Kabanata 27
"Alam mo, Maureen, dapat yata magpamental ka na, e. . ."
Narinig ko naman ang sinabi ni Danica, pero parang ewan na napatingin pa rin ako sa kanya. Lutang na kung lutang. Iniisip ko pa kasi si Zeus, e!
"H-Ha?" natatangang tanong ko sa kanya.
Napabuntong-hininga naman siya bago sumagot, "Ilang araw ko nang napapansin. Parang wala ka sa katinuan. Ano bang nangyari sa'yo ha? Ganyan ba talaga ang epekto ng pagiging sixteen?"
"A-Ahm. . ."
Naku naman. Ngayon, ano na ang sasabihin ko sa kanya? Pa'no ko sasabihing kaya nagkakaganito ang isip ko ay dahil kay Sir Zeus? Dahil may pagtitinginan na kami? Sabi ni Sir Zeus, 'wag ko raw ipapaalam kahit na kanino dahil baka iyon na ang maging katapusan namin.
Ayokong mangyari 'yon kaya hindi ko sasabihin kay Danica.
"Oh? Ano? Sumagot ka!" Napahalukipkip pa siya kahit pa nakahiga na kami. "Di ka na yata nagkukwento sa'kin. Feeling ko 'di mo na 'ko best friend."
"A-Ano ka ba?" Pumeke na lang ako ng tawa. "Ano'ng ikukwento ko sa'yo, e, wala namang nangyayari sa buhay ko?"
"Wala bang nangyari sa pagmo-mall n'yo ni Sir Zeus?" tanong naman niya sa akin.
"Huy ano ka ba? 'Wag kang maingay!" sita ko naman sa kanya.
"Ano nga? Walang nangyari? Dali na! Magkuwento ka!" pamimilit pa niya sa'kin.
"W-Wala namang nangyaring maganda ano. . ." pagsisinungaling ko. "Naloka lang kami sa. . . Sa paghahanap ng bibilhin niya."
"Gano'n? 'Yun lang?! Tapos ang tagal-tagal n'yo do'n? Ano ba naman 'yan!" pagrereklamo naman niya.
Halos hindi naman ako makatingin sa kanya dahil nakukunsensya ako na may itinatago ako sa kanya. Datirati'y halos lahat ng ganap sa buhay ko ay alam na alam niya. Pero siguro nga may mga bagay talagang nagbabago at patuloy na magbabago. Kung malaman man niya ito, sana maintindihan niya. Na minsan may mga sikreto talagang kailangang ilihim.
"Ano ba'ng binili ni Sir Zeus?" tanong pa niya sa'kin.
"Basta. Nakalimutan ko na ang tawag doon," sabi ko na lang at tumagilid sa kanya. Pumikit na rin ako at niyakap ang teddy bear na regalo niya sa'kin. "Matulog na tayo."
"Psh." Narinig ko pang sabi niya, pagkatapos ay naramdaman ko ang pagbaling niya at di na siya muling nagsalita pa.
Ako naman ay naiwang gising na gising pa rin at nakangiti habang yakap ko ang teddy bear. Ganito ba talaga ang pakiramdam na umibig? Bawat minuto talaga iniisip mo ang mga nangyari sa pagitan ninyo? Parang naka-record na sa utak mo at hindi mawala-wala.
At ang ngiti sa labi mo ay hindi kumupas-kupas. Ang sarap sa pakiramdam!
* * *
Kinabukasan ay masayang-masaya akong gumising. Humihimig pa ako habang nagpiprito ng bacon para sa umagahan nina Sir Apollo at Sir Zeus. Napapansin ko nga ang kakaibang tingin sa akin ni Danica, pero hindi ko na lang siya pinansin.
"Ay, Sir Apollo! Aalis na po kayo?"
Maging kami ay napalingon nang marinig si Manang Guada. Nakita ko naman na nakatayo nga roon si Sir Apollo. Nakapolo na naman siya at mukhang bagong ligo.
"Yeah. Susunduin ko si Mama," sagot naman niya.
"Ay! Uuwi na pala si Ma'am?" sabi ni Ate Bella.
"Oh, eh, bakit 'di na lang kay Junard o kay Jacob?" tanong naman ni Manang Guada. "Hindi ba may pasok ka ngayon?"
"Nagsabi na ako sa boss ko na male-late ako," sagot naman ni Sir Apollo sabay ngiti.
"Ay, gano'n ho ba? Ay, sige," sabi na lang ni Manang Guada.
Tumango naman si Sir Apollo bago tuluyang lumabas ng bahay. Tila nawala naman ang ngiti ko dahil sa narinig ko. Oo nga pala, hindi nga magtatagal doon si Ma'am Helen. Hindi ko maintindihan kung bakit nababalisa ako sa pagbalik niya dito. Wala sanang mangyaring masama.
Nagpatuloy na lang ako sa pagluluto ng ulam kahit pa may kaba nang umuusbong sa puso ko. Sa totoo lang kasi ay kinatatakutan ko talaga ang pagbabalik dito ni Ma'am Helen. Ngayon kasi'y iba na ang sitwasyon. Natatakot na ako sa kanya.
Dalawang oras ang lumipas at wala pang dumarating na Sir Apollo at Ma'am Helen. Mukhang malayo nga talaga ang pinanggalingan ni Ma'am, kaya gano'n katagal ang byahe nila pauwi.
"Oy, tawagin n'yo na nga si Sir Zeus. Baka sa labas na lang kumain sila Ma'am," utos ni Manang Guada sa amin.
"A-Ako na po," pagpiprisinta ko sabay dali-daling tumayo at nagtungo sa kwarto ni Sir Zeus. Kaya ako nagprisintang tawagin siya ay dahil gusto ko rin sana siyang makausap.
Matapos kong kumatok ng tatlong beses ay lumabas na rin si Sir Zeus mula sa kwarto niya. Nagkakamot pa siya ng mata at gulo-gulo pa ang buhok niya—mukhang kakagising lang.
"Oh, Maureen!" bati niya sa'kin. "Wait, ano'ng oras na ba?"
"Alas otso na po ng umaga," sagot ko naman sa kanya. "Ahm, Sir Zeus—"
"It's already eight? Bakit ngayon mo lang ako ginising?" takang tanong pa niya, pagkatapos ay sinundan pa niya. "Si Kuya? Isn't he supposed to leave at eight?"
"Ah, Sir Zeus, kanina pa umalis si Sir Apollo. Susunduin daw s-si. . ." Napayuko muna ako bago magpatuloy, "Si Ma'am Helen."
"S-Si Mom?" Kita ko ang gulat sa mga mata niya. "Oh, hindi naman niya sinabi na uuwi na siya."
"Zeus. . . K-Kinakabahan ako. . ." pagtatapat ko sa kanya.
"Hush. Don't worry, okay? Everything's fine. Ako ang bahala," pagpapakalma niya sa akin.
Aaminin kong gumaan kahit papaano ang pakiramdam ko dahil sa ngiti niya, pero hindi ko pa rin maalis sa sarili ko na mag-alala. Natatakot ako kay Ma'am Helen. Natatakot ako na malaman niya ang namamagitan sa amin ni Sir Zeus.
"Wag kang ma-paranoid, okay?" sabi pa niya sa akin, kaya napaangat uli ang tingin ko sa kanya at tumango-tango. "Let's go."
Pagkatapos noon ay nilagpasan niya ako at mas nauna siyang bumaba kaysa sa akin. Sumunod na lang ako sa kanya habang ang isipan ko ay hindi pa rin mapalagay. Ewan ko ba dito kay Sir Zeus at mukhang ayos lang sa kanya ang lahat.
Ewan ko kasi. . . Naalala ko kasi kahapon, tingin ko talaga si Sir Apollo 'yung nakita ko, e! Pero sana. . . Sana nga nagkakamali lang ako.
* * *
Sinubukan ko na lang huwag isipin ang mga agam-agam ko, kaya itinuon ko na lang ang atensyon sa paglilinis ng mansyon. Pero kahit anong pilit ko ay 'di pa rin mapalagay ang loob ko. Lalo pa't alam kong tumatakbo ang oras at ilang sandali na lang ay nandito na sila.
Lalo pang nadagdagan ang kaba ko nang marinig ko na ang makina ng kotseng tila papalapit dito. Napatigil ako sa pag-aayos ng sofa. Hindi ako maaaring magkamali. Iyon na ang kotse nila Ma'am Helen.
"Ay! Ayan na si Ma'am!" dinig kong sabi ni Manang Guada at mayamaya nga'y nagmamadali na siyang tumakbo papunta sa pintuan ng mansyon.
Pinilit kong magkunwaring normal lang at ipinagpatuloy na lang ang trabaho ko. Ilang sandali pa'y pumasok si Manang Guada na dala ang mga bagahe ni Ma'am Helen. Kasunod noon ay ang pagtunog ng sahig na natatapakan ng heels ni Ma'am Helen.
"Eh, Ma'am Helen, kumain na ho ba kayo?" tanong ni Manang Guada sa kanya.
"Yes. We ate outside," sagot naman ni Ma'am Helen.
Hindi ko alam kung ano ang nagtulak sa akin para sulyapan siya. Pero nang sandaling matignan ko siya'y nagulat ako dahil nakatingin din siya sa akin. Isang tingin na para bang may ibig iparating? Parang tingin pa lang, e, hinuhusgahan na niya ako.
Napalunok na lang ako saka muling yumuko at nagkunwaring abala sa ginagawa ko. Nakakatakot ang tingin niya! Ano naman kaya ng ibig sabihin ng tingin niyang 'yon? May alam na kaya siya?
"Oh," nagsalita siyang muli. "Masyado akong napagod sa trip ko. I need a rest."
"Sige ho, Ma'am. Isusunod ko na lang po 'to sa kwarto n'yo," sagot naman ni Manang Guada.
Narinig ko ulit ang pagtunog ng sapatos ni Ma'am Helen at mayamaya rin ay narinig kong umaakyat na siya sa hagdan. Nakahinga ako nang maluwag dahil doon. Baka nga tama si Sir Zeus. Baka napa—ano nga uli 'yon? Basta. Praning yata.
Binilisan ko na lang ang pag-aayos ng sofa at dumiretso na sa kwartong tinutuluyan namin. Pakiramdam ko ay may humahabol sa akin na ewan. Hindi pa rin talaga mawala ang kaba ko. Parang gusto ko yatang habambuhay na pagtaguan si Ma'am Helen.
"Oh? Bakit mukha kang problemado d'yan?" natatawang tanong sa akin ni Danica.
"W-Wala. . . Wala ito. . ." sabi ko na lang at dahan-dahang naupo sa tabi niya.
Napatitig na lang ako sa dingding ng kwarto namin. Ano ang gagawin ko? Paano ko maipagtatanggol ang sarili ko kung sakaling malaman ni Ma'am Helen? Hindi ko alam. . . Hindi ko alam ang gagawin!
"Alam mo, tulungan mo na lang akong mag-ayos ng gamit dito sa cabinet," sabi ni Danica sa akin. "Gulo-gulo kapag sa bag, e."
"Sige," sabi ko na lang at tinulungan siya sa paglalabas ng mga damit niya. Pagkatapos ay tinitiklop namin at inilalagay sa cabinet.
"Ikaw ba, 'di mo aayusin 'yung sa'yo?" tanong naman niya sa'kin.
"A-Ahm. . ." Ewan ko, pero parang ayokong ayusin pa muna ang akin.
"Ayusin na rin natin!" giit naman niya, kaya napatango na lang ako.
"S-Sige. . ." sabi ko na lang sa kanya.
Mayamaya ay pumasok sa kwarto si Monet.
"Maureen, ipinapatawag ka ni S-Sir Zeus sa may sala," sabi niya sa akin.
Nagkatinginan naman kami ni Danica. Pero dahil wala siyang alam ay napangiti lang siya sa akin at tumaas-baba pa ang kilay niya.
"Sige na, Maureen. Punta ka na do'n. Ako na bahala dito," sabi pa niya sa akin.
Ayoko pa sanang kumilos, pero wala na rin ako nagawa kung hindi ang lumabas ng kwarto namin. Bakit naman ngayon pa pinili ni Sir Zeus na ipatawag ako? Hindi ba siya natatakot na mahalata kami ng nanay niya? Hindi ba, dapat ay ngayon kami mag-ingat? Ano ba'ng tumatakbo sa isip niya?
Ngunit gayon na lang ang gulat ko nang makita kong si Ma'am Helen ang nakaupo doon sa may sofa. May dalawang juice sa harapan niya.
"M-Ma'am Helen?" gulat na sambit ko.
Napangiti naman siya sa akin. "Oh, there you are."
"K-Kayo po ang nagpapatawag sa akin?" tanong ko pa sa kanya. Bakit sabi ni Monet si Sir Zeus?
Napangisi naman siya. "Inutos ko talaga kay Monet na sabihing si Zeus ang nagpapatawag sa'yo."
"B-Bakit po?" tanong ko pa, kahit sa totoo lang ay may masamang kutob na ako sa patutunguhan nito.
Mahabaging langit, huwag naman sana tama ang hinala ko. . .
"Gusto lang kitang makausap," sagot niya sabay ngiti. "Halika dito sa tabi ko."
Dahil sa kaba ay dahan-dahan akong lumapit sa kanya. Kung pwede nga lang magpalamon ako sa lupa, ginawa ko na, e. Matakasan ko lang ang sitwasyon na 'to. Kahit ano pang ngiti niya sa akin, natatakot pa rin ako. Dahil kitang-kita kong peke ang mga ngiting ibinibigay niya sa akin.
Natawa siya nang bahagya nang tuluyan na akong makaupo sa tabi niya.
"Relax! Mag-uusap lang naman tayo," sabi pa niya sa akin.
"Ahm. . . Ano po'ng pag-uusapan natin?" kinakabahang tanong ko sa kanya.
"Ilang taon ka na ulit?" tanong niya sa akin habang naroon pa rin ang pekeng ngiti niya sa mukha.
"S-Sixteen po," sagot ko sa kanya sabay yuko.
"Oh. . . Sixteen. . ." Nanigas na lang ako sa kinauupuan ko nang haplos-haplosin niya ang buhok ko. "Ang bata mo pa pala—eh bakit nilalandi mo na ang anak ko?"
Nagulat na lang ako nang hawakan niya nang mahigpit ang magkabilang pisngi ko. Sobrang higpit na masyado na akong nasasaktan. Pakiramdam ko rin ay maiiyak na ako dahil sa talim ng tingin niya sa akin.
Mayamaya ay marahas niyang binitawan ang mukha ko at napayuko na lang ako. Naramdaman ko rin ang unti-unting pagtulo ng mga luha ko.
Sabi ko na nga ba, e. . . May masamang mangyayari. At wala man lang akong magawa para ipagtanggol ang sarili ko. Kasi, bakit pa? E, kasalanan ko rin naman. Ako ang nagdala sa sarili ko sa gulo na 'to. Ginusto ko 'to, e. Pinasok ko ang gulo na 'to. At ngayon, may magagawa pa ba ako para makatakas sa panghahamak ni Ma'am Helen? Wala! Wala na!
Bakit nga ba hindi ko napaghandaan ang sitwasyon na 'to, e alam ko namang mangyayari at mangyayari din 'to?
"Oh ano?" Sarkastiko siyang tumawa. "Iiyak-iyak ka d'yan ngayon? Ganyan ba talaga kayong mga mahihirap? Gagawin ang lahat para makaangat sa buhay—kahit manggamit ng ibang tao?"
Dahil sa sinabi niya ay diretso akong napatingin sa kanya. Kaya kong tanggapin ang panghahamak niya sa'kin dahil sa pagmamahal ko sa anak niya. Pero ang isiping manggagamit ako at ginagamit ko lang si Sir Zeus? Hindi! Hindi ko 'yon matatanggap!
"M-Mahal ko po siya. . . T-Totoo po—"
Napatigil ako sa pagsasalita nang dinuro niya ako at pinanlakihan pa ng mga mata.
"Huwag ka nang magsalita!" galit na sabi niya sa akin. "You know what? Kahit ano pa'ng sabihin mo, hindi ko hahayaang isang katulad mo lang ang maging girlfriend ng anak ko! Dahil isa ka lang hamak na dalagitang yaya—na gusto lang umangat sa buhay!"
Iling na lang ang tanging naisagot ko sa kanya. Oo, tama. Mahirap ako at gusto kong makaranas ng maginhawang buhay. Pero hindi sa ganitong paraan! At hindi ko minahal si Sir Zeus nang dahil lang sa yaman niya. Mahal ko talaga siya!
At handa akong ipaglaban ang pag-ibig ko para sa kanya!
"M-Ma'am Helen. . . Gagawin ko pa ang lahat. . ."
Muli ay tumawa siya nang malakas. Iyong tawa na alam mong nangungutya.
"Alam mo kung ano'ng dapat mong gawin? Hmm?" tanong niya sa akin sabay ngiti ulit nang nakakaasar. "Lumayas ka sa pamamahay ko at 'wag na 'wag ka nang bumalik pa! Iwan mo na ang anak ko!"
Napaawang ang labi ko sa sagot niya.
"P-Pero po—"
"Wala nang pero-pero! Ang kapal naman talaga ng mukha mo! Lumayas ka na! Ngayon din!" nanggagalaiting sigaw pa niya sa akin. Lukot na lukot ang kanyang mukha at dahil sa galit ay lumalabas din ang ilang ugat niya sa leeg at sa mukha.
"Mama?"
Sabay kaming napatingin sa lalaking dumating—Si Sir Zeus. Kung ako ay nagulat at natuwa sa biglaang pagdating niya, si Ma'am Helen naman ay parang wala lang. Malamig ang kanyang mga mata at walang ekspresyon ang mukha.
Nagmamadali namang nagtungo sa akin si Sir Zeus. "Tumayo ka d'yan, Maureen."
Sumunod na lang ako sa sinabi niya at tumayo ako. Nanginginig pa ako sa takot nang iakbay niya ang kanang braso niya sa akin. Nakita ko rin ang matalim na tingin sa akin ni Ma'am Helen. Kitang-kita ko ang pagkamuhi sa mga mata niya, kaya napayuko na lang ako.
Mabuti at nandito na ngayon si Sir Zeus para ipagtanggol ako sa nanay niya. Hindi ko alam kung ano nang gagawin ko kung hindi siya dumating.
"Ma, ano ba'ng ginagawa mo?" tanong niya kay Ma'am Helen at medyo nataasan pa niya ng boses ito.
Tumayo naman si Ma'am Helen, para maging kapantay niya kami. "Sige, Zeus. Ipagtanggol mo 'yang babae na 'yan! Ano ba'ng pinakain n'yan sa'yo at nahumaling ka d'yan?"
"Pa'no mo nalaman?" tanong naman ni Sir Zeus sa kanya.
'Yon nga rin ang kanina pang gusto kong itanong, pero hindi lang lumabas sa mga bibig ko. Dala na rin siguro ng taranta at pagkalito ko sa sitwasyon ko.
"May nagpadala sa akin ng picture. Nagde-date kayong dalawa sa mall," sagot ni Ma'am Helen na ikinagulat ko.
Kaagad akong napalingon sa kanya habang namimilog ang mga mata ko. May nakakita sa aming dalawa? S-Si Sir Apollo nga kaya 'yon? Dahil ba sa galit siya sa akin kaya niya nagawang ibulgar kami sa nanay nila?
"Nagpasama lang ako sa kanya, Ma—"
"No! 'Wag ka nang magsinungaling, Zeus," pagputol ni Ma'am Helen sa pangangatwiran ni Sir Zeus. "Alam ko na ang lahat! Kaya ba? Kaya ba ayaw mo si Marquita ay dahil ito—" Itinuro pa ako ni Ma'am Helen. "Ito ang gusto mo? Isang katulad niya?!"
"Ma, please. . ." nagmamakaawang sabi ni Sir Zeus.
"No, Zeus! No! I can't let you be in love with that kind of girl! Please, Zeus! Give me some respect naman!" pagwawala pa ni Ma'am Helen.
"P-Pero, Ma. . ."
"Bitawan mo nga 'yang babaeng 'yan!" sigaw pa ni Ma'am Helen.
"Ma. . ." sabi pa ni Sir Zeus. Hindi ko alam kung ano ba'ng gusto niyang sabihin kay Ma'am Helen. Siguro, nahihirapan lang din siya.
"At ikaw—" Ako naman ang pinagbuntonan ni Ma'am Helen. Hinila niya ako palayo kay Sie Zeus at dinuro-duro. "Lumayas ka na! Hangga't hindi pa kita nasasaktan nang todo—Lumayas ka na!"
Patulak pa niya akong binitawan kaya't napaatras ako. Muli na namang nagsibagsakan ang mga luha ko dahil sa galit niya sa akin. Nahagip pa ng mga mata ko na nandito na rin ang mga kasamahan ko at pinapanood kami. Wala na akong magawa kung hindi ang umiyak at lamunin ng hiya.
"Ano pa'ng tinatayo mo d'yan?!" galit na sabi pa ni Ma'am Helen. Hinila naman niya ako palapit sa kanya at dinala sa malapit sa isa pang sofa—kung saan hindi na ako nahaharangan ng mesa. "Sige, lumayas ka!"
Itinulak pa niya ako kaya natumba ako sa may sofa. Wala na akong magawa kung hindi ang mag-iiyak doon. Wala na rin akong lakas at tapang ng loob para tumayo. Ano ba naman itong sinapit ko? A-Akala ko. . . Akala ko masaya na ang lahat. Akala ko isa nang magandang regalo sa akin 'yon, pero babawiin din pala kaagad sa akin.
Bakit naman ganito kalupit sa akin ang kapalaran ko?
Siguro. . . Siguro kung mayaman lang ako, wala akong poproblemahin pa. Kung mayaman lang siguro ako, baka hinayaan na ni Ma'am Helen na maging masaya kaming dalawa ng anak niya. Pero hindi, e. Mahirap lang ako at mababa ang tingin niya sa akin.
Tama si Itay. . . Iba ang mundo ng mayayaman sa mundo ng mahihirap. At kailanman ay hindi iyon pwedeng pag-isahin. Dahil hindi hahayaan ng tadhanang mangyari iyon. . .
Itutuloy. . .