"Hmmmm...la la la..." ang lapad ng ngiti ni Shine sa harap ng whole body mirror sa loob ng kwarto habang inaayos ang suot na sleeveless carnation mini-dress at hinihila ang laylayan pababa upang 'di gaanong makita ang kanyang panty-short.
"La la la..." dugtong niya sa awiting 'di matapos-tapos sa isip habang pinapasadahan ng tingin ang buong katawan, mula ulo hanggang paa.
Ayaw niyang mapahiya sa boyfriend niya. Pasalamat na lang siya, pumayag ang inang makipagkita siya sa nobyong si Miko, ang isa sa pinakamatalino at pinakagwapong estudyante sa LA SALLE Dasma kung saan siya nag-aaral ng college.
Iyon ang unang date nila, new year pa man din. Kaya kailangan talagang maganda siya sa paningin nito.
"Shine! May naghahanap sa'yo. Miko daw ang pangalan!" mula sa labas ng kwarto'y narinig niya ang boses ng kanyang mama.
Umalingawngaw pa ang pangalan ng nobyo sa kanyang pandinig. Napahagikhik siya bigla sa sobrang kilig at agad hinablot sa ibabaw ng tokador ang cute niyang sling bag na carnation din ang kulay at nagmadali nang lumabas ng kwarto para salubungin si Miko.
Pagkakita lang sa kanya'y agad umawang ang mga labi nito at halos 'di kumurap kakatitig. 'Di tuloy niya mapigilang mag-blush lalo na nang makalapit dito.
"Hi!" bati niya saka ito mabilis na hinalikan sa pisngi at agad tumingin sa palibot kung may nakakita subalit natakpan niya ang bibig nang mapansing nasa sala pala sila at duon nag-iinuman ang mga magulang kasama ang mga bisita na nagulat din sa kanyang ginawa.
Sa sobrang hiya'y nahila niya palabas ng bahay si Miko na nagpatianod lang sa ginawa niya at kung kelan sila nakalabas ng bahay ay saka naman siya sumigaw para magpaalam sa mga magulang.
"Pa, Ma, alis na po kami!"
Sinabayan niya ng hagikhik ang sinabi habang hawak ang kamay ng lalaki.
"Saan pala tayo pupunta?" usisa niya sa nobyong kumawala sa pagkakahawak niya at sumakay sa Mio nitong motor.
"Sa Kadiwa muna tayo. Gusto kong balikan ang first meeting natin doon," sagot nito.
"Ha?" dismayado niyang sambit.
Kadiwa na naman? Noong pasko, doon din sila lihim na nagkita. Ngayong pormal na silang nagpaalam sa mga magulang, doon na naman sila pupunta? 'Di ba nagsasawa ang lalaking ito kakatingin sa park na 'yon na malibang araw-araw nila iyong dinadaanan papuntang eskwelahan ay doon pa sila tumatambay pagkagaling sa school? Wala bang ibang maisip na venue ang binata o talagang iyon lang ang alam nitong park?
"O--okay fine, Kadiwa," she agreed while rolling her eyes. Ano bang merun sa kadiwa at paborito itong tambayan ng nobyo?
Nagrereklamo man ang buong puso niya't katawan, wala pa rin siyang magawa kundi sumunod dito't takot siyang mawalan ng super-duper gwapo at sikat na boyfriend.
Umangkas siya sa likod nito at mahigpit na humawak sa tyan nito sabay hilig ng ulo sa likod nito habang inaamoy ang pabango nitong gamit.
'Hmmmm. Ang bango ng bf ko. Kakagigil!' hiyaw ng kanyang isip, ipinikit ang mga mata habang kinikilig na ina-anticipate kung anong posibleng gawin ng binata sa kanya sa park, halikan na kaya siya nito? Sa totoo lang never been touched, never been kissed pa siya kahit sabihing isang buwan na silang mag-on. Hindi niya alam kung bakit pero parang naiilang sa kanya ang binata 'pag kasama niya. Subalit ngayon, hindi siya papayag na hindi siya nito mahalikan. 'Pag hindi siya hinalikan mamaya, tulad ng ginagawa niya'y siya ang unang hahalik rito. Lihim siyang napahagikhik sa naisip at saka lang napadilat nang maramdaman ang malamig na simoy ng hangin habang mabilis itong nagpapatakbo ng motor.
Ewan kung bakit bigla na lang siyang kinabahan samantalang sanay naman siya sa ganuong ginagawa ng lalaki.
"Miko, ambilis, nakakalula," angal niya.
"Okay lang 'yan, don't worry," nakangiting sagot, sa halip na bagalan ang pagmamaneho'y lalo pa nitong pinaharurot ang motor.
Napakapit siya lalo sa tyan nito.
"Miko bagalan mo, paliko tayo oh!" utos niya.
Tawa lang ang isinagot nito, hindi siya pinakinggan.
Totoo nga ang kasabihang nasa huli talaga ang pagsisisi dahil hindi agad nakita ng binata ang pasalubong na kotse at huli na para umilag.
"Miko watch out!"
Bago siya tumilapon sa ere ay narinig niya pa ang sariling sigaw hanggang sa maramdaman niya na lang ang pagbagsak ng katawan sa semento at pamamanhid niyon bago siya tuluyang mawalan nang malay.
---------------
"Iyong kasalanan ang lahat. Akin nang sinabi sa'yong huwag isasama si Liwayway sa iyong pangangaso subalit hindi ka pa rin nakinig."
Ang mahina ngunit puno ng pang-uusig na boses ng isang babae ang nagpabalik sa kanyang kamalayan.
Idinilat niya ang mga mata at unang hinanap ang nobyo.
"Miko, asan ka?" anas niya.
Sa una'y malabo ang kanyang paningin at aninag lang ang kanyang nakikita. Subalit kalauna'y naging malinaw na rin ang mukha ng dalawang taong nag-uusap malapit sa kanya.
"Liwayway. Salamat kay Bathala at ikaw'y nagkamalay na," umiiyak na sambit ng sa hula niya'y apatnapung taong gulang na babaeng balot ang buong katawan sa daster na damit, longsleeve din iyon, mga kamay lang ang nakikita at mga paa. Ang ulo ay pinatungan din ng manipis ngunit malapad na bandana, mukha lang nito ang nakikita.
Pagkalito ang unang rumihestro sa kanyang mukha kasabay ng pagsasalubong ng mga kilay saka sunod na pinagmasdan ang lalaking nakatayo sa paanan niya pero iniiwas niya agad ang tingin nang mapansing nakabahag lang ito subalit kamangha-mangha ang hubog ng katawan na halatang madalas sa gym para magpapawis.
Pagkuwa'y nilibot niya ng tingin ang buong paligid at lalong tumaas ang magkabila niyang kilay nang mapansin ang bubong na gawa sa anahaw, maging ang dingding.
"Ouch!" daing niya nang biglang kumilos at maramdaman ang pananakit ng likod. Nang bumaling sa higaan ay napa- "What's this?" siya nang mapansing kawayan ang sahig ng kwartong 'yon at banig lang ang kanyang higaan, kaya pala masakit sa likod.
Muli niyang pinaglipat-lipat ang tingin sa dalawang estranghero sa kanyang paanan. Seguro'y ito ang mga sumagip sa kanila ni Miko nang mabunggo sila ng kotse.
"Who are you? Asan po ang kasama kong lalaki?" sa mahinang tinig ay usisa niya.
Subalit mas nakakagulat ang naging ekspresyon ng mukha ng dalawa pagkarinig sa tanong niya.
At bigla na lang humagulhol ng iyak ang babae sabay luhod, pinagsaklop ang dalawang palad saka tumingala sa taas.
"Mahabaging Bathala. Aming panalangin ay pakinggan. Hindi namin batid kung ano ang inyong balak subalit ang aming Liwayway ay tila bagang nawawala sa sariling kamalayan at nagsasalita ng wikang banyaga. Ano po ang aming gagawin?" dasal nito.
Lalo lang siyang nalito. Bakit gano'n magsalita ang babaeng ito? Hindi niya gaanong ma-gets ang tinuran nito ngunit sa halip na isipin ang bagay na 'yon ay dahan-dahan siyang bumangon.
Nang makita siya ng binatang sa hula niya'y Dise-otso lang ay agad siya nitong inalalayang makaupo.
"Salamat," an'ya rito't muling nilibot ng tingin ang buong paligid.
Bakit wala man lang electric fan sa buong kwarto? Tanging malamig na simoy lang ng hangin mula sa mga bintana ng silid ang nagpapalamig sa pakiramdam niya.
'Di niya iniexpect na merun pa palang ganitong bahay sa Cavite, pero ayaw niyang magmaliit lalo na sa kaalamang ang mga ito ang nagligtas sa kanila ng nobyo.
But wait? Bakit pala 'di sila nito dinala sa ospital? Bakit sa halip ay dito sila dinala sa kwartong 'to? 'Di kaya mga kidnapper ang dalawa?
Tinapik niya bigla ang kamay ng lalaking nakahawak pa rin sa likod niya, muling pinasadahan ng tingin ngunit agad itong nagbaba ng mukha.
Hindi naman seguro mga kidnapper ang mga 'to. Sinaway niya ang sarili pagkuwan. Napaka-ungrateful naman niya kung totoo ngang ang dalawa ang kanilang savior tapos pag-iisipan pa niya ng masama.
"Liwayway, patawarin mo ang aliping ito. Hindi niya batid na mapapahamak ka sa inyong pangangaso sa gitna ng kagubatan," anang babaeng nanatiling nakaluhod habang nakaharap sa kanya.
"What? Sinong Liwayway? I'm Shine po. And I don't think uso pa ngayon ang alipin," aniya.
Nakakaloka ang babaeng ito. May nalalaman pang alipin, at pangangaso sa kagubatan.
Naiiling na lang siyang dahan-dahan na tumayo at tulad kanina'y umalalay na uli ang naruong lalaki habang ang ginang ay nakanganga sa kanya't pilit na inuunawa ang mga sinasabi niya.
"Huwag ka munang lalabas ng kubo. Hindi ka pa magaling," saway sa kanya ng binata.
"Nasaan si Miko? Dinala niyo ba sa ospital? Puntahan natin siya. Nasaan ang bag ko? Naro'n ang smartphone ko. Tatawagan ko sina Mama at Papa," sunud-sunod niyang tanong.
Sa halip na sumagot ay lukot ang mukha nitong napatitig sa kanya.
"Mahal na Dayang, 'di ko mawari ang iyong sinasambitan. Wala akong nalalaman sa Miko na iyong tinuturan at yaong ismatpon. At ano baga yaong Mama at Papa?" maang nitong sagot.
"What!" lakas ng bulalas niya.
"It's not smatpon, it's smartphone, haler! You gotta be kidding me!" aburido na niyang sagot sabay kumpas ng kamay at humarap sa labas ng bahay subalit nagulat sa nakita.
Bakit andito siya sa kagubatan? Kinidnap ba siya?
Sa naisip ay itinulak niya ang binata at patakbong lumabas ng kwartong iyon only to find out na nasa gitna nga siya ng kagubatan at tanging ang kubo lang na 'yon ang nag-iisang bahay doon.
Ano'ng nangyari? Nasaan si Miko? Bakit siya lang ang nasa lugar na 'yon? Saang parte ng Cavite ang kinaroroonan niya?
"Mahal na Binibini, mahal na Binibini!" tawag ng lalaki, humabol sa kanya.
"Anong lugar 'to?" tuliro na niyang tanong.
"Ito'y ang pulo ng Dumagit," sagot nito.
"Anong pulo ng Dumagit? Alam kong Cavite lang 'to. May motor ka ba? Lika punta tayo sa bayan."
"Ano yaong Cabite at motor?"
"Ano? My gosh, kunting kunti na lang at mababaliw na ako pakikipag-usap sa mga 'to."
Inilamukos niya sa mukha ang palad saka inis na muling bumaling sa binata.
Wala naman sa itsura nito ang pagiging taong grasa o 'di kaya pagkaadik, pero bakit 'di nito ma-gets ang sinasabi niya? 'Di rin naman niya maunawaan ang sinasabi nito.
Subalit kung mananaig sa kanya ang inis, mas lalong hindi siya makakauwi sa kanila. Baka hinahanap na siya ng mga magulang ngayon. Ang pagkakaalala niya, dapit-hapon sila umalis ni Miko sa kanilang bahay. Pero ngayon, tanghaling tapat na marahil. Ibig sabihin isang araw na siya rito. Ano kaya kung susugan na lang niya ang sinasabi ng kaharap?
"Psst! Kilala mo ba ako?" baling niya uli sa binata.
"Ikaw ang aming Mahal na binibini, ang anak ng Mahal na Raha Raba, ang may hawak ng susi sa kaharian ng Rabana," sagot ng lalaki.
Tumango siya subalit wala namang maunawaan sa sagot nito.
'Ano daw? Anak ng Raha? May hawak ng susi sa kaharian ng Rabana?'
'Relax Shine. Be patient. May mahihita ka rin sa pagtatanong mo,' payo niya sa sarili.
"So, ano'ng lugar 'to?" muli niyang usisa.
"Pulo ng Dumagit."
"Parte ba 'to ng Mindanao, ng Luzon o ng Visayas?"
Maang na napatitig sa kanya ang lalaki.
"Ano yaong Mindanao? Ang pinakamalaking kapuluan rito'y ang Rabana kung saan naruon ang Lakambini Bana, ang iyong Mahal na ina at ang huwad na Raha, Si Datu Magtulis," paliwanag nito.
Raha...Raha....
Umalingawngaw 'yon sa kanyang pandinig.
"Raha ba 'ka mo? Datu?" dismayado niyang pag-uulit sa sinambit nito.
'My gosh. Panahon pa 'yon ni Lapu-Lapu
"You mean, panahon 'to ni Raha Raba at Datu Magtulis?" wala siyang choice kundi susugan ang sinasabi nito.
Tumango ito.
Nakaramdam siya bigla ng kakaibang takot. Batay sa napag-aralan niya, bago sakupin ng mga spaniard ang pinas, Raha at Datu ang namumuno sa mga barangay. Bakit siya napunta rito? Patay na ba siya?
Kinilabutan siya sa naisip at sinampal ang magkabilang pisngi ngunit nang maramdaman ang sampal na yo'y tumawa siya nang malakas imbes na sumigaw sa sakit, bagay na ikinapagtaka ng lalaki maging ng babaeng kalalabas lang ng kubo.
Hindi siya patay. Hindi siya kaluluwa. Pero paano siyang napunta sa lugar na 'to? Nag-time travel siya?
"Tama! Time travel nga!" bulalas niya sabay pilantik.
Kunot-noo na naman niyang pinakiramdaman ang katawan.
"May salamin kayo?"
Muling nagkatinginan ang dalawa at sabay na tumango.
"Wah, that's great. Kilala niyo ang salamin," sa nalaman ay may kunting pag-asang sumilay sa kanyang isip.
Subalit nang makita ang bronseng salamin ay napanganga siya.
"Salamin ang kailangan ko, hindi pang karoling. New Year na ngayon, haller!" aburido na uli niyang wika.
Ngunit mapilit ang babae't ipinagduldulan sa kanya ang tinatawag nitong salamin kaya wala siyang nagawa kundi abutin 'yon at itapat sa mukha niya para lang magimbal sa nakita.
"Ahh! Anong nangyari sa mukha ko?! Mama! Papa! Tulungan niyo ako!"
Malakas niyang sigaw ang pumailanlang sa buong kagubatang iyon.