Baixar aplicativo
38.33% Ruined Heart / Chapter 23: Kabanata 22

Capítulo 23: Kabanata 22

Kabanata 22

Nagtaka si Ma'am Helen dahil sa dami ng sugat at pasa ni Sir Zeus. Pero nagsinungaling si Sir Zeus at sinabing nagmotor siya at sumemplang lang siya. Mabuti at naniwala naman sa kanya si Ma'am Helen. Napagalitan siya ni Ma'am, pero ang sabi niya ay ayos lang daw iyon.

"Halika, Sir Zeus," sabi ko, kaya lumapit pa siya sa akin. At marahan ko namang nilagyan ng ointment ang mga sugat niya sa mukha.

Simula noon, ako na ang palaging gumagamot sa mga sugat niya. Syempre, sa mga oras na 'yon ay sobrang saya ko. Hindi ko na itatanggi pa. Syempre, nagkakaharap kami, tapos nahahawakan ko pa siya. At higit sa lahat, nagakakausap pa kami nang madalas dahil dito.

Ano nga ba ang tawag nila dito? Blessing in. . . Hay! Basta!

"Magbihis ka mamaya. Samahan mo 'ko," mayamaya ay sabi niya, na ikinagulat ko naman. Napatigil tuloy ako sa ginagawa ko.

"P-Po?" ang tanging naisambit ko na lang.

Napabuntong-hininga siya. "Sabi ko, magpalit ka ng damit. Bibili ako ng school supplies."

"Ahm. . . B-Bakit naman po magpapalit pa ako ng damit?" takang tanong ko naman.

"Hindi na tayo sa palengke lang pupunta. Sa mall," paliwanag niya. "Gusto mo ba pagtinginan ka ng mga tao do'n dahil sa uniform mo?"

Napailing-iling naman ako.

"Yon naman pala, e," sabi pa niya. "Samahan mo 'ko ha?"

Napangiti ako at tumango-tango. Pagkatapos ay sumagot ako ng, "Opo, Sir Zeus." At nagpatuloy na ako sa paglalagay ng ointment sa mga sugat niya.

"I'm sure, mahihirapan akong maghanap ng bagong kaibigan nito," problemadong sabi niya habang ako naman ay pinipiga ang lalagyan ng ointment. Napatingin ako sa kanya saglit at nakita kong napailing-iling pa siya.

"Kung mabait kayo, madali na lang po 'yon," sabi ko naman at muling naglagay ng ointment sa sugat niya sa tabi ng kanyang labi.

Dahil doon ay bahagya ring dumadampi ang kamay ko sa labi niya. Hindi ko maiwasang mamangha. Ang lambot-lambot noon. . . Hay, sana hindi niya mapansin ang kabang nararamdaman ko. Sana hindi niya marinig ang malakas na tibok ng puso ko.

Hindi na rin siya umimik nang mga sandaling 'yon. Nanatili na lang siyang nakatingin sa kung saan habang abala ako sa paggamot ng mga sugat niya. Nahiya na rin naman akong magsalita, kaya namayani ang matinding katahimikan sa pagitan naming dalawa.

"Okay na?" tanong niya nang makitang inililigpit ko na ang first aid kit.

Napatango naman ako at saka ngumiti. "Opo, Sir."

"Oh. Then go! Magbihis ka na, para makaalis na tayo. Sasabihan ko na rin si Junard," sabi niya naman sa akin.

"Ha?" Parang hindi ko yata maalalang aalis kami. May sinabi ba siyang ganoon?

"Di ba pupunta tayo sa mall? Bibila akong school supplies," pag-papaalala naman niya sa akin.

Napasapo naman tuloy ako ng noo ko nang maalala ko 'yon. Ano ka ba naman, Maureen! Masyado kang lutang kapag kaharap mo siya. Mahahalata ka n'yan, e. Nakakahiya!

"Ah, sorry po, Sir Zeus! Sige po. Sandali lang!" sabi ko at dali-dali nang kumilos.

Itinago ko muna ang first aid kit sa cabinet na pinaglalagyan nito. Pagkatapos ay dali-dali na akong dumiretso sa kwarto. Naabutan ko doon si Monet at si Danica, pero 'di ko sila pinansin. Dumiretso ako sa cabinet kung nasaan ang mga damit namin.

Ano kayang damit ang magandang isuot?

Nadismaya naman ako nang makitang halos puro pambahay lang pala ang mga dala kong damit. T-shirt at mga shorts na mukhang basahan. Marumi naman ang pedal ko dahil isinuot ko 'yon kahapon. Napakamot na lang ako sa ulo ko nang makita ang palda kong brown na lagpas tuhod.

"Ano ba naman 'yan? Bakit puro mukhang basahan ang damit ko?" namomroblemang sabi ko.

"Hoy, Maureen? Ano ba 'yang ginagawa mo d'yan?" tanong ni Danica at lumapit sa akin. "Lalayas ka na ba?"

"Sira ka ba?" sabi ko sa kanya. "Naghahanap ako ng damit. Sasamahan ko kasi sa mall si Sir Zeus."

"Ano? Teka, wait! Tama ba ang dinig ko? Magmo-mall kayo ni Sir Zeus? Hindi ba 'ko napapraning lang?" sunod-sunod na tanong niya sa'kin.

"Oo, tama nga ang dinig mo," sagot ko. Napabuntong-hininga  naman ako at itinaas ang paldang kulay brown. "Ayos na kaya 'to?"

"Ano?! 'Yan ang isusuot mo sa date n'yo ni Sir Zeus?!" reaksyon niya. Ako naman ay napanganga sa sinabi niya.

Bago pa man din ako sumagot ay nagsalita na si Monet.

"Danica, anong date ka d'yan? E, hindi naman sila ni Sir Zeus, ano! Magpapatulong lang 'yon magdala ng mga gamit," sabi niya at lumapit sa amin.

Hindi ko naiwasan ang mapayuko dahil sa sinabi niya. Oo, alam ko namang 'yon naman talaga ang totoo. Pero kahit na gano'n, nasasaktan pa rin ang damdamin ko. Ganito pala ang pakiramdam ng masampal ng katotohanan.

"Sorry naman. E, na-excite lang naman ako," sabi ni Danica sa kanya.

"Hay nako. 'Wag mong idinadamay si Maureen sa mga pantasya mo, ano!" sabi pa ni Monet sa kanya. Mayamaya ay lumakad din naman ito palayo. "Teka, may gagawin pa nga pala ako."

Tuluyan na niya kaming iniwan sa kwarto kaya naman nakapagreklamo na si Danica.

"Naman kasi! Epal nang epal, 'di naman kasali sa usapan!" inis na sabi niya habang masamang nakatingin sa pintuan na para bang nandoon si Monet.

"Hayaan mo na nga," sabi ko na lang. "Tama naman siya, e."

"Ay, naku! 'Wag mong isipin 'yon! Basta, dapat smile lang. Para labas ang beauty!" sabi pa niya sa akin.

"Ay, teka! Magbibihis na 'ko!" taranta kong sabi at agad na naghubad ng uniform ko. "Paki-lock nga 'yung pinto."

"Yan talaga ang susuotin mo?" kunot noong tanong niya sa akin.

"Wala na 'kong ibang damit, e," sagot ko naman sa kanya.

Binilisan ko na ang pagpapalit, pagkatapos ay maayos kong itinabi ang damit ko. Inayos ko na rin ang pagkakatali ng buhok ko na nagulo sa pagpapalit ko ng damit.

"Sige, Danica, alis na 'ko ah?" sabi ko sa kanya.

"Enjoy ka ha!" bilin pa niya. Wala na akong nagaw kung hindi ang tumango-tango.

Nagmadali na akong magtungo sa sala at naabutan ko doon si Junard at si Sir Zeus. Suot pa rin nito ang itim na T-shirt at kulay balat na shorts.

"Oh, ayan na po pala, e. Ihahanda ko na po ang kotse," sabi ni Junard at umalis na sa tabi ni Sir Zeus.

Ako naman ay nahihiyang lumapit kay Sir Zeus. Hindi dahil sa ang gwapo niya. Sige, isang bagay na rin 'yon. Pero mas nahihiya ako dahil sa suot ko. Mukha akong lola sa palda na ito! Nakakainis naman!

"Alam mo? Maganda ka sana, e. Pangit mo lang pumorma," salubong ang kilay na sabi niya sa akin.

Nabigla naman ako sa sinabi niya at kaagad na umawang ang mga labi ko. Totoo ba ang dinig ko? Tinawag niya akong maganda? Gusto ko sanang ipaulit sa kanya ang sinabi niya, pero nahihiya ako. Kaya mas minabuti ko na lang na manahimik.

"Pero. . ."

May sinabi pa siya, pero hindi ko na marinig, dahil ibinulong lang niya iyon.

"Ano po 'yon, Sir Zeus?" tanong ko, ngunit umiwas siya ng tingin sa akin.

"Wala. Halika na," sabi na lang niya.

Tumango-tango na lang ako at sumunod sa kanya sa garahe nila. Doon ay handa na ang kotse at nasa loob na rin noon si Junard. Kaya naman sumakay na lang kaming dalawa at umalis na kami.

Medyo matagal din ang naging byahe namin. Malayo pa kasi sa Doña Blanca ang pinakamalapit na mall sa amin. Sa katabing bayan pa namin iyon mapupuntahan. Ang San Marcos.

"Sige, Sir, bumaba na lang kayo dito ni Maureen. Ipa-park ko lang po 'to, tapos magkita na lang po tayo sa food court," sabi ni Junard nang tumapat kami sa isa sa mga pasukan sa mall.

"Okay," sabi ni Sir Zeus at lumabas ng kotse. Nagmadali na rin tuloy akong bumaba.

Pagkababa ko ay nilingon niya ako at tinanguan. "Come on."

Ngumiti ako at tumango-tango rin at sumunod sa kanya. At namangha ako sa laki at ganda ng mall pagpasok namin. Ang daming tao, ang daming mga ilaw at ang lamig sa buong paligid!

Sa katunayan, hindi naman ito ang unang beses na nakapasok ako sa isang mall. Pero matagal na 'yon, e. Mga bata pa kami noon, e.

Magtataka pa nga ba ako? E, kahit mga mamahaling 'restoran' nga sa Doña Blanca, hindi namin mapuntahan, e. Wala kaming maipambabayad doon.

"Ang ganda talaga dito. . ." Hindi ko namalayang nasambit ko na 'yon sa sobrang tuwa ko.

Narinig ko naman ang bahagyang pagtawa nj Sir Zeus. "Ngayon ka lang ba nakapasok sa mall?"

Umiling-iling naman ako. "Hindi po, a! Nagpunta na rin kami dito ni Tita Maricar at Danica. Pero, noon po 'yon, e."

Tumango-tango na lang siya at hindi na nagsalita pa pagkatapos noon. Nanatili na lang akong nakasunod sa kanya hanggang sa pumasok kami sa loob ng isang bookstore. Ako ang nagdala ng lalagyan ng mga bibilhin niya, habang siya naman ang abala sa pagkuha ng mga nasa listahan niya.

"E, kayo, Maureen? Nag-aaral pa ba kayo?" tanong niya sa akin habang naglalakad kami sa loob.

"Tumigil na po kami sa pag-aaral, e," malungkot na sabi ko sa kanya.

Kahit naman natutuwa ako na nagkakausap kami at nagtatanong siya tungkol sa akin, hindi ko pa rin maiwasan ang malungkot. Sa tuwing iniisip ko kasing 'di kami nakakapag-aral gaya ng iba, nasasaktan talaga ako, e.

"What? Sayang naman," sabi niya pa.

"E, gano'n po talaga, e," sabi ko sa kanya at ngumiti nang mapait. "Kaya nga po nagtatrabaho kami nila Danica. Para po makaipon at makapag-aral."

"Well, kung determined naman kayo, I'm sure may mararating kayo," sabi pa niya sa akin at inilagay ang napiling notebook sa dala-dala kong basket.

Nainggit ako kay Sir Zeus, kaya nakitingin din ako sa mga notebook na nandoon. Nakakatuwang isipin na baka sa isang araw, bibili na rin kami nila Danica ng mga gamit sa eskwela. Kaunting tiis pa siguro at mangyayari na 'yon.

Kumuha ako ng isang notebook na kulay rosas at pinagmasdan 'yon. Puro kasi puso at bulaklak ang disenyo noon. Pero sa pinakagitna ay may nakasulat na dikit-dikit na mga letra.

'Love feels like heaven'

"Naiintindihan mo ba?"

Nagulat naman ako nang biglang magsalita si Sir Zeus na nasa tabi ko na pala. Napaharap ako at napatanga na lang sa kanya. Kaya malaya rin niyang nakuha sa akin ang notebook.

"Alam mo ba ang ibig sabihin nito?" tanong pa niya sa akin.

"Ang pag-ibig daw ay. . ." nag-isip ako at pilit na inintindi ang nakasulat. ". . . Parang langit?"

Napangiti siya habang hawak pa rin ang notebook. Naramdaman ko naman na mukhang magsasalita siya, kaya naghintay na lang ako sa sasabihin niya. Isa pa, ewan ko ba, pero madalas na umurong ang dila ko kapag napapatulala na ako sa kanya.

"Ang ibig sabihin nito, kapag umibig ka, para kang nasa langit. Pakiramdam mo nakasakay ka sa mga ulap sa sobrang gaan sa pakiramdam," paliwanag niya habang nakangiti.

Sa sobrang ganda ng mga ngiti niyang 'yon, pati ako ay nadadala noon. Ganito ba ang sinasabi niya? Ito nga ba ang pakiramdam ng umiibig?

"Kagaya ng nararamdaman ko ngayon?" wala sa sariling tanong ko.

"Hmm?" tanong niya, kaya natauhan ako at napatakip ng bibig ko.

"A-Ang ibig ko pong sabihin. . . Kagaya po ba ng tuwang nararamdaman ko ngayon? Na. . . Nandito po ako ulit sa mall," palusot ko na lang. Mabuti at naisip ko ang dahilan na 'yon. Kung hindi ay mabubuko pa niya ang pagtingin ko sa kanya!

"Hindi gano'n," sagot niya at napangiti pang muli. Sinundan ko naman ng tingin ang mga kamay niya nang ibaba niya ang notebook. "Mas higit pa do'n."

Wala na akong naisagot dahil tumingin na lang akong muli sa gwapo niyang mukha. Marami na ba siyang alam sa pag-ibig? Kanino kaya niya naranasan ang sinasabi niyang parang nasa langit? Kanino niya kaya natutunan ang mga ganito?

"But you know what? Kapag nasaktan ka naman, para kang nahulog mula sa langit na 'yon. At napakasakit ng pagbagsak mo," sabi pa niya sa akin.

Sasagot na sana ako nang biglang may humila sa kanyang babae. At hindi ko na rin nagawang magsalita dahil napasinghap na lang ako nang makita ang babaeng 'yon.

"Marquita?" gulat na sambit ni Sir Zeus.

Ni isang salita ay walang lumalabas sa bibig ko. Nanatili lang akong nakatingin sa bwisit na bwisit na mukha ni Marquita. Nakatingin pa lang ako sa kanya, natatakot na ako. Ramdam na ramdam ko ang galit niya kay Sir Zeus sa mga tingin niyang 'yon.

"So, totoo pala ang sabi ni Blake." Napahalukipkip pa siya. "You're in love with a cheap maid!"

"Marquita, don't make a scene here," mariing sabi ni Sir Zeus sa kanya.

Wala akong magawa kung hindi ang manahimik sa isang tabi. Bukod sa wala ako sa lugar na makialam sa away nila, wala rin akong maintindihan sa pinagsasabi nila. Pero pakiramdam ko, pati sa akin ay galit si Marquita. Napakatalim ng tingin na ipinupukol niya sa'kin. Napataas pa ang kilay niya nang tignan ako mula ulo hanggang paa.

"I can't believe this, Zeus." Napatingin siyang muli kay Sir Zeus. "Ibinasura mo ako para lang isang mukhang basahang kagaya niya?!"

"Marquita, ano ba?!" bahagya nang napasigaw si Sir Zeus nang sandaling 'yon. Mabuti at wala kami sa gitna ng store. Kaya wala ring tao sa kinaroroonan namin ngayon.

Hindi siya pinansin ni Marquita at muling tumingin sa akin. "Halika nga rito!" At bigla niya akong hinila.

"M-Ma'am. . ." daing ko.

Hindi naman ako nasaktan sa paghila niya, e. Natatakot lang ako at kinakabahan sa kanya. Bakit ba pati sa akin ay nagagalit siya? Wala naman akong atraso sa kanya ah!

"Marquita, 'wag mo nga siyang idamay!" sabi ni Sir Zeus at hinila naman ako palapit sa kanya.

"Wow, ang sweet huh?" sarkastikong sabi pa ni Marquita at muling humalukipkip.

"Sige, Zeus. Magpakasaya ka d'yan sa puritang 'yan! Sinasabi ko sa'yo, I'll make sure na makakarating 'to kay Ma'am Helen!" sigaw pa niya sa amin na dama ang galit sa bawat salitang binibitawan niya. Pagkatapos noon ay umalis siya na para bang walang nangyari.

Naiwan na lang kami doon ni Sir Zeus na hinahabol siya ng tingin. Nang mawala siya sa paningin namin ay napayuko na lang ako. Grabe na ang pang-aaping ginagawa sa akin ng Marquita na 'yan. Hindi ko alam kung bakit galit na galit siya sa akin. Ano ba'ng kasalanan ko sa kanya?

"Maureen, sorry. . . Hindi ko naman alam na gano'n katapang si Marquita," paumanhin sa akin ni Sir Zeus.

Napatingin ako sa kanya at katulad ko ay kunot ang noo niya. Siguro katulad ko ay gulat din siya sa nangyari. Hindi niya rin siguro matanggap.

"Ayos lang po 'yon," sabi ko na lang.

Inaya ko na lang si Sir Zeus na ipagpatuloy na lang ang pagbili namin ng mga gamit niya. Sa tingin ko naman ay wala na si Marquita. Pero nagugulo pa rin ang isip ko. Ano kaya talaga ang nangyari sa kanila at bakit ganito na lang ang galit ni Marquita na umabot sa puntong dinamay pa niya ako?

Itutuloy. . .


Load failed, please RETRY

Status de energia semanal

Rank -- Ranking de Poder
Stone -- Pedra de Poder

Capítulos de desbloqueio em lote

Índice

Opções de exibição

Fundo

Fonte

Tamanho

Comentários do capítulo

Escreva uma avaliação Status de leitura: C23
Falha ao postar. Tente novamente
  • Qualidade de Escrita
  • Estabilidade das atualizações
  • Desenvolvimento de Histórias
  • Design de Personagens
  • Antecedentes do mundo

O escore total 0.0

Resenha postada com sucesso! Leia mais resenhas
Vote com Power Stone
Rank NO.-- Ranking de Potência
Stone -- Pedra de Poder
Denunciar conteúdo impróprio
Dica de erro

Denunciar abuso

Comentários do parágrafo

Login