labi ko. Hindi ko matanggap sa sarili kong nagsisinungaling ako sa sarili kong ama. Hiyang-hiya ako sa sarili ko. Pero wala na akong magagawa pa.
"Maski na!" sagot naman ni Itay.
"Itay. . ." Hinawakan ko naman ang dalawang kamay ni Itay. "Itay, hahanap na lang po ako ng ibang trabaho. Pagbubutihan ko na po. Itay, 'wag ka na pong magalit. . ."
Hindi ko na siya hinintay na makasagot at niyakap ko na lang siya. Niyakap naman niya ako pabalik. Isang yakap na nagpaparamdam ng pagmamahal at kalinga mula sa isang ama. Isang yakap na nagsasabi sa'king magiging ayos din ang lahat.
Patawad, Itay. . . Binigo kita.
Itutuloy . . .