Lagi kong binabantayan si Minda, iyong baliw na laging nasa harapan ng ihawan ni Aling Rosa, na walang ginawa kung hindi ang magsalita nang magsalita o kaya naman ay mambato ng lupa sa mga dumaraang mga tao.
Kawawa, sabi ng marami. Mayroon namang iba na natatakot dahil baka raw manakit, bakit hindi pa ipakulong. 'Yong iba naman, nandidiri. Si Minda, kapag malungkot, hindi na lamang kikibo. Kapag masaya, sasayaw. At kapag nasaktan, sisigaw o kaya nama'y iiyak. Hindi kagaya ng mga matitino na kagaya ko, na lahat ng gagawin o sasabihin, kailangan, titimbangin pa.
Laging mayroong hawak na barbeque stick si Minda, iyong mga napupulot niya sa mga itinatapon ng mga mamimili ni Aling Rosa.
At sa tuwing nakikita ko sa kaniyang mga kamay ang bagay na iyon, naaalaala ko ang lahat.
1. A-Biente uno de Oktubre, sa bahagi ng aking kabataan.
Lubos akong nalungkot nang ibinalita sa akin na hindi raw mailalathala ang aking sanaysay sa magasin ng aming pamantasan. Ipinagbawal na raw ni Marcos ang pag-iimprenta at paggamit ng midya, maliban na lamang kung ito ay nagpapatungkol sa mga magagandang nagawa ng kaniyang administrasyon.
Mayroon pa ngang bali-balita na huhulihin ang sinomang makita ng mga militar na nagbabasa ng subersibong mga akda. Ngunit, matalino si Papa. Bumibili siya ng mga aklat at magasin na pabor kay Marcos. Sa pamamagitan ng mga iyon, nakapagsusulat sila ng kaniyang mga kasamahan ng mga akdang bumabatikos sa presidente.
Noon pa mang bago ideklara ang Batas Militar, kung saan-saang pabrika at probinsya na ang pinupuntahan nina Papa. Kahit na hindi sang-ayon dito si Mama, alam naman niya na hindi magpapapigil si Papa sa mga desisyon nito. Sa bahay, siya lamang ang madalas pinakikinggan. Naroon ang pagsasabi niya ng mga hinaing kagaya na lamang ng panggigipit sa mga magsasaka.
Ngayong M.L., mas lalong nagsiklab ang grupo nila. Araw-araw, hanap kami nang hanap ng mababasa. Naghihintay ng mga balita tungkol sa mga kagaya nila, mga aktibista. Sa panahong ito, kahanay nila sa listahan ang mga kriminal, ismagler at mga bandido.
Sunod-sunod ang labas ng peace and order at presidential orders sa mga pahayagan na hawak ng pangulo. Nakasasawa nang basahin. Ngunit, mas nakasasawa ang sistema. Napakarami nang binulag ng gobyerno. Marahil nga, kung hindi ako anak ng isang aktibista, kabilang na rin ako sa mga bulag. Kagaya na lamang ng isa kong guro.
Isang beses, habang nagkaklase kami, ipinagmamalaki niya na mapalad daw ang Pilipinas dahil angat na angat na ito sa ibang mga bansa sa Asya. Ngunit, natandaan ko ang sinabi ni Papa.
"Sir, oo nga't kilala na ang Pilipinas ngayon. Ngunit, sa likod ng magandang imahe na iyon, naroon pa rin ang baluktot na pamamalakad."
Napasinghap siya. Tila nabigatan sa aking sinabi. Simula no'n, araw-araw na niya akong tinambakan ng mga gawain.
Bukod sa pagiging mulat ko sa mga nangyayari ngayon, bilang isang kabataan, laging pumapasok sa aking isipan kung ano na ang aming gagawin ng aking mga kaibigan para magsaya. Mayroon nang curfew. At ang isang grupo na mayroong limang miyembro o higit pa, kailangang humingi ng permit sa Camp Lapu-lapu. Pero, nakagawa ng paraan si William, ang aking nobyo.
Bago mag alas-siyete, pumupunta na kami sa basement ng kanilang bahay. At doon, sinisimulan na namin ang kasiyahan. Dahil paborito ni William ang Betcha by Golly Wow ng The Stylistics, iyon ang una naming ipinatutugtog. Minsan, sa sobrang saya niya, hindi niya maiwasang hawakan ang aking kamay. Mabuti na lamang at hindi ito napapansin ng aming mga kabarkada.
Hindi pa kasi kami handa upang ipaalam ang aming relasyon. Lalo na't parehas kaming lalaki.
Bago pumatak ang alas-dose, nakapagsayaw na kami ng mga kanta ng The Spinners, Bloodstone at ng Tavares.
Ngunit, hindi na ulit nangyari iyon nang hulihin ang aking pamilya ng mga militar.
2. Disyembre 25, at kung magsusulat ka tungkol sa paglaya'y saan mo sisimulan?
Nagsimula ang lahat nang naging tahimik ang buong paligid. Habang pumapatlang ang katahimikan, biglang nahulog ang picture frame na mayroong larawan ng aming pamilya. Dali-dali ko itong pinulot. Basag na ang salamin nito at mayroon nang sira ang kahoy na frame. At sa mga sandaling iyon, alam kong mayroong kakaibang mangyayari.
Nabasag ang katahimikan nang aming narinig ang malalakas na katok sa pinto. Binuksan ito ni Mama. Nagulat kami nang nagsipasukan ang mga sundalo, dala-dala ang kanilang armalite. Kitang-kita ko ang pagbakat ng putikan nilang bota sa sahig ng aming bahay.
Dali-dali nilang hinalughog ang aming mga kagamitan. Ikinalat ang mga libro, itinapon ang mga papeles. Biglang sumigaw ang isang sundalo. Hinahanap si Papa.
"Hindi ko alam," mariing sambit ni Mama. Mayroong tapang ang boses. Ngunit, sa kaniyang mga mata, mababanaag ang isang asawa at ina na punong-puno ng takot.
Ikinaladkad nila kami papunta sa kanilang sasakyan. Iyak nang iyak si Luz, ang aking pitong-taong gulang na kapatid. Nilagyan nila ng piring ang aming mga mata. Naririnig ko ang pagmamakaawa ni Mama sa mga militar, kasabay ng malalakas na tibok ng aking puso. Pulbura, pawis, putik. Naghalo-halo na ang mga amoy sa loob ng sasakyan, ngunit ang pinakanangingibabaw, ang amoy ng takot at pangamba.
Patuloy na umaagos ang luha sa aking pisngi nang mga sandaling iyon. Basang-basa na rin ng pawis ang aking suot na damit. Ngunit, hindi ko maiikilos ang aking katawan upang pahirin ang mga iyon. Unti-unti, ako ay napapikit na lamang.
Nang iminulat ko ang aking mga mata, nabungaran ko ang mga cumulus cloud sa itaas. Naalala ko na ito ang paboritong ulap ni William.
Si William. Hindi ko alam kung muli ko pa siyang makikita, kung masisilayan ko pa ang kaniyang napakagandang mga mata na tila mga bituin na napakasarap titigan.
Tiningnan ko ang aking paligid. Bukirin. Nakita ko si Mama na kausap ang ilang militar. Tila mayroong itinatanong ang mga ito.
Nagulat ako nang mayroong humaplos sa aking braso. Si Luz. Ganoon pa rin ang kaniyang hitsura.
"Kuya, nasaan tayo?" tanong niya. "Gusto ko nang umuwi. Nami-miss ko na si Daisy."
Pilit akong ngumiti. "Hinihintay lang natin si Papa. 'Wag kang mag-alala, mas maganda na naiwan si Daisy sa bahay. Para naman mayroong magbantay sa iba mo pang mga toys, 'di ba?" Iniayos ko ang naka-pigtail niyang buhok at muli siyang ningitian.
Lumapit si Mama sa amin. Tinawagan na raw si Papa. Kapag hindi raw ito nagpakita hanggang bukas, sisiguraduhin daw ng mga sundalo na abo na lang namin ang matatagpuan niya.
Ngunit, lumipas na ang isang buwan. Hindi pa rin siya dumarating. Nagpapasalamat na lamang kami ni Mama dahil hindi kami sinasaktan ng mga militar. Alam kong mayroong mga pagkakataon na nawawalan na siya ng pag-asang babalikan pa kami ni Papa.
Hanggang ngayon, nagtitiis pa rin kaming magsiksikan sa isang kawayan na sahig upang doon matulog. Tuwing gabi, naririnig ko ang tunog ng kuliglig at mga tahol ng aso. Laging umiiyak si Luz dahil sa sobrang init. Kailangan pa siyang kantahan ni Mama nang paulit-ulit upang makatulog.
Sa umaga naman, ako ang nag-iigib ng tubig para sa mga sundalo. Kailangan ko pang dumaan sa putikan upang makapunta sa poso. Nasira na nga ang isang pares ng aking tsinelas dahil sa lalim ng putik. Kinabitan na lamang ito ni Mama ng alambre upang maaari pang gamitin.
Hindi ko alam kung bakit kami ang kailangang magtiis. Unti-unti nang umuusbong ang galit ko para kay Papa. Habang hirap na hirap kami rito, siya, nagtatago lamang sa kung saang lupalop ng Pilipinas. Akala ko, napakatapang niya. Aktibista pa naman din. Iyon naman pala, bahag na bahag ang buntot sa mga militar.
Sabi ni Mama, narinig daw kasi ng mga sundalo ang mga pasaring ni Papa noong nag-rally sila laban kay Marcos. Simula no'n, naging mainit na ang mata ng mga ito sa grupo nila. Hanggang sa inisa-isa na silang hinanap.
Ngayon, nagluluto ang mga sundalo bilang handa sa Pasko. Nakatingin lamang kami sa kanila nina Mama nang biglang mayroong jeep na dumating. Gulat na gulat ako nang bumaba ro'n si Papa, kasama ang dalawang sundalo. Kitang-kita ko sa kaniyang mukha ang sakit.
"Iyan na ang pamilya mo. Umalis na kayo rito!" sambit ng isang sundalo.
Dali-daling pumunta si Papa sa amin at bigla kaming niyakap. Sa unang pagkakataon, magkakasama kaming lumuha.
3. Pebrero 16, araw at simula ng isang katapusan.
Hindi ko na muli pang nakita ang aming bahay pagkatapos ng nangyari. Hindi ko na nasilayan ang aking mga kaibigan. Iniisip ko kung inaalala ba ako ni William, kung tanda niya pa ba ang pangako namin sa isa't isa?
Isinama kami ni Papa sa isang probinsya. Doon, nakatira ang mga aktibista at rebeldeng kagaya niya.
Walang kuryente sa lugar. Bawal ding lumabas sa baryong aming tinitirhan. Bawat kilos, kailangang ipaalam sa lider ng grupo nina Papa.
Nang nagkita-kita kami noong Pasko, sinabi ni Papa na pinuntahan niya raw kami sa bukid na aming pinanggalingan noong tinawagan siya ng mga sundalo. Ngunit, bago pa lamang siyang tutuntong sa lugar na iyon, hinuli na siya ng mga ito at dinala sa Camp Crame. Ilang araw raw siyang pinahirapan at ikinulong. Kahit hindi niya sinabi ang mga detalye, ramdam na ramdam ko ang sakit ng kaniyang pinagdaanan.
Nagsisisi ako na sinabihan ko siyang duwag. Kung nahirapan kami nina Mama sa lugar na iyon, mas doble o triple pa pala ang hirap ni Papa.
Pinalaya lamang daw siya nang isinulat niya ang isang artikulo na nagsasabing walang kuwenta ang mga kagaya niya, isang bagay na alam kong hanggang ngayon ay nagdudulot sa kaniya ng bangungot.
Naghahain si Mama ng aming hapunan nang narinig namin na mayroong nagpaputok ng baril sa labas ng aming bahay. Dali-dali kaming dumapa sa sahig. Wala na naman si Papa. Tiningnan ko ang paligid, wala rin si Luz.
Putang-ina, nakikipaglaro nga pala siya sa labas. Nang napagtanto ni Mama na wala sa loob ng bahay si Luz, dali-dali siyang lumabas ng bahay kaya kaagad ko siyang sinundan.
Tumambad sa amin ang iyakan ng mga tao sa kalsada, ang mga babae na halos hubad na, ang mga lalaki na duguuan, ang uha ng mga sanggol, ang tahol ng mga aso. Ngunit, napukaw ang aming atensiyon sa papaalis na mobile. Nakasakay ro'n si Luz, isinisigaw ang aking pangalan.
Sinubukan namin siyang habulin pero huli na ang lahat. Pagkarating namin sa bahay, nanginginig si Mama. Hindi ko alam kung dahil sa takot, lungkot o galit.
Simula no'n, hindi na rin nagpakita pa si Papa.
***
"Itong stick?" sambit ni Minda. "Ipinasok nila 'yong ganito rito." Natatawa niyang sambit habang itinuturo ang kaniyang ibabang bahagi.
"Bakit ba hindi n'yo magawang ipagamot 'yang si Minda?" saad ni Aling Rosa. "Kawawa naman kasi. Lagi niyang sinasabi na ilang taon daw siyang ginahasa ng mga sundalo ro'n sa kulungan." Inililigpit na niya ang kaniyang mga gamit dahil magsasarado na ang kaniyang tindahan.
Mayroong mga pagkakataon na hindi ko alam kung kailan ako magsasalita at mananahimik. Napakarami nang taon ang lumipas. Ngunit, hindi pa rin nabubura ang lahat ng alaala.
At ang pinakamalaking bakas na naiwan ng mga alaalang iyon ay ang nangyari kay Luzviminda, ang aking kapatid.
— Novo capítulo em breve — Escreva uma avaliação