Baixar aplicativo
5% Ruined Heart / Chapter 3: Kabanata 2

Capítulo 3: Kabanata 2

K a b a n a t a 2

Kinabukasan, kahit tutol ang Itay, minabuti ko pa ring sumama kina Danica at Jacob. Maaga namang umaalis si Itay sa bahay para mamasada, kaya hindi niya alam. Wala na kasi akong ibang naiisip na paraan. Ito nalang ang nakikita kong pag-asa upang makapag-aral akong muli.

"Bakit nga ulit naghahanap ng bagong katulong ang amo mo?" tanong ni Danica kay Jacob. Naglalakad nalang kami patungo sa mansyon ng mga Lorenzino. Hindi kasi ito nakatayo sa gilid lang ng kalsada. Medyo nakaliblib ito. Pero tiyak kong ang nilalakaran naming daan ay pagmamay-ari rin ng pamilya Lorenzino.

"Uuwi ang mga anak niya. Nasa Maynila kasi 'yong mga 'yon, e. Sabi ni Ma'am Helen, namimiss na raw niya," pagkukwento ni Jacob. Mukhang napakarami na pala niyang alam tungkol sa amo niya.

"Ano ba'ng mga anak ni Mrs. Lorenzino? Babae o lalaki?" usisa ni pa Danica.

"Parehong lalaki iyon," sagot naman ni Jacob.

Nangningning naman ang mga mata ni Danica nang malamang parehong lalaki ang mga anak ni Mrs. Lorenzino.

"Narinig mo ba 'yon, Maureen? Mga lalaki raw!" tuwang sabi niya sa akin.

"Ano naman ngayon? Tsaka malay mo mga bata pa 'yon." sambit ko.

"Malalaki na rin sila. Ang alam ko, 'yong isa ay magka-college. 'Yung isa naman, may trabaho na," sabi naman ni Jacob. Napatango-tango na lamang ako.

Iba talaga ang mayayaman ano? Kung tutuusin, sa edad nila, kayang-kaya na nilang tumayo sa sarili nilang mga paa. Kung kami nga nila Danica, maagang sumabak sa hirap ng buhay, e. Pero dahil nga mayaman sila, kailangan pa nila ng katulong.

"Totoo ba 'yan, Jacob?!" hindi naman makapaniwalang tanong ni Danica. Nagpunta pa siya sa unahan namin para makaharap si Jacob.

"Oo, Danica. Pero wala kang pag-asa sa mga 'yon," malamig na sabi ni Jacob sa kanya.

"Tama," sang-ayon ko naman.

"Hmp! Magsama nga kayong dalawa! Ang ke-KJ ninyo!" inis na sabi sa amin ni Danica.

Tinawanan ko lang siya, ngunit si Jacob naman ang nawalan ng imik. Lumabi naman ako at nagtanong, "Hindi naman ba masungit 'yang si Mrs. Lorenzino?"

"Hindi! Sa katunayan, napakabait ni Ma'am. Hindi siya katulad ng ibang mayayamang mapanghamak," sagot ni Jacob. Napahinga naman ako nang maluwag dahil doon.

"Mabuti naman! Ayokong maapi ano. Kung aapihin niya tayo, talagang lalaban ako!" giit naman ni Danica.

Maya-maya rin ay nakarating na kami sa mismong mansyon. Sa gate palang ay tanaw na ang napakagandang mansyon nila. Malawak din ang bakuran nila. Pinagbuksan kami ng mga security guard sa gate nila. Pagpasok ay lalo kaming namangha ni Danica sa yaman nila.

"Ang yaman pala talaga nila," manghang sabi ni Danica nang makapasok kami.

"Si Ma'am Helen nga rin pala ang donor sa pinakamagandang school dito," sabi pa ni Jacob.

Sinamahan kami ni Jacob hanggang sa loob ng mansyon. Napakaaliwalas sa loob ng mansyon dahil halos kulay puti ang mga pintura. Nakakamangha rin ang mga larawang nakasabit sa dingding ng sala nila. Painting yata ang tawag doon.

Kaagad naman kaming nakita ng isang katulong doon na halatang may edad na. Mukha rin itong istrikta, kaya hula ko ay siya ang mayordoma.

"Oh, Jacob, nar'yan ka na pala. Sandali at tatawagin ko si Ma'am Helen."

"Sige ho, Manang Guada," magalang na sagot ni Jacob sa matandang katulong.

"Maupo muna tayo," yaya ni Jacob sa amin habang naghihintay kami.

"'Wag muna, Jacob. Nakakahiya. Hintayin nalang natin si Ma'am Helen," bulong ko sa kanya.

"Ah, oo nga," sang-ayon ni Jacob. "Mabuti pa nga."

Maya-maya'y nakita na naming bumababa mula sa isang magarbong hagdanan ang isang babae. Tantiya ko'y nasa kwarenta pataas lamang ang edad niya, ngunit mukha siyang mas bata pa. Nakasuot siya ng isang eleganteng bestida at maposturang-mapostura rin siya.

"Good morning po, Ma'am Helen," bati ni Jacob.

"Good morning po, Mrs. Lorenzino," bati naman namin ni Danica at bahagyang yumuko.

"Sila nga po pala 'yung mga nirerekomenda ko po. Mga kababata ko po," pakilala sa amin ni Jacob kay Ma'am Helen. "Siya naman si Ma'am Helen Lorenzino, ang amo ko."

"Oh, maupo kayo," sambit ni Mrs. Lorenzino at nginitian kami. Sumunod naman kaming tatlo sa kanyang sinabi.

"Manang Guada, ipaghanda mo kami ng meryenda," utos naman niya sa katulong.

"Sige ho, Ma'am Helen," sabi nito at kaagad na umalis.

"Ano'ng pangalan ninyo?" malumanay na tanong sa amin ni Mrs. Lorenzino.

"Ako po si Danica. Danica Santos po," sagot ni Danica.

"Ako naman po si Maureen Calderon," pakilala ko naman.

"Danica at Maureen," pag-uulit ni Mrs. Lorenzino ng pangalan namin at tumango-tango. "Ilang taon na kayo?"

"F-Fifteen po," sagot naming dalawa.

"Kagaya rin pala ni Jacob," sabi ni Mrs. Lorenzino. "Huminto na rin kayo sa pag-aaral?"

"Opo e," sagot ni Danica.

"Nakalulungkot naman," komento ni Mrs. Lorenzino. "Oh siya, hindi ko na kayo masyadong pahihirapan pa't si Jacob naman ang nagrekomenda sa inyo. Pero titignan ko pa rin ang performance ninyo ah."

"Ibig sabihin po ba, tanggap na po kami?" tanong ko kay Mrs. Lorenzino.

"Oo. Pwede na kayong magsimula bukas na bukas din," nakangiting sagot ni Mrs. Lorenzino.

"Maraming salamat po!"

Kulang nalang yata ay mayakap namin si Mrs. Lorenzino dahil sa pagkagalak. Sa wakas ay makakaipon na ako ng pamasok ko! Nararamdaman kong unti-unti ko nang maaabot ang aking mga pangarap. . .

* * *

Kagaya ng inaasahan ko'y nagalit si Itay. Ngunit nahimasmasan din naman siya nang malamang natanggap na ako. Sa wakas ay naintindihan din niyang para sa akin din naman ito. Para sa amin. Pangarap kong makaahon sa hirap para hindi na magdusa pa si Itay.

Ngayong araw ang simula ng aming trabaho bilang katulong sa mansyon ng mga Lorenzino. Dahil darating bukas ang mga anak ni Mrs. Lorenzino ay pinaglinis niya kami ng buong mansyon. Kami ni Danica ang napaglinis ng mga silid doon.

Malalaki ang bawat silid sa mansyon na 'yon. Tantiya ko nga'y halos singlaki na ng bahay namin. May telebisyon sa bawat kwarto. May aircon din at sariling banyo. Tila isang panaginip kung isang gabi ma'y magkakaroon ako ng pagkakataong makatulog dito.

Hindi naman ganoon karumi ang mga silid. Madalas ay mga alikabok lang ang nawawalis ko sa sahig at napupunasan ko sa mga kagamitan doon.

"Maureen, right?"

Paglabas ko mula sa isang silid ay nakita ko si Ma'am Helen. Base sa hawak niyang shoulder bag ay mukhang may pupuntahan siya.

"Ah, opo," sagot ko.

"Don't forget to clean my room, huh?" bilin niya sa akin. Tumango-tango naman ako.

"Sige po, Ma'am. Ngayon din po ay lilinisin ko," nakangiti kong sabi.

"Alright," sagot niya. "I have to go."

Pagkalabas niya ng mansyon ay pumasok na ako sa kanyang kwarto. Mabuti naman at may tiwala si Ma'am Helen sa amin kahit baguhan lang kami. Sana lang ay hindi ko makaranas ng kalupitan sa mansyong ito. Ayoko namang sapitin ang ganoon.

Simple lang ang kwarto ni Ma'am Helen, ngunit elegante pa rin ang dating. Kulay tsokolate at puti lang halos ang makikita sa kanyang kwarto.

Mayroon na rin siyang mesa doon at may isang upuan. Siguro ay dito siya gumagawa ng mga trabahong iniuuwi sa bahay niya. Si Ma'am Helen daw ay isang bisor sa isang kilalang bangko dito.

Sa mesang nasa tabi ng higaan niya ay may tatlong frames. Ang una ay family picture nila na hula ko ay noon pa kinuhanan dahil bata-bata pa ang hitsura niya rito ng asawa niya. Bata pa rin ang dalawa nilang lalaking anak.

Sa gilid noon ay ang litrato ng dalawa niyang anak. Napatingin ako roon nang matagal. Makikisig pala ang mga anak ni Ma'am Helen. Para itong mga modelo, lalo na ang isa na mas maputi at mukhang mas bata.

Hindi ko namalayang natagalan na pala ako sa pagpupunas ng frame na 'yon. Natauhan naman ako at kaagad ding ibinalik iyon. Nang matapos naman ako ay lumabas na rin ako ng silid.

* * *

"Bukas na raw darating 'yung mga anak ni Ma'am Helen!" nasasabik na sambit ni Danica. Nasa bahay na kami. Malapit lang naman kasi ang bahay namin sa mansyon, kaya't pinapayagan kaming umuwi kung tapos na ang mga gawain namin.

"Naku, baka maihi ka pa sa salawal mo kapag nakita mo sila," sabi ko naman sa kanya. Hindi ko na napigilan ang sarili ko.

"Ano'ng ibig mong sabihin, Maureen? Nakita mo na ang mga anak ni Ma'am Helen?" tanong sa akin ni Danica.

"Oo, Danica. Kanina pinalinis sa'kin ni Ma'am Helen 'yung kwarto niya. Nakita ko do'n 'yung litrato ng mga anak niya," paliwanag ko sa kanya.

"Talaga? Ano'ng hitsura nila?" tanong ni Danica na halatang nasasabik.

"Basta," sabi ko nalang, dahil iniiwasan kong maisip ang isang anak ni Ma'am Helen. 'Yung mas maputi. Kung bakit ay hindi ko alam.

"Ang gara mo naman, Maureen!" Humalukipkip pa siya. "Sana pala ako nalang ang naglinis ng kwarto ni Ma'am Helen."

"Makikita mo rin naman sila bukas," sabi ko sa kanya.

"Gwapo ba sila?" tanong pa niya sa akin. Napangiti naman ako.

"Mukha silang mga artista," sagot ko naman sa kanya.

Napatingala naman siya na parang nangangarap. "Gusto ko na silang makita!"

Tinawanan ko nalang siya.

"Nga pala, hindi ka pa ba uuwi?" tanong ko sa kanya. Gabing-gabi na rin kasi. Gusto ko nang magpahinga.

"Heto na nga," sabi niya at tumayo na mula sa bangko. "Bukas nalang, Maureen. Makikita ko rin sila."

"Oo na!" sabi ko nalang.

Nang makalayo siya ay saka ako pumasok sa bahay. Nagulat naman ako nang makitang gising pa si Itay at nakikinig sa radyo. Dederetso na sana ako sa papag namin nang magsalita siya.

"Ano'ng pinag-uusapan ninyo ni Danica?" tanong niya. Kaagad namang umahon ang kaba sa aking dibdib. Sa tono ng pananalita ni Itay ay para bang may alam na siya roon.

"Pinag-uusapan lang po namin 'yung amo namin," sagot ko nalang. Pakiramdam ko'y para akong nagsisinungaling. Ngunit sa isip ko'y tama rin naman ang sinabi ko.

"Lalaki pala ang mga anak ni Mrs. Lorenzino?" tanong pa niya.

"O-Opo," sagot ko na kinakabahan pa rin.

"Sana'y hindi ka namasukan d'yan dahil lang sa kanila," sabi niya na para bang may pagkadismaya.

"Tay naman!" Hindi ko napigilang taasan siya ng boses. "Namasukan ako dahil gusto kong makaipon ng pera at hindi para makakilala ng lalaking mayaman."

"Pinaalahanan lang kita, Maureen," mariing sambit niya.

"Hindi naman po ako nakakalimot sa mga sinasabi niyo, Tay," sabi ko naman.

"Mabuti. Alam mo dapat kung hanggang saan ka lang—tayo."

Tumango-tango nalang ako.

* * *

Hindi na ako nagulat nang maraming tao ang nadatnan ko sa mansyon kahit umaga palang. Lahat sila ay abalang-abala. Unti-unti na ngang dinidisenyuhan ang hardin ng mansyon. May kasiyahan kasi dito mamayang gabi dahil sa pagdating ng dalawang anak ni Ma'am Helen.

Kanina ay nakita ko si Jacob na may bitbit na mga mesang gagamitin para sa pagdiriwang mamaya. Kami naman ay abala lang sa pag-aayos ng loob ng mansyon at sa paghahanda ng ibang mga kasangkapan. Ngunit hindi na rin naman ganoon kabigat ang gawain namin dahil nagpa-cater naman daw si Ma'am Helen.

Ang aatupagin nalang namin mamaya ay paglilinis at pag-aasikaso sa mga bisita.

"Guada."

Napatingin kami kay Ma'am Helen na noon ay bumababa ng hagdan. Para siyang nagmamadali.

"Ma'am," kaagad namang napadiretso ng tayo si Manang Guada.

"Maghanda na kayo. I will introduce you to my sons," utos ni Ma'am Helen.

"Masusunod po, Ma'am," sagot ni Manang Guada. Dire-diretso naman nang lumabas si Ma'am Helen.

"Maureen! Nandito na yata ang mga anak ni Ma'am Helen!" bulong sa akin ni Danica na punong-puno pa rin ng pananabik.

"Oh, tama na muna 'yan. Magsiayos muna kayo, para maipakilala tayo ni Ma'am sa mga anak niya," utos sa amin ni Manang Guada.

Tinigilan muna namin ang kanya-kanyang ginagawa namin. Pagkatapos noo'y pumila na kami sa bandang pintuan.

"Tsk. Danica, umayos ka nga," naiinis na bulong ko kay Danica. Para kasi siyang kiti-kiti kanina pa.

"Nae-excite lang kasi ako, Maureen," sabi niya sa akin.

"Danica, nandito tayo para magsilbi. Hindi para magpakahibang sa kanila," sabi ko sa kanya. Sinimangutan naman niya ako.

"Paparating na sila. Yumuko kayo pagdating nila ha," utos naman sa amin ni Manang Guada. Siya kasi ang nagsisilbing mayordoma dito.

Nang makapasok nga sina Ma'am Helen kasama ang dalawa niyang anak na lalaki ay nagsiyuko kami. Si Danica nga'y parang ayaw pang yumuko kung hindi ko lang siniko.

Nang mag-angat ako ng tingin ay mas nakita ko na sila—siya. 'Yung bunsong anak ni Ma'am Helen. Mas maputi pa siya kaysa doon sa picture at tingin ko'y mas bata siya doon, dahil parang mas gumwapo ang hitsura niya ngayon. Kaya lang, kung doon sa picture ay matamis ang ngiti niya, ngayon nama'y para siyang sinakluban ng mundo sa hitsura niya.

"Heto ang mga bago nating maids: si Regine, si Tina, si Danica, si—"

"Mom, 'wag na. Hindi naman namin makakabisado ang pangalan nila," pagputol niya sa sinasabi ni Ma'am Helen.

Kung kanina'y may paghanga pa ako sa kanya dahil sa kakisigan niya, ngayo'y bigla itong nawala. Ganyan pala ang ugali niya. Tama nga si Itay. Ang ibang mayayaman ay may pera ngunit nawawalan ng puso.

"Zeus," pagsaway ng kuya niya. "Mom, go on."

Sa tingin ko'y kuya nga siya ni Zeus dahil mukha siyang mas matanda, ngunit mas maotoridad.

"Si Maureen, si Bella, at si Monet," pagpatuloy ni Ma'am Helen. Napangiti ako at yumuko nang banggitin ni Ma'am Helen ang pangalan ko.

"Alright. Alright. Now, can I go to my room?" bagot na bagot na tanong niya—ni Zeus, ayon sa narinig ko sa kuya niya.

"Oh, right. You must've been very tired. Sige, magpahinga muna kayo," sambit ni Ma'am Helen, ngunit parang nakikita ko sa kanya ang kadisamayahan dahil sa ikinikilos ng anak. Kawawa naman si Ma'am Helen. Siguradong na-miss niya nang sobra ang mga ito, pero ganito lang ang trato sa kanya.

Dire-diretso lang na umakyat si Zeus patungo sa kanyang kwarto. Inutusan niya 'yung dalawang katulong na dalhin ang mga bagahe niya. Ang kuya naman niya ay lumapit kay Ma'am Helen at humalik sa pisngi nito. Mabuti pa ito, kahit papano'y nagpapakita ng malasakit sa nanay nila.

"Later, Mom," sabi pa nito bago umakyat.

Nahihiyang napatingin sa amin si Ma'am Helen. "Sorry about that. Mainitin lang talaga ang ulo ng isang 'yon. Oh, siya. Bumalik na kayo sa mga gawain niyo."

Sa isang iglap ay nagsi-alisan na kami roon at nagpunta sa mga kanya-kanyang gawain.

"Ang kikisig nga nila, Maureen!" kinikilig pang sabi sa akin ni Danica.

"Iyon pa rin  talaga ang naisip mo? Hindi mo ba nakita ang kagaspangan ng ugali no'ng Zeus?" tanong ko sa kanya.

"Ano ka ba? Sigurado pagod lang talaga siya sa byahe at gustong magpahinga," pagtatanggol naman niya. Napailing nalang ko at hindi na sumagot pa.

* * *

Namamangha ako sa mga nakikita ko sa paligid ng bakuran ng mga Lorenzino. Ang mga ilaw, ang mga dekorasyon na mga mamahaling bulaklak, ang mga pagkaing talaga namang nakakatakam, ang mga mesa at upuan na halatang mamahalin. First time ko kasing nakaranas ng ganitong party. Kaya lang, heto, isa akong katulong at hindi isang bisita.

May ilang mga kilalang personalidad dito sa bayan namin ang mga nagsidalo. Lahat ay nakasuot ng magagarang damit. Naghuhumiyaw sa kanilang kasuotan ang katayuan nila sa buhay—elegante at mayaman.

"Grabe. Ang sarap talagang maging mayaman," sabi ni Danica sa akin. Wala kaming ginagawa sa ngayon dahil nakatuon ang atensyon nila kina Zeus at Apollo na pinapakilala sa harapan.

"Oo nga. Samantalang tayo, minsan lang makatikim ng handa sa birthday," sang-ayon ko sa kanya.

"Ang daya naman ng kapalaran natin," malungkot niyang sabi.

Bumuntong-hininga ako. "Isipin mo nalang ay magtatrabaho tayong mabuti para makapag-aral."

"Tama ka," sagot naman niya. Hindi na kami muling nag-usap pa dahil dumating si Manang Guada ay may iniutos sa amin. May mga regalo siyang ipinalagay sa loob ng mansyon.

Maya-maya, pagbalik ko sa labas ay may isang magandang babae ang lumapit sa akin. Hindi siya katangkaran, ngunit sakto lang naman ang laki niya. Humuhubog ang katawan niya sa berdeng bestida niya. Napapalamutian naman siya ng mga gintong alahas. Ang buhok niyang kulot sa dulo ay abot hanggang sa itaas ng kanyang dibdib. Bilugan ang kanyang mga mata at may ngiting napakatamis.

"Excuse me, saan ang comfort room dito?" tanong niya sa akin.

"Ah, dito po, Ma'am. Sumunod po kayo sa akin," sabi ko sa kanya at mas nauna akong maglakad. Sinundan naman niga ako papasok sa mansyon.

"Heto na po, Ma'am," sabi ko nang makarating kami sa pinakamalapit na CR dito sa loob ng mansyon.

"Thank you." Nginitian niya naman ako at pumasok na sa loob.

Hindi naman niya sinabi sa akin na hintayin siya, ngunit iyon na rin ang aking ginawa. Bisita siya ng mga Lorenzino, at parang nagsisilbi na rin ako sa kanya.

Ilang sandali pa'y lumabas siya at hindi na ako pinansin pa. Sumunod nalang ako sa kanya palabas ng bahay. Nang makalabas kami'y naroon si Ma'am Helen kasama ang isa niyang anak—si Zeus.

"Marquita! You're here!" sabik na wika ni Ma'am Helen nang makita siya.

"Tita!" Lumapit siya kay Ma'am Helen at niyakap ito. Nang matapos ang yakapan nila ay napatingin naman siya kay Zeus at ito ang niyakap.

"Zeus! It's been a long time!" sabi naman niya rito.

"Marquita! Wala ka pa ring pinagbago," sabi naman ni Zeus sa kanya. At sa unang pagkakatao'y nakita kong sumilay ang mga ngiti sa labi ni Zeus.

Sino kaya ang babaeng ito at bakit parang napaka-espesyal niya kay Zeus? Isa lang ang alam ko. Nang mga sandaling 'yon ay tila may kirot sa aking puso. Ano ba ito?

Itutuloy. . .


Load failed, please RETRY

Status de energia semanal

Rank -- Ranking de Poder
Stone -- Pedra de Poder

Capítulos de desbloqueio em lote

Índice

Opções de exibição

Fundo

Fonte

Tamanho

Comentários do capítulo

Escreva uma avaliação Status de leitura: C3
Falha ao postar. Tente novamente
  • Qualidade de Escrita
  • Estabilidade das atualizações
  • Desenvolvimento de Histórias
  • Design de Personagens
  • Antecedentes do mundo

O escore total 0.0

Resenha postada com sucesso! Leia mais resenhas
Vote com Power Stone
Rank NO.-- Ranking de Potência
Stone -- Pedra de Poder
Denunciar conteúdo impróprio
Dica de erro

Denunciar abuso

Comentários do parágrafo

Login