K a b a n a t a 9
Medyo singkit na mga mata, matangos na ilong at maninipis na labi—walang duda! Kahawig ko nga ang babae sa drawing na 'to!
Pero bakit? Ano'ng ibig sabihin nito? Si Sir Apollo ba ang gumuhit nito?
Naalala ako ang mga tingin sa akin ni Sir Apollo. Sa tuwing nakikita ko siyang tumitingin sa akin nang ganoon ay napapaiwas nalang ako ng tingin. Naiilang kasi ako roon. Lalo na sa tuwing kinakausap niya ako at para bang may kakaiba sa ngiti niya.
Ibig sabihin ba nito ay may gusto sa'kin si Sir Apollo?
"Sinong nand'yan?"
Kaagad na namawala ang napakaraming tanong sa isip ko nang marinig ko ang boses ni Manang Guada. Nataranta ako kaya't nagmadali ako nang kinuha kong muli ang T-shirt na pula at ang iba pang mga damit ni Sir Apollo.
Kaagad kong nakita si Manang Guada pagkalabas ko ng kwarto ni Sir Apollo. Pinilit kong ngumiti, kahit kinakabahan ako. Hindi ko rin alam kung bakit. Siguro dahil sa pagmamadali ko.
"Kinuha ko lang po 'tong mga damit ni Sir Apollo, Manang," sabi ko sa kanya.
"Ay, susme! Akala ko kung ano," tugon niya. "Oh siya, bilisan niyo nang maglaba."
"Opo," sagot ko at muling ngumiti. Bumaba na rin naman ako habang dala ang maruruming damit ni Sir Apollo.
Habang pababa ay naalala ko naman ang nakita ko sa kwato ni Sir Apollo. Ako nga ba 'yon o nag-iilusyon lang ako?
* * *
Medyo matagal-tagal ding nawala ang mga Lorenzino. Sabi ni Manang Guada, kumain daw sila sa labas. Kaya iyong nilutong tanghalian ni Manang Guada ay kami nalang ang kumain. Ang natira naman ay hapunan mamayang gabi.
"Kamusta kaya si Jacob do'n sa kanila?" tanong ni Danica sa akin habang nagpapahinga kami sa kwarto. Hindi naman talaga pahinga ang ginagawa namin, dahil nagtitiklop na kami ng mga damit.
"Bakit mo naman natanong?" Bahagya pa akong natawa. Kadalasan naman ay away-bati sila, e.
"Sigurado akong imbis na mamahinga 'yon, kung ano-ano pa'ng gagawing raket no'n," sabi niya naman.
Sa bagay. Ganoon naman talaga si Jacob. Panganay kasi si Jacob sa limang magkakapatid. May tatay at nanay naman sila, pero syempre, kailangan pa rin niyang tumulong sa mga ito. Lalo pa at bilang kuya, ayaw niyang matulad sa kanya ang mga kapatid niya. Gusto niya, kahit high school ay mapagtapos ang mga ito.
"Ang sipag naman pala ni Jacob!" manghang sabi ni Monet, na katulong nga rin pala namin sa pagtitiklop.
"Oo, Monet. Hindi nga maawat sa kasipagan 'yon, e," natatawang sabi ni Danica.
"Kabaliktaran naman ni Danica," biro ko naman, kaya sinamaan niya ako ng tingin.
"Oo nga pala, Monet, ikaw ba, huminto ka ba sa pag-aaral?" tanong pa ni Danica.
"Oo. Nitong taon lang," malungkot na sagot ni Monet. "Graduating na sana ako sa pasukan."
"Sayang nga," sagot ko.
"Ay naku! Ang hirap talaga ng buhay natin, 'no? Kahit gusto nating mag-aral, hindi pwede," sabi naman ni Danica. "Kaya kami nitong si Maureen, mag-iipon kami para makapag-aral ulit."
"Ako kasi, ayaw nang pag-aralin ng pamilya ko," tugon ni Monet na mas naging malungkot na ngayon.
"Ha? Bakit?" tanong ni Danica.
"Oo nga, bakit?" nagtatakang tanong ko rin.
"Kasi gan'on din naman daw, e. Mahirap pa rin daw kami. Sayang lang ang pera," sagot ni Monet.
"Nakakalungkot naman 'yan," sabi ko.
Hindi ako makapaniwala na mismong mga mahal pa niya sa buhay ang pumipigil sa kanya na mag-aral. Pero, hindi ko rin naman sila masisisi. Medyo tama naman sila. Pero hindi. Ako, mag-iipon ako at magsisikap ako!
Napabuntong-hininga si Monet at tipid na ngumiti. "Siguro dapat tanggapin nalang natin ang kapalaran natin."
Natahimik kami sandali doon, hanggang sa nagsalita ulit si Monet.
"Oh, Maureen, dalhin mo na 'to sa kwarto ni Sir Apollo," nakangiting sabi niya.
"Ayoko!" kaagad kong sabi kaya taka siyang napatingin sa akin. Naging dahilan naman 'yon para mahimasmasan ako at matauhan. "Ah hindi—i-ibig kong sabihin. . ."
"Ako nalang ang magdadala n'yan, Monet," kaagad namang sabi ni Danica na sinaklolohan ako. Mabuti na nga lang at kaming tatlo lang ang nandito. Kundi, lagot na 'ko!
"Ah ganoon ba? Sige," sabi naman ni Monet na mukhang nakalimot na sa inakto ko kanina.
"Maureen, ikaw naman dalhin mo 'to sa kwarto ni. . . . 'Sir Zeus," sabi naman sa akin ni Danica. Kamuntikan ko na siyang mapagalitan dahil ipinagdiinan pa talaga niya ang pangalan ni Sir Zeus sa akin!
"Ah, s-sige," sabi ko naman at kinuha ang mga damit ni Sir Zeus.
"Iidlip siguro muna ako. Wala pa naman yatang gagawin," sabi naman ni Monet at umakyat sa itaas ng double deck.
Lumabas naman na kami ni Danica habang dala-dala ang damit ng magkapatid. Nauuna siya sa akin, kaya madali kong napansin nang sumenyas siya na huminto ako.
Nang tumigil ako ay hinila niya ako sa isang tabi. Pakiramdam ko ay nagtatago kami, kaya naman hindi nalang ako nag-ingay.
"Answer me, Zeus. Do you really love Marquita?" nadinig kong tanong ni Apollo.
"Ano ba 'yan! Hindi ko masyadong naintindihan!" inis na bulong ni Danica, pagkatapos ay lumingon siya sa akin. "Pero tinatanong niya kung mahal ni Zeus si Marquita, 'di ba? Tama?"
Tumango-tango naman ako bilang sagot at ipinagpatuloy namin ang pakikinig.
"Hindi ako sure, Kuya," sagot naman ni Zeus na ikinagulat namin ni Danica. Sa katunayan nga ay nagkatinginan pa kami.
"W-What?" Maging si Sir Apollo ay parang hindi rin makapaniwala.
Ang akala naman kasi naming lahat, sigurado si Sir Zeus sa nararamdaman niya kay Marquita! Hindi nga ba at nalulungkot at naiinis siya dahil sa sinabi ni Blake?
"Kasi, Kuya, I think I like someone else," pag-amin ni Sir Zeus.
"A-Ano raw?" naguguluhang tanong ni Danica.
"Hindi ko alam! Basta may I like eh. Ibig sabihin no'n, gusto 'di ba?" sabi ko naman.
"E, ano ba 'yung someone else? Ang hirap ng bobo sa English!"
"Wag kang maingay!" pabulong pa rin na saway ko kay Danica.
"May gusto kang iba? At sino naman?" tanong ni Sir Apollo.
Sa wakas ay naintindihan na namin nang mas maliwanag! Pero teka, may iba pang gusto si Sir Zeus bukod kay Marquita? Sino naman kaya?
Pigil-hininga kami ni Danica habang naghihintay sa sagot ni Sir Zeus. Medyo kinakabahan na rin ako dahil baka may makahuli sa amin dito! Mabuti nga at may dingding dito malapit sa sala. Dingding ito ng kwarto ni Manang Guada.
"Nevermind. Nalilito lang siguro ako dahil ngayon ko lang ulit siya nakita."
Nadismaya naman ako sa sagot na 'yon ni Sir Zeus. Hindi man lang niya sinabi kung sino 'yung isa pa niyang nagugustuhan bukod kay Marquita. Pero bakit ba kailangang malaman ko pa? Sigurado namang hindi ako 'yon. Masyadong imposible.
Sigurado ako, isa ring mayaman at magandang babae 'yon.
"You better clear your mind before it's too late," sabi pa ni Sir Apollo na hindi ko rin naintindihan. Mahina talaga kami sa Ingles, e.
"Thanks for the talk, Kuya. I'm gonna go upstairs."
Pagkatapos sabihin iyon ni Sir Zeus ay narinig namin ang tunog ng paglakad niya. Maya-maya pa'y umaakyat na siya sa hagdan.
"Halika na, Maureen! Pagkakataon mo na 'to!" sabi naman sa akin ni Danica.
"Kahit kailan hindi ako magkakaroon ng pagkakataon kay Sir Zeus ano," tugon ko naman.
"Samantalahin mo na 'to habang nalilito pa siya sa nararamdanan niya kay Marquita!" sabi pa niya. Pagkatapos naman ay inipit niya ang ilang takas na buhok ko sa likod ng tainga ko. "Kailangan maganda ka."
Kinuha ko naman ang braso niya. "Tama na, Danica. Kahit ano'ng gawin ko, hindi ko mapapantayan ang kung sino mang nasa puso niya."
Tinignan ako ni Danica nang ilang segundo bago magsalitang muli. "Halika na nga lang."
Naabutan pa namin si Sir Apollo na nanonood ng balita sa TV. Mabuti at hindi naman niya kami pinansin. Hindi ko pa rin maialis sa isip ko ang drawing na nakita ko sa kwarto niya. Hay, parang napakarami namang nangyari sa buong maghapon na 'to.
Kumatok muna ako ng tatlong beses pintuan ng kwarto ni Sir Zeus. Nagsalita na rin ako matapos 'yon.
"Sir Zeus, e-eto na po 'y-yung mga damit niyo po," sabi ko sa malakas na boses.
"Sige, ipasok mo nalang dito," sagot naman ni Sir Zeus mula sa loob ng kwarto niya.
Inayos ko muna ang pagkakahawak ng mga damit niya sa isa kong kamay. Baka kasi mailaglag ko 'yon, e. Pagkatapos ay pinihit ko na pakaliwa ang door knob. Dahan-dahan din akong pumasok sa loob.
Naabutan ko siyang nakatitig sa cellphone niya at mukhang balisa. Sino kaya ang tinitignan niya? Si Marquita o 'yung isa pang gusto niya?
Hanggang sa maibaba ko't lahat sa paanan ng kama niya ang mga damit niya ay hindi pa rin niya ako pinapansin.
"L-Lalabas na po ako," sambit ko.
Tango lang naman ang isinagot niya sa akin, na para bang wala siyang pakialam sa akin. Teka, wala naman nga pala talaga siyang pake sa akin. Dahil kung tutuusin ay hindi naman talaga ako parte ng buhay niya.
Malungkot akong lumabas ng kwarto ni Sir Zeus. Naiinis ako sa kanya, pero mas naiinis ako sa sarili ko! Palagi ko nalang sinasabing kakalimutan ko na siya, pero heto ako't naaapektuhan na naman sa kanya!
"Oh, ano? Kamusta?" tanong ni Danica na sobrang ngisi pa.
"Walang himala." 'Yon nalang ang sinabi ko sa kanya bago ako naunang bumaba ng hagdan.
* * *
Sa mga sumunod na araw, para bang naging bida si Sir Zeus sa isang teleserye. Palaging minamanmanan ni Danica ang mga kilos niya kapag may pagkakataon.
O, sige, aaminin ko, pati na rin ako ay ganoon. Hindi ko rin kasi maiwasang mapaisip kung sino nga ba ang siyang nilalaman ng puso ni Sir Zeus. Kung sino man siya, napakaswerte niya, at 'wag sana siya si Marquita. Ayokong mapunta si Sir Zeus sa isang babaeng mapanghamak!
Panay naman ang pag-iwas ko kay Sir Apollo. Mabuti nga at may trabaho siya, kaya't hindi siya palaging nandito. Mabuti nalang. Dahil lalo akong nailang sa kanya simula nang makita ko ang larawan na 'yon.
"Siguro dapat, gumamit ka na nito."
Taka akong napatingin sa hawak na lipstick ni Danica.
"Ano namang gagawin ko d'yan? At sa'n mo nakuha 'yan?" tanong ko sa kanya.
"Nakikita ko sila Ate Bella na naglalagay ng gan'to. Tama naman! Hindi porket katulong lang tayo, magpapakalosyang na tayo," sagot nama niya sa'kin.
Iwinaksi ko naman ang kamay niyang may hawak na lipstick. "Pero bata pa tayo, Danica."
"Maureen, dalaga na tayo," giit naman niya. "Pumapag-ibig ka na nga kay Sir Zeus, 'di ba?"
"Maureen."
Kaagad akong napatayo nang makita si Manang Guada sa pintuan ng kwarto namin. Kanina pa ba si Manang d'yan? Narinig kaya niya 'yung sinabi ni Danica? Naku naman kasi si Danica!
"Po? A-Ano po 'yon, Manang?" tanong ko naman, na medyo natataranta.
"Kararating lang kasi ng Sir Apollo mo, e. Pwede ba, ipaghain mo siya?" pakiusap sa akin ni Manang.
Napatingin naman ako kay Danica. Wala nga pala siyang alam tungkol sa drawing. Ewan ko ba at ayokong sabihin sa kanya. Ang daldal kasi niya e. Pinagsisisihan ko na nga nasabi ko sa kanya 'yung kay Sir Zeus.
Pero aaminin ko, medyo gumaan ang loob ko nang masabi ko sa kanya 'yon.
"Maureen, naghihintay ang Sir Apollo mo," sabi pa ni Manang Guada, kaya natauhan ako.
"Ah! O-Opo!" sabi ko at nagmadali nang lumabas ng kwarto.
Ay naku! Nakalimutan ko nang magpalit ng uniporme!
"T-Teka lang ho, Manang. 'Yung damit ko kasi. . ."
Pinasadahan ng tingin ni Manang ang damit ko. Pagkatapos ay ikinawag nang isang beses ang kamay niya. "Ay naku! Ayos na 'yan! Dali at baka gutom na gutom na 'yon."
Halos itulak pa ako ni Manang Guada patungo sa kusina. Wala naman na akong nagawa. Malalim na rin kasi ang gabi, kaya nakapagpalit na ako ng damit. Blouse na kulay violet at pedal na kulay brown.
Ramdam ko naman ang pagsunod ng tingin sa akin ni Sir Apollo habang naghahanda ako ng pagkain niya. Kanina nga ay wala siya noong maghapunan si Ma'am Helen. Ang sabi ni Ma'am Helen, may binili raw sa mall sa San Marcos at na-traffic sa pag-uwi.
"Pwede na po ba akong umalis?" tanong ko matapos kong maihanda ang pagkain niya.
Ilang segundo niya rin akong tinignan habang nakahalukipkip at nakasandal sa upuan niya. Napayuko nalang ako nang mailang akong salubungin ang tingin niya.
"Hindi, dito ka lang. Samahan mo ako," sagot niya, kaya naman gulat na napaangat ang tingin ko sa kanya. Ano ba talaga ang pakay niya sa'kin?
"I-Inaantok na po ako," katwiran ko.
"Umupo ka," utos niya na hindi pinapansin ang katwiran ko. Hindi naman ako natinag sa kinatatayuan ko.
"Hmm? Inuutusan kita, 'di ba?" sabi pa niya.
"Ano po ba talagang gusto niyo?!" hindi ko na napigilan ang sarili ko at nasigawan ko na siya. Kagaya niya ay ikinagulat ko rin naman 'yon. Naku, Maureen! Mukhang iwawala mo pa ang trabaho mo dito!
Bago pa man din siya magsalita ay napayuko ako at napakagat sa ibabang labi ko. "P-Pasensya na po. . . . Sir Apollo."
Ayoko mang humingi ng tawad sa kanya ay ginawa ko pa rin. Ayokong iwala ang trabaho ko dito! Hindi lang dahil kay Zeus, kundi dahil na rin sa sweldong inaasahan ko.
"You saw the sketch, right?"
"A-Ano po 'yon?"
"Yung sketch. Nakita mo, 'di ba?"
Iniisip ko kung ano ang ibig sabihin ng 'sketch'. Pero naalala kong bigla ang drawing na nakita ko sa kwarto niya. Siguro 'yon ang tawag doon.
"P-Paano niyo po nalaman?" takang tanong ko.
Napangisi siya. "Sabi ko na nga ba."
Napaawang ang bibig ko. Gusto kong itanong sa kanya kung ako nga ba ang nasa sketch na 'yon, pero wala akong lakas. Parang ayoko ring marinig ang sagot niya. Kaya muli ko nalang na itinikom ang bibig ko.
"Kumain nalang po kayo. Matutulog na ako," malamig na sabi ko at tumalikod na para sana bumalik sa kwarto ko.
Ngunit nagulat ako dahil mayamaya ay mahigpit niyang hinawakan ang braso ko dahilan para mapatigil ako sa paglalakad. Halos 'di ako makagalaw sa kinatatayuan ko. At ayoko rin siyang lingunin kaya't nanatili lang akong nakatalikod sa kanya.
"Gusto kita, Maureen."
Itutuloy. . .