Masayang namuhay ng tahimik sina Pedro at Caridad. Paminsan-minsan ay lumuluwas sila ng bayan upang mamasyal. Kapag naman nasa laot si Pedro, laging may kaba sa dibdib si Caridad lalo pa't malapit na ang panahon ng tag-ulan. Mahigit anim na buwan na silang nagsasama at ni minsan ay hindi sila nag-away. Sadya lamang na mabait si Pedro at dalangin ni Caridad na sa kanilang pagtanda ay sila pa rin ang magkasama. Ngunit naging masakitin si Pedro nitong mga huling araw. Minabuti nilang magpatingin sa isang manggagamot sa bayan.
Noong araw na lumuwas ng bayan ang mag-asawa, siya naman ang dating ng isang manggagamot na mula Hongkong sa Dapitan. Nabalitaan nila Caridad ang tungkol dito at hinanap nila ang bagong saltang duktor. Ang sabi nang napagtanungan nila ay nanunuluyan sa isang malaking bahay na bato ang duktor. Agad nilang pinuntahan ang kilalang duktor at kahit mahaba ang pila ng mga magpapagamot ay naghintay sila sapagkat hindi raw ito humihingi ng malaking bayad. Hapon na noong sila ay papasukin sa klinika ng duktor.
"Espesyalista ako sa mata at hindi sa mga pangkalahatang sakit ng katawan," bungad ng duktor kay Caridad.
"Duktor... Duktor Jose Rizal, may kumpiyansa ako sa inyong kakayahan na magamot ang aking asawa. Nag-aral kayo sa ibang bansa, tulungan niyo kami," pagmamakaawa ni Caridad.
Walang nagawa ang duktor lalo pa't alam niyang matyagang pumila ang mag-asawa. Sinuri niya si Pedro at mahinahong isiniwalat na may tuberkulosis ang asawa. Namutla si Caridad lalo pa't nakakahawa daw ang sakit na ito. Nanlumo si Pedro sa narinig at tumingin sa mga mata ni Jose Rizal.
"Wala po bang lunas ito?" Nagaalalang tanong ni Pedro. Ayaw niyang mahawaan si Caridad ngunit hindi rin niya kayang malayo sa kanya.
"Kailangan mong magpahinga at uminom ng gamot. Kailangan mo ring palakasin ang baga mo. Bumalik ka sa susunod na linggo at bibigyan kita ng gamot na titimplahin ko," sagot ni Jose Rizal. "Mainam at sa tabing dagat kayo nakatira ngunit kailangang ingatan mo pa rin ang iyong katawan"
Malungkot na umuwi ang mag-asawa. Magkatabi pa ring natulog sila sa banig ngunit nakatalikod si Pedro kay Caridad. Ayaw niyang mahawaan ito. Gusto niya mang yakapin ang asawa upang pawiin ang lungkot nito ngunit wala siyang magawa.
Si Caridad man ay nakatalikod din sapagkat hindi niya maipakita ang luhang tahimik na dumadaloy sa kanyang mukha. Masakit para sa kanya ang kondisyon ng asawa. Hindi niya alam kung ano ang gagawin.
Pinipilit ng mag-asawa na mamuhay ng normal. Lahat ng masusustansiyang pagkain ay inihahain ni Caridad. Nagsimula na rin siya bumuo ng isang hardin ng mga gulay sa likod bahay. Nililinis niyang mabuti ang buong bahay at masinop siya sa mga gamit. Kailangang magtipid sapagkat hindi lahat ng panahon ay mabuti ang karamdaman ng asawa at hindi makapupunta sa laot para mangisda.
Si Pedro naman ay maingat din sa kanyang kalusugan. Gusto niya pang humaba ang buhay na makapiling si Caridad hanggang sa pagtanda. Kahit minsan ay madali siyang mapagod, pinipilit niyang maghanapbuhay. Pinipilit niya ring maging masaya at pasayahin si Caridad. Hindi niya nakakalimutang maguwi ng pasalubong sa kanya tuwing mangangalakal ng isda sa bayan.
"Ano na naman ba itong pasalubong mo?" tanong ng asawa habang tinatanggap ang balot ng pasalubong. Naramdaman ni Caridad na mainit-init ang ilalim ng balot.
"Siempre para sa mahal kong asawa, pansit na paborito niya," masayang tugon ni Pedro saka niyakap mula sa likod ang asawa at isinandal ang baba sa balikat nito.
Napangiti lamang si Caridad sa karinyo ng asawa saka ginulo nito ang mahabang buhok na nakatali. "O sige na at magbihis ka na. Basa na naman ang kamiseta mo. Ihahain ko na ito para sa ating hapunan. May ensaladang talbos ng kamote din ako diyan."
"Napakabuti naman ng asawa ko kaya napakapalad ko sa lahat ng lalaki dito sa buong Zamboanga," ang payabang na sabi ni Pedro habang lalong hinigpitan ang pagkakayakap sa baywang ng asawa.
"At napakapalad ko din dahil sa ang pinakamasipag at pinakamabait na lalaki sa buong Zamboanga ang aking kabiyak," susog naman ni Caridad habang itinutulak si Pedro patungo sa mga lagayan ng damit. Kumuha ito nang bagong kamiseta saka ibinigay kay Pedro.
Nang gabing iyon sa banig, sinikap ni Caridad na magkaharap silang nakahiga. Hinaplos nito ang pisngi ng asawa, sumunod ang panga at buhok nito. Tinitigan niya ang malamyang mga mata nang asawa at nagsabi, "Pedro, iniibig kita. Ikaw lang ang lalaking mamahalin ko hanggang sa huling sandali ng aking buhay."
Biglang nabuhay ang malamyang mata ni Pedro sa narinig. Pakiwari niya ay lumukso ang kanyang puso at uminit ang buo niyang katawan na nagpasigla dito. Hinawakan niya ang kamay ni Caridad na humahaplos sa kanyang mukha at hinalikan niya ang palad nito. "Caridad, iniibig din kita. Ipagpaumanhin mong ngayon lang lumabas sa aking mga labi ang salitang iyan. Alam mo namang mahina ako sa pananalita ngunit ipinapakita ko naman sa gawa."
Biglang kumislap ang mga mata ni Caridad. May bumubuong mga luha sa gilid ng kanyang mga mata. Hindi na nito napigilan ang umiyak. Sa wakas narinig niya rin ang pinakahinhintay niyang mga kataga mula sa mga labi ni Pedro. Kahit noong ikasal sila ay hindi man lang nito nasabi sa kanya. Ngunit madalas ipadama sa kanya ang pagmamahal ng asawa. Sa mga yakap, sa mga biro, sa mga pasalubong, sa kanilang pagpapasyal sa bayan, kahit ang mga mumunting kilos tulad ng pagsilid ng naliligaw na buhok sa kanyang tainga. Parang isang mababasaging kristal ang turing sa kanya ni Pedro. Maingat siya sa kanya, banayad sa kilos at salita. Kahit sa unang gabi nila ay inaalala pa rin ni Pedro kung nagdulot ang kanyang mga kilos ng sakit sa kanya.
Pinahid ni Pedro ang mga luha ni Caridad ng kanyang mga labi. Marahan niyang hinalikan ang mga mata nito at ang mga pisnging dinaluyan ng mga luha ng asawa saka binaling ang labi sa mapupula at malalambot na labi ni Caridad. Tinanggap ng buong puso ni Caridad ang mga halik ng asawa, ang mga hagod ng magaspang na kamay nito sa kanyang dibdib, baywang at binti na nagpanginig sa buo niyang katawan. Sa isang sandali pa ay nakapatong na si Pedro kay Caridad.
Hindi pa lumalalim ang pagtulog nila Pedro at Caridad nang bigla nilang narinig ang isang malakas na pagkulog at paghampas ng alon sa kanilang kubo. Sa gitna nang mainit nilang pagtatalik hindi na nila napansin ang malakas na huni ng hangin sa labas ng kanilang kubo.
Sa bawat hampas at buhos ng ulan, unti-unting sinira ang bagong tayong tahanan ng mag-asawa. Natumba ang mga poste gawa ng pagguho ng mga buhangin. Ang mga pawid na pader ay tinangay na ng hangin. Maging ang bangka ni Pedro ay inanod na sa malayo ng alon. Wala na ang kanilang tirahan. Nasira na nang bagyo ang kanilang mga tinanim. Tanging ang mag-asawa na lamang ang natitirang sumusubok na makatayo sa gitna ng dalampasigan.
Sinusubok ni Pedro na abutin ang kamay ni Caridad na tinatangay ng malakas na hangin. Mabuti na lamang at hindi siya natangay ng alon. Nakakapit si Pedro sa manipis na katawan ng niyog at nabitawan niya si Caridad nang mapulupot ang mga paa nito sa madulas na lambat. Ginapang ni Caridad ang buhangin upang makarating kay Pedro. Parehong nakaunat ang kanilang braso at kamay. Sa sobrang lakas ng hangin nahipan nito ang mga buhangin at napuwing ang mga mata ni Caridad. Lalong hindi niya makita si Pedro sa gitna ng malakas na ulan. Inanod ng ingay ng hangin at hampas ng alon ang sigaw ni Pedro.
Bumitiw si Pedro sa puno ng niyog at maingat na gumapang sa buhangin patungo kay Caridad. Nang maramdaman niya ang katawan ng asawa, pumaibabaw si Pedro sa likod ni Caridad at isinangga ang kanyang katawan sa marahas na ihip ng hangin, sa mabagsik na alon at sa matatalas na patak ng ulan.