Pero nanatiling walang imik si Qiao Anxia, na halatang ilang na ilang, at
pagkalipas ng halos kalahating minuto, doon niya lang niya dahan-dahang
iniangat ang kanyang ulo para silipin si Qiao Anhao.
Masayang itong nakangiti habang naghihintay na kunin niya ang mangkok na
hawak nito, pero dahil sa mga personal niyang dahilan, hindi niya ito kayang
tignan ng matagal kaya dali-dali niyang ibinaling ang tingin niya sa iba at kinuha
ang mangkok ng mama niya bago siya muling yumuko para humigop ng sabaw.
At dahil dito, muli nanamang bumigat ang paligid.
Hindi makapaniwala si Qiao Anhao na ganun ang gagawin ni Qiao Anxia kaya
bigla siyang natigilan.
Mula palang noong bumaba ng hagdanan si Qiao Anxia, hindi na natutuwa si Lu
Jinnian sa pambabastos na ginagawa nito kay Qiao Anhao. Pinilit niyang
magtimpi bilang respeto na rin kina auntie at uncle Qiao, pero sa pagkakataong
ito hindi niya na matiiis na makitang napapahiya ang asawa niya kaya bigla
siyang tumayo para paupuin ito at kausapin ng mahinahon, "Tama na, buntis ka
ngayon kaya dapat unahin mo ang sarili mo."
Dahan-dahan niyang hinalo ang sabaw at tinanggal ang mga mantikang
lumulutang bago niya maingat na isubo kay Qiao Anhao.
Maging si uncle Qiao ay hindi na rin natutuwa sa mga ikinikilos ni Qiao Anxia
kaya tinignan niya ito ng masama para balaan, pero para hindi naman tuluyang
masira ang mood ng lahat, masaya siyang tumingin sa dalawa at binago ang
usapan, "Qiao Qiao, sobrang swerte mo naman at nakahanap ka ng napaka bait
na asawa."
"Hindi po yan totoo. Ako po ang maswerte na pinakasalan po ako ni Qiao Qiao,"
magalang na sagot ni Lu Jinnian habang maingat na sinusubuan si Qiao Anhao
ng mga paborito nitong pagkain, at nang maubos na ang laman ng plato nito,
muli niya itong pinuno ng iba pang mga paborito nito.
"Jinnian, grabe! Kilalang kilala mo talaga si Qiao Qiao ah! Alam na alam mo
yung mga paborito niya," Kinikilig na papuri ni auntie Qiao.
Magalang na ngumiti si Lu Jinnian bilang sagot bago niya silipin si Qiao Anxia,
na halatang lalong sumimangot.
Kung siya lang, kanina niya pa ito gustong patulan pero dahil alam niyang mahal
na mahal ito ni Qiao Anhao, wala siyang magagawa kundi intindihin ito.
Pero walang ibang halong rason, dahil ang gusto niya lang ay mapasaya si Qiao
Anhao.
Alam nila pareho ni Qiao Anxia na ito ang may kasalanan kay Qiao Anhao, at
kung nasaktan man ito, siya lang ang dapat sisihin, kaya hindi niya hahayaan na
pagbuntangan nito ng galit ang inosente niyang asawa.
Oo, baka nga nasaktan niya talaga ng sobra si Qiao Anxia at wala siyang
pakielam kahit habambuhay na siyang kamuhian nito, pero wag naman sana
nitong idamay si Qiao Anhao dahil isa sa pinaka kinatatakutan niya ay ang
makita itong nalulungkot.
Kumuha si Lu Jinnian ng isda at hinimay ito bago niya ilagay sa mangkok ni
Qiao Anhao. Noong napansin niyang nakasilip sakanila si Qiao Anxia, hindi siya
nagpa apekto at imbes na mailang ay kumuha siya ng tissue para punasan ang
mga labi ni Qiao Anhao.
Nabanggit ni Qiao Anhao sa auntie at uncle niya na naghahanda na sila para sa
nalalapit nilang kasal at kahit hindi siya tunay na anak ng mga ito, kahit kailan
ay hindi niya naramdaman na trinato siya ng mga ito na mas mababa kaysa kay
Qiao Anxia.
Kaya habang kumakain sila, sinamantala nila ang pagkakataon na pagusapan
ang ilang detalye tungkol sa kasal. Marami rami na rin silang napagkasunduan
nang biglang tumingin si auntie Qiao kay Qiao Anxia at nang'iintrigang
nagtanong, "Xia Xia, kailan niyo ba balak magpakasal ni Cheng Yang? Kung
mauuna kayo kina Qiao Qiao at Lu Jinnian, edi sila ang magiging bridesmaid at
groomsman niyo, pero kung mas maaga sila, edi kayo nalang muna sa kasal
nila!"
Malungkot na nga si Qiao Anxia dahil kay Lu Jinnian at ngayon naman binanggit
pa ng mama niya ang pangalan ni Cheng Yang kaya lalo pa siyang nalugmok
dahil naalala niya nanaman na halos kalahating buwan na noong bigla nalang
siyang hiwalayan nito at simula noong gabing yun, hindi na siya tinawagan nito
ulit… kahit isang isang beses.
*THUD!*
At sa pagkakataong ito, hindi niya na talaga kayang magtimpi kaya bigla niyang
dinabog ang hawak niyang chopsticks sa lamesa.