Kaagad lumipad sila Axel at Dani sakay ng private jet ng binata pabalik sa Manila. Nung una ay ayaw sanang pumayag ni Axel pero hindi tumigil sa kaiiyak si Dani kaya wala siyang nagawa kundi sundin ang gusto ng dalaga.
Pagdating nila sa Holy Angels Orphanage ay dinatnan nilang halos abo na ang buong bahay. Pagkakita ng mga bata kay Dani ay nagsilapitan ang mga ito at niyakap si Dani. Nandoon na din sila Arthur at Esther, sila Aubrey at Cleo, pati sila Benjamin at Eleonor ay nandoon na din.
Ang mag-asawang Benjamin at Eleonor ay isa na din sa mga benefactors ng nasabing ampunan. Pati na din si Blaze na isa na ding benefactor matapos ang karera ay nandoon na din at inaalo ang mga batang nag-iiyakan. Si Axel ay nilapitan at niyakap din ng ibang bata.
"Saan na po kami titira ngayon, Ate Dani. Wala na po kaming bahay." Sabi ng isang batang humihikbi. Pinahiran ni Dani ang mga luha ng bata. "Huwag kayong mag-alala. Magpapatayo tayo ulit ng bagong bahay. Sa ngayon ay maghahanap muna tayo ng matitiran ninyo pansamantala." Sabi ni Dani. Natuwa ang mga bata na kahit mga humihikbi ay nakuha naman ngumiti.
Magang-maga na ang mga mata ni Dani sa kakaiyak. Nilapitan siya ni Axel matapos ibaba ang batang karga. "Tama na ang pag-iyak. Kagagaling mo lang sa ospital. Baka makasama sa iyo yan." Paalalang sabi ni Axel. "Ok lang ako. Iniisip ko ang mga bata. Saan natin sila pwedeng patuluyin?" Tanong ni Dani. Nag-isip din si Axel.
"Sa Karozza!" Sabi ni Axel. "Ha? Ang layo naman!" Gulat na sabi ni Dani. Natawa si Axel at pinitik ang noo ni Dani. "Aray ha!?" Sabi ni Dani na hawak ang noo. "Kung malapit nga lang ay pwede din doon. Mapagbenta sila ng sasakyan." Nakatawang sabi ni Axel. Ang sinasabi ko ay yung nasa PGM. Halos tapos naman na ang building. Pwede na doon muna sila magstay." Sabi ni Axel. "Talaga? Pero paano makakagawa ang construction workers kung nandoon ang mga bata." Takang tanong ni Dani. Kumamot ng ulo si Axel.
"Actually, pinatigil ko muna ang construction kasi gusto ko munang unahin ang safety mo." Nakangiting sabi ni Axel. Namula naman si Dani. Hindi nakapagsalita ang dalaga dahil sa nalaman.
"Ehem, ehem." Sabi ni Aubrey na lumapit sa dalawa. "Pwede bang mamaya na yang lambingan ninyo. Ang bibigat ng mga batang ito. Lumalaki na ang mga muscles ko." Sabi ni Aubrey na buhat ang dalawang batang nakatulog na. "Oo nga, mga cute sila pero daig pa ang semento sa bigat. Ano bang pinapakain sa mga batang ito?" Sabi naman ni Cleo na may buhat din dalawang bata. Ganoon din ang itsura ng mag-asawang Arthur at Esther, pati ang mag-asawang Benjamin at Eleonor. Ultimo ang gwapong si Blaze ay may buhat din na dalawang bata. Ang mga bodyguards, sa pangunguna ni Dalton, na nagkarga na din ng mga bata. Noong una ay ayaw sa kanila ng mga bata dahil sa istriktong itsura nila pero ng sabihin ni Dani na mababait sila ay saka lang sumama ang mga bata sa mga bodyguards.
"Pero nakakamiss din ang mag-alaga ng mga bata. Kailan kaya tayo makakabuhat ng mga apo natin?" Tanong ni Eleonor na nakatingin kay Axel at Dani. Ngumisi si Axel, namula naman si Dani.
"Uncle, baka pwedeng sa Event Center muna sila ng PGM mag-stay. Ipapalinis ko muna ang Karozza para bukas ay pwede ng silang lumipat doon." Sabi ni Axel. "Oh, sige. Tatawagan ko agad ang mga maintenance para mag-ayos. Heto, ikaw muna ang magbubuhat sa mga bata." Sabi ni Arthur at iniabot ang dalawang batang halos gasing bigat ng isang kabang bigas.
Nang maiayos na ang Event Center ay dinala na agad grupo ni Dani ang mga bata sa mall sakay ng dalawang bus na ni-rent nila. Hinarang ang buong Event Center ng puting tela. Nilatagan ng mga mattress foam ang sahig na may kasamang unan at kumot.
Nasa balita ang naging sunog sa ampunan at dahil alam ng tao na ito ay sinusuportahan ni Daniella Monteverde at Axel Monteclaro, hindi sila nagdalawang isip na magpadala ng tulong. Madaling araw pa lang ay punong-puno na ng tao ang mall hindi dahil sa mga mamimili kundi dahil sa mga gustong tumulong sa mga bata sa ampunan.
Nagpunta na din sila Sydney at Phoebe ng makita nila ang pangyayari sa social media. Si Dion ay nag-order agad ng pagkain para sa mga bata at siya mismo ang nagdala sa PGM. Abala ang lahat, hindi nila alam na may nakapasok na sa loob ng PGM na iba ang sadya.
"Sisteret, kumain ka muna, tingnan mo itsura mo. Kalalabas mo lang sa ospital eh baka mabalik ka doon." Nag-aalalang sabi ni Dion sa kaibigan. "Ok lang ako." Sagot ni Dani. "Anong ok, maputla ka pa sa suka, girl!" Sabi ni Dion na ikinangiti ni Dani. "Kumain na ba ang iba?" Tanong ni Dani. "Oo naman. Ikaw na lang at si Axel ang hindi pa kumakain." Sagot ni Dion.
Luminga-linga si Dani at nakita niya na kumain na din ang iba habang sinusubuan ang mga bata. "Sandali." Sabi ni Dani at lumakad papunta kay Axel. "Ay, talaga naman, hindi kakain ng hindi kasabay ang jowa!" Sabi ni Dion. Lumingon lang si Dani at ngumiti.
"Matagal ka pa?" Tanong ni Dani na tumabi sa nakasalampak sa sahig na si Axel. "Sandali na lang. Bakit?" Tanong ni Axel. "Kain na tayo. Nagugutom na baby natin." Nakatawang sabi ni Dani. Natawa din si Axel. "Pinangatawan mo na talaga na may baby tayo ha? Ano yan, babae o lalake?" Tanong ni Axel. "Alin lang sa dalawa, hangin o dumi lang to." Sabi ni Dani at parehas silang tumawa.
"Ha'ay naku, ako na ang magpapakain sa batang iyan at hinahangin ng pareho ang utak ninyo." Sabi ni Dion na nakalapit na pala sa kanila. "Baby talaga ha? Eh wala pa nga yatang nangyayaring digmaan, baby pa?" Sabi ni Dion at natawa ang dalawa. Inakbayan ni Axel si Dani. "Huwag kang mag-alala pare, ninong ka kapag nakabuo kami." Nakatawang sabi ni Axel. "Naku, Axel! Kinikilabutan ako sa iyo. Ninang ako, ninang!" Sabi ni Dion at lumayong tumatawa ang dalawa.
"Nga pala, dahil naging maganda ang sales ng magazine ko dahil sa inyo, May incentives kayo sa akin. Pero saka ninyo na malalaman. It's a surprise!" Sigaw ni Dion perp isang kaway lang ang isinagot ni Axel.
"Ma'am, nandito na po kami sa loob." Sabi ng isang lalake. "Good! Get her then." Sabi ni Britney. "Ah, eh, ma'am, baka po mahirapan kami. Madami po kasing nagbabantay na bodyguard." Sabi ng lalake. "Damn! I don't care kung paano ninyo siya makukuha. Hindi ko kayo binabayaran ng malaki para lang tumanga kayo dyan!" Sigaw ni Britney bago pagalit ng inihagis ang phone.
"Tapos na ang pagtatago Daniella. Pinasaya na kita so ako naman." Sabi ni Britney saka tumawa na kala mo baliw.